Labingtatlo
Veron
Ang daming pasyenteng maya't mayang isinusugod kaya gumigilid ako para padaanin sila. Maririnig sa paligid ang mga iyakan ng mga namatayan, may mga nagdarasal pang wag muna sila iwan ng mga mahal nila. Mayroon pa nga natataranta at di alam ang gagawin kasunod sa mga isinusugod na tao.
Napatingin ako sa nakabenda kong pulsuhan sa kanang kamay. Kung natuluyan na lang sana ako, iiyak din kaya at sasabihin ni mamang sana nanatili muna ako? Kung namatay na lang sana ako, tahimik na siguro buhay ko.
"Ipaampon ko na lang kaya 'yang batang 'yan".
Hanggang ngayon sobrang sakit sa'kin ng mga sinabi ni mama. Lalo na nang sabihin niyang hindi niya ako anak. Itinatanggi niyang sa kanya ako nanggaling. Bakit gano'n siya? Bakit parang tuta ang tingin niya sa'kin na basta-basta na lang puwede ipamigay.
Nasa isang linggo na rin akong hindi nakakapasok. Tinatamad na rin ako mag-aral. Nawawalan na ako ng ganang lumaban pero may inaalala ako-si Carl. Kumusta na kaya siya? Mula nang araw na tinangka kung bawiin ang buhay na 'to, hindi ko na siya nakita. Akala ko matatapos na problema ko. Akala ko sagot sa problema ko ang pagpapakamatay. Nakakahiya ako.
Sabi ng doktor, mild hemophilia lang daw ang mayroon ako. May mga treatments daw na ginagawa para rito pero ang alam ko, wala kaming pera. Hindi ko rin alam kung bakit pa ako nananatili sa malungkot na lugar na 'to. Gusto ko nang umuwi sa totoong tahanan ko, kay Carl.
Napahinto ako sa paglalakad dahil parang kilala ko ang lalaking nakaupo sa waiting area, nagse-cellphone lang siya. Ano kaya ginagawa ni Drew dito? Tinakpan ko ang kamay ko. Baka makita niya at isipin nga niyang naglaslas ako. 'Yon naman ang totoo pero may parte sa'king di ko matanggap na sinubukan kong patayin ang sarili ko.
Binaba na niya ang cellphone niya at tumayo. Pagkatayo niya ay nagtama ang paningin naming dalawa. Nakakahiya rin dahil pinagsasampal ko siya no'n, tinadyakan at pinagsusuntok. Nakakahiya. Tapos sinabi ko pang mamatay na siya pero bandang huli, ako rin sumubok gawin yon sa sarili ko.
"Veron?"
Mag-sorry na kaya ako sa ginawa ko. Para naman kung sakaling mawala na ako nang tuluyan, may nagawa naman akong tama.
"Ano'ng ginagawa mo dito?" tanong niya pa. Teka, ano idadahilan ko sa kanya? Magsisinungaling na naman ako.
"Ah", luminga-linga ako sa paligid. "Wala naman, nasugatan lang ako kaya ako nandito ako".
"Malaki ba sugat mo? Ayos ka na? Saan banda?" sunud-sunod niyang tanong. Nakakapagtaka. Bakit niya ako pinapakialaman. Hindi naman kami magkaibigan.
"Pagaling na rin", sabi ko na lang. Baka kung ano na naman pinaplano niya. Hinding-hindi niya ako magiging biktima.
Mas lumapit pa siya sa'kin. Gaya nang araw na nabangga ko siya sa bar, ganitong-ganito 'yon. Ganito kalapit. Sa tangkad niya ay tinitingala ko pa siya pero hindi siya ang iniisip kong nandito kundi si Carl.
"Sabi ni Carl", simula niya. Ano kaya sinabi ni Carl sa kanya. "Ilang araw ka na raw absent", dugtong niya. "Carl's worrying about you".
Paano kapag nalaman ni Carl na hindi ako lumaban para sa buhay ko? Nagpadala ako sa emosyon at galit ko kaya ko nagawa yon? Baka--
"Wag mong sabihin sa kanya", bigla kong nasabi sa kanya. Hindi ko balak sabihin nang literal 'yon. Nasa isip ko lang pero nasabi ko na. "Na ano?"
Patay na. "Ah wala", sagot ko na lang. Dapat umuwi na lang siya kaysa kung ano pa ang maikuwento ko.
"Sorry ulit", pagbawi ko. Kailangan kong humingi ng pasensya. Di ko alam kung hanggang kailan lang ako dito sa mundo. Baka bukas, sa susunod na araw, wala na ako.
"Sorry din", sabi niya rin. Nahulaan niya yata kung ano ang tinutukoy ko. Tiningnan ko ang mukha niya. Naalala ko kung paano ko pinanggugigilan ang pisnging ito, ang dibdib niya at ang-
"Oo nga pala, Veron. Lumabas na resulta ng drug test sa amin". Sigurado ako positive sila kasi totoo namang nagdodroga sila. Sana hindi pa huli ang lahat para magbago sila. Sana hindi pa .
"Ano'ng resulta?"
"Positive kaming tatlo", nakangiti niya pang sabi. Positive na sila pero nakangiti pa rin? Ano'ng klase siya?
Tiningnan niya ako at dinugtong pang ", Totoo pala ang karma 'no? Ayos na rin at least matututo na kami". Bumait na rin yata siya. Sana nga tuluy-tuloy na 'to.
"That means we will be sent into a rehabilitation center", dugtong niya. "We will continue studying there until we graduate in Grade 12".
Malumanay na ang boses niya. Umamo na rin ang mukha niya. Umaasa akong ito na nga ang simula ng pagbabago nila. Sana. . .
"One more thing," may kinuha siya sa bulsa niya. Isang lukot-lukot na papel ito at iniabot sa'kin. Nagtataka ko siyang tiningnan pero sabi niya lang
",Just open it".
Binasa ko na ang nakasulat. Pagtingin ko pa lang sa penmanship, alam kong kay Carl ito. Ang nakasulat ay tungkol noong nakita niya akong umiiyak, tungkol sa ginawa niya kasi 'yon daw ang tama. Hindi ko maintindihan. Ano raw?
"Ibinalik ni Patricia yan kay Carl." Napaawang ang labi ko. Ibinalik? Ibig sabihin nasa kanya talaga. Nagsinungaling lang siya sa'kin. "At si Carl naman, sabi niya sa'kin, bigay ko raw yan sa'yo".
Ibig sabihin, sinadya niya ako rito?
"I know it ever since. Si Carl ang nagsumbong sa amin."
Si Carl ang nagsumbong sa kanila. Kaya pala traydor ang tingin nila kay Carl at galit na galit sila sa kanya. Siguro, napagtanto na ni Carl ang sinabi ko noong wala siyang mapapala sa grupo nilang dinadawit lang naman siya sa gulo.
"Kasalanan ko rin naman".
At inaamin na niya ngayong kasalanan niya rin? Kakaiba ito.
"Nagkausap na rin kami ni Carl", dugtong niya pa. "I said sorry and I'm willing to change for the better".
Natutuwa ako para sa kanya. Bigla siyang ngumiti nang pasimple.
"Ano'ng nginingiti mo?" tanong ko kasi naaasiwa ako sa pagngiti-ngiti niya. Hindi naman ako nakakatawa kaya wala siyang dahilan para ngumiti sa'kin.
Hinawakan niya ang labi habang pinipigil na naman ang pagngiti. "I like you".
Inismiran ko siya. "And I don't like you". Naglaslas lang ako pero hindi ako nasiraan ng ulo para magustuhan siya.
"Si Carl?" tanong ko na naman. Wala sina mama at Tiya Kara rito sa ospital, umuwi siguro sila at nakita ni Carl. Baka naman si Pat ay nakausap ni Tiya Kara at sinabing nandito ako.
"Si Carl. ."
Naghihintay lang ako sa sunod niyang sasabihin. Ano kaya nangyari sa kanya? Bakit hindi siya ang pumunta rito para ibigay ang sulat?
"Nakita kong may pasa siya sa labi at black eye noong inabot niya sa'kin 'yang sulat". Tiningnan ko ang hawak kong papel. Hindi ko maintindihan pero nalukot ko na lang ito.
"Tingin ko, sinaktan na naman siya ng stepdad niya".
Alam niya rin pala. Sabagay kaibigan niya ito noon at ngayon yata, magkaibigan na ulit sila. Naisip lang niya iwan pero mukhang nagkaayos na ulit sila ngayon.
"And he also said that he doesn't want to go here with his ruined face", dugtong pa ni Drew.
"At si Pat?" usisa ko. Baka sakaling alam niya bakit di siya pumunta.
"Nakokonsensiya rin daw sa ginawa sa'yo", paliwanag niya pa.
"Nagtatampo lang daw siya at sorry din kasi ang babaw lang daw ng dahilan niya".
Lahat sila nakokonsensiya. Lalo lang akong nakonsensiya sa mga pinanggagawa ko sa buhay ko. Parang ang dami kong pagkukulang bilang kaibigan. Di ko naprotektahan at naipagtanggol si Carl. Di ko kinausap nang masinsinan si Pat. Di ako nakapag-sorry man lang.
"Don't worry, Veron", sa pagbanggit niya ng pangalan ko, parang kilalang-kilala niya ako. "They're waiting for you".
"Pumasok ka na ulit."
Ano'ng mukha ang ihaharap ko sa kanila? Ang kaibigan nila, ako na pinilit magpakatatag, sinaktan ang sarili.
"Hinihintay ka nila lalo na ako". Ito na kaya epekto ng pananakit ko sa kanya no'n? Baka nasisiraan na ng ulo si Drew dahil sa mga sampal ko.
Lumulutang ang isip ko habang naglalakad pabalik sa kuwarto ko. Kailangan ko na makauwi sa amin. Kailangan ko tingnan ang kalagayan ni Carl. Kung ano na nangyari sa kanya. Sana kahit gaano kahirap ang dinadanas niya, wag niya akong gagayahin. Kung sumagi man sa isip niyang bawiin sariling buhay, sana sumagi lang pero wag niyang gawin.
Marami pa siyang dahilan para mabuhay. Marami pa.
"Magpakatatag ka rin sana kagaya ng lagi mong sinasabi sa'kin".
Ito ang linya niyang isa sa mga tumatak sa isip ko. Sana naisip ko 'to bago ko sinubukang magpakamatay.
"Lumaban tayo pareho sa malupit na mundong 'to".
Pasensya na Carl kung duwag ako. Napagod lang ako pero gaya ng sabi mo pangako, magpapakatatag ako. Sana ikaw rin.
"Pagka-graduate ni Veron, uuwi na tayo sa Cavite", boses yon ni Tiya Kara. Uuwi? Sa Cavite? Teka, ano?
Nilapit ko pa ang tenga ko sa pinto ng kuwarto ko. Sumilip ako sa siwang ng pinto para mas marinig ko pa usapan nila.
"Sigurado ka nang titino ka na niyan, Lily a?"
"Oo nga ate. Ang kulit naman. Umalis na nga ako sa pagpopokpok e. Duda ka pa?"
Napangiti ako. Ako kaya ang dahilan kaya umalis na si mama sa trabaho niya? Umalis na ba talaga siya?
"Di bale, mga dalawang buwan na lang din at matatapos na pasok nila. Makakapagpahinga na rin yang batang yan".
Nagpaplano sila nang di sinasabi sa'kin? Uuwi kami?
"Sa probinsiya na siya magko-kolehiyo. Ito naman gusto niya di ba? Umalis ako sa trabaho at magkaroon siya ng ina", si mama ito. Napangiti ako lalo. Magbabagong-buhay na ba talaga ang mama ko, kung totoo 'to, sana tuluy-tuloy na. Gusto ko na magkaroon ng mama. Gusto ko maramdaman ang pagiging isang anak na may magulang. Ayun lang naman talaga ang hiling ko.
"Buti naman natauhan ka. Tagal ko pinagdasal yan. Magising ka na sa kahibangan mo".
"Dami mo sermon ate. Pag nagbago pa isip ko, ewan ko lang sa'yo. Walang sisihan".
Sumandal ako sa pader ng kuwarto ko. Bakit gano'n nararamdaman ko. Hindi pa rin ako gano'n kasaya. Pumikit ako at inalala ang mga ngiti niya, halakhak niya, pang-iinis niya sa'kin, yong binuhat niya ako hanggang sa makauwi.
"Minsan ba, naisip mo na rin magpakamatay?"
Yong tono ng boses niya no'n, sobrang lungkot na parang gusto nang magpaalam.
"Sa takbo ng buhay ko, araw-araw ko naiisip yan".
Isa pa sa di ko malilimutang sabi niya ", I'll wait until you're ready".
Niyakap niya ako para pigilan ang pagiging bayolente ko at pananakit kay Drew. Hinagod niya pa ang buhok ko at tiniis ang pagsusuntok ko sa dibdib niya para lang mahinto ako sa ginawa ko noon.
Si Carl, ang lalaking handa akong hintayin at mahalin hanggang sa tamang panahong handa na ako, si Carl na handang tiisin kahit ano pa para lang sa'kin at sa ikabubuti ko, si Carl na tinanggap ako kahit ganito lang ako.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top