Labing-isa
"Magko-kolehiyo na ang anak mo", panimulang bungad ni Kara sa kapatid habang hinihiwa ang kamatis na ilalagay nila sa luluting sinigang na manok ni Lily. "Nakapag-ipon ka na ba ng pera panggastos niya?"
Habang siya ay naghihiwa ng mga gulay, di naman tumitigil si Lily sa ginagawang paninigarilyo kahit pa nasa harap ang mga gulay.
"Tigilan mo na nga 'yang paninigarilyo mo, Lily", saway ng ate sa kanyang matigas ang ulong kapatid. Paano ba naman kasi, amoy na amoy ang usok ng sigarilyo sa kusina nila pero wala lang sa kanya.
Tumayo na si Lily, gaya ng nakagawian, inilaglag na naman niya ang upos ng sigarilyo sa kanilang bintana at ang tagapaglinis, walang iba kundi si Veron. "Diyos ko naman", dismayadong usal ni Kara.
"Maawa ka naman sa anak mo", panenermon pa niya sa kanya kahit di naman ito nakikinig.
Kinuha nito sa mesa ang mansanas at kinagatan. "Paampon ko na lang kaya 'yang batang yan?" tanong ni Lily na ikinagulat ni Kara. Hininto nito ang paghiwa at binalingan si Lily.
"Anak mo yan." Napahawak siya sa kanyang noo at napausal ng, "Susmaryosep!"
"Kailan ka ba titino, Lily?" Tumayo na ang babae, hinugasan ang mga gulay saka pinameywangan si Lily. "Kung mayaman lang ako, aampunin ko 'yang batang yan at ilalayo sa'yo e".
Muling kumagat sa mansanas si Lily. Nilapag niya ulit sa mangkok pagkatapos na kagatan. "Hindi ko naman anak yan e", dugtong pa niya.
"Hinaan mo nga boses mo. Marinig ka ni Veron, masasaktan na naman 'yon".
Pinatong niya ang paa sa upuan. Tutal ay magdadalawang dekada na sa kanya si Veron, siguro naman ay sapat na iyon para ipamigay na niya siya.
"Kung sana sinipot ako ng lalaking 'yon pagkapanganak ko, edi maganda buhay ng batang
'yan ngayon", simula niya.
"Iyon nga ang problema. Kasalanan mo rin naman kaya di ka na sinipot ni Robert". Umupo ulit si Kara sa harap ni Lily at ang sunod na hiniwa niya ay ang sibuyas. "Tinakbuhan ka na kaya responsibilidad mo na siya. Bakit di mo na lang tanggapin?"
Mangiyak-ngiyak niyang hinihiwa ang sibuyas. Naaawa siya sa kalagayan ni Veron. Buong buhay nito, alam niyang nangungulila si Veron sa kalinga ng isang magulang. Saksi rin siya kung paanong mula pagkabata hanggang magdalaga siya, kinukutya na siya dahil sa uri ng trabaho ng kanyang ina.
"Ewan ko 'te. Nasaan na kaya si Robert ngayon?"
"Hay naku", napapailing niyang sabi. "Papakasalan ka na nga sana niyon e. Ayaw mo lang iwan pagpopokpok mo kaya ayan". Tiningnan siya ni Kara. "Ayan napapala mo, kung sana pinakasalan mo na siya," tinuloy nito ang paghiwa sa mga gulay. "Edi maganda na buhay ninyong mag-ina", dugtong niya pa.
Napanguso lang si Lily sa panenermon ng kanyang ate. Hindi na sila magkasundo ng dalawa dahil madalas siya nitong sermonan sa mga desisyon niya sa buhay na pawang para rin sa ikabubuti niya.
"Mamamatay-tao nga yon di ba?" ani Lily. Pinaninindigan niya ang katotohanang kriminal ang tatay ni Veron.
"Naku", di makapaniwalang turan ni Kara. "Pinaniniwalaan mo talaga gusto mong paniwalaan?"
Tumikhim si Lily saka sinagot ang kanyang tanong. "Kasi 'yon ang totoo. Pumatay siya ng tao".
"Self-defense ang nangyari. Di niya 'yon sinasadya", paliwanag pa ni Kara.
"Kahit na. Kriminal pa rin siya", pagdidiin pa ni Lily sa sinabi.
"May nasaksak ka raw, totoo ba?" nanlalatang tanong niya sa lalaking kaharap. Nakakaramdam na naman siya ng pagkahilo lalo at alam niyang nagbunga ang mga ginagawa nila gabi-gabi.
"Dinepensahan ko lang sarili ko, Lily kasi papatayin niya ako", paliwanag ni Robert sa kanya. Umiling-iling lang siya. Hindi na niya pakikinggan ang anumang sasabihin nito ngayong alam niyang isa na itong mamamatay-tao.
"Kriminal ka, Robert. Kriminal ka". Tumayo na siya, binibit ang bag at nagmamadaling umalis. Nagawa pa siyang habulin at pagluhuran ng lalaki pero desidido siyang iwan ito.
"Nagmamakaawa ako, wag mo akong iwan. Hindi ko kayo sasaktan. Hindi kita sasaktan at yang batang dinadala mo, yang anak ko", sabi pa nito habang pinipigilan si Lily.
"Ipapalaglag ko ang batang 'to." Tiningnan ni Lily ang kanyang tiyan. 2 buwan na siyang nagdadalang-tao at nakakaranas ng mga pananakit ng ulo, init ng ulo, pagkahilo at kung anu-ano pa.
"Salamat sa pagbigay ng senyales sa akin. Tutal, ayoko ring lumaki siyang may isang pokpok na nanay at kriminal na tatay!"
Tinanggal niya ang kamay na humahawak sa kanya. Nanlumo naman ang lalaki at hinawakan ang braso niya nang mahigpit. "Subukan mong ipalaglag 'yan", nanlilisik ang mga mata ni Robert nang sabihin iyon.
"Mapapatay rin kita".
"At ano naman tawag mo sa sarili mo?" sumbat ni Kara. "Hindi ba kriminal din?"
Naalala niya lahat ng ginawa niya kay Veron noong nasa sinapupunan niya pa ito. Uminom siya ng pamparegla at nariyang pinagsusuntok niya ang tiyan para lang mamatay na ang bata pero hindi omobra. Lumaban si Veron para sa buhay niya. Bandang huli ay kinumbinsi lang siya ni Kara na buhayin ang bata kahit hindi niya ito gusto.
Kung sana ay natuloy ang pagkalaglag nito, sana di nito nararanasan ang hirap ng buhay.
"Tiya Kara! Mama!" Bumukas ang pinto ng kuwarto ni Veron at iniluwa rin si Veron na sumisigaw. Dumudugo ang kanang pulsuhan nito na para bang nilaslas. Dugo, napakadaming dugo ang tumutulo galing dito.
"Diyos ko! Ano'ng ginawa mong bata ka?" Nag-aalalang lumapit si Kara sa kanya. Napatayo rin bigla si Lily. Di alam ang gagawin. Alam nila ang kayang kondisyon at ito ay ang matagal bago huminto ang pagdurugo ng kanyang sugat.
"Tiya", mangiyak-ngiyak niyang sabi sa babae. Natataranta na si Kara kung ano ang gagawin sa sugat nito. Napapahawak sa ulo, sa braso ni Veron.
"Teka, teka. Nasaan na nga ba 'yon?"
Si Lily ay nakatayo lang, tinitingnan ang kondisyon ng anak.
"Napansin ko sa anak mo na kahit maliit na sugat lang ay di kaagad humihinto ang pagdurugo nito", anang doktor habang tinitingnan ang abala sa paglalaro ang walong taong gulang na si Veron.
"Kailangang mai-test ang dugo niya para masigurado ko kung totoo ang nakikita kong kondisyon ng anak mo, ang hemophilia".
Tiningnan niya ang anak. Nakakaawa ito, gusto lang naman niyang mabuhay ang bata pero di niya pinangarap na ganito ang kahihinatnan ng buhay nito.
"Misis, ang hemophilia ay isang rare condition sa dugo na kung saan hindi kaagad-agad humihinto ang pagdugo sa sugat ng isang tao lalo na kung malaking sugat ito".
Nag-aalala siyang napatingin sa kaharap na doktor.
"Ayoko magbigay ng kongklusyon agad pero yon ang nakikita ko sa anak mo. Kailangan na natin siyang ma-test para masiguro kung meron nga siya nito".
Hindi niya alam kung tutulungan na lang ba ang dalaga o titingnan lang. Wala naman siyang lakas ng loob na magpaka-nanay lalo na't inaapi-api niya ito. Isa pa, ang sugat nito sa pulsuhan ay mukhang nilaslas o sinadya ng kanyang anak. Hindi nito sinasaktan ang sarili ngunit ano ito?
"Lily! Tumulong ka naman!" naiiyak na ring sabi ni Kara.
"Huh? A sige sige", napilitan na rin siyang lumapit sa kanila. Hinawakan niya ang kamay ni Veron. Sa sahig ay nagkalat ang mga dugo nito. Sobrang daming dugo. Hanggang ngayon ay tuluy-tuloy pa rin ang pagpatak ng dugo galing sa kanyang sugat habang si Kara ay inaalalayan ng isang tela ang sugat niya.
Natataranta na ito. "Ano ba ginawa mo, Veron? Naglaslas ka? Diyos ko, ano na pumapasok sa isip mong bata ka?" sunud-sunod at natatarantang kompronta ni Kara sa kanya. "Alam mo naman bawal ka masugatan".
Hindi na alam ni Kara kung paano pahihintuin ang sugat niya. Hindi makagalaw sa kinatatayuan si Lily habang tinitingnan ang anak. Hindi niya pinapansin ang mga pagkakataong nasusugatan si Veron noon ngunit ngayon. . .
Parusa na ba ito sa kanya bilang isang pabayang ina?
Bumagsak sa sahig ang dalaga na lalong nagpa-tulala kay Lily. "Diyos ko pong mahabagin", napadasal na bigla si Kara. "Huwag ninyo po muna kunin ang pamangkin ko".
"Lily!" sinigawan na ni Kara si Lily na walang imik, nakatayo lang.
"Tumawag ka na ng ambulansiya!"
Tiningnan ni Kara ang walang malay pa ring si Veron. Namumutla na ang labi nito ngunit tila natutulog lang, matiwasay at simple pa ring pagmasdan.
Ngayon, makakapagpahinga na ba si Veron sa lipunang nakakapagod labanan?
Itutuloy. . .
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top