Chapter 37
Chapter 37
Okay naman lahat.
Yata.
Sana.
Sinagot ko lahat ng tanong nila sa akin. Akala ko ay tatanungin nila ako tungkol sa personal na relasyon namin ni Achilles, pero mas interesado sila sa trabaho ko at kung paano ko nakilala si Achilles. I was as vague as I could possibly be. Hindi ko rin naman kasi tanda iyong lahat ng detalye.
"Mauro!"
Napa-kunot iyong noo ko nang bigla akong harangin ni Tin. Ilang metro pa iyong layo ko mula sa may opisina nang tawagin niya ako. Napa-tanggal tuloy ako ng airpods dahil sa ekspresyon sa mukha niya.
"Ano'ng meron?" tanong ko sa kanya.
Ilang araw na akong medyo okay. Nang matapos iyong sa interview sa akin ay nabawasan ng kahit papaano iyong mga iniisip ko. Kasi tama naman sila Achilles at si Judge. Wala akong dapat ika-kaba kung wala naman akong ginagawang masama.
Wala namang ginawang masama si Achilles kaya dapat chill lang ako at magfocus ako sa pag-aaral gaya ng sinasabi niya palagi sa akin.
"Umabsent ka muna ngayon," agad na sabi niya.
"Ha? Bakit? Konti na lang leave ko," sagot ko sa kanya. Iniipon ko kasi talaga 'yon kapag exam week. Gusto ko na naka-focus ako sa pag-aaral. Mataas iyong grades ko last sem kaya kung kaya ko, gusto ko sanang i-maintain 'yon. Nagwork sa akin na wala akong trabaho nung buong exam week kaya siguro naka-sagot talaga ako—bukod pa sa mga materials ni Achilles na meron naman na ako ngayon.
"Pina-tawag si Judge. May balita na nagbibigay daw siya ng favor sa abogado tungkol don sa high profile na kaso. Alam mo naman na pangarap nun maging Supreme Court Justice kaya ilag na ilag 'yon sa mga ganyang issue."
Parang tumigil iyong pagtibok ng puso ko.
Bakit siya biglang pinatawag? Dahil ba 'yon sa sagot ko? Wala naman talagang hiningi na pabor si Achilles. At kung meron man, schedule lang ni Judge 'yon! Talaga namang may nagpupuntang abogado sa chamber minsan.
Bakit biglang ganito?
Bakit ang dami ng nadadamay?
"Pero... bakit hindi ako papasok?"
Tumingin sa akin si Tin. "Mauro, maliit lang ang mundo natin. Mabilis kumalat 'yong balita," sabi niya sa akin. "Mabait si Judge sa kung sa mabait... pero kapag ganito na maku-kwestyon siya... ibang usapan na 'yon sa kanya. Kilala mo naman 'yon."
Agad na gumapang iyong kaba sa dibdib ko.
Ano'ng ibig sabihin nito? Tanggal na ako sa trabaho? O magreresign na ako? Kasi paano pa ako papasok kung ganito na pala?
Kasalanan ko ba na hindi ko sinabi iyong sa pabor na hiningi ni Achilles sa akin? Kasi hindi naman siya iyong unang abogado na nagtanong sa akin tungkol sa schedule ni Judge. Marami sila pero hindi ko sinasagot kasi alam ko na bawal.
Isang beses lang.
Isang beses ko lang sinabi...
Ganito na agad?
* * *
Hindi ako pumasok sa trabaho gaya ng sinabi ni Tin. Hindi ko rin alam kung ano ang gagawin ko bukas. Papasok ba ako o hindi ulit? Paano ko haharapin si Judge? Ayoko naman na umakto na parang walang nangyari.
Shit.
Akala ko okay na pero biglang sobrang magulo na ulit.
Ayokong umuwi sa condo dahil pakiramdam ko ay mas lalala lang iyong pag-iisip ko sa pwedeng mangyari. Dumiretso ako sa opisina ni Achilles. Gusto ko siyang makita kahit ilang segundo lang. Ngayon ko kailangang marinig siya na sabihin na magiging okay lang ang lahat.
Kailangan ko 'yon.
Kasi paano na ako ngayon kung wala na akong trabaho? Saan ako kukuha ng pambayad ko ng tuition? Hindi ko kaya na si Achilles lang ang sasagot ng lahat.
Nang makarating ako sa opisina ni Achilles ay agad akong dumiretso sa loob. Hindi ko alam kung dahil lang ba sa sinabi ni Tin sa akin na maliit lang ang komunidad ng law, pero pakiramdam ko ay may mga matang naka-sunod sa bawat paggalaw ko.
Hindi naman siguro nila alam.
Sa isip ko lang 'to.
Pagdating ko sa opisina ni Achilles ay kumatok ako. Agad kong narinig iyong boses niya na pinapa-pasok ako. Binuksan ko ang pinto. Nakita ko na mayroon siyang binabasang mga papeles. Naka-tayo lang ako sa harapan niya—ayaw gumawa ng kahit konting ingay.
"Hi," sabi ko nang tumingin siya sa akin.
Bigla akong nanlamig nang hindi nagbago iyong reaksyon sa mukha niya. Bahagyang naka-kunot iyong noo niya at salubong iyong kilay. Ibang-iba sa itsura niya kapag makikita niya ako rito sa opisina niya.
"Fifteen minutes?" I asked.
"I'm busy." Napaawang iyong labi ko. "Wala ka bang trabaho?" tanong niya.
"Umabsent ako."
Naka-tingin siya sa akin. Ilang segundo iyong lumipas. Ito rin siguro iyong pangit kapag masyadon mo ng kilala iyong tao... Kasi wala man siyang salitang sabihin, ramdam ko na agad iyong disappointment mula sa kanya.
"Go home, then."
"Saan?"
I saw gathering a deep breath. "Mauro, not now. Marami akong gagawin."
"Okay," I said, giving him a small smile. "Sorry sa abala."
Mabilis akong lumabas sa opisina niya. Lagi niyang sinasabi sa akin na hindi ako mag-isa, na nandyan lang siya lagi para sa akin, na 'wag akong matakot humingi ng tulong sa kanya.
Lagi niyang pinapaalala sa akin 'yon.
Kahit mahirap, pumunta ako rito kasi gusto ko lang marinig sa kanya na magiging okay ang lahat.
Gusto ko lang ng konting comfort galing sa comfort person ko.
Mali pala.
Mas okay pala talaga kapag sinasarili ko lang. At least kapag ganon, walang rejection.
Nang maka-labas na ako sa opisina ay narinig ko iyong pagtawag sa akin ni Achilles. Agad akong napa-lingon. Alam ko na siya iyon. Kabisado ko iyong boses niya. Kahit yata pagbulong niya ay makikilala ko na siya iyon.
"I'm sorry," he said when he caught up with me. "Hindi ka abala. Marami lang talaga akong ginagawa."
Tipid akong tumango. "Alam ko. Sorry, nawala sa isip ko na tambak nga pala iyong kaso mo. Uuwi na rin ako."
"Sa condo ka uuwi, 'di ba?"
Tumingin ako sa kanya.
Naramdaman ko iyong pagsikip ng dibdib ko. Huminga ako nang malalim. "San ba pwede ditong mag-usap?" tanong ko sa kanya dahil ang huli kong gustong mangyari ay pag-usapan siya rito sa trabaho niya dahil na naman sa akin.
Naka-sunod lang ako kay Achilles habang naglalakad siya. Panay ang paghinga ko nang malalim na para bang kayang pigilan nun iyong mga luha na nagbabadya na sa pagtulo.
"Sa condo ka uuwi, 'di ba, Mau?" tanong niya sa akin nang huminto kami sa isang gilid na walang dumadaan na mga tao.
Tumingin ako kay Achilles. Humugot ako ng malalim na hininga. Ramdam na ramdam ko iyong pagod hindi lang sa ngayon kung hindi sa mga nagdaang araw, linggo na parang ganito na lang lagi ang nangyayari.
"Parang..." sabi ko at saka muling humugot ng malalim na hininga. "Parang mas okay kung sa amin na ako uuwi..."
Kita ko iyong takot sa mga mata niya.
"Nakikipaghiwalay ka ba sa 'kin?"
Mabilis akong umiling. "Hindi," mabilis na sagot ko. "Uuwi na lang ako sa 'min, Achilles. Para matapos na 'tong lahat. Kasi nadadamay ka na... pati si Judge, nadamay na rin. Wala na akong mukhang maihaharap sa mga kakilala ko."
Hindi ko alam kung paano ako papasok sa trabaho. Kasi alam ko na alam ni Judge na dahil sa akin kaya siya napa-tawag. Dadalhin ko hanggang pagtanda ko kapag hindi siya naging SC Justice dahil sa kabobohan ko.
"Okay lang naman ako—"
"Halos hindi ka na nga natutulog sa dami ng trabaho mo. Saka ikaw mismo iyong nagsabi sa akin dati na ayaw mo sa mga ganyang kaso pero ngayon, puro ganyan iyong hawak mo," diretso kong sabi sa kanya. "Hiyang-hiya na ako sa 'yo. Lagi na lang ikaw iyong nag-a-adjust."
"Why do you always think that everything's your fault?" agad na sagot niya sa akin. Biglang nagbago iyong ekspresyon sa mukha niya. Para bang napatid na lahat ng pagtitimpi niya sa akin. "Matanda na ako, Mauro. May sarili akong isip. Kung ayoko na talaga sa ginagawa ko, magreresign ako."
"Alam ko pero kung hindi naman dahil sa akin, hindi mangyayari lahat ng 'to."
"What? Na tambak iyong trabaho ko? Normal lang 'yon."
"Alam mo kung ano iyong sinasabi ko."
"No," sagot niya na umiiling. "I don't understand, Mau. Hindi kita maintindihan minsan. I love you, I really do, but God, you're exhausting sometimes."
Naramdaman ko iyong pagtulo ng luha galing sa mata ko.
Wow.
Ang sakit pala.
Na marinig mula sa tao na kinukuhanan mo ng lakas na nakaka-pagod ka.
"For once, can you please stop trying to be some martyr? Wala ka namang kasalanan. Why does it always have to be your fault? Why does it feel like you want to victimize yourself always?"
Dito na ba naipon lahat ng gusto niyang sabihin sa akin? Naubos na ba iyong words of assurance niya kaya puro katotohanan na lang ang lumalabas?
"Kung madidisbar man ako o kung tambak man iyong trabaho ko, hindi ba pwede na desisyon ko 'yon? Hindi ba ako pwede magkaroon ng sarili kong desisyon? O lagi bang dapat kasalanan mo?"
Hindi ako nagsalita.
Ayokong magsalita ng masakit.
Kasi alam ko kung ano iyong pakiramdam—gaya nitong sakit na pinaparamdam niya sa akin. Mas gugustuhin kong manahimik at 'wag na lang sabihin kasi kapag sinabi ko na, hindi ko na mababawi.
Gaya nitong mga salita niya...
Alam ko na paulit-ulit ko 'tong maririnig sa isip ko.
Na nakaka-pagod ako.
Na dapat lagi kong kasalanan.
"Okay," sabi ko na lang. Pagod na ako. Ayokong makipag-away sa kanya.
Seryosong naka-tingin sa akin si Achilles. Huminga siya nang malalim at saka sinuklay iyong buhok niya gamit iyong mga daliri niya.
"Okay," he repeated what I said. "Just... go home. Sleep. I'll see you later, okay?"
Tumango lang ako. Lumapit sa akin si Achilles at saka niyakap ako nang mahigpit. Hinid ko siya niyakap pabalik. Naka-tayo lang ako habang yakap-yakap niya ako.
"I love you, okay?" bulong niya sa akin.
Dumiretso agad ako pauwi. Agad kong tinawagan si Papa habang kinukuha ko iyong bag ko para ilagay iyong mga gamit ko. Ayoko ng ganito. Mas gugustuhin ko na nasa bahay na lang ako at parang preso kaysa ganito na nadadamay iyong mga wala namang kasalanan.
"Uuwi na ako," sabi ko nang sumagot siya sa tawag. Wala siyang sinabi pero alam ko na nakikinig siya sa akin. "Uuwi na po ako. Itigil niyo na 'yang ginagawa niyo."
Naghintay ako sa sagot niya.
"Okay," sagot niya. "Susunduin na kita."
Para akong gago na nagsusulat ng letter para kay Achilles kahit pwede ko namang itext 'to sa kanya. Halos hindi na mabasa iyong babang parte nung letter dahil puro siya patak ng luha ko. Nilagay ko roon na uuwi na ako pero walang magbabago sa amin. Iyon lang naman ang gusto ni Papa. Ibibigay ko na sa kanya para lang matapos na. Kung gusto niya na magpanggap ako na walang Achilles sa buhay ko kapag kaharap ko sila ni Mama, iyon ang gagawin ko. Kasi napapagod na ako sa ganito.
Inilagay ko iyong letter sa may lamesa kung saan kami kumakain ni Achilles ng dinner. Sana maintindihan niya. Hindi naman 'to dahil gusto ko na kasalanan ko lahat... Hindi lang talaga kaya ng pasensya ko na makita pa iyong mga nangyayari...
Pagbaba ko ay agad kong nakita iyong sasakyan ni Papa. Inilagay ko iyong gamit sa likuran tapos ay naupo na rin ako sa tabi niya. Tahimik na sinuot ko iyong seatbelt. Naramdaman ko na naka-tingin siya sa akin pero hindi ko siya nilingon.
Naka-tingin lang ako sa mga kasabay namin na sasakyan. Traffic ngayon. Gusto ko na makarating sa bahay para makapagtago na ulit ako sa kwarto ko.
Balik kwarto.
Balik cup noodles.
Balik siopao.
Okay naman ako dati sa ganito... pero parang ang lungkot lang ngayon kasi alam ko na iyong pakiramdam na hindi nagtatago saka kumakain ng normal na pagkain.
Siguro kapag graduate na ako, pwede na.
Napa-tingin si Papa sa cellphone ko nang biglang magvibrate iyon. May lumabas na GLOBE is calling... Hindi naman siya tanga para hindi malaman na hindi GLOBE iyon dahil bakit naman ako tatawagan non? Para bentahan ng promo?
Hinayaan ko lang na mamatay iyong tawag.
Mamaya ko na siya kakausapin.
Kagaya nung dati—sa kwarto habang naka-lock iyong pinto at may malakas na tugtog para walang maka-rinig.
Tahimik lang kami hanggang sa makarating kami sa bahay. Dumiretso ako sa kwarto. Agad na ni-lock ko iyong pinto. Tinawagan ko si Achilles, pero hindi siya sumasagot. Naghintay ako hanggang sa maka-tulog na ako.
Pero agad din akong napa-balikwas sa pagkaka-tulog ko nang magvibrate iyong cellphone ko. Akala ko si Achilles na iyon pero nakita ko na si Tin ang tumatawag sa akin.
"Bakit?" tanong ko na nagtataka dahil hindi naman kami ni Tin iyong tipo ng nag-uusap sa telepono.
"Sorry sa abala... Kailangan mo ba ng kasama d'yan?
"Kasama saan?" naguguluhan na tanong ko.
"D'yan sa ospital... Sabi sa balita, nasa operating room pa raw si Atty. Marroquin," sagot ni Tin at agad na tumigil iyong mundo ko sa pag-ikot.
**
This story is already at Chapter 41 patreon.com/beeyotch. Subscription starts at 100php per month for all stories. You can also join the patreon facebook group. You can email [email protected] for assistance :) Thank you!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top