3 | Tarangkahan ng Jialan

Bumungad sa mukha ni Yunxiao ang bakas ng pagkitil. "Kung ano man ang binabalak mo, 'wag mo nang ituloy. Lahat ng nagtangka na pabagsakin ako, hindi sila tumagal sa mundo. Rong Jia, ayokong aksidenteng mawala ang buhay mo matapos mabawi ito," mahinang usal niya malapit sa tenga ni Rong Jia.

"Siya nga pala, malamang na tatlong araw na lang ang itatagal ng kanang kamay mo. Kung wala kang mahahanap na sampung bahagi ng bawat sangkap sa loob ng tatlong araw, tuluyan nang magiging baldado ang iyong kanang kamay. Maliban na lang kung may makikita kang ika-siyam na gradong alkemista, kalimutan mo na ang alkemiya sa tanang buhay mo."

Nagdulot ng kakaibang takot ang mahinang boses ni Yunxiao na dumaloy sa buong katawan ni Rong Jia. "T-tatlong araw? Ni hindi ko nga kilala ang karamihan ng nasa listahan. Papaano kung nagsisinungaling ka lang?"

Bahagyang ngumiti si Yunxiao. "Problema mo na 'yon. Ganito na lang, kumuha ka ng dahon mula sa kawayan ng haliya at ginseng ng lobo, haluin mo mga ito at saka mo gawing halamang gamot. Uminom ka ng katamtamang dami sa umaga at sa gabi. Bahagyang mapapawi nito ang sakit sa iyong tatlong pangunahing akupuntos at tatagal ng karagdagang dalawang araw ang iyong kanang kamay- tanging dalawang araw. Kung wala kang sapat na sangkap sa loob ng limang araw, hindi mo na ako kailangang hanapin pa dahil mas mabuting maghanda ka na lang para sa iyong lamay. Swertehin ka sana."

Matamang pinag-isipan ni Rong Jia ang dalawang halamang gamot at tila ba pumasok siya sa sariling mundo. Nang bumalik siya sa reyalidad, napansin niya na nawala na si Yunxiao. Nagdilim ang kanyang mukha. Kinurot niya ang kanang kamay. Wala siyang maramdaman na kahit ano.

"Isa lamang siyang pangkaraniwan na binata: hindi isang mandirigma at ni hindi rin isang alkemista, ngunit bakit ako nanginginig sa takot kapag kaharap siya?" Dala ng matinding pagkapahiya, kumalat ang matinding poot sa puso niya. "Ituloy mo lang ang pagiging arogante mo, pagpipira-pirasuhin kita sa oras na makahanap ako ng paraan na magamot ang lason! Pamantasan ng Jialan kamo, Yunxiao Li!"

Naglakad siya papunta sa nakalukot na papel na natatakpan ng uhog. Nagtatakang pinagtitinginan siya ng mga tao. Namumula ang mukha na dinampot niya iyon. Kumuha siya ng piraso ng tela at ibinalot sa nakalukot na papel bago inilagay sa kanyang paketeng imbakan.

Napayuko naman ng kanilang mga ulo ang mga taong nakapaligid. Ramdam nila ang galit ni Rong Jia at awra na animo makapapatay ito anumang sandali. Nagpulasan ang iba sa takot at hindi nagtangkang tumingin sa direksyon ni Rong Jia.

Sa ikatlong palapag sa loob ng isang marangyang opisina.

"Mayroong sampung kati ng ugat ng Ispiritwal na Tagak at lotus ng Piniks na Dragon na hiniling ni Punong Ministro Hong Lan. Napakahalaga ng mga ito. Yao Lu, ipadala mo agad ang mga ito sa tahanan ng Punong Ministro at personal na iabot sa kanya," tagubilin ni Wenyu Liang kay Yao Lu.


"Ugat ng Ispiritwal na Tagak at lotus ng Piniks na Dragon?" Hindi siya makapaniwala. "Talagang may ganyang mga bagay?" mahinang tanong niya matapos manumbalik sa pansamantalang pagkawala sa katinuan.

Kumunot ang noo ni Wenyu. "Anong problema? Anong binubulong-bulong mo diyan?"

Mabilis na bumalik sa katinuan si Lu Yao. "Ah, patawad, Panginoong Liang! Nawala ako sa sarili. May isang binata na nagbigay sa akin ng listahan ng mga sangkap. Hindi ko nakilala ang alinman sa mga sangkap sa listahan kaya naisip ko na niloloko niya lang at ginugulo ako. Pero kabilang sa mga listahan na binanggit ni Panginoong Liang ang ugat ng Ispiritwal na Tagak at lotus ng Piniks na Dragon."

"Isang binata?" Napaisip si Wenyu Liang. "Sangkap na ginagamit para mapabuti ang lakas ng isang mandirigma ang ugat ng Ispiritwal na Tagak at lotus ng Piniks na Dragon. Ano pa ang mga nasa listahan?"

"Tinawag na ako ni Panginoong Jia. Maaaring binalik na ni Panginoong Jia ang listahan sa binata," maingat na sagot ni Yao Lu.

"Oh..." bahagyang nadismaya si Wenyu Liang. "Naaalala mo pa ba kung ano ang mga nasa listahan?"

Pinisil ni Yao Lu ang kanyang ilong. "Bulaklak ng multong plumahe, prutas ni Hades, gatas ng kawalan, bulaklak ni Shiva, supling na di nagmamaliw..." Habang binibigkas niya ang mga sangkap sa listahan, napalitan ng pagkagulat ang nagdududang ekspresyon ni Wenyu Liang, pagkatapos, sa wakas, kawalan ng ekspresyon.

"Hindi ko na matandaan ang ilan pang mga halamang gamot." Nagsalubong ang magagandang kilay ni Yao Lu. Hindi niya maalala ang iba; ang totoo, sumulyap lang siya sa listahan. Napakalaking bagay na maituturing na matandaan ang napakaraming mga sangkap.

Bumalik sa katinuan si Wenyu Liang at mabilis na naglabas ng isang papel at isinulat ang mga sangkap na binibigkas ni Yao Lu. "Iniwan ba ng binata ang kanyang pangalan o anumang pagkakakilanlan?"

Umiling si Yao Lu, napuno ng matinding pagkabigla ang puso. Para matanggap ang atensyon ni Panginoong Liang nang may matinding kagalakan, anong klaseng katayuan mayroon ang binatang iyon?

"Panginoong Liang, mahigit tatlong taon na akong nagtatrabaho sa Samahan ng mga Alkemista, pero bakit hindi ko narinig ang alinman sa mga bagay na ito noon?"

Tiningnan ni Liang Wenyu ang hindi kumpletong listahan at bumuntong-hininga. "May ilan sa mga halamang gamot na sinabi mo na hindi ko pa naririnig sa aking buhay bilang isang alkemista. Ngunit sa aking palagay, magreresulta ito sa napakahusay na gamot kapag pinagsama-sama ang mga sangkap. Tiyak na magdadala ito ng malaking benepisyo sa paglilinang ng maraming mandirigma!"

"Maging si Panginoong Liang ay hindi pa nakarinig nito?!" Tinakpan ni Lu Yao ang kanyang buong mapupulang labi, ang mala-batong-lungtian na mga kamay ay bahagyang nanginginig at ang mga mata ay nagpapakita ng hindi makapaniwalang hitsura. "Panginoong Liang, hindi kaya isang grupo ng kalokohan ang listahan?"

Umiling si Wenyu Liang. "Hindi. Ang kumbinasyon ng ilan sa mga halamang gamot na ito ay lubhang mahiwaga at hindi ko maisip ang kaugnayan sa pagitan ng mga ito sa maikling panahon. Kung sakaling bumisitang muli ang binatang ito, gawin mo ang lahat para mapanatili siya at abisuhan mo ako agad-agad!"

"Masusunod, Panginoong Liang!"


"Mukhang mahihirapang makahanap ng mga kinakailangan kong sangkap si Rong Jia. Hindi ko maaasahan masyado 'yon. Kailangang makaisip ako ng ibang paraan," naisip ni Yunxiao habang naglalakad mag-isa sa kalye.

Tiningnan niya ang hawak na imbakan na singsing at nagpadala ng isang patak ng kamalayan ng kanyang kaluluwa sa loob nito. Punong-puno ito ng iba't ibang bagay. "Anong kalokohan 'to? May lason pa?" Dahan-dahang nanlaki ang mga mata niya. "Walang kwenta lahat..."

Itinapon niya ang isang maliit na bote at kinuha ang isang malaking itim na espada. Bahagya siyang nagulat sa bigat nito. "Ito lang ang magagamit ko..." sabi niya sa kanyang sarili na may mapait na ngiti. "Tatlumpung dalawang kati at pitong dalawang tael ang bigat nito...halos hindi ko ito maangat. Naaalala ko bigla ang aking espada. Hindi ko alam kung nasaan na iyon ngayon. Gagamitin ko sana ito bago ko mabuksan ang aking pitong chakras."

Hinugot ni Yunxiao ang mabigat na espada mula sa imbakan na singsing at itinaas ito sa kanyang balikat habang naglalakad patungo sa Pamantasan ng Jialan. "Kapag nabuo ko na ang aking Yuan Qi, gagawa ako ng sarili kong sandata."

Nang makarating si Yunxiao sa pamantasan, hapong-hapo na ipinatong niya ang kanyang palad sa kanyang mga tuhod dahil sa pagod. Nasa harap siya ng tarangkahan ng Jialan. Hindi pa nababawi ang lakas mula sa pagkahapo, nakaramdam siya ng kung anong panganib. Napaliyad siya para iwasan ang kamao na mabilis na sumugod sa kanya.

"Yunxiao, mukhang agaw-pansin ka ngayong araw, ah!" Nakangising sambit ni Feng. Isa nang tagasunod ng Sining ng Pakikidigma si Feng na may nakabukas na apat na chakra. Nasa tabi nito si Jie na may nakabukas naman na limang chakra.

Matiim na tinitigan ni Yunxiao ang dalawa.

"Feng Duo, Jie Lou! Ano sa tingin niyo ang ginagawa ninyo?" Pumagitna si Zhen Chen kina Yunxiao at sa dalawang naghahanap ng gulo.

"Dalawang aso ni Lan Fei. Ano ang balak niyong gawin sa aming kaibigan?" sabad naman ni Bai Han at tumabi kay Zhen Chen.

Bai Han at Zhen Chen... silang dalawa ang matalik na kaibigan ni Yunxiao Li.

"Wala naman masyado..." sagot ni Feng sabay taas ng manggas ng suot na roba hanggang siko. "Dahil nagpakitang gilas si Yunxiao kanina sa klase... sinabihan ako ni Punong Lan na subukan siya!" Inihilig nito ang katawan, inihugis ang limang daliri sa kuko ng agila at saka tumalon patungo kay Yunxiao.

"Sumusobra ka na!" sigaw ni Bai. Iginuhit naman nito ang kaliwang paa sa likod, na lumikha ng kalahating bilog bago tumakbo pasulong habang ang nakakuyom na kamao nito ay sumipol sa hangin. Hinampas nito ang kamao ng kuko ng agila ni Feng.

Parehong tagasunod ng Sining ng Pakikidigma sina Feng Du at Bai Han na may apat na nakabukas na chakra. Halos pareho ang kanilang lakas. Napaatras ang dalawa sa gulat.

"Bai Han, nabuksan mo na ang iyong ikaapat na chakra!" ani Zhen nang daluhan nito ang kaibigan.

"Mayroon din silang nakabukas na apat na chakra!" sagot naman ni Bai.

"Apat lang na chakra? Hindi ka naman masyadong mayabang 'no? Ani naman ni Jie Lou at saka sumugod kay Bai Han. Nagtagpo ang kanilang mga kamao, ngunit sa pagkakataon na iyon, si Bai Han ang napaatras.

"Ang braso ko!" Napahiyaw si Bai Han.

"Ngayon alam mo na ang malaking kaibahan sa pagitan nang may nakabukas na apat sa limang chakra!" Tuwang-tuwang sabi ni Jie Lou.

"Ba't 'di kayong dalawa kumawala sa harap namin ngayon din?" pagkukutya ni Feng.

Sa sandaling ito, maraming mga mag-aaral ang nagtipon sa tarangkahan na nanonood sa naganap na kaguluhan at nag-uusap-usap nang punto-por-punto.


Pulang-pula naman ang mukha nina Chen at Han sa kahihiyan. Biglang pumailanlang ang boses ni Ruxue sa likod ng dalawa. "Gusto kong makita kung paano niyo kami mapapalayas! Tingnan natin kung sino ang magtatangkang mangapi kay Yunxiao!"

Nabago ang mga ekspresyon ni Feng Du at Jie Lou, dahil hindi nila kayang hamunin ang kapangyarihan ng Prinsesa. Itinuro ni Feng ang ilang mga tao at pinagsabihan, "Patpating Chen, Tabaing Han, at kayong mga walang kwentang tao, swerte kayo ngayon! Tara na!"

Agad nagmuwestra si Feng Du kay Jie Lou upang umalis. Kahit na mas malakas si Jie Lou kaysa sa kanya, mas mataas naman ang kapangyarihan ng pamilya Du kaysa sa pamilya Luo, kaya medyo mababa pa rin ang antas ni Jie Lou sa mga tagasunod ni Fei Lan.

"Aalis na kayo matapos niyo gulpihin mga kaibigan ko?" tanong ni Yunxiao sa dalawang nakatalikod na lalaki.

Napahinto sa paglakad palayo ang dalawa at nakamulagat na humarap kay Yunxiao si Feng Du. "Mukhang may angal ang basura?"

Ipinatong ni Yunxiao ang kanyang kamay sa nakatukod na espada, "Wala naman, gusto ko lang makita kung gaano kalaki ang agwat ng may nakabukas na limang chakra kumpara sa walang chakra."

Nagulat si Feng Du at si Ruxue, at bigla itong nagsalita, "Yunxiao Li, ikaw talaga—"

"Haha, nakakatawa!", sagot ni Feng at hindi pinayagan si Ruxue na magpatuloy sa pagsasalita, "Kung gusto mong magpakamatay, hindi ko iyon pipigilan!"

Puno ng panguuyam ang puso niya. Lalo na kapag naiisip niya ang katauhan ni Yunxiao, ang nakakatandang apo ng angkan ng Li, ang pinuno ng sandatahang lakas ng Tianshui. Ang hindi matatawarang katayuan na iyon ang nagpasidhi ng kanyang nararamdam para mang-gulpi.

"Kung gayon, subukan muna natin ang apat na chakra!" Mabilis na sumugod si Feng Du na may buong lakas na nakakuyom na kamao.

"Yunxiao!"

Napasigaw sina Chen at iba pa. Huli na para iligtas pa nila si Yunxiao. Napatakip naman ng bibig si Ruxue sa takot at nanginig ang kanyang mukha.

Paano kaya tatagal si Yunxiao sa suntok ng isang mandirigmang may apat na chakra kung isang simpleng tao lamang siya?

Bang!

Narinig ng lahat ang mabigat na tunog. Dahil sa malakas na suntok, bigla na lamang tumigil ang katawan ni Feng sa harap ni Yunxiao, at nakatutok ang kamao sa tagiliran ni Yunxiao. Ngunit tila walang epekto kay Yunxiao ang suntok na iyon, at animo walang sakit na nararamdaman.


"Hindi!"

Naningkit ang mga mata ni Jie Lou, at kaagad niyang napagtanto na hindi nakatama ang suntok ni Feng sa mukha ni Yunxiao, kundi nasa kalahati pa lamang ng isang sentimetro.

Pagkaraan, isang malakas na palahaw ang dumagundong at pumunit sa kalangitan!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top