/12/ Ang Tikbalang


Kabanata 12:
Ang Tikbalang


HINDI siya makapaniwala sa nakikita ngayon. Si Roni ay nag-anyong tikbalang! Natulala lamang si Arki noong mga sandaling 'yon, iniisip na isa lamang panaginip ang lahat.

Naglikha ng ingay ang tikbalang nang magpakawala ito ng sigaw habang nakatingala sa bilog at maliwanag na buwan.

'S-shet, mukhang hindi nga 'to panaginip,' sa isip ni Arki. Kinapa niya sa likuran ang dalawang yantok.

Kasinglakas ng tambol ang kabog ng kanyang dibdib. Nanginginig ang kanyang mga binti at braso subalit wala siyang ibang magawa. Hindi niya mabuksan ang pinto at walang tulong na sasaklolo.

'Arki, kumalma ka. Huminga ka ng malalim. Inhale. Exhale.'

May hinuha siya na si Roni ang tikbalang na nagligtas sa kanya noong naka-engkwentro sila ng aswang. Nagbaka sakali siyang hindi siya sasaktan ng tikbalang ngayon.

"R-Roni?" mahinang tawag niya.

Dahan-dahang tumingin sa kanya ang tikbalang, at mas napagmasdan niya ito nang maigi. May taas na siyam na talampakan, malaki ang pangangatawan at may ulo ng kabayo, nanlilisik ang mga mata,

"A-Ako 'to si Arki," aniya sabay turo sa sarili.

Subalit sa isang iglap ay biglang sumugod ang tikbalang. Sa kabutihang palad ay maliksi si Arki. Nakatalon siya sa gilid at naiwasan ito. Tumama ang tikbalang sa may pintuan kaya nasira ang pinto.

Habol ni Arki ang hininga habang kumakabog nang malakas ang kanyang dibdib sa sobrang kaba.

'Bakit hindi niya ako nakikilala? Pero siyang siya ang Tikbalang na naglitas sa akin noon mula sa pag-atake ng aswang!' sigaw ni Arki sa kanyang isip.

Humarap muli ang tikbalang at dahan-dahan itong naglakad patungo sa kanyang kinaroroonan.

Wala siyang ibang nagawa kundi umatras hanggang sa mapasandal siya sa kalawanging rehas. Lumingon siya at tumingin sa ibaba, imposibleng mabubuhay siya kung tatalon siya sa gusali.

Tumingin muli si Arki sa tikbalang, unti-unti na siyang kinain ng takot.

'Hindi, Arki, hindi ka dapat matakot.' Napailing siya nang sunud-sunod para iwaksi ang pagkabahala.

Pumikit siya saglit at inalala ang mga taong mahal niya, pumasok sa kanyang isip ang kanyang Lola Bangs at Ate Shiela.

Itinaas niya ang kanyang kamay at mas hinigpitan ang paghawak sa dalawang yantok. Buong loob na sumugod siya sa tikbalang upang hatawin ito subalit laking gulat niya nang kaagad nitong mahawakan ang yantok.

Inagaw ng tikbalang ang yantok mula sa kanyang kamay at inihagis sa tabi. Hindi siya nawalan ng loob at kaliwang kamay ang hinataw niya subalit muli na namang naagaw ng tikbalang ang yantok at inihagis sa tabi.

Sa pagkakataong ito ay napaatras si Arki, tiningala niya ang tikbalang habang umaatras. Nang bigla siyang natisod, itinukod niya ang dalawang siko para subukang bumangon. Itinaas ng Tikbalang ang malalaki nitong braso.

Napapikit siya at hinintay ang sakit.

Tch!

Kaagad siyang nagmulat at nakita ang isang maliit na bala pana ang tumama sa gilid ng leeg ng tikbalang. Tumingin siya sa pinanggalingan nito subalit wala siyang nakita.

Muling tumingin si Arki sa tikbalang at nakitang madadagan siya nito kaya kaagad siyang gumulong sa gilid.

'P-patay na ba siya?' tanong niya sa isip.

"Roni?!" kaagad niyang dinaluhan ang walang malay na tikbalang.

Hinugot niya ang balang tumama sa leeg nito, isang tranquilizer. Napatanong siya sa isip kung sino ang may kagagawan nito.

"Anong dapat kong gawin?" napatingin siya sa pintuan at nakita ang sirang pinto. Kung tutuisin ay pwede na niyang iwanan ang tikbalang subalit nangibabaw sa kanya ang pag-aalala kay Roni.

Pinilit niyang pakalmahin ang sarili nang bigla niyang maalala si Lola Bang. Biglang pumasok ang isang memorya mula sa nakaraan, noong bata pa lamang siya'y mahilig siyang makinig sa mga kwento ni Lola Bangs, mga kwentong alamat at puno ng hiwaga.

Naalala ni Arki ang kwento tungkol sa tikbalang—kung paano ito mapapaamo.

Sa likurang bahagi ng anyong kabayo nito'y matatagpuan ang tatlong ginintuang hibla ng buhok. Sa oras na mabunot ang tatlong ginintuang buhok na 'yon ay magiging isang tapat na tiga-silbi ang tikbalang ng sinumang makabunot nito.

Kahit na hindi sigurado ay hinanap ni Arki ang tatlong ginintuang hibla ng tikbalang. Hindi siya sumuko hanggang sa nakita niya ang tatlong ginintuang hibla!

"T-Totoo nga!" sa galak ni Arki'y kaagad niya itong binunot. Sumigaw bigla ang tikbalang, tumalsik siya sa tabi sa sobrang gulat. Pero muli itong nawalan ng malay hanggang sa unti-unti itong bumalik sa normal na anyo.

"Roni!" kaagad niyang dinaluhan si Roni, sira-sira ang pang-itaas nitong damit. Pilit niya itong ginising.

Dahan-dahang nagmulat ang mga mata ni Roni.

"H-Huy!" tawag niya. "Okay ka lang?"

Habol ni Roni ang kanyang hininga at pinilit nitong bumangon.

"U-Umalis ka na." Nagulat siya nang tabuyin siya nito.

"Pero—"

"Sabi nang umalis ka na!" natakot siya sa sigaw ni Roni kaya sinunod niya ito.

Dali-dali niyang nilisan ang lugar na 'yon na para bang walang nangyari. Naiwan si Roni at napayakap ito sa sarili sa ilalim ng bilog na buwan.


*****


PAGPASOK ni Arki ng silid-aralan kinabukasan ay sumalubong sa kanya ang maangas na si Jaakko, nasa likuran nito ang mga alipores. Inirapan niya lang sila nang mapansin niya ang kakaibang ngisi sa mukha ni Jaakko.

"Huhulaan ko kung kanino galing 'yan," sabi niya kay Yumi nang maka-upo siya. "Sabi ko na nga ba't magaling sumalisi 'yang unggoy na Jaakko na 'yan." Tinago ni Yumi ang hawak na rosas sa bag.

"Oh, baka sirain mo na naman 'yung rose, sayang," sabi ni Yumi. "Are you okay? Bakit parang ang laki ng eyebags mo?" nag-alala ito bigla.

"Ah, wala naman, napuyat lang kakaaral," palusot niya.

"Weh?!" biglang sumulpot si Leo at halos mapatalon siya sa gulat.

"Leo, ano ka ba naman," saway niya subalit hindi siya pinansin nito.

"Guys! Excited na 'kong matapos 'yung mga costumes at weapons!"

Habang wala pa ang kanilang guro ay nagkwentuhan muna silang tatlo. Kanya-kanyang mundo rin ang kanilang mga kamag-aral nang mapansin ni Arki ang bagong salta sa harapan ni Yumi, tahimik ito at walang kinakausap.

"Arki? Huy!" nagulat na lang siya nang pumitik-pitik si Leo. "Sabi ko kailan ako pwede pumunta sa bahay niyo para sukatan ka?"

"Ha?"

"Hala, lutang?"

"Puyat daw kasi siya kaka-aral," pang-aasar ni Yumi at tumawa sila. Tumawa na lang din siya kunwari dahil ang totoo nababagabag pa rin siya sa nangyari kagabi. Wala na namang kaalam-alam ang kanyang Ate Shiela at Lola Bangs sa nangyari, pati ang mga kaibigan niya.

Sumapit ang tanghalian, pinilit ni Arki na sa canteen na lang sila kumain. Ayaw niya munang balikan ang lumang rooftop dahil sa insidente. Nasa kalagitnaan sila nang pagkain nang may lumapit sa kanila.

"Arki." Nasamid siya bigla nang marinig kung kaninong boses 'yon. "Pwede ba tayong mag-usap?"

"S-Sige," sagot niya. Tumingin siya kila Leo at Yumi na may malaking tandang pananong sa mukha, pati sila ay nagulat sa pagsulpot ni Roni. "Wait lang, guys."

Nagpunta sila ni Roni sa likurang bahagi ng canteen. Walang imik si Roni habang nakapamulsa, hindi alam kung saan magsisimula.

"O-Okay ka na ba?" binasag niya ang katahimikan. Tumango lang si Roni. 'Ang awkward naman nito.'

"Sorry... sa nangyari kagabi," sabi ni Roni habang hindi pa rin makatingin ng diretso sa kanya. "Ngayong alam mo na kung ano talaga ako... Hindi ka ba natatakot sa akin?"

Iling lamang ang kanyang sinagot. Narinig niya ang pagbuntong-hininga ni Roni at lakas loob na nagkwento.

"Galing ako sa isang pamilyang sinumpa, bawat henerasyon ay napapapasa ito, at ngayon... sa akin ipinamana ang sumpa. Kaya kong mag-anyong tikbalang subalit sa tuwing sumasapit ang kabilugan ng buwan ay hindi ko ito nakukontrol. Kinukulong ko ang sarili ko tuwing full moon para hindi ako makapanakit ng iba. Kaya nasanay ako..."

Hindi malaman ni Arki ang isasagot at walang anu-ano'y nagulat siya nang lumuhod si Roni sa kanyang harapan.

"O-Oy, Roni, tumayo ka—"

"From now on I'll be your loyal ally, Arki," seryosong sabi ni Roni habang diretsong nakatingin sa kanya. "The legends are true; you snatched the three golden strand of hair from my mane last night that's why I was able to come back. You tamed me. Malaking utang na loob ko 'yon sa'yo."

"Hah?" halos malaglag ang panga niya. Naisip ni Arki na kung may makakakita sa kanila ngayon ay tiyak na iba ang kanilang maiisip.

"Dahil sa'yo hindi ko na kinakailangang ikadena ang aking sarili tuwing full-moon, kaya naman ang kapalit nito'y ang pagsisilbi ko sa'yo."

Napahinga siya nang malaim.

"Roni, tumayo ka," utos niya. Inabot niya ang kanyang kamay ko para tulungang tumayo si Roni. "Hindi ko kailangan ng alipin, pero tinatanggap ko ang alok mo ng pagiging magkaibigan."

Napangiti si Roni at sinabing, "Salamat, Arki."

"Salamat din sa paglitas mo sa'kin ng dalawang beses," sagot niya. 

Umalis na si Roni at siya naman ay bumalik kila Yumi kahit na hindi niya pa rin maisip nang lubos ang nangyari. Pagkaupo ni Arki ay napansin niya ang kakaibang ngisi nina Yumi at Leo.

"Arki, wala kang kinukwento sa'min," pang-aasar ni Yumi na ikinakunot ng kanyang noo. "Ang higpit mo sa'kin pero ikaw sumasalisi sa'min ni Leo, ha."

"SI ARKI MAY BOYFRIEND NA!!!" sa sigaw ni Leo ay tumahimik ang mga tao sa canteen at napatingin sa kanila.

"Leo, sasapakin kita!" inambahan niya ng suntok si Leo nang sumigaw ang mga tao sa canteen ng nakakarinding...

"AYIEEEEE!!!"


*****


SAMANTALA... Sa canteen din ay naroon si Vivienne sa ikalawang palapag, kumakaing mag-isa. Tinatanaw niya ang mesa nila Arki habang sinasabunutan nito ang kaibigan. Muling tiningnan ni Vivienne ang kanina pa niya pinapanood sa kanyang cellphone, isang video... video ng buong pangyayari sa rooftop ng old building.

Nabuhayan siya ng loob nang makita ang pagpapalit anyo ni Roa Nikolo. Totoo ang mga alamat, totoo ang mga nakita ng kanyang ama.

Ngayon ang susunod niyang target, si Roa Nikolo Corpuz, ang tikbalang.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top