/10/ Plano ng Kadiliman


  Kabanata 10: 
Plano ng Kadiliman



KATULAD nang napag-usapan, mula alas kwatro ng madaling araw hanggang ala siete ng umaga mangyayari ang pag-eensayo nina Arki at Shiela. Hindi pa man sumisikat ang araw ay kaagad nang ginising ni Lola Bangs si Arki.

"Arki, bangon na, naghihintay na ang Ate Shiela mo sa labas." tinapik-tapik na siya ni Lola Bangs pero ungol lang ang kanyang sinagot. "Hay nako, 'tong batang ire. Arki, gising na."

Hinila na ni Lola Bangs ang kumot na nakatakip sa kanya kaya wala siyang ibang nagawa kundi mamaluktot sa lamig.

"Lola naman, inaantok pa 'ko," reklamo niya habang nakapikit pa rin.

"Arki, sumasakit lalo ang rayuma ko sa'yo, bumangon ka na!" sa pagkakataong 'to ay hinila na siya ni Lola Bangs sa braso.

Gulu-gulo pa ang kanyang buhok at may tuyong laway pa sa kanyang pisngi. Kakamut-kamot pa si Arki habang naglalakad papuntang banyo para maghilamos.

'TIKTILAOOOK!' halos marindi siya sa lakas ng tilaok ng manok ng kanyang Lola na nasa labas.

Pagkatapos maghilamos ay lumabas siya sa kanilang bakuran kung saan naghihintay si Shiela, nakatayo nang matuwid, nakahalukipkip, at seryoso.

"Respeto at disiplina," iyon ang unang lumabas sa bibig ni Shiela. "Arki, anong oras na?"

Napakamot si Arki sa ulo dahil hindi niya alam ang isasagot.

"Ang usapan natin ay alas kwatro, huli ka nang dumating para sa ating pagsasanay. Respeto at disiplina, iyon ang pinakaimportanteng bagay na mayroon ka bago mo matutunan ang mga ituturo ko sa'yo."

Hindi naging handa si Arki nang ihagis ni Shiela ang isang yantok na may haba ng isang metro, nasalo naman niya 'yon subalit nawala siya sa balanse.

"Magsisimula tayo ngayong araw, Arki, ituturo ko sa'yo kung paano makipaglaban at kung paano mo mapoprotektahan ang iyong sarili. Ang paraan ng pakikipaglabang ito ay mula pa sa ating mga ninuno—ang Kali."

"Kali? Hindi po ba Arnis ang tawag sa pakikipaglaban gamit ang yantok na 'to?" tanong niya. Ngayon ay gising na gising na siya dahil interesado siyang matuto sa ituturo ni Shiela, akala niya kasi ay nagbibiro lamang ito noon. "Pero teka, Ate Shiela, marunong ka pala ng martial arts?!" manghang bulalas niya.

"Mula nang sakupin ng mga Espanyol ang ating mga ninuno ay pinagbawal nila ang paggamit ng Kali, pero lihim itong pinreserba ng mga ninuno sa pamamagitan ng tradisyon at sayaw, kagaya ng sa tinatawag nilang Moro Moro. Naging Arnis ang tawag dito dahil sa mga Kastila."

Hindi sinagot ni Shiela ang tanong niya subalit nanatiling taimtim ang kanyang atensyon, hindi man malinaw sa kanya kung bakit alam ito ng kanyang Ate Shiela.

"Alam ko marami kang katanungan sa iyong isip, Arki," sambit ni Shiela na parang nabasa ang kanyang nasa isip. "Pero sa ngayon ay hindi ko iyon masasagot lahat. Sa oras na matutunan mo ang dapat mong matutunan ay doon ko lamang maaaring ipaliwanag sa'yo kung bakit kinakailangan mo 'tong gawin, pati na rin ang tungkol sa ibang mga nilalang na inyong mga nakita."

"Kung gano'n totoo nga ang mga nakita naming halimaw—"

"Arki, maipapangako mo ba sa akin?" putol sa kanya ni Shiela. "Maipapangako mo ba sa akin na hangga't hindi natatapos ang ating pag-eensayo, na hangga't hindi mo natututunan ang mga ituturo ko sa'yo ay hindi ka maaaring magtanong."

Napaisip si Arki, nagtataka kung bakit kakaiba ang pagiging seryoso ng kanyang Ate Shiela.

Sa huli'y naisip ni Arki na hindi ito gagawin ng kanyang Ate kung walang dahilan. Mas pinili niyang magtiwala rito at isantabi ang mga bagay na bumabagabag sa kanyang isipan.

Bigla siyang nasabik sa mga sagot na kanyang makukuha, tumango siya at ngumiti.

"Buweno, hindi na tayo dapat pang mag-aksaya ng oras." bumwelo na si Shiela at siya naman ay naghanda dahil mukhang pahihirapan siya nito.

Bago pumatak ang ala siete ng umaga ay natapos ang kanilang unang pagsasanay. Maliwanag na ang paligid, pinagpahinga na siya ng maaga ni Shiela dahil maliligo't kakain pa siya bago pumasok sa eskwelahan.

Hinihilot ni Arki ang balikat habang nakaupo sa may labas, si Shiela naman ay patuloy pa rin siyang pinakikitaan ng iba't ibang galaw gamit ang mas mahabang baston. Manghang-mangha si Arki at kung anu-ano ang naglalarong tanong sa kanyang isipan, kating-kati siyang magtanong kaya hindi niya mapigilan.

"Oo nga pala, Ate, kailan ang balik mo sa abroad?" sinimplehan niya ang tanong para hindi nito mahalata.

Hindi tumitinging sumagot sa kanya si Shiela, "Bakit, ayaw mo bang magtagal ako rito? Pinapalayas mo na ba 'ko?"

"Si Ate naman ang drama 'agad," kakamut-kamot niyang saad dahil tanong din ang isinagot nito sa kanya. "Nasanay lang kasi ako na kapag umuuwi ka rito eh aalis ka rin 'agad. Sabi mo kasi kailangang kumayod ka nang kumayod para sa'min ni lola."

Hindi na nagsalita si Shiela at patuloy pa rin nitong iwinawasiwas ang yantok sa hangin, mahusay ang kanyang galaw na parang may kalaban, nasa ritmo ang kanyang mga galaw. Nangangati pa rin ang dila ni Arki magtanong.

"Oo nga pala, Ate, ano nga ulit trabaho mo sa Kuwait? Siguro stunt girl ka kaya ang galing mo sa martial arts," biro niya at biglang huminto si Shiela, humarap sa kanya at pumanewang.

"Arki," tumaas ang kilay nito, "'di ba nangako ka sa'kin?"

"Sabi ko nga po," nakanguso niyang sabi.

"Arki, ligo na! Kumulo na 'yung tubig!" dinig niyang sigaw ng kanyang lola mula sa loob ng bahay.

Pagkaligo at pagkakain ni Arki ng agahan ay binigyan na siya ni Lola Bangs ng baon. Nasa may pintuan na sila nang may maalala si Lola Bangs.

"Ay teka, sandali lang may ibibigay ako sa'yo, halika rine." hinila siya ni Lola Bangs papunta sa kwarto nito.

"Lola, ano ba 'yun, male-late na po ako," sabi niya habang tinatali ang kanyang buhok. Pumasok sila sa kwarto at umupo siya sa papag na kama. Si Lola Bangs naman ay binuksan ang kanyang lumang aparador.

Matagal nang nahihiwagaan si Arki sa aparador ng kanyang lola, tandang-tanda niya pa noong bata pa siya ay minsan niya itong pinakialaman ng walang paalam kaya nakatikim siya ng palo mula kay Lola Bangs.

'Arissa, sa susunod huwag na huwag mong pakikielaman ang aparador ni lola ha.'

'Bakit po, lola?'

'Bata ka pa para maintindihan, apo.'

'Bakit po? May mumu po ba sa aparador niyo?'

'Oo, may mumu, at nangunguha ng mga batang makulit!'

Mula noon ay tumatak sa kanyang isip na huwag galawin ang aparador sapagkat mayroong mumung nangunguha ng bata. Ngayong hindi na siya bata ay alam niyang wala naman talagang mumu ang aparador pero hindi pa rin niya maiwasang mahiwagaan kung anong meron sa aparador ng kanyang lola.

May nilabas mula sa aparador ang kanyang lola, nakatakip iyon ng kulay pula na tela. Pagkasara ng aparador ay lumapit sa kanya si Lola Bangs at inabot sa kanya ang kinuha nito. Tinanggal ni Arki ang tela at nakita mula roon ang isang mahabang lalagyan na gawa sa banig, nilabas niya sa loob nito'y may dalawang yantok na may habang dalawampu't walong pulgada.

"'La, ano 'to?"

"Yantok, Arki, sa tingin ko ay mas mainam nang ibigay ko sa'yo 'yan."

Magtatanung pa sana si Arki kaso naalala niya bigla ang oras.

"Shems, late na 'ko!" sigaw niya. "Bye, Lola!" Sinukbit niya ang banig na naglalaman ng yantok sa kanyang balikat, mabilis niyang ginawaran ng halik sa pisngi si Lola Bangs at patakbo siyang umalis.

Lumabas si Lola Bangs ng kwarto at naabutan niya si Shiela na nakatanaw sa may pintuan.

"Lola Barbara," lumingon si Shiela kay Lola Bangs, "tingin mo'y kaya ni Arki protektahan ang kanyang sarili?"

Tinapik ni Lola Bangs si Shiela sa balikat at sinabing, "Palagi siyang ginagabayan ni Batlhala, Shiela."


*****


MALAKI ang naging epekto ni Rahinel sa St. Rose High School. Usap-usapan siya ng mga estudyante dahil sa natatangi niyang aura. Mayroon pa nga na sinasadya pa siyang silipin sa kanilang silid-aralan, at may ilan na pinanunuod ang kanilang PE class dahil sa kanya.

Magmula nang ituro sa kanya ng anito kung nasaan ang lokasyon ng binukot ay hindi na ito muling nagsalita pa sa kanya. Palagi pa rin niya itong dala sa kanyang bag kung sakaling bigla ulit itong magbigay ng senyales.

Naglalakad siya ngayon pabalik sa kanilang silid-aralan, sanay na siyang pagtinginan ng mga tao sa pasilyo kaya diridiretso lang siyang naglakad. Napahinto lamang siya nang makita niya ang kanyang kamag-aral, si Mayumi Garcia.

Hindi pa rin siya makabawi nang marinig niya ang kinuwento nito noong nakaraang araw tungkol sa huling binukot kaya hindi niya maiwasang magkaroon ng teorya... Kasabay pa ng senyales na binigay sa kanya ng anito noong araw na 'yon. Nagkaroon siya ng kakaibang kutob na malapit na siya sa kanyang hinahanap.

Hindi rin namalayan ni Rah na ilang segundo na rin siyang nakatayo at nakatitig kay Yumi.

May pumasok sa kanyang isip, lalapitan niya sana si Yumi nang biglang lumabas mula sa loob ng silid-aralan ang dalawa nitong kaibigan, isang babae na nakapusod, at isang kulot na lalaki na naka-bonet.

"Nagugutom na 'ko, tara na, Yumi!" umalis ang tatlo at nagpasya siyang pumasok na sa loob ng silid-aralan.

Pagpasok niya'y napahinto na naman siya dahil may nakaharang, pagtingin niya ay nakita niya ang isang lalaki na halos kasing tangkad niya, sa muling pagkakatanda niya ay Jaakko ang pangalan nito. Sa likuran ni Jaakko ang mga alipores nito, maangas na nakatingin sa kanya.

"Tabi." At dahil naiintindihan niya ang gusto nitong ipahiwatig, na bagong salta lamang siya at kinakailangan niyang magbigay respeto. Tumabi siya at ngingisi-ngising dumaan ang mga kaibigan nito.

"JK, paano mo na ulit didiskartehan si Yumi?" narinig niya ang isa sa mga 'to.

"Babawi ka pa ba sa ginawa sa'yo ni Arki?"

'Ang sigang 'yon ay may gusto kay Yumi,' saloob loob ni Rah at bumalik siya sa kanyang pwesto. Unti-unti na niyang pinapamilyar sa kanyang sarili ang bago niyang paligid, pero aminado siyang nahihirapan siyang makibagay sa lugar.

Naalala bigla ni Rahinel ang mga sinabi ni Karl, "...minsan hindi natin nahahanap ang mga bagay-bagay kapag tumitingin tayo sa maling direksyon."

Wala na siyang pinanghuhugutan ng pag-asa na mahanap ang huling binukot kundi ang anito na mayroon siya.


*****


SAMANTALA... Sa kadiliman nagkukubli ang limang anino, tanging mga nakapalibot na kandila lamang ang nagsisilbi nilang liwanag. Sa gitna nila'y ay may isang bilog na gawa mula sa dugo ng isang kambing na kanilang inialay upang matawag ang espiritu ng mga kampon ni Sitan. Ang dalawa sa kanila'y nagbabalatkayo gamit ang katawan ng mga mortal.

Mabilis lang nakarating sa kanila ang balita sapagkat naramdaman nila ang pagbukas ng portal na dinulot ng liwanag na nagtawag sa mga kampon ng kadiliman—isang senyales na buhay ang kanilang hinahanap.

"Ang pag-atake ng mga kampon ng kadiliman ang tiyak na hudyat na pagbabalik ng nawawalang binukot," wika ng isang boses, malaki, at malalim na parang galing sa ilalim ng lupa.

Bumaling ang katabi nito sa kanan at sinabing, "Nakumpirma na ba ang iyong hinala?"

"Hindi pa subalit kilala ko ang mga inatake ng aswang, mas lalong pinagtibay ang aking kutob na isa sa kanila an gating hinahanap," sumagot ang isang babae.

"Aking mga kapatid, kaunting panahon na lamang ay makakabalik na rin tayo sa Ibayo. Sa oras na madukot natin ang hinirang na prinsesa."

"Kaunti na lamang ay maiaalay na natin kay panginoong Sitan ang binasbasan ng mga diyos ng kapangyarihan—ang huling binukot."

"Mabuhay si panginoong Sitan!"

Nagsimulang mag-orasyon ang mga kampon ni Sitan, tinatawag ang mas maraming pwersa ng kasamaan sa ilalim ng kadiliman—isang plano nang paghahasik ng lagim. 



-xxx-


GLOSSARY:


Kali - is an ancient martial art form from the Philippine Archipelago (formerly Maharlika) that pre-dates the Spanish conquest of the island nation and is based on the use of the blade (sword).

Sitan - is an ancient dark god from Filipino mythology, his role is the same as that of the monotheistic Satan, the guardian of Kasamaan (the ancient Tagalog version of Hell) and all of the souls within he had four agents tasked to tempting and ruining mankind.


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top