Pangako Sa Iyo

Aking minamahal, aking sinisinta
Sa piling mo, ako ay laging masaya,
Sa ating tipanan, ako'y naghihintay
Upang pagsaluhan, pag-ibig na tunay.

Gaano man kalakas ang bagyong dumating,
Lahat kakayanin at ating susuungin,
Pagmamahal ay mananatiling matatag,
Hindi mawawasak, at hindi matitibag.

At kung may mga taong umaapi,
Narito lang ako sa iyong tabi
Kahit buhay ko ay kayang isugal,
Para lamang sa 'yo, aking mahal.

Pagsama sa iba'y hindi ko gagawin
Pangako ko, ikaw lang ang mamahalin,
'Pag ika'y kasama, lagi kang kaniig,
Hindi magbabago, itong aking pag-ibig.

Mga pangako sa 'yo'y laging sinasambit
Laging isasapuso ngunit may kapalit:
Huwag kang lalayo, mangungulila ako,
Huwag kang mawawala, mamamanglaw ako.

Nalalapit na ang ating kasal
Ihaharap kita doon sa altar,
Pangako sa Diyos 'di kita iiwan,
Pangako sa iyo, ako'y iyo lamang.

Sa lungkot at saya, sa hirap at ginhawa,
Tayong dalawa'y hinding-hindi mawawala,
Sasabay ako sa agos ng iyong buhay
Mawala ka man sa mundo, ako'y sasabay.

Ating sinumpaan, 'di tatalikuran
Pangako sa iyo, ikaw lang kailanman,
At ang aking hiling sa Poong Maykapal,
Pag-iibigan nati'y sana'y magtagal.

Pag-ibig na tunay, pag-ibig na wagas,
Pag-ibig ko sa 'yo'y walang kupas.

----------------------*

Ika-17 ng Agosto, 2011

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top