Siyam ( Unang Bahagi )
Sinisipa ni Veron ang maliit na bato sa kanyang paanan tapos kapag huminto na ang paggulong ng bato, sisipain niya ulit. Recess na rin nang oras na 'to kaya malaya siya saglit na makapagpahangin sa ground floor.
Hindi niya maiwasang isipin ang mga nangyayari sa paligid niya. Si Pat, hindi na siya pinapansin. Tama bang magsumbong siya sa guidance counselor nila tungkol sa ginagawa nina Tiff at Melanie? E sa adviser kaya nila? Paano kung nagiging paki-alamera na pala ang dating niya. Isa pa, wala rin naman naaagrabyadong ibang tao sina Tiff at Melanie. Ang tamang tanong: nagiging pakialamera na ba siya sa buhay ng iba?
Sa di maipaliwanag na inis sa paligid niya lalo na sa mga mindsets ng tao, sinipa na lang niya nang malakas ang bato. Tumama ito sa suot na itim na sapatos ng isang estudyante. Si Carl. Nasa ground floor din pala siya nang oras na 'yon.
"Galit na galit ka yata?" tanong nito sa kanya. Umiwas siya ng tingin at ibinaling na lang ang mga mata sa mga estudyanteng naglalaro ng badminton ilang metro lang ang layo sa kanila.
Hindi makasagot si Veron. Hindi niya dapat pinoproblema ang buhay ng iba kasi buhay na nila yon.
"Ikaw ba, hindi ka nagagalit sa sistema ng mundo?" pabalik niyang tanong kay Carl. Pinulot niya na lang ang bato at nilaglag din sa semento.
"Ano'ng sistema?"
"Yong mga mahihirap, lalong naghihirap". Tiningnan niya ang sahig at napatingin sa kaibigan.
"Kahit alam na ng ibang mali, ginagawa pa rin sa ngalan daw ng pera".
Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Carl sa sinabi ni Veron. "Sabi sa'kin ni papa no'n, praktikalan na raw sa mundo. Di na raw importante kung tama ginagawa mo basta mabubuhay ka".
Pati ba naman ikaw, Carl?
"Ano bas matimbang, Carl? Respeto sa sarili mo o kumita ng malaking pera?"
Nag-isip muna nang malalim si Carl. "Do'n na ako sa mabubuhay ako, sa kikita ng pera sa malaking halaga."
"Kahit pa mali 'yon? Di ba may iba namang paraan? Paano kung-may nasasaktan ka na, may kinokonsinte kang iba dahil sa ginagawa mo? Itutuloy mo pa rin ba?"
Inilagay ni Carl ang dalawang kamay sa bulsa, bumuga ng hangin saka sinagot ang mga tanong ni Veron. " Veron, kung isa kang pamilyadong tao, gagawin mo lahat para sa pamilya mo. Kung ikaw naman ay mag-isa lang sa buhay na gustong mabuhay sa sariling sikap, gagawin mo rin lahat para lang mabuhay".
Dugtong pa niya ", Kahit pa mawalan ka ng respeto sa sarili mo, titiisin mo 'yon kung kapalit naman ay makakakain ka nang tatlong beses sa isang araw at magkakaroon ng panggastos araw-araw".
Naisip niyang nakakakain naman siya tatlong beses sa isang araw gamit ang perang napaghirapan ni Lily sa uri ng trabaho niya. Siya ang nagbabayad ng mga bayarin sa bahay nila. Si Veron lang ang kumikita ng pera pampaaral sa sarili at sariling gastusin. May saysay ba ang hinanakit niya sa trabaho ng ina o ang ipinaglalaban niya ay ang pagiging anak na uhaw sa pagmamahal ng isang pamilya?
"Kung--" Hindi na niya alam kung tama pa ba ang sasabihin pero itatanong na rin niya sa kanya ang opinyon nito.
"Kung ano?"
"Kung gawin ko na rin trabaho ni mama?"
Napaubo si Carl sa narinig na saad ni Veron. Saan naman kaya nanggaling ang mga pinagsabi nito?
Umiling-iling si Carl bilang tugon sa tinuran ni Veron. "Hinding-hindi ako papayag."
Taka namang nagtanong si Veron. "At bakit naman?" Buhay niya naman ito, desisyon niya para sa sarili kaya bakit hindi siya nito papayagan.
"Kasi. . ."
Napataas ni Veron ang mga kilay habang hinihintay ang idudugtong ni Carl sa sinabi nito. "Kasi-?"
"Kasi. . ."
Eksayted na hinihintay ni Veron ang sasabihin nito pero pinutol na ni Carl yon. "A basta wala".
"Ano nga?"
"Wala".
"Bilis na. Ano yon? Kasi ano?"
"Mahalaga ka sa'kin."
Napangiti si Veron dito. Sa halos 2 taon nilang magkaibigan, alam na niya noon pang mahalaga siya sa kanya bilang kaibigan pero masarap din pala sa pakiramdam kapag sinabi mismo ng isang tao kung ano ang ibig sabihin ng mga ginagawa niya para sa'yo.
"Saka. . . gusto kita."
Walang ekspresyon ang mukhang hinihintay lang ni Veron ang sunod na sasabihin ni Carl sa kanya.
"Ano kinalaman nun sa tanong ko kanina?" tanong niya sa binata. Wala siyang bakas ng saya, pagkainis o galit sa sinabi nito. Para bang inaasahan na niya.
"Sino ba namang lalaki ang gugustuhing maging bayarang babae ang babaing gusto nila?"
Tumangu-tango lang si Veron sa sagot ni Carl. Inaalala niya kung ano ang sunod na mangyayari pagkatapos nito. Mas magiging malapit sila sa isa't isa? Mas magkakaroon ng oras na kilalanin ang bawat isa tapos ano ang susunod na mangyayari?
"Ikaw ba, Veron?" paghirit ni Carl ulit. Hindi niya alam kung kakayanan pa ba niya ang susunod na sasabihin nito.
"Gusto mo rin ba ako?" Natigilan siya sa itinanong nito.
Aamin na ba ako o hindi? Paano kung husgahan din siya ng iba gaya ko. Ngayon pa lang na magkaibigan kami, nakakarinig na ako ng mga sabi-sabi tungkol sa kanya na ako rin ang dahilan. Paano pa kaya kapag nagkatuluyan kami?
"Ron?"
Nakakatitig lang siya sa sahig habang iniisip kung ano ang isasagot. Gusto niya sanang takbuhan na lang ang binata pero buong buhay na tingin niya sa sarili ay duwag, magpapakaduwag pa ba siya?
"Oo". Sumilay sa labi ni Carl ang isang ngiti. Nag-e-echo sa kanyang tenga ang sinabi nito. Oo, gusto rin siya ng babaing gusto niya!
"Alam ko naiisip mo, Veron", nakangiting sabi ni Carl. "Maghihintay ako ng tamang panahong handa ka na". Hinawakan niya ang dibdib at nag-anyo ng isang panata o pangako. "I promise. I'll wait you until you're ready".
Hinampas na naman niya ang binata at natatawang sinabi ", Sira ka kahit kailan". Alam niya kasing hindi gano'n kagaling sa Ingles si Carl. Pinaka-ayaw nito ang asignaturang Ingles at bibihira rin siya mag-Ingles kaya natutuwa siya sa sinabi nito.
I'll wait you until you're ready.
"HINDI na kayo madalas magkasama ni Veron a?"
Naihinto ni Pat ang ginagawang pagmamasid mula sa malayo sa scenario ng pag-uusap nina Veron at Carl sa ground. Umirap lang siya sa nagsalita saka humalukiplip. "Wala na akong pakialam sa kanya."
Kiniliti siya sa tagiliran nito. "Nagseselos ka 'no?"
"Ganyan mararamdaman ng isang bestfriend na naisantabi ng bestfriend kasi may iba pang bestfriend 'yong bestfriend mo".
Kalalabas lang ni Pat sa banyo. Eksaktong paglabas niya ay pagpasok din ni Veron sa loob. Dati ay sabay silang nagsi-cr, ngayon ay kanya-kanya na sila. Para bang hindi na magkakilala.
Nagtama ang mga mata nilang dalawa pero walang nagsasalita. "Pat, usap tayo," ani Veron sa kanyang likuran. "Galit ka ba sa'kin? Dami kong gustong itanong pero ano pala yong sulat na ipinaabot daw ni Carl sa'yo?"
"Busy ako", mataray niyang sagot. "Saka wala akong sulat na natatanggap galing sa kanya. Mukha ba akong messenger?" Inirapan niya pa ang kaibigan. Nilampasan na rin na parang walang nangyari.
Nanlumo ang kanina ay nakangiting mukha ni Veron. Da-dalawa lang ang kaibigan niya, sina Carl at Pat lang. Sa oras na mawala ang isa sa kanila, pakiramdam niya ay guguho ang mundo niya.
"Hello?" kumaway sa harap ni Pat ang kanyang kaklase. "Tulaley ka na diyan, te".
"May naisip lang ako." Naputol ang kaninang inaalala ni Pat. Pagtingin niya kina Veron at Carl ay masaya pa rin silang nag-uusap.
"Tara na nga, balik na tayo sa room", pag-iba niya ng paksa dahil ayaw na niyang ungkatin kung anuman ang problema nila ni Veron.
"TEKA", ani Veron nang makita sina Shaun, Drew at Adril na may inaakbayang isang estudyante m. Binubulungan pa nila ang estudyanteng 'yon. Para bang may pinaplano ang mga ito. Kung hindi siya nagkakamali, papunta ang mga ito sa likurang bahagi ng skul. Sa pagkakaalam niya, matagal nang ipinagbawal ang pagpunta ro'n dahil bukod sa may mga halamang nakatanim at mga garden officers lang ang puwedeng pumunta, dati ay napabalitang may naganap na pambubugbog sa isang estudyante do'n. Bagay na idinaan na lang sa limot ng skul at ng mga estudyante.
Sinundan din ng tingin ni Carl ang tinitingnan ni Veron pero wala siyang sinabi. Mayamaya pa, naglalakad na si Veron para sundan kung ano ang gagawin ng mga ito sa estudyante.
Hinawakan ni Carl ang braso niya para pigilan siya pero di nagpatinag si Veron. " Hindi maganda pakiramdam ko sa kanila. Saglit lang 'to, promise", sagot niya. Ito ang isa sa mga ugaling kinaiinisan niya sa kaibigan, isa siyang bida-bida na feeling Darna. Kung saan pa ang delikado, doon siya pumupunta.
Nag-ring na ang bell na ibig sabihin ay kailangan na nila bumalik sa kanilang mga room pero si Veron, naglalakad pa rin para tingnan kung sino raw ang nasa likod ng skul nila.
"Veron, 'lika na", aya niya sa kaibigan pero di nakikinig si Veron kaya wala siyang nagawa kundi sundan na lang ang dalaga. Ayaw naman niyang iwan ito lalo na't sobra-sobra ang halaga niya para sa kanya.
"Napaka-siraulo mo talaga", reklamo niya sa babae pero tuluy-tuloy lang ito.
"Minsan naman makinig ka sa future boyfriend mo," dugtong pa niya pero wala lang 'yon kay Veron.
Dahan-dahan ang mga hakbang na ginawa ni Veron para 'di maisturbo kung anuman ang gagawin nina Shaun sa estudyanteng 'yon. Si Carl ay nakasunod lang sa dalaga kahit naiinis na siya sa ginagawa ni Veron.
Kung wala lang sana ako pakialam sa'yo, pinabayaan na kita. Di ka naman nakikinig sa'kin bilang future boyfriend mo.
Sumilip muna si Veron para matingnan kung ano ang pinaplano ng mga 'to. Tinulak ni Drew ang estudyante kaya napaupo ito sa damuhan. May sinasabi rin sila sa kanya na di niya naman marinig kung ano. Isa lang ang alam niya, bullying ito. Pagkakita ni Carl sa ginagawa ng mga kaibigan, nakaramdam siya ng guilty. Hindi dahil nakiisa siya sa pagpapahirap sa mga na-bully kundi nakisama pa rin siya sa kanila para di siya mawalan ng kaibigan.
"Tumayo ka diyan!" singhal ni Drew at kinuwelyuhan ang lalaki. May mga dumi at gusot-gusot na ang uniporme ng lalaki. Gulu-gulo na rin ang buhok nito.
Si Adril ay nakatayo lang, palinga-linga't nag-aabang ng paparating. Siya ang watcher. Si Shaun naman ay nakasandal sa pader at humihithit ng sigarilyo.
Ihahakbang sana ni Veron ang mga paa para tulungan at lapitan ang lalaki pero pinigil siya ni Carl. Hinawakan ulit nito ang kanang braso niya. "Ayoko lang madamay ka. Di mo alam kayang gawin ng mga 'yan".
Inalis ni Veron ang kamay ni Carl sa braso niya. Tiim-bagang na tiningnan ang binata saka ginanting, "Kung noon, nagawa mong magsunud-sunuran at manahimik sa kanila, ako, hindi".
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top