feb 2 | when will be the stop of this rain?

2 n d d a y o f f e b r u a r y .

------

Inaantok man, pilit ko pa ring minumulat ang aking mga mata. Rinig na rinig sa buong apartment ko ang tunog ng pagpatak ng ulan sa labas. Malamig ang klima ngunit hindi pa rin ito sapat para magtigil ako sa ginagawa.

Kinakailangang maipasa ko ang banghay ng kuwentong pinapagawa sa akin ng isang direktor kaninang umaga lamang. Kay hirap talaga kapag walang permanenteng trabaho at puro freelancing lang. Walang matinong schedule, kaya ayun, pati body clock ko ay sirang-sira na.

Sa huling tipa, napabuga ako ng hangin. Sa wakas ay tapos na. tatlong oras pa lamang ang nakalilipas mula noong tumuntong ang araw sa ikalawang numero ng Pebrero, ang buwan ng pagmamahal.

Tumayo ako mula sa upuan at pinagtimpla ang sarili ng gatas. Gusto ko ng matulog at kinakailangan ko ng gatas upang makatulog na—kahit na kanina pa naman ako inaantok.

Kitang-kita sa salaming bintana ang patak ng ulan. Humahampas ang mahihinang hangin sa pader ngunit hindi na ito kasing-lakas noong nakaraang buwan.

Mag-iisang araw nang umuulan. Wala namang bagyo ayun sa balita, pero kailan ba ito titigil?

Kada patak ng ulan ay siya ring pagpatak ng sunod-sunod ng mga memoryang pilit ko nang binabaon sa limot. Ang amoy ng ulan, ang paghampas ng hangin, at ang pagpatak ng tubig mula sa kalangitan; pamilyar na pamilyar ito't naging dahilan pa upang ako'y maging ako ngayon.

Napangiti ako nang mapait. Bakit kaya iyong ibang mga tao, may magandang ala-ala sa ulan? Sana nilahat na lang. Hindi ko deserve na hindi maging masaya, kahit sandali man lang.

Nilapag ko na ang baso sa lababo at hinugasan. Matapos no'n, papatayin ko na sana ang ilaw ng buong apartment nang biglang may narinig akong kaluskos. Napakunot ang aking noo.

Sa tagal ko nang nakatira sa apartment na ito, kahit kailan ay walang multong nagpaparamdam. Kaya hindi ko masasabing multo ito.

Binalewala ko na lamang ito at tuluyan nang pinatay ang nagsisilbing liwanag sa aking tinitirhan. Nahiga na ako nang makarinig ako ng parang may bumagsak sa labas. Binalewala ko ito.

Pero nang sunod-sunod na katok na ang namayani sa tahimik kong apartment, kahit maingay ang labas nang dahil sa ulan, napatayo na ako sa inis.

Sino ba naman kasi ang kakatok sa dis-oras ng gabi?! Antok na antok na ako, e!

Pabalya kong binuksan ang pintuan nang hindi man lang binigyang ilaw ang silid. Sumalubong sa akin ang malamig na hampas ng hangin at ang walang tigil na buhos ng tubig mula sa kalangitan.

"Ano ba—"

Kagaya ng nakikita ko sa mga palabas, iyon ang nangyayari sa akin ngayon. Nakaharap sa isang nilalang na halos lumampas na ang taas mula sa aking pintuan. Dala ng liwanag na nagmumula sa mumunting kidlat, kitang-kita ko ang basang-basang anyo ng taong ito. Nakatayo, nanginginig, at mukhang mayroong iniinda.

Napaawang ang aking bibig sa nasaksihan, lalo na nang bigla itong natumba sa loob ng aking tinutuluyan.

"O-Oh, my gosh!"

Dali-dali akong lumuhod at niyugyog ang lalaking nakahandusay sa aking harapan. Tiningnan ko ang kaagad ang kaniyang kalagayan. Humihinga pa naman at mukhang nawalan lang ng malay. Kaya lang ay nakaharang siya sa hamba ng aking pinto.

Napaupo ako sa gilid nang nakabukas pa rin ang pintuan. Unti-unti na ring tumitila ang ulan ngunit ganoon pa rin ang hampas ng hangin; medyo malakas at malamig. Giniginaw na ako at nawala ang antok dahil sa nangyari. Hindi ako puwedeng pumasok sa loob dahil baka masamang tao ang lalaking ito at may gawin pang hindi kaaya-aya kapag nagising.

At saka, hindi ba siya giniginaw sa lagay niyang 'yan? Sabagay, walang malay-tao, e.

Tumayo ako at tuluyan nang pinindot ang switch na makapagbibigay ng ilaw sa buong kwarto. Iisang unit lamang itong apartment kong ito na pantatlong tao naman kaya malaki ang aking nababayaran. Pero swak na, ayaw ko kasing may sagabal sa trabaho ko. At isa pa, pinsan ko lamang ang landlady nitong apartment, kaya walang problema sa akin.

Bumalik ako kung nasaan ang lalaki, at gano'n na lamang ang aking gulat nang makita ang kaniyang itsura.

Ibang-iba na ang kaniyang presensya at hindi na gaya ng dati.

Ang kaniyang nakapikit na mga mata ay mukha lamang payapang natutulog—kung hindi ko lang nakikita ang mga pasa sa kaniyang pinagpalang mukha na parang iyon ang kaniyang iniinda noong napagbuksan ko siya ng pinto. Mapula ang kaniyang mga labi ngunit may sugat sa gilid nito. Bukod sa basang kabuuan niya, magulo rin ang kaniyang buhok at mukhang pinagkatuwaang gupitan ng kung sino.

Kahit nakasalampak siya sa sahig, hinding-hindi pa rin no'n maaalis ang kaniyang kakisigan.

Pamilyar siya. Sobrang pamilyar. Bakit ko ba makakalimutan ang mukha ng taong nagparanas sa akin ng sakit?

***

if you are reading this, thank you! spread love, mga itlog!

love,
ruru

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top