Sa Iyo, Kabataang Pilipino...

Larawan ka ng kasiglahan, ng pag-asa at katatagan. Katatagang ipinagkaloob sa iyo ng Poong Makapal na dapat mong gamting kalasag sa iyong pagsuong sa mga pagsubok sa buhay. Lalo mong kailangang gamitin ang tatag ng iyong puso sa pagtupad sa mga pananagutan mo sa iyong sarili, sa iyong kapwa at sa ating bayan. Sa angkin mong sigla, maghandog ka ng buo mong makakaya nang walang pag-aalinlangan sa paglilingkod sa iyong sariling tahanan, sa pamayanang iyong kinabibilangan at sa bayang iyong kinagisnan.

Matagumpay mong maisasakatuparan ito kung patutunayan mong sa pamamagitan ng iyong tiwala sa sariling talino at kakayahan sa paggawa at paglilingkod ay isa kang di-maigugupong nilalang na magiging sandigan ng isang matatag at magandang kinabukasan.

Kabataan, supling ka ng lahing Pilipino. Isa kang lahing magiting, masipag, at marangal.

Nakasalalay sa iyong kamay ang maningning na kinabukasan ng ating bansa. Kailangang maging mulat at handa ka sa tawag ng mga pangangailangan ng ating bayan sapagkat may mahalaga kang pananagutan dito. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng paglilingkod na may kalakip na kasipagan, katapatan, at sariling kapangakuan.

Upang makatulong, panatilihin mo ang kagandahan ng ating bayan. Pangalagaan mo at pagyamanin ang ating mga likas na yaman at kapaligiran. Maging kabalikat ka sa pagpapahalaga at pagpapalaganap ng ating kulturang kasasalaminan ng sariling wika, ng sining, ng mga tradisyon at ng mga katutubong kaugalian. Patunayan mong ikaw ang bagong kabataang Pilipino na kusang gumagawa at nabubuhaynag marangal; may angking talino sa pagtatanggol ng sariling karapatan kung ikaw ay nasa matwid. Higit sa lahat, ipagsanggalang mo ang ating Inang Bayan kung kinakailangan sukdulang ibuwis mo ang sariling buhay.

Ikaw, Kabataan, ay hindi isang pulo sa iyong sarili. Hindi ka maaaring mabuhay nang nag-iisa. Kailangan mong makisalamuha at makipamuhay sa iyong kapwa, sa kapwa mo Pilipino at sa ibang mamamayan ng daigdig.

Sa larangan ng karunungan, hanapbuhay, at pagkakalakalan, may mahalaga kang bahaging dapat isabalikat.

Maging kasangkapan ka ng kapayapaan sa panahong laganap ang hidwaan dahil sa hindi pagkakaunawaan ng tao sa kapwa tao, ng bansa sa kapwa bansa. Makiisa ka sa pagpapalaganap ng mabuting pagkakapatiran sa kapwa upang matamo ang katiwasayan, katahimikan, at kaunlarang pandaigdig. Harapin mo ang katotohanang ang pinakamahalagang yaman ng isang tao ay ang tatak ng kanyang kabutihan at pag-unawa sa kahinaan, kapintasan o kahusayan ng iba. Ipamalas mong ikaw ang matibay na buklod  ng pakikipag-ugnayang pambansa't pandaigdig.

Isang katotohanang di mapasusubalian na lahat ng bagay sa mundo ay maaari nating makamit ngunit hindi dahil lamang sa sarili nating kakayahan. May isang Makapangyarihan at Dakila na namamatnugot sa ating buhay, ang Poong Maykapal. Walang mangyayari sa mundo nang di Niya kalooban o kagustuhan.

Sa pagtahak mo, Kabataan, sa landas ng buhay, kaagapay mo Siya sa pagsuong sa mga suliranin. Kasama mo Siya at karamay sa lahat ng iyong pagpupunyagi upang mapaunlad ang iyong sarili, mapabuti ang kalagayan ng iyong tahanan, matulungan ang iyong kapwa sa oras ng mga pangangailangan at mapaglingkuran ang bayan at daigdig tungo sa kaunlaran.

Kaya dapat mong matanto ang katotohanang ito. Gawin mong una ang Panginoon sa lahat ng iyong nilalayon at ginagawa. Gaano man kababa ang iyong pangarap sa buhay, gaano man kaliit ang iyong maitutulong sa kapwa, ialay mo ito sa Kanya bilang tanda ng iyong tunay na pagmamahal at pagpupuri sa Kanyang Banal Na Pangalan. Gawin mong pangunahing tunguhin sa iyong buhay ang maging karapat-dapat ka sa kadakilaan ng ating Panginoon...

----------------------*

Ika-16 ng Pebrero, 2012

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top