Chapter 47

Chapter 47

Kita ko na kung pwede lang akong i-padlock ni Achilles sa may condo para hindi na ako sumama sa pagfa-file niya nung complaint, gagawin niya talaga. But I stood on business. Alam ko na tinutulungan niya ako, but this was my fight, too. Hindi ako papayag na nasa condo lang ako habang nasa labas siya.

"Buti napa-payag mo si Lui," I told him discreetly. May mga naka-sunod na security sa amin.

"He had no choice," sagot ni Achilles.

Natawa ako saglit, pero tinapunan niya ako ng tingin na agad na nakapagpa-tigil sa akin. Umayos ako sa pagkaka-tayo.

"Bakit? Did you threaten him?"

"No," sabi niya. "I just told him that you're the only reason why I'm doing this and if he wants me to continue giving them this free labor, he better make sure that you're always alive and kicking."

Seryosong-seryoso iyong pagkaka-sabi niya noon. Bigla akong nailang kahit alam ko naman na patay na patay sa 'kin 'tong tao na 'to. Ang seryoso pa naman ni Achilles 90% of the time... Siguro kapag narinig ng mga estudyante niya 'tong mga pinagsasabi niya sa akin, mabibilaukan 'yong mga 'yon.

"Pero grabe... ang daming pera ni Lui," I commented instead para maiba iyong topic kasi ramdam na ramdam ko iyong pamumula ng batok ko.

I mean, alam ko naman na mayaman si Lui. Usually naman mayayaman talaga iyong nag-a-aral sa SCA at Brent unless scholar ka kagaya ko o ni Assia. Pero nung binasa ko iyong files na binigay ni Lui? Nalula pa rin ako sa dami ng pera ng pamilya niya.

Gusto ko siyang tanungin kung alam ba ng pamilya niya iyong ginagawa niya? Kung ano ang magiging reaksyon nila? Kung iisipin ba nila na nababaliw na si Lui? Kasi halata naman na ginagawa niya lang 'to lahat dahil kay Tali.

Akala ko dati joke lang o kaya exaggeration iyong mga linya na kagaya ng the face that launched a thousand ships. Pero totoo pala talaga, noh? May tao na dadating sa buhay mo na tipong kaya mong talikuran ang lahat para sa kanya.

Parang si Lui kay Tali.

Parang si Vito kay Assia.

Parang si Achilles sa akin.

Ang weird.

Ang bigat.

Parang... responsibilidad din.

Ewan.

"What?" tanong ko nang iabot sa akin ni Achilles iyong envelope kung nasaan iyong complaint na ipapasa namin.

"Ikaw magsubmit."

"Seriously?" I asked kasi kulang na nga lang ay i-exclude ako ni Achilles dito. Kung siya lang din talaga ang masusunod, wala akong magiging participation sa kaso na 'to. Alam na alam ko naman na kayang-kaya niyang gawing mag-isa 'to. Ako lang naman nagpupumilit na may contribution ako dito.

"Iaabot mo lang naman."

I looked at him and made a face. Bahagya siyang natawa. Kapag ganyan na naka-tawa siya, gumagaan kahit papaano iyong pakiramdam ko.

Pumasok na kami sa loob. I submitted all the pertinent documents—iyong complaint at saka certificate of non-forum shopping. Tawang-tawa ako kay Achilles nung i-send niya kay Lui kung magkano iyong babayaran sa payment ng docket fee. Kumpleto iyon hanggang sa pinaka-sentimo. Kung pwede niya lang siguro i-charge iyong professional fee niya, gagawin niya rin, e.

"So... that's it?" sabi ko nung matapos na kami sa pagfa-file.

Tumango si Achilles. "Anticlimactic?"

Tumango ako. "Medyo."

"Hindi naman kasi 'to criminal case," he said.

"I know."

Bahagyang kumunot ang noo ko nung makita ko na sumeryoso iyong mukha niya. "But this is more dangerous," he said.

"I know—"

Muli siyang umiling. "We read the files, Mauro," sabi niya. "Kung kaya nilang gawin 'yung mga bagay na 'yon sa mga tao na wala naman talagang atraso sa kanila, papaano pa sa atin?"

"May security naman," sabi ko sa kanya para kahit papaano ay kumalma siya. Alam ko na kinakabahan si Achilles. Akala niya siguro hindi ko alam na tuwing gabi, kapag akala niya ay natutulog na ako, na naka-tingin lang siya sa akin... na para bang anumang segundo ay mawawala ako sa paningin niya.

I know how he looks at me because that's how I look at him.

"So, what's next?" sabi ko habang naglalakad kami palabas.

"We wait."

"Nakaka-inip."

"It won't be long," sabi niya. "We'll submit the bill of particulars, they'll submit answer to our complaint, the usual drill."

I pouted a bit. "Hindi naman ako litigation lawyer."

"I know. Panoorin mo na lang ako."

Sinamaan ko siya ng tingin. "Bwisit ka talaga minsan," sabi ko kasi niyayabangan niya na naman ako. Kasalanan ko ba na ayoko pala talaga sa litigation? Napaka-stressful kaya ng field na 'yon! Ewan ko sa kanilang tatlo nila Lui at Tali. Sila ata iyong literal na they thrive in chaos. Feeling ko talaga kapag by choice na naging litigation lawyer ka, medyo may sayad ka sa utak.

"So, mapapa-nood ba kitang mag-objection ulit?"

"Not really," sabi niya. "Iba sa CTA. Second level court na 'yon. Parang review na sa Court of Appeals," pagpapatuloy niya. Bahagyang naka-kunot lang ang noo ko. Kumunot din ang noo niya. "Nakinig ka ba sa remedial law class mo?"

"Obviously, hindi masyado."

Hanggang maka-balik kami sa condo ay parang naka-professor mode si Achilles. Nagkaroon ng mini lecture tungkol sa court processes. Sa totoo lang, naaalala ko naman lahat. Nagpapanggap lang ako na nalilito ako kasi gusto kong ma-divert iyong attention niya kahit papaano. Ramdam ko kasi iyong stress niya sa lahat ng nangyayari sa paligid namin. Inisiip na siguro na 'to na sayang lang tuition ko sa school, but I'd take that loss to give him a few moments of reprieve.

Kahit na para akong nagkaka-warflashback sa law school dahil ilang araw na akong binibigyan ng lecture ni Achilles, nanahimik lang ako. Alam ko kasi na anumang araw, dadating na iyong sagot doon sa complaint namin. Kinakabahan na nga ako ngayon dahil sigurado na nakarating na sa mga Villamontes, Ferreira, at Cantavieja iyong complaint na finile namin.

Any day now...

"Nakikinig ka ba?" tanong niya.

"Oo kaya," sagot ko kahit lumilipad lang palabas sa kabilang tenga ko iyong mga sinasabi niya. Abogado naman na ako! Bakit kailangan kong magsuffer ulit sa ganito?!

"Really..." he said with a slightly arched brow. "Kahit bigyan kita ng exam?"

"Exam mo mukha mo," sagot ko sa kanya. Naka-pasa na ako ng BAR. Tama na 'yon."

"Right... That was the most stressful month of my life."

"Ang kapal. Mas stressed ka pa sa akin?!"

Tumango siya. "You were constantly crying. You crave different food every other day na kung hindi ka lalaki, iisipin ko na buntis ka," sabi niya sa akin.

Akala ko tapos na siya pero isa-isa niyang sinabi iyong mga 'sacrifice' niya raw nung BAR month ko. Gusto ko sanang gumanti kaya lang wala talaga akong maisip na sakit ng ulo na binibigay niya sa akin?! Pinaka-stress lang kapag 'di siya maka-relate sa humor ko dahil matanda na siya.

"Bakit? Kung buntis nga ako, papanagutan mo ako?"

"Are we defying biology now?"

"Ang hirap mo ka-bonding."

Bahagya siyang natawa sa akin. "Fine," he said. "Say we defied biology—"

"Bakit 'di ka na lang umoo?" naka-angil na tanong ko sa kanya. "Iyon ang tamang sagot—oo, Mauro, papanagutan kita kasi mahal kita. Ganon."

Natawa na nailing na naman siya sa akin. "I mean, sure, but I'd have to explain first na kung buntis ka, I'd propose that we get married first kasi kapag nanganak ka na hindi tayo kasal, hindi magiging legitimate but legitimated—"

I groaned. Bakit naging academic lecture na naman?! Bawal ba na makipaglandian lang sa kanya?! Allergic ba siya?!

Mula sa remedial law lecture niya ay nagmove on na kami sa Family Law. Napa-inom na rin ako ng wine dahil nagkaka-war flashbacks talaga ako sa mga sinasabi niya sa akin. Naiintindihan ko na iyong mga estudyante niya na magpapa-party para lang hindi siya magpa-recit.

I love Achilles, but damn, I'd hate to have him as my prof! Walang konsiderasyon. Ito iyong tipo na gagawan ko ng thread sa reddit tapos iba-bash ko para iwasan ng future students.

Nasa kalagitnaan siya ng pagle-lecture nung matigilan siya sa kung anuman iyong nabasa niya sa cellphone niya. Agad kong sinilip 'yon dahil wala naman kami na atang privacy sa isa't-isa lalo na ngayon. Kulang na lang ata e lagyan ako ng tracking device ni Achilles.

"Sino 'yan?" sabi ko dahil nasa harap ko si Achilles kaya hindi ko masyadong nabasa iyong text sa kanya.

"No—" natigilan siya. "Lance."

Napa-kunot ang noo ko. "Serrano?" Tumango siya. "Bakit daw?"

"Probably about the case," sinabi niya.

"Magka-kilala kayo?"

Tumango siya. "We used to work together."

Napaawang ang labi ko. "Seriously?!" Tumango lang siya tapos ay tumayo. Agad na napa-tayo din ako. "Saan ka pupunta?" I asked him as I watched him walk towards the door.

"Lobby," he said.

"Nandito daw siya?"

"Sandali lang ako," he said, instead.

Tumayo din ako. Tumingin siya sa akin. "Sasama ako," I told him bago pa man niya ako sabihan na dito lang ako. I quickly walked hanggang sa magkatabi na kami ni Achilles. He was looking at me with disapproving looks, but I couldn't care less. Kung anuman ang sasabihin sa kanya nung Lance na 'yon, gusto ko na nasa tabi niya ako.

Kung willing si Achilles na akuin iyong mga laban na ako naman talaga ang nagsimula, best believe na ako rin ang unang back-up niya sa kung sinuman ang kaaway niya.

I needed him to know that I am on his side. Always.

Pagbaba namin sa lobby, agad na nakita ko si Lance. I mean, gwapo naman siya. Hindi naman ako bulag. Pero... dinate 'to ni Tali? Really? He just looked... boring. Kagaya nung mga typical na lawyer na boring na ka-trabaho ko.

Lance stood up when he saw us. Tumingin siya agad sa akin. He gave me a small nod tapos ay tumingin siya kay Achilles.

"What?" sabi ni Achilles agad na parang wala siya sa mood.

"I'm just here as a courtesy," sabi ni Lance. "For old time's sake and all that."

Hindi nagsalita si Achilles. Sabi sa akin ni Tali, mag-iingat daw kami kay Lance kasi tuso daw 'to saka gagawin lahat to advance his career.

"I'm gonna do my job, but know that I have no control over what my clients do on their free time," he said... and I didn't even have to overthink because he didn't even try to put a veil over his warnings.

"You're representing animals. We're aware," simpleng sabi ni Achilles.

Lance pressed his lips together. "Great. At least nasabi ko."

"Bakit? Galit daw ba sila?" Achilles asked.

"You think?" sabi ni Lance. "You basically made a flowchart and treasure map of all the business involved—you know damn well that they're gonna ask for audit of those businesses."

Tipid na tumango si Achilles.

"Nag-evacuate na ba sila?" Achilles asked.

"Attorney-client privilege," Lance replied. "But... they're panicked." Tinapik ni Lance iyong balikat niya. "Seriously... Take care, okay?" sabi niya. "These people are insane, Marroquin. You have no idea."

"I think I have."

Tumingin si Lance sa kanya at umiling. "No... Really... It's one thing to send one of them to prison, but to mess with their money?" Tumingin sa akin si Lance. "Watch your backs. Kayo nila Tali." 

**

This story is already finished at patreon.com/beeyotch. Subscription starts at 100php per month for all stories. You can also join the patreon facebook group. You can email [email protected] for assistance :) Thank you! 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top