Chapter 43

Chapter 43

Hanggang sa maka-balik ako sa condo ay hindi ako mapakali. Pilit kong sinasabi sa sarili na wala lang naman iyong sinabi ni Papa. Na makikita ko pa rin siya mamaya at maririnig iyong mga kasinungalingan niya habang pilit niyang sinasalba iyong sarili niya.

Kasi iyon siya, 'di ba?

Makasarili.

Laging sarili ang iniisip.

Kaya... kaya impossible talaga iyong iniisip ko.

Impossible na gawin niya 'yon.

Pagbukas ko ng pinto ay nakita ko si Achilles na naka-upo roon at naghihintay sa akin.

"Ang aga mo namang nagising," sabi ko sa kanya.

"San ka galing?" tanong niya sa akin. Nag-iwan ako ng message sa kanya na may pupuntahan ako, pero hindi ko na sinabi kung kanino. Hindi ko naman inisip na magagalit siya sa akin dahil siya na mismo ang nagsabi na kausapin ko si Papa. Saka... ewan ko. Kahit kinakabahan ako kanina habang kasama ko si Tito Francis, deep down, hindi ko naman iniisip na capable siya na gawan ako ng masama.

Pero... ano ba ang alam ko?

Parang capable naman lahat ng tao sa paligid ko—kailangan mo lang hanapin kung ano iyong bagay na tuluyang makakapagpa-talon sa kanila mula sa dulo ng bangin na kinatatayuan nila.

Parang ako.

Inisiip ko lang na ganito ako... pero kapag may ginawa sila kay Achilles? Hindi ko rin talaga alam kung hanggang saan ko sila kayang hatakin kasama ko.

"Kay Papa," sagot ko sa kanya. Hindi siya nagsalita. "May tanong ako," sabi ko sa kanya.

Naka-tingin lang siya sa akin at naghihintay ng susunod na lalabas sa bibig ko. Ilang beses akong sumubok na magsalita, pero hindi ko alam kung paano ko sasabihin iyong nasa isip ko. Hindi ko alam kung ano iyong tamang mga salita na gagamitin ko.

Pero parang mas lamang iyong takot.

Kasi... paano kung kaya niya nga?

Mabilis akong umiling. Kinuha ko iyong cellphone ko at saka mabilis na tinawagan si Mauve. Napa-kunot iyong noo ko nang isang ring pa lang ay agad na sumagot na siya.

"Bakit—"

"May alam ka ba na mangyayari?" agad na tanog niya sa akin.

Mas lalong lumalim iyong pagkunot ng noo ko. "Tungkol saan?" naguguluhan na tanong ko.

"Kay Papa. Ewan. Hindi ko alam. Kakauwi ko lang pero naabutan ko si Mama dito na nagdadasal. Kanina ko pa siya sinusubukan na kausapin, pero naka-luhod lang siya sa harap nung altar at may hawak na rosary," sunud-sunod na sabi niya. "Kinakabahan ako kasi hindi siya nagsasalita... kaya may alam ka ba kung bakit nagkaka-ganito si Mama?"

Bumilis iyong tibok ng dibdib ko.

Tumingin ako kay Achilles. "Pwede mo ba akong samahan pumunta sa bahay namin?" tanong ko sa kanya at agad siyang pumayag.

Hindi sumasagot si Tito Francis kahit paulit-ulit ko pa siyang tawagan. Gusto kong isipin na natutulog lang siya o kaya ay may iba siyang ginagawa, pero iba talaga iyong kutob ko.

"Achilles," pagtawag ko habang nasa daan pa rin iyong tingin niya.

Saglit niyang binaling iyong mga mata sa gawi ko. "Hmm?"

"May... may mga kakilala ka ba?"

"Saan?"

"Na pwedeng tulungan ako na i-check si Papa?"

Bahagyang kumunot ang noo niya. "I'm not sure... bakit?" tanong niya. "May nangyari ba kanina nung nag-usap kayo? Mamaya na iyong sa senate hearing. I'm sure security is heightened there."

Humigpit iyong hawak ko sa seatbelt.

"Pero paano kung siya mismo iyong—" agad akong natigilan. Ni hindi ko masabi. Ayokong isipin na kaya ni Papa. Hindi ba against sa bible 'yon? Saka mahal niya iyong sarili niya. Impossible talaga.

Baka ginagawa niya lang 'to para ma-konsensya ako.

Mas kaya ko pang paniwalaan iyon base sa pagkakakilala ko kay Papa.

"Wala ka ba talagang kakilala?"

Muli siyang napa-tingin sa akin. Nakita niya kung gaano ako ka-seryoso. Tipid siyang tumango. "I'll ask around," sabi niya.

"Salamat," sagot ko.

Paghinto na paghinto niya sa bahay namin ay agad akong pumasok doon. Sanay naman ako na patay iyong mga ilaw sa bahay namin, pero ewan ko, iba iyong pakiramdam ko ngayon. Siguro dahil lang naghalo-halo na lahat ng problema ko.

Agad na binuksan ni Mauve iyong pintuan.

"Si Mama?" agad na tanong ko.

Hindi nagsalita si Mauve. Sinundan ko lang siya hanggang sa makarating kami roon sa prayer room dito sa bahay. Nakita ko si Mama na naka-luhod nga roon sa harap ng mga poon. May hawak nga siyang rosaryo. Ganitong-ganito iyong pagkaka-describe sa kanya ni Mauve kanina. Baka nga hindi siya gumagalaw gaya ng sabi ni Mauve.

"Hindi talaga siya nagsasalita," sabi ni Mauve sa akin.

Naka-tingin ako kay Mama habang mahigpit iyong pagkaka-hawak niya sa rosaryo. Nakita ko iyong paggalaw ng mga labi niya na para bang may dina-dasal siya.

Ilang segundo na naka-tingin lang ako sa kanya hanggang sa napa-luhod na rin ako sa tabi niya. Naririnig ko iyong dasal niya. Nagdadasal siya ng rosaryo. Palakas nang palakas iyong kabog ng dibdib ko na para bang nakokonpirma na iyong kanina ay nasa isip ko lang.

"Mama..." pagtawag ko sa kanya pero gaya ng tawag sa kanya ni Mauve, hindi siya nakikinig sa akin.

Tumayo ako at agad akong tinulungan ni Achilles. Tumingin ako kay Mauve. For the first time in my life, nakita ko iyong takot sa mukha ni Mauve. Sa dami ng nangyari sa kanya, sa amin, ngayon ko lang siya nakita na ganito.

"Naka-usap ko si Papa kanina," sabi ko sa kanya.

Nanlaki iyong mga mata niya. "Saan? Paano? Ano'ng sabi ni Papa?"

Muli akong tumingin kay Mama. Hindi naka-ligtas sa paningin ko iyong paghigpit sa hawak niya ng rosaryo. Kaya ba nagkaka-ganito siya? Kasi alam niya rin? Kasama ba siya sa gumawa ng desisyon? O ayaw niya? Kaya siya nagkaka-ganito na parang dinadaan na lang sa dasal ang lahat?

"Sabi ni Papa..." Huminga ako nang malalim. Ramdam ko iyong pagsikip ng dibdib ko. "Sabi niya, mag-iingat daw tayong dalawa palagi."

Nakita ko iyong pagkunot ng noo ni Mauve sa pagka-gulo sa sinabi ko hanggang sa makita ko iyong pagbabago ng ekspresyon sa mukha niya. Kagaya nung itsura ko siguro nung mapagtanto ko kung ano iyong ibig sabihin nung sinabi ni Papa.

Pati 'yung pag-iling ni Mauve dahil gaya ko, hindi niya rin maisip na kayang gawin ni Papa iyong iniisip namin.

"Sa tingin mo—" Tumango ako. Umiling si Mauve. "No."

Hindi ako nagsalita at binigyan siya ng kaunting oras para iproseso iyong mga naglalaro sa isip niya.

"Baka kagaya lang 'to ng ginagawa ni Papa—na kapag hindi niya nakuha iyong gusto niya, kokonsensyahin niya tayong dalawa hanggang sa makuha nila iyong gusto nila," mabilis na sabi ni Mauve. Hindi ako nagsalita.

Kasi parang alam ko na.

Kahit ayaw tanggapin ng utak ko.

Ibinaling ni Mauve iyong atensyon niya kay Mama. Lumuhod siya para magka-harap silang dalawa. "Mama, may alam ka ba sa balak gawin ni Papa?" paulit-ulit niyang tanong kay Mama habang pahigpit nang pahigpit iyong hawak niya sa rosaryo. Nakita ko iyong pagtulo ng luha mula sa mga mata ni Mauve. "Bakit kayo ganyan ni Papa? Kayo iyong magulang namin, pero bakit lagi kami ni Mauro iyong pinapahirapan niyo?"

Pilit akong huminga nang malalim at tumingin kay Achilles.

"Pwede mo ba—"

Agad siyang tumango.

Na para bang sinasabi niya sa akin na hindi ko pa natatanong ay handa na niyang gawin iyon para sa akin.

Rinig na rinig ko iyong kabog ng dibdib ko habang papunta kami ni Achilles sa pinagdalhan sa akin ni Tito Francis. Pagdating namin doon, may mga sundalo na sumalubong sa amin. Pero hindi gaya nung kanina, hindi kami pinapasok.

"Sige na po," pakiusap ko. "Galing din ako dito kanina. Kailangan ko lang makausap iyong tatay ko."

Panay ang pakiusap ko, pero parang wala silang naririnig mula sa akin. Napa-tingin ako kay Achilles na may kausap din sa telepono para tulungan akong maka-pasok.

"Kahit puntahan niyo na lang po," muling pakiusap ko. "Paki-check lang po sa kwarto niya. Kahit iyon lang po."

Nakita kong nagtinginan iyong dalawang bantay. Kung ibang pagkakataon lang, kung hindi ko alam kung gaano kadumi iyong kalakaran sa mundong 'to, iisipin ko na wala lang na nagkatinginan sila.

Pero parang unti-unti akong tinatakasan ng hangin dahil sa simpleng tinginan na 'yon.

Ibig sabihin ba non, alam nila?

Kusa bang gagawin ni Papa?

O may gagawa para sa kanya?

Alam ba niya?

Ang daming tanong na tumatakbo sa isipan ko.

"Please... Sige na po..." huling subok ko sa pakikiusap.

"Umuwi na kayo," sabi niya sa akin na para bang sinasabi niya na umuwi na ako dahil wala na akong magagawa dito.

Nang matapos iyong tawag ni Achilles, tumingin ako sa kanya na may tanong sa mga mata.

"I'm sorry."

Umiling ako. Kasi wala naman siyang kasalanan. Wala rin naman talaga siyang magagawa. Abogado lang siya. Ano ba'ng laban niya? Laban namin? Sa mga tao na talagang may hawak ng kapangyarihan.

Mali ata si Achilles.

Walang tamang proseso.

Kalokohan.

Kasi sa huli, wala pa rin namang magbabago. Kahit subukan naming baguhin 'tong laro nila, sila pa rin ang mananalo. Niloloko lang namin ang sarili namin kung iisipin namin na hindi.

Hindi ko alam kung kanino ako lalapit.

Parang wala akong matatakbuhan.

Ganito ba iyong pakiramdam ni Papa dati? Na wala siyang matakbuhan? Kasi sabi ni Mama na hindi naman siya ganito dati... Nawalan lang din ba siya ng pag-asa gaya ko? Naramdaman niya rin ba iyong ganito? Kaya napili niya na maging kagaya nila? Kasi at least kapag nasa panig ka nila, kapag ganitong panahon, may matatawagan ka.

Maya-maya pa, may dumating na mga tao. Tahimik lang akong naka-tayo doon habang naririnig ko si Achilles na nakikipagtalo sa kanila para makita namin si Papa. Ngayon ko lang siya narinig na magsalita tungkol sa writ of habeas corpus at kung anu-ano pang legalidad.

"This is murder and you know it," narinig kong sabi niya sa kausap niya.

"He's being legally detained, Marroquin," mariin na sagot niya. "You and I both know—"

"You're right. Alam nating dalawa kung ano ang nangyayari dito," pagputol ni Achilles sa sasabihin niya.

Walang pagbabago sa mukha nung kausap ni Achilles—para bang business as usual lang.

"File a writ of habeas corpus, kung 'yan ang gusto mo," sabi niya. "But this is not the place for it, Marroquin. Bumalik ka na sa trabaho mo—kung may babalikan ka pa," sabi niya bago iwan kami at pumasok sa loob.

"I'm sorry," muling sabi ni Achilles habang naka-tingin sa akin. Alam ko nilaban ni Achilles, pero sino ba naman kami?

"What do you want to do?" mahinang tanong ni Achilles habang naka-tayo siya sa tabi ko.

Hindi ako nakapagsalita.

Hindi ako maka-galaw.

Hindi ko alam kung ano ang hinihintay ko.

Naghihintay ba ako na maka-rinig ng putok ng baril? O tunog ng ambulansya? Hinihintay ko na lang ba na sabihin nila sa akin na totoo na iyong kinatatakutan ko? Iyong pinagdadasal ni Mama?

Hindi ko alam kung gaano na kami katagal na naka-tayo dito nang bigla kaming papasukin sa loob. Ni hindi ko magawang tumakbo. Siguro kasi natatakot ako sa kung ano ang makikita ko. Kasi... bakit naman nila kami papapasukin? Bakit ngayon pa?

Naglakad lang kami hanggang sa mapa-hinto kami sa kwarto ni Papa. Hinawakan nang mahigpit ni Achilles iyong kamay ko. Napa-tingin ako sa kanya.

"Do you want me to go in?"

Umiling ako.

Gusto kong makita ko—gusto kong makita ng dalawang mga mata ko iyong resulta ng mga ginawa ko.

Mabagal iyong tibok ng puso ko.

Nanlalamig iyong mga kamay.

Binuksan ko pinto... at nandon si Papa... ni hindi man lang nila tinanggal sa pagkaka-tali... na para bang gusto nilang makita ko kung ano ang mangyayari kapag kinalaban ko iyong sistema nila.

Sinubukang takpan ni Achilles iyong mga mata ko, pero mabilis kong pinigilan iyong kamay niya.

Kasi gusto kong makita.

Kailangan kong makita.

Gusto kong malaman kung takot o galit ba iyong mas mararamdaman ko.  

**

This story is already at Chapter 47 patreon.com/beeyotch. Subscription starts at 100php per month for all stories. You can also join the patreon facebook group. You can email [email protected] for assistance :) Thank you! 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top