Ang Gintong Buhok Ni Amelia
A SHORT STORY :
"Ang gintong buhok ni Amelia"
Isinulat ni:
SEÑORITA HERMOSA
Ito ay isang maikling kwento. Walang katotohanan at kathang-isip lamang.
A short story...
A valentine's day special.
[UNANG ARAW]
"Magmula ngayon, huwag ka nang lalapit sa akin!"
Patuloy pa ring umuugong sa akin ang mga salitang iyon. Inis mo pang pinunit ang liham na magdamag kong pinaghirapan at ginawa para sa'yo. Nagkalat sa paligid at humalo sa hangin ang mga piraso ng kulay asul at pulang papel na iniyakan ko pa kay Nanay para lang mabili ko sa palengke ng bayan.
Bakit kaya ganiyan ka?
Hindi mo ba ako nakikita?
Kailan mo kaya ako mapapansin?
Isang masungit na pagtaray ang pinakawalan ng mga mata mo at agad na isinara nang malakas ang pinto.
Bakit kaya ang sungit mo?
Pero kahit ganoon...
Ikaw pa rin ang pinakamagandang babae sa paningin ko.
Pinulot ko ang kapiraso ng papel mula sa napunit na liham ko para sa'yo. Himala nga, dahil nabasa ko pa ang huling katagang isinulat ko roon at ang sabi'y mahal kita.
Sinabi mo sa akin ngayon na layuan na kita.
Huwag kang mag-alala, hindi kita bibiguin.
Lalayo ako, ngunit narito at maghihintay pa rin.
Tatalikod, ngunit ikaw pa rin ang lilingunin.
Magtatago, ngunit mananatiling ikaw ang hahanapin.
Kaya kahit pagurin mo pa ako nang maraming beses... Hindi ako susuko. Hindi ako hihingalin. Hindi titigil ang mga paa ko upang tahakin ang landas pabalik sa iyo. Hindi mapapaos ang puso ko kakasigaw sa ngalan mo. At hindi mapapagod ang utak ko sa pag-iisip ng bagong paraan para lang mapansin mo.
Sa katunayan, minsan ko na ring naisip na idaan sa gayuma itong pagsinta ko.
Ah, h'wag na lamang pala. Baka ako'y masampal mo't pisngi ko'y pumula.
Tumalikod na ako at sumipol habang nilalakad ang maalikabok na daan palayo. Nagawa ko pang lingunin ang durungawan ng maliit ninyong tahanan kung saan minsan kong nasilayan ang ganda ng ngiti mo. Sa eksaktong lugar rin na siyang mismong kinatatayuan ko... Ay siya ring lugar na saksi kung paano ako unang namangha sa iyo.
Lalo na ang hiwagang bumabalot sa iyo.
Ang makintab, umaalon at kahali-halinang ginintuang buhok mo.
Iba ka nga talaga.
Iba ka sa kanila.
Iba ka sa kanilang lahat, Amelia.
[IKALAWANG ARAW]
Hindi espesyal ang araw na ito para sa akin. Pero nagiging makabuluhan nang dahil sa iyo.
Maaga akong gumising. Araw nga pala ng mga puso ngayon. Matiyaga kong hinulma ang tinapay upang maging hugis-puso. Tinakbo ko pa nga ang tindahan ni Mang Boy para lamang mabili ang iba't ibang kulay na mga pang-dekorasyon.
Nakangiti kong binasag ang alkansyang baboy na pamana pa sa akin ng aking lola. Bumulagta sa harap ko ang mga barya na mula pagkabata pa nang sinimulan kong ipunin. Sabi nga ni nanay, mas makabubuti sigurong ipambili ko na lamang ito ng bagong sapin pampaa. Butas at sira na kasi ang sapatos ko na pinagliitan pa ni kuya.
Pero alam mo ba? Sinadya kong ilaan ang salaping ito para lang mapasaya ka.
Hindi ko alam kung bakit sumagi sa isipan kong ipambili na lamang ito ng kuwintas. Hugis-puso ang napili kong disenyo na sa tingin ko'y babagay sa'yo nang tunay. Gusto kong malaman mong ikaw ang nagpapasaya sa akin.
Napapasaya rin kaya kita?
Naalala ko nga, halos anim na buwan ko pang pinag-aralan ang pagtugtog ng gitara. Inaral ko pa kung paano umawit at isabay ang aking tinig sa melodiya. Minsan nga'y napagkamalan pa ni Nanay na may kambing na nakapasok sa aking silid nang sinimulan kong umawit at kalantingin ang gitara. Hiningi ko pa nga ang suhestiyon ng aking kaibigan, hindi ko na daw dapat pang sinubok ang mag-alay ng awit sa'yo. Lalo't baka lalo mo lang na iwasan ako.
Sariwa pa rin ang sugat sa mga tuhod ko nang parusahan ako ni tatay. Nahuli ako sa pag-uwi nitong nakaraang araw galing sa eskwelahan. Pinili ko kasing igugol ang mahabang oras ko sa aklatan. Inaral ko ang pagsasalita ng mga malalim na salita ng wikang Pilipino. Batid kong hindi mo hilig ang magbasa ng wikang Ingles kung kaya't pinag-aralan ko nang mabuti ang tamang paggamit ng mga salitang pagtutulad, personipikasyon at metapora. At nang kapagka ako'y sumulat ng liham sa'yo, sa harapan mo'y hindi ako maging katawa-tawa.
Ilang araw at buwan din magmula nang pinlano ko ang lahat ng ito. At ngayon nga'y maisasakatuparan ko na ang lahat.
Bitbit ko at nakahanda na ang niluto kong mainit na monay para sa'yo. Pinitas ko na rin ang mga sampaguita sa bakuran na paboritong diligan ni nanay tuwing sasapit ang bukang-liwayway. Nakalagay sa isang matibay at espesyal na sisidlan ang gintong kwintas na pinag-ipunan ko nang matagal. Suot ko ang lumang kamiso, kupas na pantalon at ang sombrerong yari sa buri.
Nakatakda ko na sanang kalantingin ang gitarang aking hawak at simulan ang awiting nilikha ko para sa'yo. Ngunit ako'y natigilan at napatingala sa inyong durungawan nang makitang sumilip ang inyong kasambahay at ang sabi;
"Samuel hijo, halika. Pumasok ka," ani ni aling Pacing bitbit pa ang walis tambo na ipinambabato niya sa akin sa tuwing ako'y pumapanhik at umaakyat sa inyong bakuran masilayan ka lamang.
Ako'y nagtataka lalo't sa buong buhay ko'y batid kong protektado ka ng iyong tagapangalaga. Hindi ako kailanman pinahintulutan ni aling Pacing na ika'y mahawakan kahit sa kadulu-duluhan ng iyong mga kuko. Maging ang tahasang pagtapak ko sa unang bahagdan ng inyong tahanan ay tiyak na katumbas ng isang mabigat na kaparusahan.
Kung kaya nga't magmula noo'y natutunan kong pangarapin at sulyapan ka sa malayo. Kahit pa paulit-ulit mo akong mabigo. Nanatili ang aking pagtingin at kailanma'y hindi nagbago.
Ito ang unang pagkakataong makatapak ako sa loob ng inyong tahanan. Ako'y natutuwa 'pagkat narito pala naninirahan ang babaeng lubos kong hinahangaan.
Mahaba-haba ang pasilyo na aming nilalakaran. Ako' y masyadong nalibang sa sa pagtitig sa mga kakatwang bagay na ikinukubli ng inyong tahanan. Ibang-iba at malayo ito sa aming kubo na kay munti; kung saan mga kagamitan sa pagsasaka ang makikita sa bawat haligi.
Kami ay dinala ng aming mga paa sa iyong silid. Isang malamig na simoy ng hangin ang unang bumungad sa akin.
Hindi ko maunawaan ang aking namataan at ako'y napakurap. Nang aking masumpungan sa pinakadulong
dingding ng iyong silid; isang mahaba, makintab at purong ginto ang kulay na buhok. Tila ba isang laruang isinabit na lamang na parang isang aretes.
Mas lalo akong nabahala sa huling bagay na aking nakita.
Ako'y nagtataka. Hindi maunawaan ang lahat.
Bakit ika'y nakaratay sa higaang tila ilang taon na ang tanda? At ang mas nakapagtataka, kahindik-hindik ang iyong hitsura.
Ito ang kauna-unahang pagkakataong ika'y masilayan ko nang ganito. Wala na ang dati mong rikit. Matamlay na ang dating bilugang mga mata. Nagbibitak-bitak na tila lupa ang mala-rosas mong mga labi. Wala na ang perpektong arko ng iyong mga kilay at higit sa lahat...
Wala na ang mahiwaga mong buhok.
Ramdam ng aking buong katawan ang pagkagitla dahil sa aking mga nakikita. Lumapit sa akin ang iyong tagapangalaga. Hindi pumasok nang basta sa aking isipan ang kanyang mga tinuran. Subalit isang bagay lamang ang bukod-tanging tumatak sa aking isipan.
"Kanser sa dugo, leukemia, stage 4"
*Makalipas ang walong taon*
🎶Ang 'yong bisig ang sandalan
Pag nangangawit na
Ang walang hintong isipan 🎶
🎶 Ang 'yong tinig ang takbuhan
Kapag walang ibang gustong mapakinggan 🎶
🎶 Ikaw ang aking palagi
Ako'y iyong kakampi (kakampi)
At kung sa hirap ay aabutin
Basta ba't magkatabi.... 🎶
🎶 Bukas ang sulat ko'y iaabot
laman nito'y 'wag ilagay sa limot
Kalawakan ko ang 'yong kamay
Bukas ang sampaguita kong napulot ay ibibigay sa 'yo oh irog...
At mga diwa natin ay hindi na mawawalay.... 🎶
Napangiti ako dahil sa malalakas na hiyawan at palakpakan ng mga tao matapos ang pag-awit ko. Isang magalang na pagyuko ang naging tugon ko kaakibat ng isang maaliwalas na ngiti.
Napapikit pa ako nang tumama sa aking mga mata ang nakasisilaw na malaking ilaw sa gitna ng entablado. Sinabayan pa ng ingay at bulungan ng ilan sa mga manonood.
Araw ng mga puso ngayon. Makulay ang paligid at puno ng pagmamahalan ang bawat tao. Ilang taon na rin magmula nang pasukin ko ang mundo ng pagba-banda. Buong akala ko ay huli na para sa akin na matutunang yakapin ang musika. Pero sa huli, ito rin pala ang magsisilbi kong pahinga.
"Sino po ang inspirasyon ninyo sa pagkanta?"
Napahinga ako nang malalim nang marinig ang tanong na iyon. Nakatutok pa bibig ko ang mikropono at nakangiti akong tumugon.
" Noon... Mayroon akong isang magandang babaeng nakilala," panimula ko at nagsimulang maghiyawan ang mga manonood at tagapakinig.
"Uy, may lovelife pala siya!"
"Nakakakilig naman!"
"Omg, may gf pala siya dati?"
Itinaas naman ng nag-iinterview sa akin ang kanyang kamay at sinenyasan ang mga manonood para tumahimik.
"S-sa totoo lang, siya ang pinakamagandang babaeng nakilala ko sa buong buhay ko. Pero nasawi siya matapos ang isang nakamamatay na sakit. Lumipas na lang ang maraming taon... Hindi ko na nagawa pang sabihin sa kanya ang tunay kong nararamdaman," patuloy ko at nakikinig silang lahat sa akin.
" Kung tatanungin niyo ako, oo. Siya ang naging inspirasyon ko sa pag-awit. Bawat liriko, bawat himig, bawat melodiya na naririnig niyo mula sa akin ay ang isang magandang awiting minsan kong pinangarap na marinig niya. At kung may isang bagay man akong natutunan mula sa kanya, natutunan ko na kahit anong ganda, o kinang ng panlabas na anyo... Hindi nito madadaig ang tunay at wagas na pagmamahalan na tanging kapangyarihan lamang ng pag-ibig ang makagagawa. Kung minsan, hinahangaan o pinapahalagahan natin ang isang tao base sa kung ano ang nakikita natin sa kanila. Pero kadalasan, nawawala na sa isip natin ang tunay na kahulugan ng pag-ibig. Paano na lamang kung isang araw.... Ang taong pinakamamahal mo ay tuluyang magbago? Paano kung iba na ang hitsura niya mula sa unang araw ng pagkakakilala ninyo? Mamahalin at pahahalagahan mo pa rin ba siya? O ibabaon sa limot ang ala-alang minsan kang umibig sa gaya niya? "
Natahimik at nagkatinginan ang mga manonood nang magpatuloy ako sa pagsasalita.
" Kakalimutan mo na lamang ba ang nararamdaman mo? Hanggang... Sa huli na ang lahat? "
Nakabibinging katahimikan at pagninilay-nilay ang bumalot sa buong lugar.
" Kuya Samuel, totoo po bang aalis na kayo sa banda?" pag-iiba ng tanong ng isa.
Nagbulungan muli ang mga manonood nang marinig ang tanong na iyon.
" Hindi naman ako aalis. Mayroon pa kasi akong tungkuling dapat kong gampanan," tugon ko.
"Panahon na para pagtuunan ko ng pansin ang tungkulin ko bilang isang doktor,"
Napangiti silang lahat at sabay-sabay na pinalakpak ang mga kamay para sa akin.
Nagtapos ako ng kursong medisina. Kalauna'y nagsikap pa ako upang matutunang mangalaga sa mga taong biktima ng sakit na Leukemia. Ginamit ko rin ang tinig at kaalaman ko sa pagbabahagi ng tulong lalo na sa mga kabataang pinapahina ng sakit na ito. At sa kasalukuyan, naging isa akong ganap at propesyonal na doktor na naglilingkod sa sarili kong bayan.
Amelia,
Alam kong hindi mo na ako maririnig sa mga oras na ito. Nais kong magpasalamat sa iyo. Nais kong magpasalamat sa bawat aral na ibinigay mo sa akin. Sa bawat bagay na nakuha ko mula sa iyo na siyang naging daan ko patungo ngayon sa landas na pinili kong tahakin.
Kahit pa gaano karaming taon at dekada ang lumipas. Asahan mo na ang mga ala-ala natin ay hindi na lamang bastang lalagpas.
Gaya ng hiwagang bumalot sa iyong buhok na ginintuan. Na patuloy pa ring gumuhit sa ala-ala ko't tila hindi makaalpas.
Hinding-hindi ito kukupas.
At hindi kailanman malalagas.
*WAKAS*
Ilang tulog na lang by Ben&Ben
PAALALA:
Ang istoryang inyong natunghayan
ay walang katotohanan at kathang-isip lamang.
MALIGAYANG ARAW NG MGA PUSO, MGA MINAMAHAL KONG MAMBABASA! ❤️
Nagmamahal,
Señorita Hermosa.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top