Chapter 8
KINAUMAGAHAN ay muli kong nasaksihan ang lahat na nagkakagulo sa loob ng bahay. Hindi magkamayaw ang mga tao kung ano ang unang gagawin. Iyong mga bata ay napabayaan na nila dahil hindi maunawaan kung sinong bisita ang aasikasuhin, anong pagkain ang iluluto at ang pari raw na magmimisa ay wala pa.
Mas marami na ang tao ngayon kumpara sa nagdaang araw. Sa dami ng tao ay hindi ko pa rin matukoy kung sino-sino sila.
Sa kabila ng magulong paligid ay naroron pa rin sa isang sulok ang misteryosong estranghero. Ilang araw na siyang hindi kumakain, kahit na inaalok siya ng pagkain ay patuloy niya iyong tinatanggihan. Nanatili lamang siyang tulala at kung minsan ay nagtutuloy-tuloy ang pagbuhos ng mga luha niya na hindi na niya pinupunasan pa.
Nang dumating ang pari at magsimula ang misa ay doon ko lamang napagtanto, ito na pala ang huling araw ko sa bahay na ito.
Sa oras siguro na maihatid ako sa huling hantungan ko ay doon na rin ako tuluyang maglalaho.
Tuluyan na nga lang ba akong maglalaho na parang bula o magigising na ulit ako sa lugar na wala akong ka-ide-ideya kung saan at ano iyon?
Gayunpaman...
Muli kong binalingan ang estrangherong katabi ko. Pinunasan ko ang luhang nag-uunahan mula sa mga mata niya subalit walang silbi iyon.
Kung tuluyan na akong maglalaho, sana bago ang lahat ay maalala ko muli kung sino ako... higit sa lahat gusto kong makilala kung sino ang estrangherong naiwan ko.
─────⊱◈◈◈⊰─────
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top