Pamana

'Di mo man sabihin, aking nababatid
Ika'y naglalakbay sa bagong daigdig;
Paraisong dati'y hinanap, inibig
Alaala na lang na 'di magbabalik.

Sabay sa pagsikat ng bagong umaga,
Naglaho nang ganap ang pangungulila
Hungkag na buhay mo'y mabugyan ng pag-asa,
Ang bagong lipunan, may handog na ligaya.

Ngunit ang lipuna'y hindi magwawakas,
Sa mga pangako at mga pangarap
Damdaming adhika at diwang matalas,
Siyang magbubukas sa malayang pugad.

Pag-unlad ng bansa'y may hatid-pangako
Na ang kalinanga'y dapat na mabuo,
Kulturang pambansa'y di dapat isuko
Hayaang magbuga't mabusog sa puso.

Ngunit tila yata nalilimutan mo,
Mga kaugaliang buhay-Pilipino,
Ang lahat ng ito ay pagyamanin mo
Ang Nasyonalismo'y mapapasaiyo.

Ang pagkakaisa'y pagbabayanihan
Nag-usbong sa diwa't lahing makabayan,
Kung sasariwain at pagbabalikan
Ang pagkakabuklod ay masisilayan.

Sa mga tahana't pook na dakila,
Ang tanging biyaya'y moral na adhika;
Payo ng magulang ay banal na wika,
Sa mabuting anak ay buhay na nasa.

Ang lahat ng ito'y pamana ng lahi
Gabay nitong bansa't dangal nitong lipi
Kaya't magsikap ka, tuwa'y magbibinhi,
Ika'y Pilipinong dapat na maghari.

----------------------*

Ika-29 ng Agosto, taong 2012

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top