Ang Aking Mga Sulatin
Sa una'y lapis, panulat na gamit
Noong ang aking ina ay buhay pa,
Bukambibig ko noong ako'y paslit:
Gusto kong magsulat nang magsulat pa.
Datapwa't hindi ko na nga matandaan
Kung kalian ko nagawa ang unang tula,
Pati ang pamagat at ang nilalaman
Pagsulat ituloy, mungkahi ni ina.
'Di ko malaman kung tinadhana o sinadya
Ang aking ina ay dagliang pumanaw,
Nagbago ang buhay ko, ako'y inalipusta
Nakabaling sa kawalan at namamanglaw.
Habang ako'y lumalaki, nag-iba na
Nilamukot na papel sa basurahan,
Bolpen ang gamit, sulat ay 'di mabasa
Nag-iisa't nagkukubli sa karimlan.
Tinanggap ko lahat ng alimura
Animo'y alingasngas kung ako'y ituring,
Mula sa mga kamag-anak at iba pa.
Naging sanhi, sa papel na lamang idaing.
Ang mga papel na walang sulat
Ito'y aking pinakikinabangan,
Sa kanila, ito ay isang kalat
Kaya ang tungo ay sa basurahan.
Minsang nalirip, sulat ko'y walang silbi
Ayaw nilang basahin.
Walang bumabasa
Walang saysay daw ang aking mga gawi
“Pakitang-tao ka lang!” ang sabi pa nila.
Tinanggap ko lahat ng alimura
Siniphayo ako't baliw kung ako'y ituring,
Ngayon ay wala na akong magaggawa pa,
Kung hindi, ay sa papel na lamang idaing.
Minsan ay nagtanong ang isang dukha:
Pa'no daw kung mga panulat ko'y salat?
Ang bolpen o lapis ay sakaling wala,
Ang wika ko'y dugo ko ang ipangsusulat.
Ang aking mga sulatin, mayro'n pang bakas,
'Di man maapuhap ng ilan, ayos lamang
Sinasabi mong pagsulat kong ito'y wakas,
Patuloy pa ang daluyong kahit lumamlam!
----------------------*
Ika-27 ng Marso, 2014
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top