Labing-anim
Veron
Alas dose na ng tanghali ngayon. Hindi ako mapakali sa kinatatayuan ko habang hinihintay si Carl. Sabi niya, sabay kaming uuwi. Si Pat naman ay nauna nang umuwi dahil may pupuntahan daw.
Sabi ng mga teachers, may meeting daw sila kaya kailangan half day lang ang pasok namin.
"Hoy!" Nanggugulat na naman siya. Kung may sakit lang ako sa puso, baka inatake na ako.
Nilingon ko ang Carl na 'yon at nakitang may hawak siyang artificial rose. Para sa'kin kaya ito?
"Hindi 'to para sa'yo", sabi niya at ngingisi-ngisi pa.
Inismiran ko siya at nauna nang maglakad. "Hindi ko naman sinabing para sa'kin 'yan".
Sinundan niya rin ang paghakbang ko ng mga paa. Tumabi pa siya sa'kin habang sabay na kaming naglalakad.
"Joke lang e. Para sa'yo 'to". Bigla niyang inabot sa'kin yong rose habang naglalakad pero inirapan ko lang siya. Kunwari nagtatampo ako.
"Para sa'yo mo mukha mo", inis ko pang sabi sa kanya at nagpatuloy lang sa paglalakad.
"Ayaw mo?" tanong niya. "Sige ka, ipapamigay ko
'to".
Napahinto ako sa paglalakad. Tiningnan ko siya. "Edi pamigay mo".
"Sino may gusto ng bulaklak?" sigaw niya sa kalsada habang naglalakad kasabay ko. Napaka-sira niya talaga.
"Ayaw ng girlfriend ko e!" dugtong niya pa. At kailan niya pa ako naging girlfriend? Kapal naman, ang advance niya mag-isip.
"Sige na nga", hinablot ko na sa kanya ang bulaklak at kunwari naiinis pa rin habang bitbit ko ito sa kamay.
"Sina Drew," simula ni Carl. "Nasa rehab na sila ngayon", dugtong niya pa.
Balita ko noon, kahit nasa rehab daw sila, itutuloy pa rin nila ang pag-aaral. Sabi pa ni Carl no'n, makaka-attend pa rin sila ng graduation sa oras na magbago na silang tatlo.
"Tumahimik na school natin no'ng umalis sila", malungkot ang boses niyang saad. Alam kong nalulungkot siya kasi may pinagsamahan silang magkakaibigan.
"Mabuti nga".
"May aaminin ako, Ron", sabi niya pa. Sobrang bagal namin maglakad. Para bang may prusisyon ngayon. Ganito kami maglakad ni Carl kapag may napag-uusapan.
Inusisa ko siya. "Ano 'yon?"
Matagal bago siya nakasagot. Nakakakaba naman kung anuman ang sasabihin niya. Tiningnan ko siya sa gilid ko at napansin ko ang pananamlay niya. Mayamaya pa, umubo si Carl kaya kinutuban na ako. Sinalat ko siya sa leeg niya. Ang init niya.
"Nilalagnat ka, Carl", sabi ko pa sa kanya.
Pinilit niyang ngumiti kahit pa mukhang hindi niya kaya.
"Ako nagsumbong kina Drew." Nanlaki ang mga mata ko pero noon pa, may kutob na akong siya nga ang nagsumbong.
"Kaya traydor tingin nila sa akin no'n, di ba? Tapos tinatanggi ko pa".
Hindi ko alam kung paano siya kakausapin. Baka mamaya bigla rin siyang matumba dahil nilalagnat siya. Hinawakan ko siya sa braso niya bilang alalay sakaling mawalan siya ng lakas. Di ko alam bakit ang oa ko pero nag-aalala lang ako sa kanya.
"Pero nagkaayos na kayo, hindi ba?"
"Oo pero pakiramdam ko, galit pa rin sila sa'kin".
Ang init ng kanyang braso. Isasantabi ko muna mga sinasabi niya tungkol kina Drew. Kailangan niya muna magamot.
"May gamot ka ba?" tanong ko. Umiling-iling lang siya. "May hihilingin ako, puwede bang sa inyo muna ako? Ayoko umuwi sa'min."
Nalungkot naman ako sa sinabi niya. Tiningnan ko ang kamay niya at braso, wala naman pasa. Ano na naman kaya nangyari sa bahay nila?
Tumango ako bilang sagot. Welcome na welcome naman siya sa bahay namin. Kung doon niya kailangan magpahinga, ayos lang sa'kin basta gumaling siya.
"Carl, sinaktan ka na naman ba ng amain mo?"
Hindi lang umimik si Carl at nagpatuloy lang sa paglalakad kaya sumunod na lang ako habang nakahawak ako sa mainit niyang braso. May nakahanda naman akong bioflu sa bahay. Ayun na lang ipapainom ko sa kanya.
Ilang minutong di nagsasalita si Carl. Huminto lang kami nang marating namin ang bahay namin.
Nauna akong pumasok at niyaya na siya ", Lika na".
Nakita kong nakasilip si Edna sa malayo at tinatanaw ako. Ano na naman iisipin ng tsismosang 'to?
Nang makapasok si Carl, sinara ko na agad ang geyt. Pagtitsismisan na naman ako ng Edna na yon.
Pagbukas ko ng bahay, walang tao. Sigurado ako, wala pa sina mama nito. Si Tiya Kara, nasa palengke pa 'yon. Si mama naman, nasa bagong trabaho na niya. Natanggap siya bilang isang tindera sa isang karinderya sa bayan.
"Maupo ka muna", utos ko sa kanya at naupo naman siya.
Pumunta na ako sa kusina para paghainan siya ng pagkain. May natira pang kanin at kalderetang manok na ako rin ang nagluto kanina kaya ito na lang ang sinandok ko.
"Kain", nilapag ko na sa harap niya ang pagkain. Kaunti lang ang sinandok ko dahil alam kong pag may sakit, wala tayong gana kumain. Minsan, sinusuka pa natin kinakain natin.
"Salamat, Ron", ani niya at nagsimula nang kumain. Pinagmamasdan ko lang si Carl habang mabagal siyang kumakain. Siguro ay wala talaga siyang gana pero kailangan niya naman kumain para makainom siya ng gamot.
Tumayo na ako para kunin ang bioflu. Kumuha na rin ako ng tubig at nilapag sa kanya. "Inom ka ng gamot pagkatapos".
"Ron", mahina niyang sabi. "Ayoko na sa amin", dugtong niya.
"Bakit?"
Huminto muna siya sa pagkain at tiningnan ako. "Pinapalayas na ako ng amain ko".
"Huh?" Hindi naman puwede 'yon. Legal na anak siya ng papa niya at ang bahay na tinitirhan nila, papa niya ang nagmamay-ari.
"Ano'ng sabi ng mama mo? Pinagtanggol ka ba niya?"
Umiling ulit si Carl. "Sinusuka na ako ng sarili kong nanay, Ron."
Nakaramdam ako ng kirot sa puso ko. Bakit ang sakit makitang nasasaktan siya. Nadudurog din ako.
"Buntis na naman siya", dugtong na naman niya. Pang-apat na pagbubuntis na ito ng nanay niya at ang ama ay ang pangalawang asawa niya. Hay naku naman, mahirap na nga sila, anak pa nang anak.
"At sabi, pabigat na raw ako sa kanila. Di na raw nila ako kayang buhayin".
Hindi na kumakain si Carl. Nakikinig na lang ako sa mga hinanakit niya sa mundo.
"Hindi naman ako pabigat e", depensa niya sa sarili. Mayamaya pa, tumulo ang luha galing sa kanyang mata pero mabilis niya 'yong pinunasan.
"Ako nga bumubuhay sa sarili ko, di ba?" Sinuntok niya ang mesa namin na ikinagulat ko. Napatayo na ako at nilapitan siya. Kita ko kasing pinagsusuntok na niya ang sarili niya.
Gaya ng ginawa niya sa'kin noong panahong pinagsusuntok at sampal ko si Drew, pinigilan ko ang dalawang kamay ni Carl. Tumabi ako sa kanya at niyakap siya para mapigilan niya ang pagsuntok sa sarili niya. Ayokong nakikitang nagkakaganito siya, ang lalaking mahal ko. Ayokong nagkakaganito si Carl.
"Tahan na, Carl. Pero sige iiyak mo na lang kung yan magpapagaan ng pakiramdam ko", sabi ko pa habang hinahagod ang likod niya.
Humagulhol na siya sa balikat ko. Hindi siya makapagsalita. Bawat hagulhol niya, siya ring pagsakit ng puso ko. Nadudurog ako. Ang sakit lang makitang kung sino pa ang taong mukhang malakas at nagpapalakas ng loob ng iba, siya pa ang may mabigat na problema.
Nababasa na rin ang suot kong uniform dahil sa mga luha niya pero wala lang yon sa'kin. Para sa kanya, maliit na bagay lang itong pagkabasa ng uniform ko. Gusto ko lang bumuti ang lagay niya.
"Ikaw na lang ang natitira kong pamilya, Ron", sabi niya pa sa'kin. Napangiti ako nang sabihin niya yon pero nalungkot din nang maisip kong aalis pala kami pagka-graduate ko dito.
"Please. . . Di ko na kakayanin kung pati ikaw mawawala sa'kin".
"V--Veron," nauutal at humihikbi pa rin niyang sabi sa'kin. "Huwag kang mawawala sa'kin".
Napaluha na rin ako pagkarinig sa mga sinabi niya. Hindi ko inakalang ganito masaktan nang sobra ang kaibigan ko. Hindi awa ang nararamdaman ko kundi sakit dahil alam kong hindi kami habambuhay na magkasama.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top