Chapter 10: Parokyang Lokal
Kinabukasan.
Maaga pa lang ay nakapag-ready na sila. Full-gear si Jules na suot ay vest na maraming bulsa, dala ang knapsack at dalawang hard case. Handang-handa na sila sa planong mag-overnight sa Anlunan Residence. Samantala, si Father Markus ay naka-itim na damit pampari at dala ang bag niya ng religious epektus. Nang lumabas sila sa back entrance ng motel para magkarga sa Hi-ace ay pinagtinginan sila ng mga taong naroon. Hindi kasi sila normal na nakakakita ng isang chick na rakista, isang semi-afro na nerd at isang pari na magkakasama.
Naka-park na roon ang Toyota Corolla na police car at ang mga nagaantay na pulis, si Hepe kasama ang dalawang bagong mukha. Mga pawang bata pa, isang lalaki at isang babae. Nakapagusap na sila kagabi nila Jules na magtutungo muna sa simbahan para kausapin ang lokal na kaparian.
"Bagay sa 'yo, father," komento ni Hepe nang makita si Father Markus na nakasuot na itim na pampari.
Napangiti sina Jules at Hannah.
"'Yan ang superhero costume ni Father," masayang sabi ni Jules.
Umiling lang si Father Markus habang pasakay sa van.
"Sundan n'yo ko, convoy tayo," sabi ni Hepe sa kanila.
Nilisan ng mga sasakyan ang motel at sinaluduhan ng security guard na bantay.
Magandang lote ang kinatatatyuan ng simbahan, napapaligiran ng malalagong mga puno at alagang mga mabulaklak na tanim. Malinis, makulay at kaaya-aya. Hindi ito lumang simbahan kundi itinayo lamang noong 80s, sa pamumuno ng mga Dominikanong pari.
Nagpark ang police car at Hi-Ace sa paradahang simentado at nagbabaan sila. Sa entrance, nakaabang na si Father Dacayman at nagsalubong sila sa may hagdan ng simbahan.
"Good morning, father," bati ni Hepe. Ang dalawa niyang kasamang mga pulis ay naghintay na lamang sa may police car.
"Good morning," ngiti ni Father Dacayman.
Nasa kanyang edad late 70s ang pari. Hindi tubong Daigdigan, kundi nagmula sa karatig na bayan ng Masambong. Mag-dadalawampung taon na siyang naninilbihan bilang parish priest ng bayan, at dito na napanot ang kanyang tuktok at namuti ang buhok na nakapaikot sa kanyang ulo. May pagkagulat si Father Dacayman nang makita si Father Markus. May konting alma. O alarma na maka-meet ng pari na hindi siya pamilyar at taga-siyudad. Lalo't sinabi pa ni Hepe sa kanya noong sila'y mag-usap na si Father Markus ay ipinadala mismo ng mga "kataas-taasang bishops"—his exact words. Naalarma ang matandang pari roon, lalo na't isang hiwaga kung anuman ang sadya ng mga ito sa kanya at sa bayang ng Daigdigan. Nang makaharap niya'y nagtaas siya ng noo.
"Ako si Father Dacayman," mayabang niyang pagpapakilala.
"Father Markus."
Contrast ang suot nilang pampari, si Father Markus na naka-itim at si Father Dacayman na naka-puti.
"Ano'ng sadya mo, father?" tanong ni Father Dacayman.
"May lugar ba kung saan tayo makakapag-usap, father?" hiling ni Father Markus.
Tinignan muna siya ng paring lokal mula ulo hanggang sa dulo ng kanyang abito.
"Halikayo sa loob," aya ng pari sa kanila.
May opisina ang pari sa likod ng simbahan at sa may hallway pagpasok ay nakasalubong nila ang isang brother na magalang na bumati sa kanila sa pamamagitan ng pag-bow. Pumasok sila sa opisina at naupo si Father Dacayman sa kanyang desk, habang sa tapat niya'y si Father Markus at si Hepe. May dalawa pang upuan sa may dingding malapit sa pintuan at doon naupo naman sina Hannah at Jules.
"Ano ba'ng maipaglilingkod ko sa inyo?" tanong ng matandang pari.
"Isa sa mga residente natin. Maliit na batang babae na anak ng magsasaka ang sinaniban," sabi ni Hepe.
"Sinaniban?" pagtaas ng kilay ni Father Dacayman. "Ano'ng ibig mong sabihing sinaniban?"
"Isang kaso ng demonic possession, father," sabi ni Father Markus.
"Demonic possession?" nanlaking mga mata ng matandang pari. "Bakit hindi ako agad nasabihan tungkol dito?"
Pinandilatan niya si Hepe.
"Gusto namin kayong i-inform, father," sabi ni Father Markus, "na magco-conduct kami ng exorcism at..."
Ininterrupt siya ni Father Dacayman.
"Sandali lang, father. Kung may dapat na gumawa ng pagpapatalsik sa dimonyo ay ako."
Nagkatinginan sina Jules at Hannah at sabay na nag-roll ng eyes, as if saying heto na naman tayo. Nakita na nila ang eksenang ito.
May dalang official papers si Father Markus at kanya itong ipinakita.
"Ito father, ang sulat mula kay Bishop Israel ng Catholic Bishops..."
Agad na winagayway ni Father Dacayman ang kanyang kamay.
"'Wag mo 'kong pakitaan ng papel, father," galit nitong sabi. "Hindi uubra sa akin 'yan."
Napatingin si Father Markus kay Hepe. Kapuwa sila napaisip, ganoon din sina Hannah at Jules sa likuran, kung tama bang desisiyon na magpunta sila rito.
"Anong gusto n'yong mangyari?" tanong ni Hepe kay Father Dacayman, nagsisimula na siyang mapikon. "Kailangan ng mga ito ang tulong mo..."
Sumandal sa kanyang upuan si Father Dacayman. "Ako. Ako ang gagawa ng ritwal ng exorcism!" mayabang niyang pahayag, at kay Father Markus, sinabi, "At ikaw father ang magiging assistant ko."
Napabuntong-hininga si Father Markus. Sina Jules at Hannah nama'y mga nagkibit-balikat.
After ng kanilang pag-uusap ay pinaghintay sila ng matandang pari sa paradahan habang maghahanda raw ito. Sa tagal na nakatunganga ay pinulikat na ang mga pulis sa kakatayo at si Jules ay dinaanan na ng gutom at bumili ng Skyflakes at softdrinks na nilagay sa plastik sa malapit na sari-sari store, at si Hannah ay nakaubos na ng kalahating kaha ng yosi bago pa lamang lumabas si Father Dacayman. Inabot na sila ng patanghali.
Laking gulat nila nang makita ang kasuotan ng pari—naka-full vestment, chausible na halintulad sa Mexican poncho, kulay berde ito na may gold trim at may mga letrang JHS pa sa gitna, also in gold, at violet na surplice na nasa kanyang leeg. Sa kanya ring leeg ay malaking rosaryo na dahil may kabigatan ay napapayuko ang matandang pari. Iyon, at hawak pa niya ang malaking bakal na krus.
"Wow ha," gustong matawa ni Hannah at tumingin kay Father Markus na umiling. "Tinalo costume mo, father."
"Well, either matakot ang dimonyo o lalong mainis sa fashion statement ni father," bukang bibig ni Jules.
Lumapit si Father Dacayman, kasama ang brother na nakita nila kanina, isang nagngangalang Brother Paul na nakasuot ng simpleng puti na sutana hawak ang malaking bibliya.
"Ito si Brother Paul," pakilala ng pari. "Tutulong siya sa atin."
Hindi pasalita si Brother Paul at tulad kanina, ay tahimik na tumango lang.
"Halika na," mayabang na asta ni Father Dacayman. "Magtutuos na kami ni Satanas!"
#
Nakaabang na si SP04 Rosales, Kanor at Wendell sa harap ng kubo nang dumating ang Toyota ni Hepe kasama ang dalawang pulis at ang Hi-ace nila Jules na lulan naman sina Father Dacayman at Brother Paul. Pumarada sila sa tabi ng Patrol Jeep na minaneho ni SP04 Rosales paroon, isang lumang Toyota FX. Nagbabaan sila. Sinaluduhan ni SP04 Rosales ang boss niya at nagulat nang makita ang magarbong si Father Dacayman. Ganun din reaksyon nina Kanor at Wendell.
"Ayos a," sabi ni SP04 Rosales. "Tinalo ang Santo Papa."
Naiwan ang ibang mga pulis sa labas at naglakad sila tungo sa bahay. Pagpasok nila sa loob ay napatakip agad ng ilong ang matandang pari, at sa sama ng amoy ay napamura ito.
"Punyeta!"
Naiilang niyang inayos ang kanyang composure. Inabutan siya ni Brother Paul ng panyolito na itinakip niya agad sa nahihirapang ilong. Si Brother Paul naman ay pinipigilan ang paghinga at ina-adjust na lamang ang pangamoy sa matinding sangsang.
"N-nasaan ang bata?" tanong ni Father Dacayman.
Tinuro ng Hepe ang kuwarto. Lumapit ang concerned na Father Markus kay Father Dacayman at mahinang sinabi:
"Father, kung hindi mo kaya...kami na ang bahala..."
Nguni't ma-pride ang lokal na pari at hinawi si Father Markus para tumabi, at lumakad tungo sa kuwarto kung nasaan si Berta. Pinagbuksan siya ng pinto ni Hepe. Nagaalinlangang pumasok si Father Dacayman sa madilim na loob. Hinigpitan niyang hawak sa bakal niyang krus, pumikit saglit at humakbang papaloob kasunod ni Brother Paul at ng iba pa. Naramdaman nila ang lamig na gumapang sa kanilang mga tuhod.
Ni-ready na ni Jules ang kanyang video cam at pinindot ang record button. Sa video ay kita ang reaksyon ni Father Dacayman at Brother Paul. Nanlalaki ang mga mata ng dalawa sa natutunghayan. Ang malagim na kuwarto. Ang batang nakatali sa kama, nakaupo, at nakatitig sa kanila ng mga dimonyong mata, pula at nanlilisik. Ang bibig na naglalaway ng dilaw na suka at dugo. Nanghina ang tuhod ng matandang pari, parang gusto niyang mag-back out, pero huli na. Napatingin siya kay Father Markus na tumango sa kanya at hinikayat na kanya nang umpisahan ang ritwal. Humarap si Father Dacayman sa bata, nanginginig ang maugat niyang mga kamay, hawak ang krus na itinapat niya kay Berta.
In the name of the Father and of the Son and of the...
Hanggang doon lamang at hindi na natapos ng pari ang mga kataga pagka't nakita niya na ang krus na kanyang hawak ay bumaluktot na para bang natunaw na bakal. Ang krus ay nag-bow sa kapangyarihan ng dimonyo. Nanlaki ang mga mata ng pari at nabitawan niya ang krus na lumagpak sa sahig. At nakaramdam siya ng paninikip ng dibdib. Napasandal siya, at lalagpak na sana kung hindi siya natanganan ni Father Markus na nasa kanyang likuran.
"Father!"
Hindi makahinga si Father Dacayman.
"Inaatake siya!" sigaw ni Hannah.
Dinig nina Hepe, Kanor at Wendell ang boses ni Hannah at bago pa sila makapasok ng kuwarto para sumaklolo ay bumukas na ang pinto at naglabasan ang mga nasa loob. Akbay-akbay ni Father Markus si Father Dacayman na namumutla na. Kinuha ni Hepe ang kabilang braso ng matandang pari at kanila itong dinala sa sala at inihiga sa sahig.
Dilat si Father Dacayman, nakabuka ang bibig at tila hindi na humihinga.
Niluwagan ni Hepe ang collar ng pari. Nilapat niyang tenga sa dibdib at pinakinggan ang pulso. Matamlay ang tunog. Nilagay ni Hepe ang dalawa niyang mga kamay sa dibdib at pinump ito. 1...2..3...4...at hiningahan ang bibig ng pari. 1...2...3...4...hinga. 1...2...3...4...hinga.
"Shit!" sigaw ni Hepe, naramdaman niyang walang epekto ang CPR.
Sa paligid, gitla ang mga saksi. Pagpasok ni SP04 Rosales ay nagulantang din siya sa eksena.
"Tangina!" sigaw pa ni Hepe.
1...2...3...4...
Naramdaman ng pulis ang kamay ni Father Markus sa kanyang balikat at tumigil siya sa pag-CPR. Malungkot siyang tumayo. Pinagpawisan siya. Sa paligid, malungkot din ang pakiramdam ng lahat. Si Brother Paul ay nakayuko at pinipigil ang luha.
Patay na si Father Dacayman.
Atmula sa kuwarto, narinig nila ang malakas na halakhak ng dimonyo.
NEXT CHAPTER: "Si Mayor"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top