Dalawampu't Isa
Veron
"Uwi na tayo, Ron". Isang kamay ang dumapo sa balikat ko at umiwas lang ako. Hinawakan ko ang puting kabaong ng kaibigan ko kung saan siya mahimbing na natutulog ngayon.
Hindi ko man lang tinapunan ng tingin si Patricia. Wala akong maramdaman ngayon kundi sakit. Sakit kung bakit kailangan niya akong iwan? Bakit di muna siya nanatili nang matagal?
"Una ka na", sagot ko na lang habang pinapasadahan ng tingin ang namamayapa ko nang kaibigan.
"Pagod na pagod na ako sa buhay, Ron".
Kung napagod ka, sana nagpahinga ka sa'kin, Carl. Ako ang pahinga mo, 'di ba? Bakit gano'n Carl? Ang daya-daya mo.
"Sorry, Ron. Wala rin akong magawa", sabi pa ni Pat. Ito na naman ang mga luha kong walang tigil sa pagtulo.
"Kung gusto mo, gawin mo rin akong lakas mo".
"Sabay tayong lumaban sa malupit na mundong
'to".
Sabay lalaban? Bakit ako na lang ang lumalaban, Carl? Nasa'n ka na.
"Hindi siya matutuwang nagkakaganyan ka, Ron", sabi pa ni Pat. Di ko na namalayan puro luha na ang nanggagaling sa mga mata ko. Gusto kong saktan pa sarili ko. Gusto ko pang mas maramdaman ang sakit. Gusto ko pa. Kulang pa 'to e.
Nakita kong umiiyak ang mama ni Carl na nakaupo sa plastic chair. Sa harap din ng kabaong ni Carl, nakatayo ang mga paslit niyang kapatid sa ama. Marami pa silang pagdadaanan. Mas mahihirap pa.
Napadako ang mga mata ko sa amain ni Carl na nagagawa pang makipag-inuman at makipagtawanan sa iba pang mga lalaki. Ang gagong 'to! Patay na nga ang anak ng asawa niya, magagawa pa niyang magsaya.
Ikinuyom ko ang kamao ko. Naalala ko kung paano ko pinagsusuntok si Drew noon. Gusto ko ring gawin sa kanya 'yon ngayon. Tama, gusto ko. Gustung-gusto.
"Ron, ano'ng iniisip mo? Wag mo gawin yan", boses ito ni Pat pero di ko na siya pakikinggan.
Nagmamadali akong lumapit sa puwesto ng lalaking 'to. Ipapamukha ko sa kanya ang pakiramdam ng mawalan.
Pinigilan ako ni Pat pero nagpumiglas ako kahit pa alam kong sumasakit ang parteng tinahi sa'kin. Kahit pa alam kong puwedeng bumuka ang tahi ng sugat ko. Wala na akong pakialam. Gusto kong ipaghiganti ang kaibigan ko. Ang hayup na 'to ang dahilan kung bakit namatay ang kaibigan ko. Siya ang dapat sisihin. Wala nang iba.
"Veron, wag. Please, nagmamakaawa ako", hinarang ako ni Pat at natigilan ako. Ramdam kong nag-iinit ang katawan ko. Parang nangangati ang kamay kong makapanakit ng tao. Pagod na ako. Pagod na pagod na akong magtiis at magpakabait na gaya ng isang santo. Panahon na para ilabas ko na ang galit ko.
"Tumabi ka!" sigaw ko sa kanya. Wala akong pakialam kung siya si Patricia na kaibigan ko. Wala munang kaibigan ngayon.
Natatakot ang mukha niyang lumayo sa'kin. Ako pa ba ito? Bakit ganito ang nararamdaman ko? Parang-gusto kong pumatay.
"Ron", nag-aalala pa ring sabi niya sa'kin pero di ako nagpatinag. Kinuha ko ang bote ng Ginebra San Miguel na nasa mesa ng hayup na amain ni Carl.
"Ano'ng ginagawa mo?" tanong ng kainuman niya pero parang wala lang akong narinig.
Binasag ko sa mesa ang bote at nagtalsikan ang mga bubog sa sahig. Nagsigawan ang iba pang tao at natalsikan din ng bubog ang lalaking ito. Bahala na kung ano ang mangyari.
"Ron, tumigil ka na", pagpapakalma pa ni Pat pero wala akong iintindihin ngayon kundi sarili ko.
Kasabay ng pagtalsikan ng mga bubog ay ang pagdugo ng kamay ko. Sobrang higpit ng hawak ko sa basag na boteng hawak ko. Nakalimutan ko na yatang may hemophilia ako, may tahi ng sugat at may problema sa pagkontrol ng galit. Kakalimutan ko muna lahat para sa kaibigan ko, para sa mahal ko.
Nanginginig ang kamay kong pinipiga ang basag na bote. Nakatingin lang sila sa'kin lahat. Siguro iniisip nilang nababaliw na ako pero hindi. Nasa katinuan pa ako. Gusto ko lang ilabas lahat ng sama ng loob ko. Pati sa papa ko ay natalsikan ng bubog at kita kong dumudugo ito pero hahayaan ko na lang. Mas masakit pa sa bubog ang sakit na nararamdaman ko sa pagkawala ng kaibigan ko.
Nararamdaman ko na lang na may mga luhang pumapatak galing sa mata ko pero di ko ito mapunasan.
"Ron, bitiwan mo na yan. Please, Ron".
"Bitiwan mo nga yan. Baliw ka na!" saad ng magaling niyang amain pero nilapitan ko lang siya. Inamba kong isasaksak sa kanya ang basag na bote pero umaatras siya.
"Kasalanan mo 'to! Napaka-gago mo!"
"Hija, tawagin mo na nanay ng kaibigan mo".
Humakbang pa ako palapit sa kanya, dahan-dahan dahil pakiramdam ko ay nanghihina ako. Pagtingin ko sa tiyan ko, dumudugo ito. Tinaas ko ang t-shirt na suot ko. Bumuka ang tahi ng sugat ko. Tinuloy ko pa rin ang paghakbang. Gusto ko rin siyang patayin! Gusto kong luray-lurayin ang katawan niya hanggang mamatay siya.
"Veron, tama na. Hindi maganda ang ginagawa mo". Mama yon ni Carl at galing sa likuran ko ang nagsalita. Isa pa siya, wala siyang kuwentang ina. Silang lahat, walang kuwenta. Pati na ako.
"Susmaryosep! Tumawag na kayong pulis!"
Hindi ko pa rin binibitiwan ang boteng basag sa kamay ko. Pagtingin ko kay Pat, umiiyak na siya. Kita kong gusto niya akong tulungan pero natatakot siya sa sarili niyang kaibigan.
Umiiling-iling siya na para bang gusto na akong patigilin sa ginagawa ko. Umiling-iling din ako. Gusto ko na rin magpahinga. Susundan kita, Carl. Magpapahinga na rin ako.
Isasaksak ko na sa sarili ko ang basag na boteng ito. Wala na rin saysay ang buhay ko. Tumutulo sa sahig ang dugong galing sa kamay ko. Pati ang bumuka kong sugat, ramdam kong pahapdi na nang pahapdi.
Hinang-hina na ang katawan ko kaya papatayin ko na lang din sarili ko para makasama siya.
"Pigilan ninyo po kaibigan ko!" Humahagulgol na si Pat pero di ako nagpapatigil.
Pagtingin ko sa gilid ko, may nakatayong lalaki, nagliliwanag siya pero naaninag ko ang mukha niya. Si Carl umiiling-iling din. Parang sinasabi niyang wag kong ituloy. Napaluha na naman ako. Sana sa huling pagkakataon man lang, Carl, puwede pa kitang yakapin.
Wala nang pasa ang katawan niya, hindi na siya maputla tingnan, hindi na siya mukhang nilalagnat o pagod. M-magpapahinga na siya.
Nilahad niya sa'kin ang kamay niya. Tinuro niya ang kamay kong may hawak na basag na bote. Gusto niya yatang sabihing bitiwan ko na 'to. Napahikbi ako. Parang kahapon lang, sabay pa kaming umuuwi. Inaalagaan ko pa siya dahil may lagnat pa siya, nilutuan ko pa siya ng lucky me. Binigyan niya pa nga ako ng kendi e. Ngayon, nagpapaalam na siya.
Iniiwan na niya ako. Magpapahinga na siya nang tuluyan. Samantalang ako, nandito pa rin. Naghihintay, umaasang gigising siya. Magigising ako sa bangungot na 'to.
"Veron!" Pamilyar sa'kin ang boses na 'yon. Si Drew. Tumatakbo siya palapit sa'kin. Sa likuran niya ay may nakasunod na pulis. Sobra siyang nagmamadali para malapitan ako. Para bang di siya nag-aalalang sasaksakin ko rin siya. Parang di siya natatakot sa kademonyohan ng isip ko.
Pagtingin ko sa labas, si Edna nahihintakutan din ang hitsura. Gano'n siguro ako katakot tingnan. Nakaramdam din ako ng takot sa sarili ko. Napatingin ako sa kamay kong dumudugo pa rin. Bakit ko nagawa ito?
Ngayon, nasa harap ko na si Drew at nakatingin lang ako sa kanya. Hindi ako makapagsalita. Para akong nauubusan ng lakas na lumaban. Ubos na ang lakas ko. Kita kong tuloy-tuloy lang ang pagtulo ng dugo ko sa sahig pero bakit di ko maramdaman ang sakit.
Dahan-dahang kinuha ni Drew sa'kin ang basag na bote at niyakap niya ako. Hindi na rin ako makapagsalita. Napayakap na rin ako kay Drew. Gusto kong umiyak pero walang luha ang gustong tumulo. Naidikit ko sa suot niyang puting polo ang kamay kong puro dugo kaya nakulayan ito ng kulay-pula.
Mahigpit ang pagkakayakap niya sa'kin. Singhigpit ng yakap ni Carl sa'kin noong panahong si Drew ang sinasaktan ko.
"Pat, tawagin mo na mama ni Veron", utos niya kay Pat. Napahigpit ang kapit ko sa kanya pero unti-unti akong dumadausdos kaya mabilis niya akong hinawakan.
Lumuwag din ang pagkakakapit ko sa kanya at ang huli kong natatandaan, may sumalo sa katawan ko, isang matigas at mahigpit na pagkakasalo ng mga bisig ni Drew.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top