Chapter 9

KAHIT na hindi ko matukoy kung sino-sino ang taong nasa paligid ko ngayon, nararamdaman ko rin ang lungkot nila. Ilang minuto na lamang ay alam kong tuluyan na akong mailalagak sa huling hantungan ko.

Tahimik ko lamang silang pinapanood habang kaliwa't kanan ang pagbuhos ng luha ng iilan.

Nagdasal pa ang pari bago muling basbasan ang kabaong kung saan naroroon ang katawan ko. Bago tuluyang isara ang takip ng kabaong ay pinagmasdan ko pa sa huling pagkakataon ang katawang lupa ko, paniguradong ito na rin ang huling pagkakataon na makikita ko ang sarili ko.

Mas dumami ang pulang rosas na inihahagis sa kabaong ko nang maisara na iyon ng tuluyan. Nagkagulo na sila sa paghahagis ng bulaklak habang unti-unting ibinababa sa hukay ang nakasarang kabaong, muntik pang magdire-diretso pababa sa hukay ang kabaong dahil sa pagkakagulo nila.

Sa pagkakataong ito ay hinihintay ko na lang kung kailan ako tuluyang maglalaho, ngunit kung kasama ko pa ang mga alaala ko noong nabubuhay pa ako, posible kayang gustuhin kong manatili o piliin kong tuluyan ng maglaho?

Kung maglalaho man ako, maari kayang ngayon na mismo? Hindi ko nanaising mapanood ang puntod ko na maabanduna dahil nakalimutan na nila ako.

Oras na bumalik sila sa kanya-kanyang buhay nila, tiyak naman na makakalimutan na rin nila ako.

Ayaw kong masaksihan pa ang tagpong iyon. Kahit na wala akong maalala, alam kong masasaktan pa rin ako sa oras na makalimutan na nila ako.

Pinanood ko na lang ulit ang mga trabahador na tabunan ng lupa ang kabaong na siyang naglalaman ng katawang lupa ko. Nanatili akong pinapanood sila hanggang sa mailapat nila ang bagong gawang lapida na siyang naglalaman ng pangalan at pagkakakilanlan ko.

┌────────────────────┐
IN LOVING MEMORY OF
ELOISE MARJORIE MENDES
Born: December 05 2003
Died: November 01 2024
Family Remembrance
└────────────────────┘

─────⊱◈◈◈⊰─────

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top