Casmin 13: Grand Prize
"Yong grand prize ko!" Napaupong bigla si Casmin. Inilibot niya ang paningin at napansing nasa kakaiba siyang silid.
"Master, mabuti at nagising ka na." Sabi ni Tinker na lumilipad ngayon sa tapat ng kanyang mukha.
Napakunot ang noo ng dalaga dahil sa hindi pamilyar na silid. May mga maliliit na transparent square siyang nakikita sa paligid na parang maliliit na screen. At ang ilan dito ay makikita ang mga eksena o pangyayari mula sa iba't-ibang mga lugar.
"Hinimatay po kayo sa labis na tuwa Master kaya dinala kita dito. Wag kang mag-alala, natutulog naman ang katawan mo. Bale ang double mo lamang ang nandito ngayon."
"Anong double?"
"Wala kang physical na katawan kapag napapasok ka sa silid na ito kaya gumawa ako ng double mo. Isang filtered version ng katawan at mukha mo." Naglabas agad ng salamin at ipinaharap kay Casmin.
Kamukha niya ang nasa salamin kapag gumamit siya ng filter sa camera. Makinis ang mukha at may mala-porselanang kutis, malayong-malayo sa tunay niyang anyo.
"Sabi ko ka nga ba e. Cute ako kapag kuminis ang balat ko. Gusto ko ang mukhang to Tinker. Ang galing mo. Paselfie nga."
Abot tainga naman ang ngiti ni Tinker.
"Sandali lang Master, kukunan kita ng larawan."
Sa kabilang dako naman, nakatagpo na rin si Ginoong Tsung Yung Jo ng manggagamot na siyang gumamot sa ina ni Seo Yan.
Pinarusahan din nito ang mga anak malaman ang ginawa nila kay Seo Yan.
Pagkalipas ng ilang araw, may mga kawal ang dumating at dito natuklasan ng lahat na isang prinsipe ang batang inaapi nila.
Nakauwi naman ng ligtas si Dolsowe sa kanyang pamilya ngunit naisipan niyang mag-resign na sa trabaho. Natatakot siyang baka maulit ang nangyari at malalagay pa sa panganib ang kanyang buhay kapag nagkamali siya.
Ilang araw na rin ang nakalipas, hindi na muling nagparamdam ang hinihintay ni Seo Yan. Kasalukuyan siyang nakamasid ngayon sa kanyang lumang bahay.
"Kaya ka ba biglang nawala dahil aalis na ako sa lugar na ito? O dahil alam mong may darating na mga kawal?"
Sa pagkakatanda niya, lalabas lamang ang misteryosong nilalang na ito kapag nalalagay sa panganib ang kanyang buhay.
"Anak ko. Umalis na tayo." Sabi ng ina at humawak sa kanyang mga braso.
"Ina, darating kaya siyang muli kapag nalalagay sa panganib ang buhay ko?"
"Darating siya. Hindi ka niya hahayaang masaktan. Baka pinapanood ka niya ngayon o baka naman, abala pa siya sa ibang bagay kaya hindi siya nakabalik." Sagot ng kanyang ina.
Tumingala si Seo Yan sa langit. Nagbabakasakaling nanonood ngayon sa kanya ang kanyang tagapagligtas.
Bago tuluyang umalis, muli muna siyang tumingin sa sira-sira niyang bahay.
***
Nang muling magising si Casmin, agad niyang pinuntahan ang ina.
"Anak, totoo ba ito?" Halos maiyak na ang ina sa natuklasan.
"Opo Mama."
Mabilis nilang kinuha ang kanilang napanalunang grand prize.
57 million ang lahat ng nakuha nilang cash prize at isang house and lot kasama ang dalawang kotse.
"Anak, maaari na tayong lumipat ng matitirhan." Naiiyak na sambit ng kanyang ina.
"No Mama, dito lang tayo. Ire-renovate nalang natin ang bahay na ito." Sagot niya. Nagustuhan na niya ang lugar kaya ayaw niyang lumipat.
"Ikaw ang bahala."
Umalis na ang ina sa trabaho nito at naisipan na magtayo na lamang ng sariling negosyo. Si Casmin at Belle naman nagiging abala sa kaka-shopping sa hapon at kaka-praktis magmaneho sa madaling araw.
Bumili rin sila ng bagong cellphone at inilagay ang dating cellphone ni Casmin sa drawer.
"Casmin, tingnan mo, nag top ka bigla sa klase niyo? Pwede ka ng lumipat sa first section nito para sa second sem."
Tinuro ni Belle ang screen ng kanyang cellphone kung saan makikita ang ranking list ng mga estudyante sa bawat section.
"Magiging magkaklase na rin tayo sa wakas." Bakas sa mukha ni Belle ang labis na tuwa ngunit napawi rin agad dahil sa sagot ng kaibigan.
"No way. Ayokong lumipat sa ibang section."
"Pero bakit naman?" Tanong ni Belle at napanguso.
"Lower section lower pressure okay."
"Pero mas marami ang mga prebilehiyong makukuha natin sa first section. May advance teaching at mga prestihiyosong mga guro din ang magiging guro natin." Giit ni Belle.
"Mas gusto ko mga gurong may katamtaman lang ang talino dahil mas maiintindihan nila ang mga estudyanteng katulad ko na hindi agad natututo. Paano maiintindihan ng mga sobrang matatalinong guro ang mga mediocre na katulad natin kung nasanay silang mabibilis matuto at makakaintindi? Baka mamaya itatanong pa nila kung bakit kahit pinaliwanag na nila di parin natin gets."
Madalas kasing tinatanong sa kanila ni teacher Emma kung bakit di parin nila naiintindihan ang paliwanag nito gayong inuulit-ulit na sana niya. Isa si Teacher Emma sa mga gurong may matataas na IQ kaya siya ang ginawang homeroom teacher sa second section at isa sa mga subject teacher ng first section.
"Kung ako nga ang papipiliin, mas gusto kong mapunta sa last section. Kung mababa ang expectation nila mas mababa ang pressure na mararamdaman ko." Sagot ni Casmin.
"Wag mong sabihing sinasadya mong hindi galingan sa bawat exam dahil ayaw mong mapunta sa first section?" Nagdududang tanong ni Belle.
"Hindi no. Nag-aral ako ng mabuti at nagsikap, minamalas lang talaga lage. Gustong kong mapunta sa first section dati dahil gusto kong makakuha rin ng scholarship. Alam mo na, mga first section lang ang binibigyan nila ng special privilege na maaaring mag-take ng scholarship exam. Pero ngayon hindi ko na kailangan ng scholarship kaya para saan pa?"
"Dahil may pera na kayo?"
"Syempre naman. Hindi ko na kailangan ng scholarship ngayon. May mas nangangailangan ng scholarship kaysa sa akin kaya sa kanila nalang ang slot na posibleng makukuha ko sana. Ay nga pala, magbubukas na sina Mama at Tita sa bagong tayo nilang beauty salon. Pupunta ka ba?"
Naisipan ng kanilang mga ina na magtayo ng beauty salon. Ang ina ni Belle ang bahalang mamahala sa beauty salon samantalang ang ina naman ni Casmin ang financer at siyang may-ari. Nakapangalan naman kay Casmin ang beauty salon na ito.
"Oo, pinapapunta ako ni Mama e. Kailangan ko daw tumulong sa pag-aasikaso ng mga bisita. Ikaw ba?"
"Hindi e. May gagawin pa ako." Gusto niyang makita kung ano na ang nangyayari kay Seo Yan dahil matagal-tagal na ring hindi niya ito nadalaw.
Pagdating sa bahay tiningnan ni Casmin ang kanyang lumang cellphone. Napuno ito ng mga notification.
"Congratulations for completing the special mission."
"Congratulations for completing the level 1 mission."
"Congratulations for completing the hidden mission."
"Congratulations..."
"Tinker, bakit ang daming congratulations? Wala naman akong ginawa ngayong nagdaang mga araw a?" Tanong niya.
Lumitaw naman sa kanyang tapat si Tinker.
"Master, lumakas ng muli ang immune system ng mission target. Gumaling na rin ang kanyang ina. Kahit hindi kayo ang dahilan kung bakit nangyari iyon, ang mahalaga gumaling ang kanyang ina at lumakas ng muli ang bata. Kaya natapos pa rin ang unang misyon mo."
Napaawang naman ang bibig ni Casmin sa narinig. Kahit hindi siya ang dahilan kung bakit gumaling ang ina ni Seo Yan, nakumpleto pa rin ang special mission na binigay sa kanya dahil gumaling ito.
"Hindi sa lahat ng panahon na makakumpleto ang isang mission dahil sa'yo. Tutulong ka lamang para mabago ang mga nakatadhana para sa kanila. Kapag nababago mo ang tadhana ng mga may masaklap na kapalaran, mabibigyan ka ng gantimpala. Iyon ang pinaka-misyon mo. Kailangan mong baguhin ang tadhana ng mga taong may mapait na kapalaran. Sa pamamagitan nito, makakaipon ka ng mga points na maaari mong i-convert sa cash o sa luck at ang luck na ito ang gagamitin mo para mabago ang masalimuot na kapalarang naghihintay sa'yo at sa buong pamilya mo."
Tiningnan niya ang kanyang points, mas marami ang fear points na meron siya.
"Bakit ang dami kong fear points?"
"Dahil parami ng parami ang nakakaramdam ng takot kapag pinag-uusapan ang tungkol sa ginawa mo sa tahanan ng mga Tsung. Sa bawat pagkwento nila sa ibang tao at nakakaramdam ng takot ang bawat nakakarinig, may makukuha kang isang fear points sa bawat isang tao. Matao man o mga nilalang na nakakaramdam din ng takot."
"Kung nakakakuha ako ng isang fear point sa bawat matatakot sa akin, ibig ba nitong sabihin na posible rin akong makakakuha ng isang 1 hatred point sa bawat taong magagalit sa akin?"
"Mangyayari iyon kapag nabuksan mo na ang isa pang dark o negative source of points na hatred. Sa bawat gagawin mo, o mga bagay na natatapos mo, may kaakibat na points."
Ipinaliwanag ni Tinker na hindi maganda kung marami siyang mabubuksan na mga dark or negative source of points. Ang negative source of points ay binubuo ng hatred points, fear points, at kill points. Kapag marami siyang maiipon na hatred, fear, or kill points, mas madali siyang kasuklaman ng iba kahit makita lamang ang kanyang pagmumukha. Kapag marami ang galit sa kanya mahihirapan siyang kunin ang loob ng mga taong dapat niyang tulungan.
Mas nakakabuti kapag mas marami siyang makukuhang positive source of points. Isa na dito ang luck points, knowledge points, daily activities points, health points at ang hindi pa nabubuksan na magic at love points.
"Kapag mas marami ang hatred points na makukuha mo, madali kang kasuklaman ng iba kaya mas mabuti pang mga positive source of points ang mabubuksan mo. Mas malaki ang maitutulong nito sa misyon mo."
Tiningnan ni Casmin kung pwede ba niyang pataasin ang level ng kanyang storage room.
"Kailangan ko ng two thousand total of points para makapag-upgrade sa level 2."
Mayroon siyang three thousand plus total points. In-upgrade niya ang kanyang storage room sa level 2 at namili siya ng skill para ipalit sa natitira pang points.
Healing skill level 1: 567 points
Super speed level 1: 100 points
Flying skill level 1: 300 points
"Gusto ko sanang piliin ang ibang skill pero hindi na afford ng points na meron ako."
"Master, bakit iyan ang pinili mo? Bakit di nalang cooking skill o ba kaya i-exchange mo ang knowledge points mo sa photographic memory o ba kaya paataasin ang level ng IQ mo. Pwede mo naman i-upgrade ang IQ mo sa natitira mong one thousand points."
"Marunong na akong magluto at napag-aaralan naman yan e. Iyang IQ lang. 101 IQ ko e. Normal na iyon, average na iyon e. Next time na iyang IQ upgrade."
"Mas madali ang mission kapag may mataas kang IQ. Talino ang pinakamahalaga sa misyon mong ito."
Tiningnan ni Casmin kung ilang points ang kailangan niya para makakuha ng photographic memory at ang pandadagdag ng IQ level niya.
"3000 points ang isang 1 IQ? Salamat nalang. Mabuti pang i-exchange ko nalang sa knowledge ang points ko kaysa sa sinasabi mong dagdag IQ level. At itong photographic memory na sinasabi mo, 3200 points, kontento ma ako sa memory ko. Next time nalang iyan."
"Ikaw ang bahala."
Agad tiningnan ni Casmin kung ano na ang ginagawa ni Seo Yan at kung ayos na ba ang kalagayan nito.
Nalaman niyang nakaalis na sa tahanan ng mga Tsung sina Seo Yan kasama ang kanyang ina.
"Bakit di mo sinabi sa akin na umalis pala sila?"
"Abala din ako sa pag-upgrade. Nag-upgrade din ako sa level 3 pagkatapos matapos ang misyon."
Pinagmasdan ni Casmin ang paruparo ngunit wala siyang napansing pagbabago sa katawan nito.
"Wala namang nagbago sa'yo e."
"Dahil nag-upgrade na ako sa level 3 maari mo ng tingnan kung ano na ang nangyayari sa iba pang mga paborito mong mga tao sa Sumeria."
"Talaga? Paano?"
"Isipin mo kung sino ang gusto mong makita at tulungan."
Napakagat siya sa kuko habang nag-iisip ng malalim. Saka biglang naalala si Siori.
"Si Siori. Gusto kong malaman kung ano ang nangyari sa kanya ngayon at kung paanong siya ang nagiging pinakaunang batang alay sa Sumeria."
Isang maliwanag na screen ang lumitaw sa tapat niya. At makikita doon ang mga eksena sa ilang bahagi ng Sumeria.
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top