6 | Ang Landas ng mga Malalakas [2]
"Hay, itong katawan..." Bumuntong-hininga si Yunxiao sa kanyang puso, labis na hindi nasisiyahan sa kanyang kasalukuyang katawan. Kung may lakas siya ni Hezheng, kaya niyang durugin ang braso ng kalaban gamit ang anyo ng dragon. Kaya rin niyang kumitil ng buhay sa loob ng ilang segundo sa susunod na damba. Pero ngayon, sumakit lang ang braso nito at namanhid ang dibdib.
"Anong nangyari kanina? May nakakita bang malinaw?"
"Makapangyarihan ang suntok ni Hezheng, sapat para dumurog ng malaking bato, at nakakita pa ako ng mahinang liwanag ng Yuan Qi. Paano ito naharang ng ganoon kadali lamang?"
"Kakaiba! Walang bahid ng Yuan Qi ang batang ito. Isa kaya siyang dalubhasa na nagtatago ng kanyang lakas?"
Natulala sa pagkabigla si Hezheng. Hindi pa rin niya maintindihan kung ano ang nangyari. Wala siyang maramdamang anumang Yuan Qi mula sa binata. Kahit na nakakabilib ang galaw, wala itong dalang sapat na lakas. Kung hindi, hindi lamang siya nanginginig sa puntong iyon na halos kumulo ang kanyang dugo.
Maaring mag-iingat siya sa normal na mga panahon, ngunit naroon ang kanyang diyosa sa kasalukuyang oras, kaya hindi siya pwedeng magpahalata. Sa galit na namumuo, sumigaw siya at papalapit na sana, ngunit sinabi ng babae sa asul na kasuotan sa tabi niya, "Punong Yu, kalimutan mo na lang!"
May kahihiyan at galit sa kanyang mukha, sinabi ni Hezheng, "Landuo, bigyan mo ako ng limang minuto. Lulumpuhin ko ang batang ito at kukunin ko ang kuwartong ito para sa iyo!"
Umiling si Landuo at sinabi, "Huwag na, siya naman ang unang nakakuha ng kwarto."
Kumunot ang noo ni Yunxiao sabay sabing, "Ikaw pala?"
Lumitaw sa kanyang mga mata ang isang banayad at magandang mukha, na bahagyang nagpalakbay sa kanyang kaisipan.
"Hindi ako makapaniwala na dahil hindi ka nakakapaglinang ng iyong lakas, nagsimula kang maglinang ng iyong mga kasanayan. Sadyang sagana ang mapagkukunang yaman ng Angkan ng Li," malumanay na sabi ni Landou, nakatingin ng may pagkamangha kay Yunxiao. "Napakaganda ng galaw na 'yon. Gayunman, ang kasanayan na walang lakas ay nagiging isang palamuti lamang."
Naging kakaiba ang damdamin ni Yunxiao, pero sumang-ayon siya. "Tama ka."
Samantala, nagdilim ang mukha ni Hezheng. Tinitigan niya si Landuo at nagtanong, "Landuo, kilala mo siya?"
Sa halip na sagutin, ngumiti siya at sinabi kay Yunxiao, "Kaya hindi mo magagawang talunin ako. Lalong lumalawak ang agwat sa pagitan natin. Sa katunayan, ikaw ay ang nakababatang panginoon ng Angkan ng Li. Kaya kahit hindi ka makakapaglinang, magkakaroon ka pa rin ng magandang kinabukasan. Bakit ka ba masyadong nagsisikap?"
"Nakababatang Panginoon ng Angkan ng Li?" Nagulat si Hezheng. "Siya ba ang kilalang talunan ng Angkan ng Li?" Biglang nagbago ang kanyang ekspresyon. Nabalitaan na niya ang reputasyon ni Yunxiao, isang talunan na hindi makapaglinang. Hindi siya matulungan maging ng mga Dakilang Panginoon ng Samahan ng mga Alkemista.
"Siya pala ang tinaguriang talunan. Hindi kataka-taka na hindi ko maramdaman ang anumang Yuan Qi sa kanya."
"Naiintindihan ko na. Pinili niya ang landas ng mga kasanayan. Ang isang mandirigmang may kamangha-manghang kasanayan ay may likas na pakinabang sa pakikipaglaban sa mga kalaban sa parehong antas. Ngunit, gaano man karaming kasanayan ang kanyang napagaralan, walang silbi 'yon sa harap ng isang dalubhasa na may lakas na sampung beses."
"Narinig ko na ang walang kwentang binatang ito ng Angkan ng Li ay walang tigil na nanligaw kay Landuo dati, at nagawang sumuko lamang pagkatapos siyang matalo."
"Hindi mahalaga kung gaano man kataas ng katayuan niya. Kung walang lakas, isa lamang siyang basura! Isang sikat na maganda si Landou Luo kaya't hindi kailanman siya magkakagusto sa kanya."
Alam ni Yunxiao na nagkamali si Landou ng pangunawa sa kanyang naging kilos at mayroon siyang kakaibang damdamin sa kanyang puso. Bago pa man nagising ang kaluluwa ni Feiyang Gu, totoo na masugid siyang nanligaw sa kanya sa loob ng isang panahon.
Naaalala pa niya ang mga salitang walang pag-aatubili nitong sinabi: "Dapat isang bayani na may di-matitinag na diwa ang aking asawa na siyang magiging tagapagtanggol ng estado! Sa kabila ng iyong mataas na katayuan, isa kang talunan na hindi kayang magsanay ng sining ng pakikipagdigma. Talunin mo muna ako, saka ko pagiisipan ang iyong panliligaw."
Naalala rin niya ang napakalaking sampal na dala ng mga salitang iyon sa kanya na nagpakapagpakalunod sa kanya sa kalungkutan. Ngunit ngayon, hindi na siya ang simpleng si Yunxiao Li... siya ay si Feiyang Gu! Marami na siyang nakilalang mga kababaihan na walang katulad ang kagandahan sa nakaraang buhay; na umiyak, lumuhod at nagmakaawa na tanggapin niya sila. Kung maghawak-hawak sila ng kamay, kaya nilang mag-ikot ng dalawang beses sa buong Mundo ng Banal na Pakikidigma.
Bagaman pino at maganda si Landuo, malayo ito sa mga kagandahan na pinagsawaan na niyang makita sa kanyang nakaraang buhay. Kaya't puno ng kakaibang damdamin ang kanyang puso sa ngayon.
"Ano? Sinubok ligawan ka ng isang walang silbing binatang tulad niya? Talagang sobra ang pagpapahalaga niya sa kanyang sarili!" Kahit na nakaranas ng kaunting pagkatalo si Hezheng, masaya pa rin siya nang malaman na walang kwenta si Yunxiao.
Bahagya namangha si Yunxiao at tumingin kay Hezheng. Tumatagos sa puso ni Hezheng ang matulis na titig tulad ng isang talim, na nagdulot sa kanya ng takot at agad na nagpatikom sa kanyang bibig habang tumutulo ang malamig na pawis sa kanyang noo.
"Nagkakamali ka ng intindi. Kung ako man ay isang basura o hindi, hindi kita lalabanan. Kung wala ka nang ibang sasabihin, maguumpisa na akong maglinang." Matapos niya sabihin ito, nagpaalam si Yunxiao at dumeretso sa silid 013 bago isara ang pinto.
Medyo nagulat si Landuo. Pinaningkit niya ang kanyang mga magagandang mata na parang nag-iisip.
Sa kabilang banda, namamangha si Hezheng at nagkaroon ng malaking bagyo sa kanyang puso. "Anong nangyari? Isa siyang basura na hindi man lang kayang buksan ang kanyang mga chakra, pero bakit parang naramdaman kong nalulunod ako sa kanyang tingin? Oh Diyos ko, ang isang tingin pa lang!"
Marahas siyang napalunok at tumingin sa nakasaradong pinto ng silid 013, may butil-butil na malamig na pawis sa kanyang noo. Bigla niyang napagtanto na parang may takot na siya kay Yunxiao, na nagdudulot ng pagkawala ng kanyang kagustuhan sa pakikipaglaban kapag muli niya itong nakaharap.
"Para sa iyo, Landuo, pagbibigyan ko siya ngayon. Tara na!" sabi ni Hezheng, na gulat pa rin at nagtatangka na iligtas ang anumang natitirang dignidad sa kanya sa mga oras na iyon.
Tumango si Landuo, paalis na siya nang sandali siyang humito, tumingin kay Hezheng, at nagsabing, "Punong Yu, tama si Yunxiao kanina. Kahit na malakas ang dagsa ng iyong Suntok ng Tigre, isa lamang iyong porma. Kung nakuha mo nang mabuti ang kahulugan nito, hindi ka sana niya mahuhuli nang ganun lang kadali."
Namumula ang mukha ni Hezheng, puno ng galit at hiya ang kanyang mga mata at punong-puno naman ng poot para kay Yunxiao ang kanyang puso.
Agad na pumasok si Yunxiao sa silid ng linangan at tiningnan ito. Natuklasan niyang mayroon itong luwag na 100 metro kuwadrado. Wala itong laman maliban sa dalawang pirasong itim na bato na nakalagay sa isang sulok, may sukat ang bawat isa na halos isang metro at mayroong malapad na hugis ng tao. Malinaw na mga manika ito na ginagawang tutok ng pagsasanay ng sining ng pakikidigma dahil may mga marka ng mga suntok at palo, pati na rin ng mga gasgas at batak mula sa mga espada at punyal.Sira na ang isa sa kanila at nawala na ang tamang hugis nito.
"Ang mga itim na bato na ito ay marahil nasa isang daang taon na!" Pinuri ni Yunxiao ang mga ito at dahan-dahang kinapa ang mga ito sa loob ng ilang sandali. Saan man at anong oras, laging mayroong mga mandirigma na hindi natatakot sa paghihirap, at naglalagak ng lahat ng kanilang pagsisikap sa pagpapalakas habang umaakyat sa landas ng mga malalakas.
"Ha!" Binigkas niya ng mariin. "Hindi ngayon ang tamang panahon upang maging madamdamin sa mga bagay na ito. Kailangan kong ibalik ang aking lakas sa pinakamabilis na panahon! Hangga't malilinis ko ang aking mga meridyan at mapagtibay ang Yuan Qi, natitiyak ko na makakabalik ako sa tuktok ng Pangsiyam na Kalangitang Estado sa loob ng sampung taon!"
Kinuyom ni Yunxiao ang mga kamao saka biglang sumugod sa mga itim na bato na may anyong tao.
"Mag-umpisa na tayo."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top