Ang aking Talambuhay
Dedicated to aleaqimdyosa07
Madla, nais ko sana'y inyong dinggin
Pahintulot n'yo ay aking hihilingin
Ni'tong akda na aking kakathain
Talambuhay ko sana'y uunahin
Nais ko sana ay magpakilala
Sa lahat ng mga bumabasa
At sana kayo'y maging maligaya
Sa pagbabasa ng aking mga katha
Isang karangalan po sa akin
Na kayo'y aking mahandugan
Mga maiikli kong kwentong
Nanggaling sa puso ko't isipan
Irish Jane Rendoque Jamarolin
Ang pangalang ibinigay sa'kin
Nang aking mga magulang
Na siyang aking ginagalang
Anim kaming magkakapatid
Anim na bunga ng pag-ibig
At ako ang siyang bunso
Na may dalisay na puso
Katutubo ng aming magulang
Na ang anak na isinilang
Sa ingat ay gayon na lamang
'Ni sa langaw ay ayaw padapuan
Kapag may manunuyo
Labag na sa puso
Kung pwede lang itago
At 'di ipakita sa sumusuyo
Sa malayo ay 'di makalakwatsa
Kung kaibigan ang kasama
Labag pa sa puso kung papayag man
At ang gusto ay paminsan-minsan lang
Sa pagkilos ng anak nilang dalaga
Kailangang katulad ni Maria Clara
Mahinhin at maayos ang paggalaw nata
Sa pagkilos ay kailangang kasiya-siya
'Pag nakagawa ng munting sala
Lumalaki na yaong mga mata
Para bang malaki ang pagkakasala
Nang mga anak nilang minumutya
Sa tindi ng pagdidisiplina
Nang aking ama at ina
'Pag nagkasala'y makakatikim ng litanya
At may palo pang kasama
Ngunit kami ay tao lamang
Sa pagkakamali 'di maiwasan
Higpit at bilin ng magulang
Ay aming nakalimutan
"Anak, bakit baga?," sabi ni ina
"Bilin ko'y limot mo na,
Sabi ko'y gumawa ka
Ng bagay na kasiya-siya"
"Bakit mo nakalimutan?
Ang bilin ko't kahigpitan?
Hindi mo ba nalalaman?
Higpit ko'y para sa'yong kabutihan?"
Ngunit ngayon ang mga kabataan
Matupad ang kagustuhan
Nang hindi nagpapaalam
Sa mutya nilang magulang
Mga kapatid ko'y nakagawa ng kamalian
Ang pagkakamali hindi nakayanan
Ngayon ay bumabalik na naman
Sa aming minamahal na magulang
Ito namang aking ama't ina
Kung ang anak ay malayo sa kanila
Bigat ng dibdib ay kanilang dinadala
Sa pagkakamali ay napatawad na
Kaya gayon na lamang
Ang higpit at bilin ng aking magulang
Sa bunso ay lalong hinigpitan
Upang sa landas, 'di malihis kailan man
Kung kaya ako nama'y natuto
Magkulong na lang sa kwarto
At sumulat ng mga kwento
Libangan para sa sarili ko
Labin tatlong taong gulang pa lamang
Nang ako ay magsimulang
Sumulat at lumikha
Nang mga katha
Kwentong kababalaghan o tula
Ay pawang may nilikha
Ang aking pagiging makata
Ay dito ko ipapakita
Pati kwentong pag-ibig man
Ay akin ding sinubukan
'Di rin pahuhuli ang aking salaysay
Tungkol sa mga hiwaga sa'ting buhay
Sa pagsusulat kong ito
Naipapahayag ko kung ano
Ang nasa aking puso
At sa mga nakikita ko dito sa mundo
Ewan ko ba kung bakit?
Maraming katanungan sa aking isip
Na hanggang ngayo'y 'di ko mabatid
Ang mga pangyayaring di-malirip
Ako yata ang nilikha
Na mangmang sa hiwaga
Hanggang ngayo'y nanghuhula
At laging namamangha
Ngunit ako'y nasisiyahan
Na makalikha man lang
Isa ito sa aking mga katangian
Na ipinagkaloob sa'kin ng kahitas-an
Ito na ang wakas ng aking tula
Na naipatunghay ko sa inyo Madla
Pagbati ko'y magandang umaga
Sana kayo ay aking napaligaya
---- Kelly_Gracious
Written on:
September 5, 2014
Purpose:
Gusto ko kapag sumulat ako ng tula ay ang una kong susulatin ay ang aking talambuhay. First year high school ako ng una ko itong sinulat dahil na rin sa Ibong Adarna. Ibong Adarna na sinulat sa korido o awit. Iyon ang ginawa kong inspiration.
Signature:
Deo gratias!
Dictionary:
Madla - lahat, taong-bayan
Akda - katha, mga sinulat
Dalisay - malinis, puro
Labag - kontra, hindi payag
Manunuyo - manliligaw
Nata - namin, natin, atin
Yaong - iyon, niyon
Mutya - giliw, sinta, iniibig
Baga - tanong na may pahiwatig
Gayun - ganoon
Hindi malihis - hindi mapunta sa maling daan
Pawang - lahat, bawat isa
Makata - taong manunulat
Hiwaga - misteryo
Hindi malirip - hindi matanto, sobrang mahiwaga
Hindi mabatid - hindi malaman
Mangmang - bobo, walang alam
Namamangha - nagugulat
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top