Chapter 6: Ang Pulis

May kalakihan ang main town o "bayan" ng Daigdigan. Malawak ang public market na bagsakan ng mga paninda ng mga magsasaka na tulad ni Kanor. Bigas, prutas, poultry, baboy at iba pa. Kapalit nito ay mga paninda mula sa karatig na mga bayan. Gulay mula sa Callejon at isda galing naman sa Dinagatan. Nakakarating din hanggang Maynila ang mga produktong galing dito, lalo na't kapag may shortage ng bigas. Dahil sa kalakal, lumago ang bayan at nagsipagtayuan ang mga commercial establishments tulad ng groceries, restaurants at department stores, although nananatiling third class pa rin. Nasa main town ang simbahan, rural bank, town hall, police headquarters at maliit na ospital. May dalawang botika sa bayan, isa sa may palengke at isa dito sa ospital mismo.

Nang magpunta sa bayan si Kanor para bumili ng gasa, bulak, band aid, alcohol at Betadine ay nagaaway sa isipan niya kung saang botika tutungo. Usap-usapan kasi ang nangyayari sa pamilya niya. Maraming nakakaalam na dinala sa mental hospital sa kabilang lalawigan ang asawa niyang si Ester. Kung sa palengke siya pupunta, doo'y maraming nakakakilala sa kanya na aniya, ay matatalas ang mga dila. Kaya napagpasyahan niyang sa ospital na lamang bagama't naroon naman ang mga duktor na alam niyang siyang nagsumbong sa kanya sa mga pulis. Paratang na umano'y pinagbubuhatan niya ng kamay ang kanyang mga anak.

Nasa kabila ng kalye ng ospital si Kanor, nagsisigarilyo at pinagmamasdan ang paligid, nagiipon ng lakas ng loob. Maya-maya'y tinapon niya ang upos at tumawid ng kalye. Nagsuot siya ng bullcap para maitago ang mukha at kanya pa itong ibinaba hanggang ilong nang malapit na sa counter ng botika. May ilang bumibili na kanyang pinauna, hanggang sa turn na niya.

"Ano po sa inyo?" tanong ng clerk.

Hawak ni Kanor ang lukot na papel ng mga kailangan niya at ibinigay niya iyon. Binasa ng clerk ang papel.

"Anong pong size nung Betadine?"

"Y-yung maliit lang," sabi ni Kanor.

"Anong klaseng alcohol po?"

Tinuro ni Kanor ang nasa sa shelf. "I-iyun!"

Binigay ni Kanor ang bayad at tumalima ang clerk para kunin ang mga order. Maya-maya'y bumalik muli ito at binigay ang sukli at ang maliit na plastic bag ng mga pinamili. Nagmamadaling naglakad paalis si Kanor at hindi inaasaha'y nakasalubong niya'ng babaeng duktor na namukaan siya. Agad siyang umiwas ng tingin at nilampasan ang duktora, nagbingi-bingihan nang siya'y tawagin.

"Sir! 'Di ba kayo yung tatay ni Berta? Kumusta na siya? Sir! Sir!"

Dire-diretso lang sa paglalakad si Kanor hanggang sa makalayo. Nagtaka ang duktora sa inasal sa kanya kung kaya't pumunta ito sa botika upang magtanong doon kung anong sinadya ni Kanor.

#

Ini-expect ni Wendell na alas-onse'y nakauwi na ang kanyang ama, ngunit pasado alas-dose na'y wala pa ito kung kaya't nagpasya na siyang mauna na sa pananghalian. Nakahanda na ang kawali ng kanin sa mesa at ang ulam na dinuguan. Naupo si Wendell at sumalok ng kanin at kumutsara ng dinuguan. Sumubo siya. At habang ngumunguya ay napatingin siya sa kuwartong tulugan na tanaw mula sa kusina. Tahimik sa loob ng kuwarto. Napaisip si Wendell kung ano'ng ginagawa ng kanyang kapatid sa mga sandaling iyon. Si Berta na nakatali sa dilim. At na-imagine niya na nakikiramdam ito. Na alam kung nasaan siya, kung ano'ng ginagawa niya. Na ito'y nakatitig sa kanya. Mga tingin na para bang tumatagos sa pintuan.

Biglang ang panlasa ni Wendell ay nag-iba. Pumait. At nang tumingin siya sa bowl ng dinuguan ay nakita niyang naglalabasan mula roon ang napakaraming mga ipis at alupihan na mga nagsipaggapangan sa lamesa. Nagulat si Wendell, lalo na nang makita na ang plato na kanyang kinakainan ay puno ng mga uod. Ang kawali ng kanin ay pinupugaran naman ng mga daga. At bigla, naramdaman niyang may mga gumalaw sa loob ng kanyang bibig. Para siyang nabubulunan, at nang ibuka niya kanyang bunganga'y naglabasan ang marami pang mga ipis. Napatayo si Wendell sa takot at muntikang mahulog sa upuan. Gusto niyang sumigaw nguni't puno ang bibig niya ng mga ipis at kanya itong nalalasahan. Ang mga ipis sa kanyang dila.

At sa isang iglap, bigla na lamang nagbalik ang lahat sa normal. Wala na'ng mga ipis, alupihan, uod o daga. Isa lamang guni-guni. Pinagpawisan si Wendell. Ang puso niya'y tumatalon sa naranasan.

At mula sa loob ng kuwarto ay narinig niya ang nangungutyang halakhak ng dimonyo.

Nang dumating si Kanor dala-dalang mga pinamili sa botika ay nagulat siyang makitang bukas ang pintuan ng bahay. Mahigpit niya kasing ipinagbibilin kay Wendell na siguraduhing laging sarado ito, sa pangamba na may pumasok sa loob at mapadpad sa kuwarto ng kanilang madilim na sikreto. Handa na niyang pagalitan ang anak sa oras na makita niya nguni't wala ito sa loob ng bahay, kundi'y nasulyapan niyang nakaupo, nakasandal sa likurang gilid ng kural ng baboy.

"Wendell!" galit niyang tawag.

Lalo pa siyang nagalit nang hindi sumagot ang binata kung kaya nilapitan na niya ito.

"Wendell!"

Nguni't malapit na sa kural ay kinabahan siya. Naroon si Wendell nguni' tila hindi gumagalaw sa pagkakaupo. Nang harapin niya'y nakita niyang nakatulog pala ang anak doon, pinagpapawisan sa init ng araw, at sa kamay, ang bote ng gin. Umungol si Wendell. Lasing. Nawalang galit ni Kanor at napalitan ng awa. Naiintindihan din naman niya ang kalagayan ng anak. Ang hirap na dinaranas nito. Na napilitan na ngang tumigil sa pag-aaral, ang mga taon ng kanyang pagbibinata na sana'y masaya ay nawaldas sa pag-aalaga ng baboy, at ng kanyang kapatid.

Kinuha ni Kanor ang bote ng gin at binato sa gilid. Pagkatapos ay inakay ang anak papasok ng bahay.

#

Nagising si Wendell at nagtaka na nasa loob siya ng bahay at nakahiga sa kahoy nilang supa. Naupo siya't naramdamang may kabigatan ang kanyang ulo. Nang tumingin siya sa lumang wall clock, isang oras na ang nakakalipas.

"Tay?"

Alam niyang nakauwi na ang kanyang ama, ang pintuan ng kuwartong tulugan ay naka-awang. Tumayo si Wendell at dahan-dahang tumungo roon, nangangamba sa matutunghayan. Tinawag niyang muli ang ama, at hindi pa rin ito sumagot, kung kaya't lalo siyang kinabahan. Marahang tinulak ni Wendell ang pinto at nakita si Kanor na nakaupo sa gilid ng kama.

"Tay?" paglapit ni Wendell, nakahinga nang maluwag na okay ang lahat.

Sumenyas si Kanor na siya'y huwag mag-iingay pagka't natutulog si Berta. Maingat na nililinis ng ama ang sugat ng bata. Dampi-dampi lamang para hindi ito magising. Patapos na rin si Kanor at saglit lang ay marahang tumayo ng kama dala ang mga gamit panggamot.

"Halika, labas na tayo," pabulong niyang aya sa panganay.

Lumabas sila ng kuwarto at isinara ang pintuan.

"Kumain na kayo, 'tay?"

"Hindi pa, anak," sagot ni Kanor.

Agad na tumalima si Wendell sa kusina para ihanda ang makakain ng ama. Napangiti si Kanor nang makita iyon at tahimik na pumuwesto sa hapag-kainan. Naupo lang sa isang tabi si Wendell habang nananghalian ang kanyang ama, nakikiramdam, nangangamba, kutob niya'y nalaman na nito ang tungkol sa alak. Nguni't sa ipinapakitang kalma ni Kanor, unti-unting nawawala kanyang pagkatakot. Na mukhang okay lang. Nang matapos kumain si Kanor ay magkatulong pa nilang niligpit ang pinagkainan, at sa puntong iyon narinig nila ang tunog ng paparating na sasakyan. Ang tunog ng makina. Ang pagpreno ng gulong sa lupa. Nagkatinginan ang mag-ama, sumilip sa bintana at nakita ang kotse ng pulis.

"Magandang hapon, hepe," bungad ni Kanor habang palabas siya ng bahay kasunod si Wendell.

"'Gandang hapon din, Kanor," bati ni Hepe. Kasama niya ang isa ring unipormadong pulis na nagngangalang Rosales.

Kakababa lang nila ng 90s na Toyota Corolla kung saan nakatatak sa pintuan ang logo ng Pulis Daigdigan. Bukas ang mga bintana nito pagka't sira ang aircon at ang dalawang pulis ay pinagpawisan sa biniyahe nila. Matangkad ang 30-something na Hepe, matipuno at mukhang may pinag-aralan. Mas maliit ng kaunti si SP04 Rosales na nasa kanyang 20s at may katapangan ang pagmumukha.

"Napasyal kayo..." indak ng ulo ni Kanor.

Tumitingin sa paligid ang dalawang pulis, at sa tingin na iyo'y basa na ni Kanor ang sadya nila. Nagtapat sila ni hepe sa pagitan ng bahay at ng kural ng mga baboy. Si Wendell ay nakatayo lang sa may pintuan.

"Wala naman," sabi ni Hepe. "Nangungumusta lang. Ano'ng balita kay Ester?"

"Matagal na kong 'di nakakadalaw," sabi ni Kanor na tila hinaharang ang katawan niya sa daanan ng pulis.

"Ganun ba?" pamewang ni Hepe at tumingin kay Wendell. "Nas'an 'yung isa pang anak mo? 'Yung batang babae?"

Hindi agad makasagot si Kanor, nagulat sa tanong na iyon. Si Wendell nama'y kinabahan.

"M-may sakit si Berta. Nasa kuwarto."

"Sakit? Maraming klase ng sakit, Kanor," sabi ni Hepe. "Lagnat? Sipon? Trangkaso?" At tumingin nang direkta sa kausap. "Sugat? pilay? Pasa?"

Namutla si Kanor.

"Pwede bang makita 'yung bata?" sabi ni Hepe.

"N-natutulog," nauutal na sagot ni Kanor. "'Wag na nating istorbohin ang bata, at baka mahawa pa kayo..."

"Sandali lang naman," sabi ni Hepe. Si SP04 Rosales ay siryosong nakamatyag sa may likuran niya.

Paghakbang ni Hepe tungo sa bahay ay hinarangan siya ni Kanor, at tinignan niya ito ng masama.

"Kanor," malalim ang boses na binitawan ni Hepe. "Padaanin mo ko. 'Wag mo kong subukan."

Napalunok si Kanor at siya'y tumabi. Lumingon si Hepe sa kasama niya.

"Rosales, bantayan mo'ng dalawang ito."

Tumango si SP04 Rosales habang nakahawak sa handle ng baril na nakasukbit sa holster sa kanyang belt. Naglakad si Hepe tungo sa bahay. Gusto ni Wendell na harangin siya pero nakita niya ang ama na sumenyas na huwag. Pinabayaan ni Wendell na pumasok si Hepe sa loob.

Pagpasok ni Hepe ay napatakip siya ng ilong. May kakaibang amoy na hindi niya masabi kung ano. Parang amoy ng natuyong suka at dumi. Amoy na sanay na sina Kanor at Wendell. Nagpalingon-lingon siya at nakita ang saradong pintuan ng kuwarto at habang nagtungo roo'y tila lumakas pa ang amoy, parang tumutusok sa loob ng kanyang ilong. Hinawakan ni Hepe ang doorknob at naramdamang parang yelo ito sa lamig. Binuksan niya ang pinto at siya'y pumasok. Madilim ang loob, kita niyang taklob ang mga bintana ng kurtina. At malamig. Sa dilim ay kita niyang kanyang hininga. Nakita niya ang kama at nanlaking mga mata niya nang makita si Berta na nakatali ang magkabilang kamay sa poste ng kama. Agad siyang nakaramdam ng matinding galit.

"Putang-ina..."

Agad niyang nilapitan ang bata para tignan ang lagay nito. Kanyang hinawakan at naramdamang malamig ang mga braso nito't paa. Pinulsuhan niya. Buhay ang bata, aniya sa sarili, pero kailangang madala agad sa ospital. Lalo pa siyang napoot nang makita na puno ng sugat at pasa ang bata, na natutulog sa ngayon. Kanyang sinimulang kalagan ang mga tali ni Berta.

"Iha, 'wag kang mag-alala, nandito na kami. Dadalhin kita sa duktor para matignan ka."

Pikit ang mga mata ni Berta. Marahan siyang ginigising ni Hepe.

"Iha..."

Nagulat si Hepe nang biglang dumilat si Berta, at nakitang mga mata nitong kulay pula't nanlilisik. At ito'y bumangon ng upo at walang anu-ano'y sinukahan siya sa mukha. Kulay dilaw ng malapot na suka na may halong dugo. Napaatras si Hepe sa pagkagulat at nagpa-panic na pinahid ang panis na suka sa kanyang mukha. Nang tignan niyang muli ang bata'y tinatawanan na siya, at ang boses nito'y boses ng lalaki.

Sa labas, nakaupo sa lilim ng kural ng baboy sina Kanor at Wendell habang nakabantay si SP04 Rosales sa tabi. Dinig ang ingay ng mga baboy, hudyat na gutom na sila. Sa kabukiran, tanaw ang tuyong dayami na dumuduyan sa hangin. Manipis ang mga ulap sa langit kaya't litaw na litaw ang araw.

Nagulat sila nang biglang bumukas ang pintuan ng bahay at nakita si Hepe na nagmamadaling lumabas at nagpupunas ng panyo sa mukha. Basa ang uniporme nito sa dibdib, na namukaan nila bilang suka. Hinihingal sa galit ang pulis at nang makita sina Kanor at Wendell ay galit na tinuro.

"Kayo! Kailangan n'yong magpaliwanag sa akin!"

NEXT CHAPTER: "Check-In"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top