6 | Ang Landas ng mga Malalakas [1]


Ngayon, ituturo ko sayo ang ilan sa mga patakaran na dapat sundin ng isang baguhan na katulad mo!" Habang unti-unting bumababa ang boses ni Hezheng, biglang tumindi ang awra ng kanyang katawan na bumubuo ng mahinang puwersa, na sumabog papunta kay Yunxiao! 

"Yuan Qi? Nakapagtibay na ba ng Yuan Qi si Hezheng at nakatawid sa Panimulang Estado?!" Isang sigaw ng pagkagulat ang umalingawngaw sa pampublikong lugar at agad na naakit ang lahat ng mga mata. Puno ng pagtataka ang mukha ng lahat.


"Ang galing talaga ng batang ito! Nabuksan lang daw niya ang ikapitong chakra noong nakaraang linggo. Kadalasan, aabutin ng mga buwan para mapagtibay ang Yuan Qi, pero nagawa niya ito sa loob lamang ng pitong araw!"

"Hindi naman siguro. Mag-aaral ng pakikidigma pa rin siya sa tingin ko. Kung nakatawid na siya sa pagiging ganap na mandirigma,  dapat magkaroon ng kinang ng Yuan Qi ang kanyang katawan at hindi lamang ang puwersa."

"Kahit na ganoon, ang galing-galing pa rin niya! Sa tingin ko, makakatawid na siya sa Panimulang Estado sa loob ng sampung araw!"

"Maganda ang kalagayan ng loob ko ngayon, bata. Kaya babaliin ko lang lahat ng tadyang mo at hahayaan kitang mabuhay." Habang nakikinig siya sa nakakagulat na pag-uusap sa paligid niya, nakaramdam si Hezheng ng labis na pagmamalaki. Gusto niyang magpakita ng lakas lalo na't nakatayo sa likuran niya ang dyosang gusto niyang ligawan. Unti-unting lumalakas ang puwersa sa kanyang kamao.

"Hu!"

Inumang niya ang kanyang kamao, pumuputok ang kanyang braso na para bang may iniihaw na butil sa loob. Isang malakas na bugso ng hangin ang kumalat mula sa suntok habang lumilipad ito patungo kay Yunxiao na parang isang ganid na tigre!

"Suntok ng Tigre? Hindi masama! Gayunpaman, hindi lamang ito tungkol sa dagsa ng isang mabangis na tigre, kundi tungkol din sa tamang oras ng pagtama ng nakamamatay na suntok. Mayroon kang tamang anyo, ngunit kulang sa kahulugan," sabi ni Yunxiao habang parang guro na nagtuturo sa kanyang mag-aaral. 

"Nasisiraan na ba siya ulo? Paano niya kayang magpatawa sa harap ng suntok na ibinato ng isang nasa tugatog na mag-aaral ng pakikidigma na mayroon ng pitong chakra?" sabi ng isang mag-aaral habang nanlalaki ang mata. 

"Hindi naman siguro siya nanunuya. Kahit medyo mayabang siya, may punto siya!" nag-aalalang sabi ng isa pang mag-aaral.

Umiling ang isang mag-aaral sa tabi nila. "May punto man siya o wala, paano niya maiiwasan ang suntok mula sa isang nasa tugatog na mag-aaral ng pakikidigma? Maliban na lang kung sing lakas siya ng isang mandirigma, tiyak na manganganib siya!"

Galit na galit si Hezheng kaya hindi niya napigilang dagdagan ang lakas ng kanyang kamao. Noong una, gusto lamang niyang sugatan si Yunxiao, ngunit determinadong na siya ngayong  durugin ang mayabang na binata na ito gamit kanyang suntok!

"Ha!"

Sumigaw si Yunxiao habang humakbang pasulong. Inilagay niya ang kanyang mga kamay sa dibdib, nakabaluktot ang mga daliri na animo mga kuko na handang mandagit. Anyo ng isang dragon ang kanyang porma na nakabuka ang malawak na bibig nito para lamunin ang lahat ng bagay!

Para bang naging ilusyon ang lahat ng isang dragon na umuungal sa kanilang mga tenga!

Naningkit ang mga mata ni Hezheng. Sumaklaw na ang kanyang Suntok ng Tigre sa buong katawan ni Yunxiao at hindi ito maiiwasan. Gayunpaman, hindi niya inaasahan na bibigyan siya ni Yunxiao ng impresyon na nilalamon nito ang mundo sa pamamagitan lamang ng paggawa ng isang porma ng dragon. Hindi lamang nito nawasak ang lakas ng kanyang suntok, ngunit tila isa rin itong napakalaking bibig, naghihintay sa kanya para sakmalin.

Ano ito? Bakit pakiramdam niya para siyang tupa na lumalakad sa bibig ng tigre? Nagulat si Hezheng, ngunit mabilis siyang kumalma. "Kahit gaano man kakaiba ang iyong galaw, ako ay isang nasa tugatog na mag-aaral ng pakikidigma, at kaya kitang talunin gamit ang lakas ko lamang!"

"AHHH!"

Biglang sumakit ang braso niya, at ang kanyang suntok, na inaakala niya na hindi magmimintis, dumapo sa walang laman na hangin. Sa kabilang banda, nabaluktot ni Yunxiao ang kanyang sampung daliri na mistulang mga kuko, at sa halip na umatras, umabante siya at sinakmal ang braso ni Hezheng.

Saka biglang sumabog ang matinding sakit sa kanyang isipan. Lalo siyang nagalit dahil nawala ang lakas sa kanyang braso sa sandaling hawakan siya ni Yunxiao, at hindi na niya ito mailabas!

"Hmph!"

Matapos magtagumpay sa kanyang galaw, tumakbo si Yunxiao papunta kay Hezheng at bahagyang lumuhod bago dinamba ng kanyang kanang balikat ang dibdib nito.

BAM!

Walang naramdaman si Hezheng kundi pamamanhid sa kanyang dibdib at pag-agos ng dugo sa kanyang lalamunan. Napaatras siya mula sa pagkakahampas at nakailang hakbang pa bago siya makatayo nang maayos.





Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top