Ilang Taon Na (Kay Supremo Andres Bonifacio)
Ilang taon na nang ika'y nakilala
Simula pa no'ng aking ina ay buhay pa
Kaya laking pasasalamat ko sa kanya
Na tulad ko'y makabayan din siya.
Nang ang aking ina ay pumanaw na,
Baon ko ang kanyang alaala
Pagtuturo ng kasaysayan at sa isang tao
Na nagngangalang Andres Bonifacio.
Patuloy na naghahangad ng kasarinlan
Upang tuluyang mapalaya ang bayan,
Walang takot na inihayag ang kataksilan
Ng mga naghadlang sa iyong Katipunan.
Ilang taon na nang ika'y isinilang,
Ilang taon na nang ika'y pinaslang,
Ang iba'y 'di ka naalala man lang
Dito sa Kapuluang Katagalugan.
Alin pa kaya ang hihigit
Sa pait ng iyong sinapit,
Kasama ang 'yong kapatid
Sa Bundok Maragondon iniligpit!
Ilang taon na ang lumipas,
Kabayanihan mo'y walang kupas
Pangako, kami ang magtutuloy ng laban
Kahit humantong kami sa kamatayan.
----------------------*
Ika-21 ng Setyembre, taong 2013
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top