Isa

Nagtutumpukan ang mga estudyante, bulung-bulungan kaliwa't kanan pati ang mga bumababa ng hagdanan ay tumatakbo pa para lang makita ang tagpo nang oras na iyon. Nakikiusyoso na rin ang iba pang mga estudyante sa nagaganap na gulo. Sa male's comfort room kasi ay mayroon daw nahuling apat na lalaking mga mag-aaral sa ika-12 baitang na humihithit ng droga.

Sa corridor na kinatatayuan ni Veron ay natatanaw niya ang pagkukumpulan ng mga estudyante sa gilid, kanya-kanyang bulungan.

"Matagal na ganyan yan sina Drew. Ngayon lang sila nahuli," rinig niyang sabi ng isa.

Pakli naman ng isa pa, "Kaya nga e."

Nagsimulang magsigilid at magsipasukan sa kanya-kanyang kuwarto ang mga nakikipag-usyoso nang makitang paparating na ang kanilang terror teacher na si Mrs. Lee. Nakasalamin ito, naka-hairnet ang buhok at suot ang teacher's uniform pati na rin ang nakakapangilabot nitong aura. Hawak na naman nito sa kanang kamay ang stick na lagi niyang dala kahit sa'ng lupalop ng eskuwelahan magpunta.

"Pasok! Pasok! Nandiyan na si Mrs. Stick!"

"Dali! Dali! Pasok na!"

Wala sa sariling pumasok na rin si Veron sa loob ng kanilang kuwarto.

"Veron, dali!" Nakita niyang pinapapasok na siya ng kanyang kaibigang si Pat sa loob. Sumilip ito sa labas ng bintana at nilapitan siya.

"Grabe na talaga nangyayari sa kanila, 'no?" simula nito.

"Kinokonsinte kasi sila kaya nagkakaganyan," dugtong pa ni Pat. Sumingit na rin sa usapan ang isa pa nilang kaklase. "Di ba sabi ko sa inyo, tama yong narinig kong sabi sa'kin, na nagda-drugs sina Drew at barkada niya."

"Hindi na nakuntento sa pambu-bully dati do'n sa ngongo nilang kaklase."

Napatingin si Veron sa labas at nag-alala hindi para kina Drew kundi para sa kasali sa grupo nila. Si Carl na matalik niyang kaibigan.

Binalingan siya ni Pat. Kanina pa kasi nito napapansin ang pananahimik niya. "Ano? Okay ka lang?" tanong niya.

Tumango siya bilang sagot dito. "Oo naman," tanging naisagot niya at napaisip na naman. Kahapon lang ay masaya pa siyang binati ni Carl. Nagawa pa niyang makasabay ito sa pagpasok sa skul, nakakuwentuhan at nilibre pa siya kaya di siya makapaniwala na ngayon ay nahuli ito kasama ng mga kaibigan sa pagdodroga sa mismong loob ng paaralan.

"Grabe talaga mga tao ngayon, 'no?"

"True. Di mo alam mga pinanggagawa sa buhay. Magugulat ka na lang ginagawa pala nila 'yon."

"Yong iba nga diyan, feeling inosente tapos 'yong totoo, laspag na pala."

Kasunod nito ay ang paghalakhakan ng mga kaklase niya. Napaatras na lang siya at hangga't maaari ay lalayo na lang para 'di na masama sa mga sinasabi nila.

"Putang ina hahaha," banggit pa ng isa sa mga ito.

Bumalik na lang siya sa upuan niya pero parang tumatak at naging paulit-ulit sa tenga niya ang sinabing mura ng kanyang kaklase.

"Putang ina!"

"Putang ina!"

"Putang ina!"

Kung sa iba ay katatawanan lang ang gano'ng uri ng pagmumura, sa kanya ay isang uri ito ng pinakamasakit na insulto. Umupo na siya sa kanyang upuan. Bigla naman bumukas ang pinto at pumasok sa loob ang kanilang Math teacher at adviser din ng mga mag-aaral na nahuli kanina. Tumahimik at umayos naman ang lahat at umaktong parang walang nangyari.

Napapahawak sa ulo ang kanilang guro. Marahil ay dala ng stress na dulot ng kanyang advisory class. Halatang dismayado ito sa nangyari. Kilala na kasi ang grupo ng mga estudyanteng 'yon dati bilang tagapagdala ng gulo, ngayon nabuhay na naman ang grupo nila sa panibagong gulo.

Hinampas nito ang mesa at tumingin sa kanila. "Sino pa gustong gumaya sa kanila?"

Nagkatinginan ang mga estudyante. Walang imik na parang di nakitsismis kanina, nagsalita ng kung anu-ano nang di inaalam ang buong istorya.

"Kung wala rin kayo magandang gagawin sa skul, mas mabuti pa wag na kayong pumasok. Pinag-aral kayo ng mga magulang ninyo tapos ganyan lang igaganti ninyo? Wala na ba kayo matinong pag-iisip?" sunod-sunod nitong tanong sa kanila.

"Bakit tayo ang sinesermunan ni ma'am?" bulong ng isang estudyante sa katabi. "E di ba hindi naman niya tayo advisory class? Di ba dapat 'yong mga estudyante sa klase niya ang sinesermunan niya?"

"Malay ko diyan," pabulong ding sagot ng kinausap. "Hanggang sermon lang naman sila. Pustahan, pagkatapos nito, babalik na naman sa dati na parang walang nangyari."

"Hirap sa inyong mga estudyante, ayaw ninyong pinagsasabihan. Tingin ninyo, kayo lagi ang tama, mga kabataan nga naman ngayon."

"Taas talaga ng tingin ng mga tao sa sarili nila kapag may posisyon sila 'no?" anang isang medyo may katabaang estudyante sa katabi rin.

Tumango rin ang kinausap na tanda ng pagsang-ayon. 

Tahimik lang na nakikinig ang mga estudyante. Hindi nila puwedeng salungatin ang mga sinasabi ng guro. Para sa kanila, kasalanan ng isa, damay na ang lahat kahit ang ibang walang mga kasalanan.

"Dahil sa nangyari, sinususpinde na muna ang klase sa araw na 'to. Nakopya ninyo na rin ang asaynment ninyo, hindi ba?"

"Opo ma'am," sagot ng isang estudyante lang. Ang iba ay nanahimik pa rin.

"Sagot yong iba!" sigaw nito.

"Opo, ma'am," sagot na nila.

"Iimbestigahan na ang nangyari kina Drew. Gusto ko lang sanang sabihing kung ano ang nangyari nang araw na ito, wag ninyo na ipagsabi sa iba. Sirang-sira na ang imahe ng paaralan natin. Parang awa ninyo na, wag ninyo nang sirain nang sirain," saad pa ng guro.

Napaangat ng ulo si Veron. Ibig ba niyang sabihin ay manahimik na lang sila? Marami nang gulo ang kinasangkutan nina Drew, Shaun at Adril pati na rin ni Carl. Tapos ngayon, gusto nila, manahimik na naman ang mga estudyante?

Nakapangalumbabang nakatingin si Veron sa labas ng bintana. Iniisip niya pa rin ang kinasangkutang ng kaibigan. Kakasabi lang nito sa kanya noong isang linggo na hindi siya nagdo-droga. Kung may nagdo-droga man, sina Drew lang daw pero hindi siya kasama. Sa kabilang banda, napapaisip din siya na baka nga naimpluwensiyahan nang tuluyan si Carl.

"Umalis ka na kasi sa kanila. Ano naman napapala mo kung may mga kaibigan ka nga pero lagi ka naman sinasama sa gulo?"

Kumuha ng isang pirasong chicharon si Carl at nginuya ito. Malutong pa ang tunog ng chicharon na iyon. Gano'n din ang lasa nito.

"Hindi ko alam," sagot ni Carl habang naglalakad kasabay lang ng mga hakbang ni Veron.

"Lagi na lang nila ako tinatakot kapag sinasabi kong ayoko na kanila."

Isa-isang tiningnan ng guro ang mga estudyante.

"Puwede na kayong umuwi."

Inilibot ulit nito ang paningin sa mga estudyante. Tila sinasabi ng mga mata nitong wag na wag ipagsasabi ang nangyari sa araw na ito dahil kung hindi, malalagot sila. Pagkasabi niyon ay umalis na siya. Sinundan lang siya ng tingin ng mga mag-aaral. Nang masigurong nakaalis na ang taga-sermon nila, nag-ingay na naman lahat na nagmamadaling makalabas. Nagtutulakan ng mga bangko, nagbubulungan at nagsisiksikan pa kung sino unang makakalabas.

Kinalabit si Veron ni Pat para sabay nang lumabas at umuwi. "Tara na?"

Tahimik pa rin siya habang palabas na. Napansin pa ni Pat na nakatulala lang habang naglalakad si Veron kaya kinalabit ulit niya ito.

"Kanina ka pa tahimik, Ron ah. Baka naman nagdodroga ka na rin diyan, di mo sinasabi sa'kin," biro pa nito sa kanya.

Nabalik siya sa huwesyo nang makita si Drew sa ground floor na nakayukong naglalakad kasama ang dalawang teacher. Kasunod nito ay sina Carl at ang dalawa pang kasama na pawang mga kaibigan din nila. Habang naglalakad pauwi katabi si Pat ay di niya inaalis ang tingin kay Carl. Alam niyang nadamay lang siya pero wala siyang kasalanan.

Tumingala si Carl at saktong nagtama ang mga mata nilang dalawa. Nakadama siya ng inis at awa pero pinalis niya ang pakiramdam na iyon. Inis dahil matagal na siyang kasa-kasama sina Drew at di man lang siya nagrereklamo sa pagiging basag-ulo ng mga kaibigan. Awa rin dahil baka nga totoong di siya nagdo-droga at nadamay lang. Mabilis na inalis ni Veron ang tingin sa kanya at nagpatuloy na lang sa paglalakad.

"Gaano mo ba kilala yang Carl na yan?" pagsingit na naman ni Pat.

"Kaibigan ko siya," sagot niya.

Umiral na naman ang katarayan ni Pat. Pinaikot niya ang mga mata, inirapan si Veron at tinaasan ng kilay.

"Hindi mo sinabi sa'kin, adik na pala ang gusto mong kaibigan."

"Hindi siya adik. Kilala ko siya."

"Oo edi kilala mo na basta. . ." Tiningnan na rin ni Pat ang paglakad palayo nina Carl at Drew kasama pa ang dalawang nagngangalang Shaun at Adril.


"Maraming atraso ang grupo nila. Wag mong kalimutan 'yon"."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top