Kabanata 13:
Paghahatol
NATIGILAN ang klase nang pumasok sa loob ng silid-aralan ang isang matangkad na lalaki, may katamtamang katawan ito, at maputla ang kulay ng balat. Tawag pansin din ang kulot nitong buhok na kulay tsokolate at pati na rin ang porma nitong angkop sa tinatawag nilang 'millenials'.
"Good morning, class! Today I will be your new EP teacher!" abot tenga ang ngiti nito habang nakatulala at tahimik pa rin ang klase. "My name is Karlheinz Ocampo but you can call me Sir Karl!"
Muntik nang maubo si Rahinel dahil sa gulat niya nang makita ang kaibigang si Karl. Sumulyap ito sa kanya at nakangiti pa rin nang makahulugan.
Nang makauwi si Rahinel noong araw na 'yon mula sa eskwelahan ay kaagad niyang hinanap si Karl.
"Anong ginawa mo, Karl? Anong EP teacher?" maang niyang tanong nang makita si Karl sa kusina, tumutulong sa paghihiwa ng patatas. Nag-angat ng tingin si Karl. ngumiti nang makita siya.
"Surprised?"
"Bakit hindi mo sinasabi sa akin?"
"Sorry kung hindi ko sa'yo naipaalam kaagad, gusto ko lang naman makatulong sa paghahanap mo habang nandito ako," sabi nito habang naghihiwa. "Baka gusto mong magpalit muna ng pambahay?" naka-suot pa rin kasi siya ng school uniform pero hindi niya ito pinansin.
"Karl, hindi naman ako galit. I'm just concern about your work, paano ang trabaho mo sa UP? 'Di ba naka-leave ka?"
"I resigned," kalmado nitong sagot.
"Ano?!"
Tumayo si Karl, pagkatanggal ng apron ay naghugas muna ng kamay bago humarap sa kanya, at pagkatapos ay sumenyas ito sa kanya na roon sila sa sala mag-usap para hindi marinig ng mga kasambahay.
"Rah, don't worry about me, okay? I can always come back to UP, but as of the moment I want to help you to find the princess," seryosong sabi sa kanya ni Karl, tinapik siya nito sa balikat. "My ancestors failed to help you and this time I am determined to complete their mission. Besides, gusto ko ring magpahinga muna rito sa probinsya."
"Salamat, Karl," iyon na lamang ang kanyang sinabi. Nang maalala ni Rah ang eksena kanina sa classroom ay hindi niya napigilang matawa. "Pero EP subject talaga ang ituturo mo?"
"Geez, wala akong choice, iyon lang ang pwede kong makuhang subject dahil nataong naka-maternity leave 'yung teacher na pinalitan ko," bahagyang sumimangot si Karl pero muli ring sumeryoso, "anyway, magiging interesado ka sa mga nalaman ko sa pag-iimbestiga ko."
"Ano 'yon?"
Luminga-linga pa si Karl sa paligid at nang masigurong walang ibang tao na nakikinig ay nagsalita ito.
"Last week ay nagkaroon ng insidente sa St. Rose High School, kumalat ang tsismis na may tatlong estudyante ang 'di umano'y nakakita ng kapre, aswang, at tikbalang," mahinang sabi ni Karl. "Siyempre, sinong maniniwala? Naging isa lamang itong malaking katatawanan."
"Saan mo nalaman ang tungkol diyan?"
Napahinga nang malalim si Karl bago sumagot, "Pinagana ko ang Sherlock instincts ko," pagmamalaki nito dahil fan kasi ito ng detective fiction, "nagtanung-tanong ako hanggang sa napag-alaman ko mula sa isang gwardiya ang nangyari. Maaaring makatulong ang impormasyon na 'yon."
"Nalaman mo ba kung sino ang tatlong estudyante?" tanong niya ulit.
Nilabas ni Karl ang cellphone upang tignan sa notes nito ang mga pangalang ibinigay ng guard.
"Arissa Kim Bonifacio, Leonardo Makusug, at si Mayumi Garcia. Sila ang mga estudyanteng na-report sa guidance sa sinabing prank daw."
Natulala si Rahinel matapos marinig ang mga pangalan, hindi siya nagkakamali dahil mga kaklase niya ang mga estudyanteng binanggit ni Karl. At higit sa lahat, kasama si Mayumi o Yumi sa kanila! Nagkaroon siya ng hinala.
"Rah, what's wrong?" tanong ni Karl sa kanya nang mapansin ang kakaiba niyang eskpresyon sa mukha.
Tumingin siyang muli kay Karl at sinabing, "Salamat sa impormasyon."
Ngayong alam na niya na malaki ang tsansa na mahanap niya ang kanyang hinahanap. Sa impormasyong narinig niya kay Karl ay mas lalong tumibay ang kanyang hinala.
'Kailangan kong mapalapit kay Yumi,' sa loob-loob ni Rahinel nang pumasok siya sa bahay.
*****
ILANG araw na rin ang lumipas at patuloy pa rin ang pag-eensayo ni Arki at Shiela. Normal na rin naman ang sitwasyon sa eskwelahan maliban sa isang pagbabago, palagi na kasama nila Arki, Yumi, at Leo si Roni tuwing lunch at vacant period.
Katulad na lamang ngayon sa canteen, marami pa ring mga tao ang nagsisiksikan. At dahil mayroon pa ring kaunting pagkabigla si Arki sa mga pangyayari ay hindi na muna sila bumabalik sa rooftop ng old building.
"Arki, bakit hindi pa kasi kayo umamin sa amin?" sabi ni Yumi habang hinahalo ang milkshake na binili. Magkatabi sila ni Leo at kaharap si Arki at Roni.
"Oo nga, Arki, ilang araw na rin naman nating kasama 'tong si Roni boy, tsaka pasado naman na siya sa'min. Ano ba talaga label niyo?" sinundan 'yon ni Leo sabay subo ng malaki.
Halos umikot ang kanyang mga mata sa pangungulit ng kanyang mga kaibigan, hindi pa rin kasi siya tinatantanan ng mga 'to at hindi naniniwala sa kanya na tropa lang sila ni Roni.
"Alam niyo, ilang beses ko bang kailangang sabihin na walang something sa'min ni Roni. Magkaibigan lang kami," sagot niya na parang hindi niya katabi si Roni.
"Talaga ba?" pang-aasar pa lalo ni Yumi. "Parang alam ko na 'yang mga ganyang linyahan. Pero 'di nga, MU kayo?"
"Anong MU? As in 'Mukhang Unggoy'?" inosente niyang tanong at nagtawanan naman ang mga kaibigan niya.
"Mutual Understanding o 'di naman ay Malabong Usapan!" si Leo. "At saka don't worry, 'di naman namin kayo isusumbong kay Lola Bangs mo."
Hinilot na lang ni Arki ang sentido dahil pakiwari niya'y sasabog 'yon sa pangungunsumi sa mga kaibigan niya.
"Roni, nililigawan mo ba ang best friend ko?" muntik nang mabuga ni Arki ang kinakain nang marinig niya ang prangkang tanong ni Yumi sa katabi niya. Huminto naman sa pagkain si Roni na kanina pa tahimik at pangiti-ngiti lang sa pang-aasar sa kanila.
"Hindi, magkaibigan lang kami," nakangiting sagot ni Roni.
"Aww, Arki, basted ka na 'agad." Kaagad 'yon sinundan ng pang-aasar ni Leo.
"Leo, uupakan na talaga kita." pinakita niya ang kamao kay Leo at tumigil naman 'to.
Habang kumakain sila'y 'di kalayuan ay naglalakad si Rahinel habang dala ang tray na naglalaman ng kanyang pagkain, naghahanap siya ng mauupuan subalit wala ng bakanteng mesa.
"Uy, Rahinel, dito!" biglang kumaway si Leo, napatingin sila Arki rito, at nakita kung sino ang tinawag ni Leo. Kaagad namang naglakad palapit sa kanila si Rahinel.
"Close kayo?" nakakunot noong tanong ni Arki.
"Kanina lang kami nag-usap, nakita niya kasi 'yung drawings ko eh, haha!" tuwang-tuwa si Leo at base sa reaksyon nito'y mukhang magaan ang loob nito sa transferee student. Wala naman ng nagawa sila Arki nang umupo si Rahinel sa tabi ni Yumi.
Napansin ni Arki ang kakaibang kilos ni Yumi, bigla itong nailang. Samantala, si Leo naman ay masiglang dinaldal si Rahinel kahit na pinapagitnaan nila si Yumi na hindi na nagsalita.
'Bakit ba nandito 'tong kumag na 'to?' sa isip-isip ni Arki habang tinitingnan si Rahinel.
*****
BUMALIK na sila ng kanilang mga classroom, at dahil iba ang section ni Roni, humiwalay na siya kila Arki dahil nasa west wing ang kanilang silid-aralan. Naglalakad si Roni sa mahabang hallway kung saan walang masyadong tao, dumaan kasi siya sa shortcut kung saan madadaanan ang mga science laboratory sa third floor ng east wing papunta sa kanilang building.
Huminto bigla si Roni sa paglalakad.
"Stop following me," aniya nang hindi lumilingon. Naramdaman niya na lumabas mula sa pinagtataguan nito ang taong kanina pa nakasunod sa kanya. "Why are you following me?" pumihit siya paharap sa salarin at nakita ang isang matangkad na estudyanteng babae na may maikling buhok, kapansin-pansin ang walang emosyong mukha nito.
Humakbang ito papalapit at huminto ng may ilang pulgadang lapit sa kanya.
"Roa Nikolo Corpuz," sambit ng babae sa kanyang pangalan. Napatingin siya sa nameplate nito at nakita ang pangalan nito.
Vivienne O. Donohue (SSG Vice-President)
Biglang kumabog ang puso ni Roni nang mabasa ang pangalang 'yon. 'Hindi... Baka... coincidence lang 'to.' pilit niya sa kanyang isip.
"Anong kailangan ng Vice-President ng SSG sa akin?" malamig niyang tanong habang nakapamulsa, tinatago ang kanyang pagkabahala.
"I'm going to kill you."
Tila umihip nang malamig ang hangin sa pagitan nilang dalawa. Namayani ang nakabibinging katahimikan. Maya-maya'y sinundan 'yon nang malakas na tawa ni Roni, umiling-iling na lang siya at naisip niya na malakas ang tama ng babaeng nasa harapan niya ngayon.
"Bangag ka 'ata o 'di kaya'y nagdodroga," sabi niya sabay talikod.
"Ikaw ang tikbalang."
Napahinto si Roni. Nanigas siya sa kinatatayuan dahil para siyang binuhusan nang malamig na yelo. Dahan-dahan siyang lumingon kay Vivienne at nakita niya 'tong may hawak na cellphone na may nagpe-play na isang video clip.
"I have the evidence to condemn you, Roa Nikolo, the horse-demon. And I sentence you to die."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top