Ang Alamat ng Tahanan
Noong unang panahon kung saan wala pang naninirahang tao sa mundo, ikinasal ang Haring Araw sa nobya nitong si Buwan. Sa pamamagitan ng pinagsamang liwanag ng kanilang pag-ibig sa isa't isa, nabuo ang mga anak nilang si Tala, Bituin at ang bunsong si Ulap.
Dahil naiiba ang hitsura ni Ulap sa kanyang pamilya kaya lagi siyang pinaparatangang 'ampon' ng kanilang mga kapitbahay na sina Dagat at Lupa. "Maharlika ka bang talaga? Nasaan ang kinang ng katawan mong bukol-bukol? Baka anak ka talaga ng bula na pumuputok na lang bigla?"
May pagkaiyakin pa naman ang musmos pa lamang na si Ulap na muli na namang napahikbi nang iyon ay marinig.
Pero hindi hahayaan ng kanyang mga ate na kutyain siya ng mga iyon. Binabato nila ito ng mga bulalakaw na labag naman sa loob ng kanilang mga magulang.
"Mga anak 'di ba ang sabi ko sa inyo ay huwag makipag-away?" suway ng Hari.
"Hindi na po mauulit, Ama," sabay na tugon ni Tala at Bituin.
"Alam natin ang katoyohanan dahil tayo ang mas nakakilala sa atin kaya huwag tayong nagpapadala sa pangbubuska ng iba," pangaral ng inang si Buwan.
Para patahanin na naman ang humahagulgol pa ring si Ulap ay kinuha ni Haring Araw ang kanyang mga kristal na luha. Ginawa niya iyong hibla upang makagawa ng bahag na binigyan ng mga kulay ng kanyang liwanag. Sa tuwing nakikita ni Ulap ang bahaghari ay gumagaan ang kanyang pakiramdam.
"Tahan na." Ang mga salitang iyon mula sa kanyang pamilya ay nakakapagpadama talaga kay Ulap na hindi siya nag-iisa sa kabila ng panghuhusga ng iba.
At sa mga salitang iyon nagmula ang salitang 'tahanan' dahil ang ating pamilya na bumubuo nito ay ang ating kanlungan. Bumuhos man ang ulan, sila ay nariyan. Araw man o gabi, lungkot nati'y pinapawi.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top