Apat
Maingat na isinara ni Veron ang pinto ng kanilang bahay, nagpalinga-linga sa paligid bago lumabas ng geyt nila. Tingin sa kaliwa't kanan, wala namang tao kaya isinara na niya ang geyt.
Naglakad na siya para puntahan ang dapat na puntahan. Pagkarating sa sasakyan ng dyip ay agad din siyang nakasakay. Siksikan pa sa loob kaya't naaamoy niya ang pawis ng mga tao. Dala ng nararamdamang antok ay isinandal niya na lang ang ulo sa dyip. Nasa dulo naman siyang bahagi nito na kung saan ay madali na lang siyang makakababa kapag nakapara na.
Walang anu-ano'y tiningnan niya ang katabi. Isa itong lalaking hawak sa kanang kamay ay puting sumbrerong may tatak pa ng adidas sa harap, pagtingin sa mukha niya ay may makapal itong bigote, suot ay itim na pantalon at asul na t-shirt na may kuwelyo. Presentable naman tingnan ang lalaki kung tutuusin. Ang napansin niya rito ay ang panaka-naka nitong pagtingin sa hita ng katabing babae. Pasimple kasing tumitingin tapos ay magkukunwaring nakatingin sa labas. Pasimple rin naman niyang tinakpan ng kamay ang mata pero kita niya pa rin ang ginagawa nito.
Inobserbahan pa niya lalo ang ginagawa ng lalaki. Tama nga siya! Tinitingnan nito ang hita ng babaing katabi. Nakasuot kasi ito ng maikling shorts na maong, gaya ng laging suot ng ina niya. Ang babae naman ay nakakatulog sa biyahe. Pumipikit-pikit pa kaya di napapansin ang ginagawang kagaguhan ng katabi.
Mas inobserbahan pa niya ang ginagawa nito. Baka mamaya ay mali lang siya ng akala pero hindi, tama siya. Pasimple lang ang ginagawa nitong pagtingin sa legs ng babae. Di makakailang maputi ang dalaga at may hitsura pero di tamang pagnasaan ito ng lalaki.
"Kailangan ko makaisip ng paraan."
Pagtingin naman ni Veron sa mga tao sa dyip, lahat sila ay may kanya-kanyang ginagawa. May mga nagseselpon, ang iba ay nakatingin sa labas, ang iba ay pumipikit-pikit din, mayroon pang nakatulala lang. Lahat sila ay walang pakialam sa isa't isa.
"Ha-ha-" kunwaring nababahing si Veron at ilang segundo lang, "Hatsu!" Napabahing siya sa braso ng katabing lalaki. Natalsikan niya ito ng laway sa braso kaya inis na pinunasan na lang ng lalaki gamit ang kanyang sumbrero.
"Pasensya na po kuya, sinisipon po kasi ako," saad niya kahit sinadya niya 'to para maagaw ang atensiyon ng lalaki. Kung hindi siya gagawa ng paraan, baka nabusog na ang lalaki sa kakatingin sa hita ng katabing babae.
Tumingin siya sa labas. May isang babaing pumapara pero nilampasan lang ito ng drayber. Di yata nakita o narinig ang pagpara kaya nang makitang sumisigaw ang babae, si Veron na rin ang gumawa ng paraan.
"Para po!" sigaw niya. "Kuya, may bababa!" Nilakasan niya ang boses.
Pinagtinginan siya ng mga tao at hinihintay kung sino ang bababa. Kinalabit niya ang katabing lalaki at sinabing, "Kuya, baba ka na po." Tumingin siya sa mga pasahero at humingi ng pasensya.
"A pasensya na po. Hindi po siya nakakapagsalita kaya ako na po nagpara para sa kanya. Baba ka na kuya", malumanay niyang sabi sa lalaki.
Takang-taka ang lalaki habang tinitingnan siya nito. Ngayon niya mas natitigan ang mga mata niya, nanlilisik ang mga 'yon na para bang papatayin siya. Magkasalubong ang dalawang kilay nito at di rin kumikibot ang labi. Hindi rin nagsasalita kundi tinitigan lang siya nang ilang segundo. Para bang inaaral at tinatandaan ang mukha ni Veron.
"Ang tagal naman!" singhal ng drayber. "Baba na kung bababa! Nakakaabala kayo o!" dugtong nito dahil wala naman bumababa.
"Baba na kuya," sabi pa ni Veron sa katabing lalaki. May katandaan na rin ang mukha nito at may mga wrinkles na rin pero di hamak na malaking tao't maskulado ang katawan niya.
Sa huling sandali ay tinitigan nito ang mukha ni Veron saka bumaba ng dyip. Pagkababa ay umusod siya katabi ng babaing tinatiyansingan ng lalaki kanina. Mabilis namang umakyat ang babaing nagpara at sumisigaw pa kanina. Bumuntong-hininga ito't nagpasalamat na nakasakay na.
Binalot naman ng takot si Veron sa paraan ng pagtitig ng lalaki sa kanya kanina. Para kasing sasakalin siya nito sa galit. Nanggagalaiti ang mga tinginan siguro dahil naudlot ang ginagawa kanina. Lalo siyang nangilabot dahil pagkahinto ng dyip ay natatanaw niya pa rin ang lalaking nakatayo at sinusundan ng tingin ang dyip na sinasakyan niya. Sa binabaan nito kanina, nakatayo lang ang lalaki, suot ang sumbrero habang nakatingin sa dyip na kinaroroonan niya o ang tamang salita, si Veron ang kanyang tinitingnan!
Umandar din ang dyip at mabilis na nakalayo sa lalaking yon.
"Bayad po." Nabalik lang sa realidad si Veron nang iabot sa kanya ng kakasakay pa lang na babae ang bayad. Iniabot din niya 'to sa sunod na pasahero.
"Miss," pag-agaw ng atensiyon ng babaing pinasakay niya.
"Po?"
"Kilala mo 'yong lalaking yon?" tanong nito sa kanya.
"Hindi po." Umiling-iling siya. "Bakit?"
"Wala lang naman. Ang sama kasi ng tingin sa'yo," sabi nito na lalong nagpabagabag sa kanya. Pinalis niya ang pag-aalala at inisip na lang kung ano ang gagawin pag narating na niya ang pupuntahan.
~~~~~~~~
"ANO sabi sa inyo?"
Lumagok ng alak ang binata saka sinagot ang tanong ng kaibigan. "Malay ko sa kanila. Bahala sila diyan. Madali naman gawan ng paraan yan."
Hinagod ng isa ang likod ng kaibigan at sumang-ayon. "Lilipat ka na rin ng skul next year. Wag ka mag-alala, bro, tama ka. Madali na lang gawa'n ng paraan yan."
Binaba nito ang baso at sinandal ang paa sa mesa. "Kung hindi sana kami tinraydor ng Carl na 'yan. Napaka-hinayupak niya," may diing hinaing ng isa pa.
"Ano na mangyayari sa inyo niyan?"
"Pina-drug test kami at kapag nag-positive daw kami, ipapa-rehab kami."
Tumahimik silang lahat pagkarinig ng sabi ng binata. Nabasag lang ang katahimikan nila nang mahagip ng paningin ni Drew ang isang kakilala. Mag-isa itong umiinom sa counter. Medyo natatakpan lang ng mga taong dumadaan, nagsasayawan at ng ilaw na paiba-iba ng kulay.
"Si Veron 'yon a," ani niya sa mga kasama.
"Ano'ng gagawin ni Veron dito? Sigurado ka?" di makapaniwalang tanong ng isa. Nilinga na rin nito ang paligid.
"Hindi ako bulag. Lapitan mo pa."
"Saan?'" Tumayo si Shaun, kasama ni Drew sa grupo at tiningnan ang tinitingnan ni Drew. "Turo mo nga."
"Lupit din ng mga 'to. Nahulihan na ng droga, nagagawa pa maghanap ng babae," ani ng isa pa sa mga kasama nila.
"Hindi namin babae 'yon, kapareho namin yon ng skul at alam ninyo ba, kursonada yon ni Carl."
"Ayun o," turo nga ni Drew sa isang babaing nakaupo.
Hindi na siya umiinom. Basta nakaupo lang siya, walang kausap na parang may hinahanap. Mas dumami pa ang taong palakad-lakad kaya natatakpan ang tinuturo nila. Lalapitan na ni Shaun ang babae pero pagkalapit sa puwesto nito kanina, wala na ito. Ang basong hawak na lang niya ang naroroon.
Bumalik sa puwesto ng mga kaibigan si Shaun na walang nahanap na Veron. "Wala naman e. Namalik-mata ka lang siguro."
"Tingnan ninyo 'to si Drew, high na high na. Kung anu-ano na nakikita." Naghalakhakan sila sa sinabi ng isang kasama. Pagkatapos ay nagpatuloy na naman sa inuman.
"Hindi ako nakikipagbiruan," seryosong gagad ni Drew. "Nakita ko talaga siya nakaupo ro'n."
"Ang narinig ko noon," pakli ni Adril, "pokpok nanay ni Veron." Naging interesado ang mga mukha nila. "Kaya siguro nandito siya, 'no? Naghihintay ng kostumer?"
"Oo nga pala haha," natatawang usal ni Drew. Kinuha nito ang bote ng beer at ininom ang laman. "Edi gano'n din si Veron? Pag sinusuwerte nga naman."
"Lupit din ng taste ni Carl sa babae." Sabay pa silang nagtawanan.
Masuwerte namang nakapagtago sa loob ng banyo si Veron. Habang nakaupo sa takip ng inidoro, inihilamos niya sa mukha ang kamay. Dahil hindi naman siya umiinom ng alak, malamig na tubig na lang ang ininom niya pero bukod sa nasamid siya kaya siya nagmamadaling pumunta ng banyo, nakita niya rin ang grupo ng mga kaibigan ni Carl na sina Drew, Adril at Shaun.
Pumunta siya rito sa bar para sana tingnan kung ano'ng klaseng lugar ang pinagtatrabahuhan ng ina pero wala pa siyang kalahating oras, alam na niya. Nakakahilo sa loob ng bar. Paiba-iba ng kulay ang mga ilaw, ang daming tao, may mga tagpong naghahalikan sa mesa, nakakandong na mga babae sa hita ng mga lalaki, may nagsisigarilyo kahit bawal at amoy-alak ang hininga ng mga tao. Sa madaling salita, nakakasuka! Ang ipinagtataka niya ay bakit nandoon sina Shaun?
Ano kaya ginagawa nila dito? Bakit parang wala lang sa kanila ang nangyari sa skul?
Nang makitang lalapitan siya ni Shaun, nagmamadali siyang tumakbo ng banyo. Pipihitin na sana niya ang doorknob para makalabas pero napahinto rin dahil may narinig siyang mga yabag papasok ng banyo. Sinara niya na lang ulit ang pinto at nanatili na lang muna sa loob.
"Ano ba, maghintay ka."
"Hindi na ako makapaghintay."
May isang boses ng babaing humahagikhik at boses ng isang lalaki. Pumasok ang mga 'to sa kabilang banyo, katabi lang ng banyo kung nasa'n siya. Rinig pa niya ang pagsara ng pinto at ang mahinang tawanan ng dalawa.
"Shh, wag ka naman maingay. Baka may makarinig sa atin," mahinhing saad ng babae.
Pagtingin niya sa ibabang bahagi ng katabing banyo, kita niya ang kulay ng sandals na suot ng babae. Kulay-itim ito at may taas na mga 3 inches. Tinakpan niya ang bibig kasi baka makagawa siya ng ingay at maisturbo ang dalawa. Nakakahiya naman sa kanila maisturbo ang milagrong ginagawa.
"Ugh! Ugh!" Nanlaki ang mga mata niya dahil sa tunog na yon. Nilapit niya ang tenga sa dingding para mas marinig kung tama nga ba ang naririnig niya. Ungol ng babae!
"Ugh! Hmm!" Naulit pa. Ngayon, mas naintindihan niya kung ano ang nangyayari sa kabila. May milagrong nagaganap.
Mukhang nagkakasarapan na ang dalawa. Hindi na lang niya huhusgahan ang dalawa lalo na't ganito rin ang dahilan kung paano siya napapakain ng ina. Di na niya kinakaya ang mga naririnig kaya dahan-dahan na siyang lalabas. Pinihit na niya ang doorknob at minadali na ang paglalakad palabas pero sa pagmamadali, may humarang sa kanya na isang lalaking hanggang leeg lang siya.
Nag-angat siya ng mukha at nagkatinginan sila ng matangkad na lalaki.
"Sabi na e. Nandito ka, Veron."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top