5 | Mapaniil na Katawan-Panibay na Pamamaraan


"Bakit ba hindi karaniwan ang pamamaraang pang-linang na ito? Nararamdaman ko na madudurog ang aking buong katawan! Hindi nakakagulat na napakalakas ng Mapaniil... Nagsisimula pa lamang ako ngunit hindi ko na kinakaya!"

Minsang nagsagawa ang Mundo ng Banal na Pakikidigma ng pagtitipon ng mga mandirigma, kung saan gumagawad sila ng titulo sa sampung pinakamalakas na mandirigma. 

Tinatawag sila na Nangungunang Sampung Pinakadakilang Mandirigma. Kinakatawan nila ang tugatog ng kapangyarihan ng Banal na Mundo ng Pakikidigma.

At sa sampung iyon, kinikilalang pinakamalakas ang Mapaniil na Pinakadakilang Mandirigma— si Chang Kong Ao!

Ang pamamaraan ng mapaniil na katawang-panibay ang pinakamahusay na gawa ng Mapaniil na Pinakadakilang Mandirigma. Nagkataon na nakuha ni Yunxiao ang katawang-panibay na pamamaraan na ito mula rito.

"Sa pamamaraang ito, kahit na hindi ako makapagbukas ng anumang mga chakra, sapat na para sa akin na linangin ang antas ng Pinakadakilang Mandirigma!"

Huminga ng malalim si Yunxiao habang nagpakawala ng malalim na pagsigaw at muling binaluktot ang itaas na bahagi ng katawan. Mayroong kamangha-manghang pagtitiyaga ang sinuman na nag-linang hanggang sa rurok ng Pang-siyam na Estado. Bagama't mahalaga ang talento, ang lakas ng loob ang mas mahalaga at determinasyon na huwag sumuko!

"Ang unang paraan ng Mapaniil na Katawang-Panibay— Buwan at Araw!"

Muli niyang binaluktot ang kanyang katawan sa isang bilog. Nagparamdam sa kanya ang napakalaking puwersa ng paghila na para bang pipira-pirasuhin ng mga kabayo ang kanyang katawan habang nagsimulang mabali ang bawat pulgada ng kanyang kalamnan at buto!

BAM!

Sa pagkakataong ito, nagtagal siya ng limang segundo, bago tumilapon at diretsong tumama sa dingding. Nanginginig ang kanyang kaloob-looban sa punto na kumukulo nang husto ang kanyang dugo, dahilan para mapa-ubo siya ng dugo.

"Isa pa!" Isang malakas na sigaw ang ibinigay niya. Dahil sa dalawang dagok, mas pumailanglang pataas ang kanyang dangal. "Kung nagawang malinang ito ng Mapaniil, gagawin ko ito nang mas mahusay pa kaysa sa kanya!"

Bagama't kinikilala ang lakas ng Mapaniil bilang pinakamalakas sa sampung Pinakadakilang Mandirigma, wala ni isa sa kanila ang gustong umamin na mas mahina sila kompara sa isa. Lahat sila ay mapagmalaki  na minamaliit ang bawat nilalang sa mundo!

"Paraan ng Buwan at Araw!"


Makalipas ang isang araw, sa Bulwagan ng Dagsin-Linangan ng Pamantasan...

Maraming hanay ng teleportasyon ang nakaukit sa sahig na may kulay asul na landrilyo, nagdadala ang bawat isa sa iba't-ibang pook dagsinan. Maaaring direktang mapunta ang mga mag-aaral sa kanilang mga paroroonan sa pamamagitan ng paglalagay ng isang Sinaunang Bato sa hanay.  Nakakalat sa ilang ektarya ng lupa ang mga hanay na ito, at tanging ang kabisera ng isang estado lamang ang may lakas na magtayo ng ganitong lugar para sa paglilinang ng lakas. Mayroong matataas na entablado sa gitna ng mga hanay na may lawak na ilang libong metro kwadrado. Ito ang punto ng balikan ng lahat ng mga pook dagsinan.

Pinagmasdan niya ang mga mag-aaral at ang kanilang kabataang mukha habang paroon at parito. Hindi napigilan ni Yunxiao ang magbalik-tanaw sa nakalipas na mga dekada. Noong panahong iyon, isa lamang siyang pangkaraniwang mag-aaral ng pakikidigma. Tulad ng lahat ng mga mag-aaral dito, nakinig siya sa mga alamat ng mga bayani at nagsumikap araw at gabi upang sumulong sa daan ng pinakamalakas.

Mga anak ng mahihirap na pamilya ang karamihan sa mga mag-aaral na kusang pumunta dito. Inaasahan lamang nila na maaari silang maging mga mandirigma ng estado balang araw, umangat sa itaas ng karamihan, at magdala ng kaluwalhatian sa kanilang mga ninuno!

Dinadala ang lahat ng mag-aaral sa loob nang masigla ngunit bumabalik na malungkot, nadidismaya at walang ganang makipag-usap. Abalang-abala silang lahat sa kanilang sarili, at bihirang magsalita. Paminsan-minsan, nagugulat sila kapag nakikita nila si Yunxiao na nakasuot ng magagarang damit.

Sumakay si Yunxiao sa isang dilaw na hanay na may nakalagay na mga salitang 'sampung ulit' at naglagay ng Sinaunang Bato sa loob nito. Agad na nagliwanag ang dilaw na ilaw na bumalot sa kanya. Sa sandaling iyon, naglaho ang kanyang hugis at tuluyang nawala mula sa bulgawan.

Pagdating niya sa kanyang paroroonan, bigla siyang nakaramdam ng matinding pwersa mula sa sahig. Bumagsak ang kanyang buong  katawan sa isang iglap, at animo piniga ang kanyang mga kalamnan at dugo! 

Hingal na hingal si Yunxiao habang hinahanda ang isipan para sa kanyang gagawing gawain. Gayunpaman, dahil sa malubhang kakulangan ng dugo sa kanyang itaas na bahagi ng katawan, nag-iba ang kanyang kulay at nasira ang kanyang katawan sa ilalim ng malakas na sampung ulit na dagsin. 

Sa kabila ng hirap, pinilit niya ang kanyang sarili na tumayo at tiningnan ang malawak na sampung ulit na pook dagsinan, na mas malaki pa kaysa sa Bulwagan ng Dagsin-Sanayan. Marami itong silid-linangan na may bilang mula 001 hanggang 200 na hindi sapat para sa mga libo-libong mag-aaral sa Pamantasan ng Jialan. Bilang resulta, maraming mag-aaral ang nagninilay-nilay muna sa pampublikong lugar habang naghihintay ng bakanteng silid.  

Binusisi ni Yunxiao ang paligid gamit ang kanyang banal na diwa at, hingal na hingal, lumakad patungo sa silid na may bilang na 013. Ang bigat ng dagsin ang nagpahirap sa bawat hakbang, at nagbubukas at nagsasarado ang mga butas sa buong katawan niya habang humihinga. 

"Kailangan kong matutunan agad ang paraan ng Buwan at Araw upang kayanin ng katawan ko ang gamot na gagamitin upang maayos ang aking meridyan!" paalala niya sa kanyang sarili. 

Matapos ng mahigit kalahating minuto ng pagsisikap, dumating siya sa silid na may bilang na 013. Habang papalapit siya, bigla namang nagbukas ang pinto at may isang pawisin at maputlang mag-aaral ang lumabas. Nang makita si Yunxiao, nagulantang sandali ang mag-aaral bago kaagad nagpakumbaba at nagtungo sa direksyon ng hanay ng teleportasyon. 

"Bakit napunta sa kanya ang bakanteng silid? Buong araw na kaming naghihintay!"

"Oo nga, hindi madaling makakuha ng ganun. Siguradong alam niya na aalis na ang gumamit ng silid kanina."

"Sino ba siya? Hindi ko maramdaman ang Yuan Qi na nagmumula sa kanya."

"Seryoso, hindi pa man lang niya nabubuksan ang isa man lang na chakra! Paano niya kayang tustusan ang sampung ulit na dagsin?"

Nang papasok na sana si Yunxiao sa silid, biglang may isang mag-aaral na nakaputing roba at nakangiti ang humawak sa kanya. "Ako si Hezheng Yu, isang nakatatandang mag-aaral na may nakabukas na pitong chakra at nasa tugatog na mag-aaral ng pakikidigma. Baguhan ka pa lang dito, kapatid. Ibigay mo na sa akin itong silid."

Mayroong apat na baitang ng mga mag-aaral sa pamantasan, katulad ng nakababatang klase, nakatatandang klase, nakakaangat na klase, at panapos na klase.

Tumingala si Yunxiao at malamig na sinabi, "Lumayas ka sa harapan ko! Wala akong ibibigay sa'yo."

Namumula ang mukha ni Hezheng, ngunit tila may naisip siya pagkatapos ng matinding galit. Tahimik siyang tumingin sa likuran niya habang nakabawi. "Bago ka lang dito siguro. Bigyan mo naman ako ng mukhang ihaharap. Kung kailangan mo ng tulong sa pamantasan, banggitin mo lang ang pangalan ko."

"Banggitin ang pangalan mo, ulol! Aalis ka na ba ngayon o ano?"

Nagdilim ang mukha ni Hezheng. Walang sinuman ang naglalakas-loob na tumanggi sa kanya ng ganito. Napahalakhak siya sa galit. "Ang tapang mo! Paano mo naisipang kausapin ako ng ganyan, ikaw na isang talunan na hindi man lang nakakapagpakita ng Yuan Qi?

"Nagyon, ituturo ko sayo ang ilan sa mga patakaran na dapat sundin ng isang baguhang katulad mo!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top