Chapter 20
"Hi Maurize."
"Oh, hi Rilch." Umupo si Rilch sa tabi ko habang si Ai naman ay katapat namin. Andito kami sa floral field at nakukwentuhan lang kami ni Ai nang biglang sumulpot si Rilch.
"Uhm... Eto, meryenda tayo," pinatong niya sa mesa ang isang pizza box at isang supot na may lamang tatlong medium sized bottled juice.
"Luh, nag-abala ka pa Rilch." Nakakahiya sa kaniya, at ang galante naman ata niya masyado?
"Walang problema. So, kamusta kayo?"
"Okay lang naman, Rilch, walang bago." Sagot ni Ai saka binuksan ang pizza box. "Salamat dito ah? Hindi pa din kasi kami nakakapagmeryenda. Hehe."
Natawa si Rilch. Nilingon niya ako. "Free ka na ngayon? Yung napag-usapan pala natin kahapon..."
"Ah, oo. Sige, anong oras ba?"
"Mamayang gabi, may night cafe sa downtown. May pupuntahan pa din kasi ako ngayong hapon." Tumango ako. Kumuha din ako ng isang slice ng pizza at nagbukas ng bottled juice.
Nagbukas din si Rilch ng bottled juice at uminom.
"May tanong ako sa'yo Rilch," nagsalita si Ai. "Pinopormahan mo ba si Maurize?
Nasamid kaming dalawa ni Rilch. Napaubo ako. Pinandilatan ko ng mata si Ai. Ano bang ginagawa niya?
"Hindi ba halata, Aiessa?" Natawa si Rilch at ngumiti. "Oo. Pinopormahan ko nga."
Feeling ko uminit ang buong mukha ko. Anak ng. Ba't nagkakaganito ako?
"Gusto ko siya, kung pwede sa kaniya na... Ligawan ko siya?" Saka ako nilingon. Tinalikuran ko siya kasi baka makita niya ang namumula kong mukha. Narinig ko ang pag-impit ng tawa ni Ai.
"Bakit ako yung tinatanong mo, ako ba yung liligawan mo?" Tanong niya kay Rilch. Oo nga naman. Dapat sa akin na diretso kung magpapaalam siya na manligaw noh.
Anak ng. Ano 'tong pinagsasabi ko?
Gusto ko na din ba siya?
Wait. Paano ko siya nagustuhan?
Tumayo ako bitbit ang bag ko at tinakbuhan sila. Narinig ko ang malakas na tawa ni Ai habang tumatakbo ako papalayo. Baka pinagtitripan lang nila ako? Kukutusin ko talaga iyang si Ai makikita niya!
"Aray!" May nabangga ako dahil sa kakatakbo ko. Babagsak ako sa sahig pero buti nalang nasalo niya ako sa bewang.
"Maurize?" Si Nite. Umayos ako ng tayo at inayos ang makalat na buhok. "Ba't ka tumatakbo? May tinatakbuhan ka?" Nilingon niya ang direksyon sa likuran ko. Hingal akong umiling. Pero tumango naman ako pagkatapos.
Ang lakas ng kabog ng puso ko.
Para akong sasabog.
"Meron? Sino?"
"May tinatakbuhan ako." Hinawakan ko ang dibdib ko at pinakalma ang sarili. "Tinatakbuhan ang bugso ng damdamin." Hindi ko alam ano ang nararamdaman ko. Naghahalo-halo.
Gusto ka pa lang niya Maurize! Ba't ganito ang nararamdaman mo?!
Nagpapaalam pa naman na manligaw!
Narinig ko ang pagtawa ng mahina ni Nite. Taka akong nilingon siya.
"Di ko alam na may ganiyan ka palang banat, Maurize." Nagdabog ako.
"Hindi mo ako naiintindihan! Hindi ko din naiintindihan sarili ko!" Sinabunot ko ang sarili kong buhok. Inayos din naman pagkatapos. Tumatawa parin si Nite. Pero ilang sandali naging seryoso siya.
"Ba't mo tinatakbuhan ang bugso ng damdamin kung pwede mo naman itong salubungin at pakinggan?"
Tinignan ko siya ng ilang segundo. Tapos napaiwas ng tingin.
"Hindi ko naiintindihan ang nararamdaman ko. Masaya siyang kasama, komportable." Lalo na nung una naming pagkikita.
"Ano ba ang nararamdaman mo kapag kasama mo siya?"
"Ano..." Pinakinggan ko ang damdamin ko. Lalo na nung kahapon na may sinabi ako na hindi ko naman sinadya. Na kapag lilingon siya, akin siya. Anak ng. Ano 'to pelikula? "Sabi niya gusto niya ako.Siguro... Gusto ko na din siya."
"Siguro?" Tinignan ko siya. "Hindi ka sigurado?" Ngumiti siya saka tinapik ako sa balikat. "Kung hindi ka pa sigurado, maghanap ka pa ng ibang bagay na magpapatunay na gusto mo na talaga siya. Signs ba."
Hindi ako nakasagot hanggang nagpaalam na siya at umalis sa harapan ko. Loading. Di na naman ma-absorb ng utak ko.
"Ma..." Nakanguso akong sumalubong kay mama pagdating ko dito sa bahay ni tita.
"Oh, bakit? May problema ba?" Tanong niya saka niyakap ako.
"Ano... Gusto sana kong humingi ng advice sa'yo..." Umupo kami sa mahabang sofa at inalok ako ng juice at biscuits na nasa center table. Kumagat ako sa cookies at nginuya iyon bago magsalita. "Kapag mahal mo ang isang tao... Sumusulong ka na ba agad at sasabihin ang nararamdaman mo?"
Hindi siya nakaimik agad. Kumuha muna siya ng biscuits. "Kung alam kong walang hadlang, oo. Habang hindi pa huli ang lahat." Sabi niya saka kumagat ng biscuit.
Wait, bakit mahal agad ang tinanong ko, eh gusto ko pa lang naman?
Oo, gusto ko si Rilch.
Ah, infatuation lang siguro 'to.
Pero naghahanap parin ako ng signs kung totoo ba talaga 'tong nararamdaman ko.
"Kung gusto mo pa lang ang tao, Ma?"
"May gusto kang tao, anak?"
Wala pa akong napapakilala sa kaniya na lalaki, kahit si Euan. Nung nagkagusto na ako kay Euan, pinakinggan ko ang sarili kong puso kung sino ba ang tinitibok nito, wala akong hiningan ng payo kanino man. Pero ngayon sa tingin ko ay kailangan lalo na't hindi ako sigurado sa nararamdaman ko.
Kaka-break lang namin ni Euan.
Gusto ko na agad si Rilch.
Masyado ba akong madaling ma-attach?
Siguro nga. Dahil unang boyfriend ko pa lang si Euan, at hindi imposible na magkagusto ako sa ibang lalaki.
Pinakita niya ang isang biscuit sa harapan naming dalawa.
"Itong biscuit, matigas. Pero lalambot ito kapag may isang bagay na magpapalambot nito. Tubig." Sabi niya saka pinakita sa akin ang pagtunlob niya ng cookies sa juice. "Kung ihahalintulad ang biscuit sa puso mo, hindi ito lalambot kapag walang bagay na gagawin ang isang tao upang palambutin ito."
"Ganiyan naman diba? Lalambot ang puso natin sa taong mahal natin." Dugtong niya.
"May gusto akong puntahan ngayon, gusto mong sumama sa akin anak?" Tanong niya sa akin.
Andito kami sa isang bahay ampunan. Hindi ko alam kung bakit naisipang pumunta si mama dito at hindi naman niya sinabi kung bakit. Dumiretso siya sa isang opisina at ako andito sa sala nitong bahay at maraming mga bata ang naglalakad sa paligid. Yung iba, nagke-kwentuhan, yung iba, naglalaro, yung iba dumadaan lang. Nakita ko ding marami sa kanila ang nasa garden. Yung mga edad nila sa tingin ko ay mula 4 years old hanggang 10.
Nakaupo lang ako dito sa sofa nang may batang lumapit sa akin. Isang batang lalaki. Parang kasinlaki lang sila ni Anakis.
"Hi po. Ano po name niyo?"
"Ano..." Hindi ako sanay makihalubilo sa mga bata dahil hindi naman ako naging malapit sa kanila. Walang bata sa bahay, wala ding bata si tita. "Ako si... Ate Maurize. Ikaw bata?"
"Ako si Denry." Sagot niya. Umupo siya sa tabi ko. "Ano pong ginagawa niyo dito sa bahay ampunan? Mag-aampon po ba kayo?"
Umiling ako. "Hindi. May pakay lang yung mama ko dito kaya sinamahan ko."
Tumango tango siya. "Ano po pangalan ng mama niyo?"
"Laura."
Tumango tango ulit siya. "Ako, hindi ko alam. Sanggol pa lang daw ako nang iwan na ako ng mga magulang ko dito. Diyan daw," tinuro niya ang daan sa main door. "Diyan daw nila ako iniwan. Ano pong trabaho niyo?"
"Hindi pa ako nagtatrabaho eh. Nag-aaral pa ako."
"Ilang taon na po kayo?"
"Twenty."
"Twenty?" Tumingala siya sa kisame. "Iyan ay pagkatapos ng labing-siyam, diba po?"
"Ah... Oo."
"Ano pong paborito niyong kulay?"
"Kahit ano."
"Paborito pong ulam?"
"Beef steak."
"Bip steyk? Ano po yun?"
Napakamot ako sa sentido. Ano ba 'to? Interview? Ba't ang dami niyang tanong? "Ano yun... Karne ng baka... Basta baka..."
"Ano yung gusto niyo po sa isang bata kung mag-aampon po kayo kung sakali?"
Ang gusto ko? Yung hindi matanong gaya ng ginagawa niya ngayon. Mas okay na nga yung si Anakis dahil matalino, parang lahat alam na niya. "Yung mabait. Yun lang." Baka masaktan ko pa siya kapag prinangka ko. Baka umiyak pa iyan, ako pa pagalitan sa mga tagapangalaga dito.
Tumango tango siya.
"Huling tanong po. Gusto ka po ba ng gusto niyo?" Ilang beses akong kumurap sa sinabi niya. Saan niya napulot ang tanong na iyan?
Tuloy ay bigla kong naisip si Rilch.
Naghahanap pa pala ako ng sign.
At ano naman ang hahanapin ko?
Edi sana andito si Anakis para makahingi din ako ng payo sa kaniya
"May gusto po kasi ako dito na babae, pero hindi niya ako gusto. Tapos sabi niya, 'Bakit? Gusto ka ba ng gusto mo? Hindi diba?' Ang sakit niya po magsalita... Tapos di na niya ako kinakausap. Tinatarayan na niya ako..." Sabi saka nag-pout. Aba, sa edad niyang iyan may nagugustuhan na siyang babae?
"Bakit? Asan iyang babaeng gusto mo nang komprontahin natin..." Biro ko. Pero parang sineryoso niya dahil nagliwanag ang mukha niya.
"Tutulungan niyo po ako? Para magkaayos kami at tanggapin niya na may gusto ako sa kaniya?"
Tumaas ang kilay ko. Komprontahin lang ang sinabi ko, hindi tutulungan.
Nung hindi ko siya sinagot naging malungkot ulit ang mukha niya.
Kumamot ako sa ulo saka tumayo. "Tara sasamahan kita nang hindi ka na lumungkot." Aba'y ang batang 'to nangongonsensiya ata. Baka kasi kapag napatunayan ko na gusto ko na si Rilch, dun pa sasabihin niyang hindi niya pala ako gusto. Baka maging karma ko pa itong batang 'to. Pero teka, gusto ba talaga ako ni Rilch?
Patalon talon pa nung tumayo ang bata saka hinawakan ako sa kamay at hinila papunta sa garden.
"Ayun po! Si Reeza!" Sabi ng batang kasama ko at tinuro ang isang batang babae na sabi niyang si Reeza. May kausap ang batang babae na isang lalake na nakatalikod sa direksyon namin. Naka-squat ang lalaki para magkasing pantay sila ng batang babae.
Nang makalapit kami sa kanila saka ko nakita ang mukha ng lalaki.
Napasinghap ako.
Si Rilch!
Tinakpan ko ang nakaawang kong bibig at naramdaman ko ang pag-iinit ng pisngi ko.
Nagulat din siya nang makita ako kaya tumayo siya. "Maurize? Andito ka?" Tanong niya saka napangiti.
"Ikaw Denry? Ba't andito ka?" Narinig naming tanong ng batang babae na si Reeza kay Denry. "Diba sabi ko hindi kita gusto?"
Nakita ko ang paglungkot ng mukha ni Denry. "Gusto ko lang naman ipakita sa iyo na gusto talaga kita. Huwag mo naman sana akong iwasan. Naging magkaibigan tayo, Reeza..."
Nag-squat ulit si Rilch para makapantay ang mata niya sa mga bata. Tinignan niya si Denry. "Ganiyan nga, Denry, kapag gusto mo ang isang tao, patunayan mo. Huwag ka kaagad susuko lalo na't wala ka namang ginagawang masama." Sigurado ba si Rilch sa pinagsasabi niya? Eh kay bata bata ng mga iyan oh! "At ikaw din Reeza..." Nilingon niya si Reeza. " Kapag may tao na nagsabing gusto ka niya, respetuhin mo. Huwag mong saktan ang damdamin kahit hindi mo gusto."
So, kung gusto ko siya, ano nalang kaya ang isasagot niya? Paano kapag hindi siya seryoso sa sinabi niya kanina na gusto niya ako?
"Huwag kang mag-alala Maurize, seryoso ako sa sinabi ko kanina." Sabi niya habang nakatingala sa akin. Binigyan niya ako ng isang matamis na ngiti na nagpalakas ng kabog ng dibdib ko.
"Gusto kita. At liligawan kita."
Tatakbuhan ko ba ang bugso ng damdamin o sasalubungin ito at papakinggan?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top