Sampu
Tahimik silang lahat na magkakaharap at sa kanilang gilid ay ang mesa ng Guidance Counselor na si Ms. Cy. Si Ms. Cy ay nakasuot ng itim na salamin na maya't mayang bumababa dahil walang makapitan sa ilong, nakapusod ang itim na itim nitong buhok at naghihintay rin kung may magsasalita ba pero walang nagsasalita. Pinapakiramdaman lang nilang lahat ang sunod na mangyayari. Maririnig sa loob ang tunog ng aircon na tanging nagpapalamig sa nararamdamang init ng ulo ni Veron at ni Ms. Cy.
Tahimik lang din si Veron na nakayuko, tinitingnan ang sahig at nag-iisip kung ano'ng parusang ibibigay sa kanya, sa kanila.
"Sabihin ninyo", panimula ni Ms. Cy. Sa pinanggalingang eskuwelahan nito, kilala siya bilang walang pinapalampas na kaso o gulo ng mga estudyante. Sinadya man o hindi, kung sinu-sino ang nandoon sa gulong 'yon, may parusa silang lahat. 39 anyos na ito pero kung pakikinggan ang pangalan niya, mukha pa siyang bata. Isa pa, nag-resign na kasi ang dating guidance counselor nila at ang pumalit ay si Ms. Cy.
"Nasaan ang mga magulang ninyo?" Isa-isa silang tiningnan nito. Si Carl na katabi ni Veron ay napapatingin din kina Drew. Nagkaroon ng pasa sa labi si Drew kaya may band aid ito. Di naman ganoon kahalatang napag-initan ang mukha niya. Napalakas kasi yata ang mga ginawa ni Veron sa kanya kahapon.
"Wala po", magalang na sagot ni Adril.
"Ano'ng wala?" galit na tanong nito. Hinampas nito nang malakas sa mesa ang hawak na record book kung saan nakalista ang mga pangalan nilang lima : Carl, Veron, Drew, Shaun, Adril at ang ginawa nilang gulo, pati na rin ang date at uri ng parusang ipapagawa sa kanila.
Mahinang ibinulong ni Shaun kay Drew na ", Bakit siya na nandito? Nasaan na si Mr. Paul?" Ang tinutukoy niya ay si Ms. Cy. Si Mr. Paul ang dating guidance counselor ng kanilang school na nag-resign na.
"Hindi ko rin alam. Wag mo nga ako kausapin. Masakit panga ko", reklamo ni Drew sa kanya kaya tatahimik na siya pero narinig pala ni Ms. Cy ang pagbubulungan ng dalawa.
"Hindi kayo tatahimik?" patanong na sigaw ng babae.
Nanahimik na lang ang dalawa dahil sa lakas ng sigaw ng babaing 'to. Nakakatakot kalabanin. Parang isang leong bigla na lang aatake.
"Inuulit ko ang tanong ko, sabi ko kahapon sa inyo, dalhin ninyo mga magulang ninyo rito. Nasaan na?"
"Nasa trabaho po si mama", walang buhay na sagot ni Veron.
"Wala pong tao sa bahay", pagdadahilan lang din ni Carl. Ayaw lang niya guluhin ang kanyang ina sa bahay. Ang kanyang amain, ni minsan ay di naman pumunta sa eskuwelahan niya.
"May business po na inaasikaso parents ko", paliwanag din ni Drew.
"Gano'n din po mga magulang ko. May business din", sagot naman ni Shaun. Ginaya na lang din siya ni Shaun.
Ang natira na lang ay si Adril. Tiningnan siya ni Ms. Cy habang hinihintay ang sagot niya. Matatalim ang mga titig niya sa kanya kaya naman nakigaya na lang din siya.
"May business din po", kinakabahan niyang nasabi.
"Hindi ako nakikipagbiruan sa inyo. Nasaan mga magulang mo?" tanong nito kay Adril.
"Ah", napakamot na lang siya sa batok habang nag-iisip, "Hindi ko po nadala", lang ang nabigkas niya.
Bumuga ng hangin si Ms. Cy sa pagiging pilosopo ng binata. Napailing-iling naman sina Drew at Shaun sa kanilang kaibigan na may pagka-aning-aning.
"Alam ninyo ba kung ano ang ginawa ninyo?"
Hindi sila lahat sumasagot sa tanong nito. Alam naman nila, bakit kailangan pa sabihin.
"Alam ninyo ba o hindi?" pasigaw na naman nitong tanong. Kanina pa sila nito sinisigawan. Mabibingi na sila kakasigaw ng babaing nasa menopause stage na.
"Hindi po", diretsahang sagot ni Adril. Sa pagkainis ay binatukan siya ni Shaun. "Wala ka naman matinong sinasabi e. Tumahimik ka na lang", utos niya sa kanya.
"Opo, alam ko po pala", pagbawi agad ni Adril pero sinamaan na siya ng tingin ni Shaun.
Si Drew naman ang naglakas-loob na sagutin ang tanong ni Ms. Cy. "Alam ko po, pasensya na", mahinahong paghingi ni Drew ng tawad. Nagtatakang tiningnan ni Veron ang lalaki. Bakit yata bumait ito? Totoo kaya ang paghingi nito ng pasensya o palabas lang 'to? Tapos pagkatapos nito, tuloy na naman sila sa ginagawa nila.
"Ikaw", dinuro ni Ms. Cy si Drew. Sumunod si Shaun", Ikaw rin". Panghuli ay si Adril na pinanlakihan niya pa ng mga mata. "Mas lalong ikaw".
"Tandaan ninyo 'to, sa pamamalakad ko sa eskuwelahang 'to, ito ang huling beses na gagawin ninyo ang pambu-bully ng kaklase ninyo".
Nagkatinginan ang tatlo. Ito na kaya ang wakas ng mga kalokohan nila?
"Maliwanag ba?" Hindi pa rin naiintindihan nina Drew, Shaun at Adril ang nangyayari. Noon lang, nagagawa pa nilang biruin, sakyan at minsan pang bayaran ang guidance counselor nila para umanib sa kanila. Ngunit ngayon--
"Maliwanag ba?" pag-ulit nito sa tanong na parang mga bingi sila kaya inuulit-ulit pa. Hindi kasi sila sumasagot agad. Nahihintakutang tumango ang tatlo nang sabay-sabay. Si Drew ay umamo na rin ang mukha. Hinawakan niya ang pisnging pinagsasampal ni Veron kahapon. Napangiti siya sa isipang dumampi rin ang palad ni Veron sa balat niya, ni Veron na babaing gusto niya ang pagiging palaban at matapang.
"Maliwanag po", nakangiting sagot ni Drew. "Hindi na po mauulit", dugtong niya pa. Nagtatakang nagkatinginan sina Adril at Shaun. Ano ang nangyayari sa leader nila at bakit umaamo na yata ngayon?
Dumako naman ang nanlilisik na mga mata ni Ms. Cy kina Shaun at Adril. Hinihintay na sila ay hihingi rin ng pasensya.
"Sorry po ma'am", paghingi na rin ni Shaun ng sorry kahit di niya naiintindihan ang mg nangyayari.
"Teka po ma'am", sumingit sa usapan si Adril. Siya man ay takang-taka rin sa nangyayari. "Bakit po sila hindi ninyo pinapagalitan?" tanong niyang ang tinutukoy ay sina Veron at Carl na tahimik lang. Pinapakinggan ang mga sinasabi nila.
"Isipin ninyo kung sino ang totoong may mga kasalanan", ani ni Ms. Cy sa kanilang tatlo. Binalingan din ng tingin sina Carl at Veron. Parehong walang imik. Tila malalim ang iniisip ng dalawa.
"Sige po. Sorry po ma'am di na mauulit", nakigaya na rin si Adril sa sinasabi ng mga kaibigan. Kapag di siya nakigaya, baka kung ano pa mangyari sa kanya.
"Siguraduhin ninyo lang. Sa oras na inulit ninyo pa ang mga ginawa ninyo," pagbabanta ng babae ", hinding-hindi kayo makaka-graduate sa school na 'to".
Nakaramdam ng kaba sina Shaun at Adril. Si Drew ay tahimik pa rin. Sinulyapan niya si Veron na nakayuko, tinitingnan ang sahig at napapaisip na:
Bakit. . . Bakit gano'n nararamdaman ko sa kanya?
Normal ba 'to?
"Ngayon, bibigyan ko kayo ng pagkakataong sabihin ang gusto ninyong sabihin kay Veron." Tiningnan ni Ms. Cy sina Carl at Veron. "Carl, Veron tama ba?"
"Opo ma'am," agarang sagot ni Carl at ngumiti sa babae. Nagtataka pa rin ang dalawa, sina Shaun at Adril. Kilala agad ng guidance counselor na ito si Carl e bago pa lang naman siya rito sa skul nila.
"I'm sorry", mabilis na sagot ni Drew. Tumayo pa siya para lapitan sana si Veron pero hinarang ni Carl ang kanyang kamay para di siya makalapit sa kaibigan. "Puwede mo naman sabihin sa kanya kahit nandiyan ka lang sa upuan mo", untag ni Carl sa kanya.
Napahiya siya kaya bumalik na lang siya sa upuan niya. Lalong nangunot ang noo nina Adril at Shaun sa mga nangyayari. Ang warfreak nilang leader sa grupo, bumait at nakonsensya?
"Hindi ko na uulitin. Veron, I'm sorry".
Tiningnan lang siya ni Veron nang blangko ang ekspresyon ng mukha. Si Carl ay pasimpleng inuusod pa ang bangko palapit kay Veron. Hinaharangan din niya nang pasimple si Veron para di makita ni Drew.
"Ang dami kong nasabing masama sa'yo nang hindi mo alam. Isa na rin yong mga nasabi ko kahapon. I hope you can forgive me," dugtong pa ni Drew.
"Ano'ng nangyayari, Shaun?" Kinalabit ni Adril si Shaun kasi naguguluhan siya sa ginagawa ni Drew.
"Hindi ko alam", sagot lang ng kinausap at nakiusyoso kung ano pa mga babanggiting himala ni Drew. Isa itong himala para sa kanila!
"I really mean it. I'm sorry, Veron."
Englishero nga pala si Drew. Wala akong laban sa kanya.
-Carl
"Pasensya na rin sa mga sampal ko kahapon", si Veron na ang nagsalita. "Pati sa. . ."
"Wag mo na isipin yon. Totoo niyan, kulang pa mga ginawa mo sa'kin sa dami ng nagawa ko sa ibang estudyante."
Napapangiting nakatingin si Ms. Cy sa mga estudyante. Umaasa siyang ito na ang magbubukas ng daan para magbago ang tatlo. Tikom ang bibig na pinipigilan naman ni Carl na wag magselos. Masyadong malambing ang tono ng pananalita ni Drew sa Veron niya. Hindi naman sila close ng kaibigan niya o ang tamang salita, ng babaing gusto niya. Hindi close sina Veron at Drew.
"Bilang parusa sa inyong tatlo, kailangan ninyong humingi ng pasensiya sa lahat ng b-in-ully ninyo sa school na 'to. Isa na ang biktima ninyo kahapon." Tumayo si Ms. Cy at naglakad sa papunta sa harap ng kanyang mesa hawak ang record book niya.
Napangiwi si Shaun. Hindi na mabilang kung ilan ang pinag-trip-an nila. Kung lahat yon ay hihingian nila ng tawad isa-isa, masyadong marami.
"Isa pang parusa," dugtong ni Ms. Cy na nagpakabog sa dibdib nina Shaun at Adril. Si Drew ay mukhang tanggap na agad ang parusang ipapataw sa kanya, sa kanila.
"Kailangan ninyong linisin ang buong school". Napanganga ang dalawa sa parusa para sa kanila. Ngayon, nagsisisi na silang sumama sila kay Drew.
"Mula ground floor, corridor, hagdan hanggang sa banyo ng mga lalaki, kailangan ninyong linisin".
Napaawang ang labi ng dalawa. "Ayoko nun. Gumawa ka ng paraan, Drew", bulong ni Shaun.
"Ayoko rin nun. Allergic ako sa amoy ng cr", reklamo rin ni Adril.
"Final na yan at wala na kayong magagawa. Maliwanag?" Kinamot na lang ni Shaun ang kanyang batok. Hindi pa rin siya makapaniwalang kailangan nilang gawin ang pinapagawa ng matandang dalaga.
"Puwede na kayong lumabas na tatlo", utos nito sa kanila. Dismayadong naglakad palabas sina Shaun at Adril habang si Drew, hinahabol ng tingin si Veron. Nagagawa pa niyang ngumiti.
"Pati ikaw, Veron", habol din nito kay Veron kaya lumabas din siya kasabay ng tatlo.
Tumayo lang si Veron sa labas ng pinto, tumambay sa corridor at hinawakan ang grills nito habang tinitingnan ang mga estudyanteng naglalaro ng volleyball sa ground floor. Ito na kaya ang hustisyang matagal niyang gusto?
"Paano na tayo, Drew?" nag-aalalang tanong ni Shaun.
"Kaya nga. Bakit ka pumayag sa parusa sa atin?"
Hindi nagsasalita ang kanilang kinakausap. Hahang naglalakad palayo sa guidance counselor's office, naiisip niya pa rin ang dalaga at ang ginawa nito sa kanya.
"Paano na ang drug test natin? Si Mr. Paul ang binayaran ng magulang natin, di ba? Ngayong nag-resign na yata 'yon, paano na tayo pag positive resulta?"
Dumugtong na rin si Adril ", Edi rehab na tayo nito. Di ba masaya naman do'n? Libre pagkain?"
Binatukan ni Shaun si Adril. "Ah!" Ang daming kalokohang alam ni Adril. Maiinis at maiinis na lang kung sinuman ang kasama nito.
"Yang utak mo talaga walang silbi", naiinis niyang turan dito.
"Karma na natin 'to mga ugok." Nagsalita na rin sa wakas si Drew. "Magkakasama naman tayo sa rehab e. Together with you, bastards", nakangiti niyang sabi. Nagawa pang akbayan ang dalawa kasi siya ang nasa gitna nila.
"Bastard goals?" biro pa ni Adril. Binatukan na naman siya ni Shaun. Matatanggal na ang leeg niya kakabatok nito.
"Ikaw lang bastard dito", ganti ni Shaun.
"Thank you ma'am", pagpapasalamat ni Carl kay Ms. Cy.
Ngumiti ang babae at tinanguan siya. "Walang anuman, nak. Magtitino na siguro mga yan pagkatapos nito".
Napangiti rin siya. Si Veron lang pala makakapagpahinto sa kalokohan ng mga 'yon.
"Pakisabi sa girlfriend mo, bilib ako sa kanya", nakangiti pang dugtong ni Ms. Cy. Si Ms. Cy ay dating intern ni Carl sa ibang skul noong siya ay elementarya pa lang. Naging malapit sila sa isa't isa nito dahil naging anak ang turing nito sa kanya. Nang malaman niyang lilipat ito sa school nila bilang guidance counselor, ikinuwento niya ang buhay niya sa school nila, isa na ang babaing mahal niya, si Veron.
At-- girlfriend ang pagpapakilala niya kay Veron sa kanya.
"Makakarating po ma'am. Salamat po ulit".
Bumalik na sa upuan si Ms. Cy at binuklat ang record book saka siya ulit tiningnan.
"Mahirap magkaroon ng ganyang girlfriend, nak. Palaban at di papatalo". Sabay silang nagtawanan.
Girlfriend niya na si Veron? Ano'ng imbento ang pinagsasabi niya.
Nagtawanan silang dalawa. Nagpaalam na si Carl nang maayos kay Ms. Cy at may ngiti sa labing lumabas ng office. Pagkalabas ay naabutan niya si Veron, nakatayo at nakatalikod na nililipad ang buhok habang nakatingin sa ground floor. Naalala niya ang pagdugo ng ilong nito kahapon dahil sa pagsumpong nito ng hemophilia. Isa sa mga sintomas ng kondisyong ito ay ang biglang pagdurugo ng ilong. Abot-abot ang kaba niya kahapon at gusto niyang ipagamot na ang dalaga dahil di niya alam kung malala ba o palala pa lang ang kondisyon sa dugo ni Veron.
Kita niya rin mula sa kinatatayuan ang kulay-asul na ulap na bumagay sa view niya ngayon. Tila isang painting ang nakatalikod na si Veron at ang background ay ang asul at maaliwalas na kalangitan. Napanganga na lang siya kung gaano kaganda sa paningin niya ang bawat paghangin ng buhok ni Veron, naisip din niya ang ka-inosentihan nito sa ibang bagay, ang ugali nito at higit sa lahat, ang katapangan nito. Mahal na mahal niya ang dalaga.
Sobrang ganda mong pagmasdan, mahal ko,
Kung ikaw na lang ang natatanging babae sa mundong ito,
Pangako ko sa'yo, hindi ako magsasawang pagmasdan at hangaan ka,
Kung gaano ka kahalaga sa'kin at kung gaano ka kaganda sa aking paningin.
-Carl Trino Jr.
THE END!
commercial break! 🎉
wakas na po ang 'Anak ng Puta'. wala na po kasunod ang lovestory nina Veron at Carl= VeRl haha syempre joke lang see u in next update, my dear lexies!
lexies na tawag ko sa mga nagbabasa at sumusuporta ng stories ko.
see youuu, love youu whoever you are ♥️
let me know what you think about my story, a simple vote and comment is much appreciated
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top