May Kulang Pa

Ang buhay ko, hindi gano'n kaganda, hindi rin gano'n kasama. Kung baga sa inumin, tama lang ang timpla. Walang nangyayaring kakaiba, simpleng-simple tulad ng nasa iba.

Sasapit ang umaga, kasama ko ang aking sarili sa isang malaki at malamig na tahanan. Papasok mag-isa sa trabaho, mag-isa rin namang uuwi pagkatapos.  Mahal ko ang sarili ko, kung kaya't nagpupursigi ako sa paghahanapbuhay. Kung makikita mo lang ako, mayroon akong malaking bahay, kotse, pera, impluwensya, at…at…oo nga pala, 'yun lang ang mayroon ako at nakuha ko ang lahat ng iyon sa sarili kong pagsisikap.

Hindi ko ramdam ang init sa labas, habang binabasa ko ang mga patung-patong na papel sa aking harapan. Sa lamig na ibinubuga ng kwadradong aparato sa loob ng konkretong silid, hindi ko naalalang tanghalian na pala. Pupunta na naman ako sa paborito kong kainan. Nasanay na ako, masarap ang mga pagkain doon, hangga't marami kang pambayad. Hindi ko na kailangan pang isipin ang kulang sa aking sarili, ano bang kwenta kung mag-iisip pa ako? Sasapit ang gabi, tulad ng sinasabi ko kanina, uuwi ako sa aking tirahan mag-isa. Ako na naman…naiintindihan mo ba ako? Sa tingin ko ay hindi, sa tingin ko, ang lahat ng ito'y walang katuturan.

Hindi ako makapaniwala, ang isang tulad ko na tinitingala at kinaiinggitan, ngayo'y nakakulong sa isang walang katuturang sitwasyon. Bilanggo dahil sa sariling pagnanais, nagdurusa sa pag-iisa. Napagtanto ko na kung ano ang pagkululang ko. Nagkamali akong mahalin ang sarili ko nang sobra-sobra, hindi ko man lang ito naipamahagi sa iba.

Inaasahan ko na ang iniisip mo, inaamin ko, makasarili ako. Ngunit sa kabila ng lahat ng tagumpay, kailangan ko ng magmamahal at mamahalin ko. Gusto ko sanang maranasan ang ganoong pakiramdam habang may panahon pa. dahil kung walang pagmamahal/pag-ibig, ang lahat ng ito'y walang katuturan.

----------------------*

Ika-28 ng Marso, 2013

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top