Chapter 35

Chapter 35

First year subject talaga iyong Legal Ethics, pero simula nung narinig ko iyong tungkol sa disbarment ay binalikan ko ulit iyon. Imbes na mag-aral ako para sa mga talagang subjects ko ngayon ay mas inaasikaso ko iyon. Natakot ko pa tuloy si Niko dahil nakita niya na iyon ang binabasa ko. Nagpanic siya at akala niya ay may Ethics class kami pero hindi lang siya enrolled.

Kung sino-sino na ang nadadamay dito... sana tumigil na si Papa at maisip niya na wala namang kasalanan si Achilles sa kanya. Hindi naman ako umalis sa bahay dahil kay Achilles. Umalis ako sa bahay kasi hindi niya ako tanggap. Magkaiba 'yon.

Pagkatapos ng klase ko ay nagkita kami ni Mauve. Nag-uusap naman kami, pero ang hirap palang magkita kapag wala kami sa iisang bahay. Halos sa ospital na siya naka-tira tapos ako naman, busy din sa trabaho saka sa school.

Grabe... signs of adulting na talaga.

"Parang may iba sa mukha mo," sabi niya pagka-dating ko sa may resto. Siya daw manlilibre sa akin. Sabi ko, 'wag na kasi wala naman siyang trabaho. 'Di kasi kaya bilang med student. Wala talaga siyang oras. Sabi niya naman, may allowance naman siya saka hindi naman siya nagbabayad nung tuition. Ilang minuto din kaming nagtalo kung sino magbabayad nung bill.

"Mas gwapo na ako?"

Umakto siya na nasusuka siya. "Panget ka ever since. Akala ko common knowledge na 'yan."

I scoffed. "Tingin mo sa 'kin? Bulag? Nakikita ko sarili ko sa salamin, noh."

"Ew. Vain."

"Honest lang."

Inirapan niya lang ako tapos tinawanan ko siya. Ganito siguro talaga kapag magkapatid... Literal na ibibigay ko sa 'yo ang kidney ko kung kailangan mo pero hindi mo pwedeng gamitin ang cellphone charger ko.

Nang matapos kaming mag-order, naka-tingin lang kami sa isa't-isa. 'Di ko rin alam kung san magsisimulang itanong. May parte sa akin na masaya na naka-alis na ako sa bahay, pero may parte na na-guilty kasi naiwan ko si Mauve mag-isa... Usapan kasi namin ay sabay kaming aalis.

Kaso, ako lang ang umalis.

Siya, naiwan.

"Okay lang kayo?"

"Okay naman," sagot ko gaya ng sagot sa akin ni Achilles. Wala pa rin naman talagang formal disbarment. Puro investigation pa lang. Dina-dasal ko na lang talaga na nagmodernize na kahit papaano iyong Supreme Court. Kasi 21st century na. Hindi na 'to panahon ng kopong-kopong na napaka-close minded ng mga tao.

Saka ano iyong grounds? Immorality? Dahil naka-tira kami sa iisang condo? Kung ganon, i-disbar nila lahat ng mga abogado na magka-live in.

O dahil pareho kaming lalaki ni Achilles?

Sana hindi kasi... kasi parang gago naman.

"Sure ka?"

Tumango ako. "Ikaw? Okay ka lang sa bahay?"

Tumango rin siya. "Bihira naman ako umuuwi. Sa hospital ako lagi."

"Di ba ayaw mo naman matulog 'don?" tanong ko sa kanya kasi ang alam ko dati, ayaw niya don kasi may mga bastos daw siyang classmate na ginagawang motel iyong tulugan nila. Iritang-irita si Mauve dahil 'di siya maka-tulog kasi ang ingay at likot daw. Napaawang iyong labi ko nung unang i-kwento niya 'yon kasi parang 'di siya concerned na may nagsesex sa paligid niya. Mas concerned siya na 'di siya maka-tulog dahil sa kanila.

Nagkibit-balikat siya. "Si Achilles, okay lang ba?"

"Okay—" sabi ko tapos natigilan ako dahil para bang iba iyong kaba sa mukha ni Mauve. "Bakit? May narinig ka ba?" tanong ko sa kanya. Ayoko talaga sanang magtanong tungkol kay Papa dahil ayoko na maipit si Mauve. Hanggang 'di niya naman kami tinutulungan ni Achilles ay alam ko na walang gagawin si Papa sa kanya. Kaya hanggang maaari, ayoko siya idamay.

Pero ibang itsura niya.

Para bang may ginawa na si Papa.

"Hindi ko alam kung ano iyong eksaktong pinag-uusapan nila Papa kasi nung nakita nila na umuwi pala ako, inaya ni Papa na sa study room niya na lang sila mag-usap."

Napa-kunot ang noo ko. Bihira si Papa na magpapunta ng ka-trabaho niya sa bahay. Siguro kasi nakita niya dati na nakikinig ako sa usapan nila. Bata pa ako non. Hindi ko rin naman maintindihan kung ano iyong narinig ko... pero alam ko na hindi malinis si Papa. Kasi iyong narinig kong pangalan sa usapan nila, napanood ko sa TV. Iyong ni-raid nila na drug den, namatay sa shootout iyong anak ng Mayor na drug lord daw.

Simula non, nagbago na iyong tingin ko kay Papa.

Kasi nung kay Mauve, pinilit ko pang intindihin.

Against daw kasi sa religion... okay, iintindihin ko. Pero iyong sangkot siya sa pagkamatay ng ibang tao? Hindi ba against din sa religion iyon? Thou shall not kill?

Kaya hindi na ako naniwala sa mga sinasabi ni Papa.

"Ano iyong narinig mo?" kinakabahan na tanong ko kay Mauve.

"Pinag-uusapan lang nila iyong mga kaso na hawak ni Achilles..."

"Iyon lang?"

"Nagtanong lang si Papa ng mga kasong hawak. Tapos pinag-usapan nila iyong sa Carson. Ewan ko. 'Di ko rin masyadong naintindihan," sabi ni Mauve. "Di ko rin masabi sa 'yo agad kasi parang nagtatanong lang naman si Papa... Ayoko lang kasi dagdagan pa iyong iniisip mo. Kaso... na-realize ko na si Papa nga pala 'yon."

Naiintindihan ko si Mauve kasi pareho naman kami. Ayaw lang naming madamay iyong isa't-isa.

"Salamat pa rin," sabi ko. "Basta kapag may narinig ka, pasabi na lang sa akin. Pero 'wag mo na idamay iyong sarili mo."

"Nakakainis kasi sila Papa."

"Alam ko," sagot ko sa kanya. "Pero tiisin mo na lang hanggang maka-graduate ka... o kaya maka-graduate ako. Promise tutulungan kita sa tuition mo kapag kaya ko na."

Ngumiti lang siya sa akin tapos ako naman iyong nailang kaya binato ko siya nung malinis na tissue.

* * *

Hanggang maka-uwi ako sa condo ay iniisip ko lang iyong sinabi ni Mauve. Nahihilo na nga ako sa binabasa kong cases sa Legal Ethics tapos dadagdagan ko na naman. Kapag hindi ako naka-graduate, si Papa ang may kasalanan nito.

Pagpasok ko sa condo, napa-tingin agad ako kay Achilles na nandon sa may dining area. Nagkalat iyong mga gamit niya roon.

"Hi," sabi ko sa kanya. Mahina lang iyong boses ko dahil ayoko siyang maabala.

"Hi," sagot niya nang mapa-tingin sa gawi ko. Inalis niya iyong salamin na suot niya. "Kamusta si Mauve?"

I shrugged. "Okay naman," sabi ko. "Nagdinner ka na?"

"Mamaya na," he replied.

Napa-kunot ang noo ko. "11PM na. 'Di ka pa nagdidinner?"

"Ang dami ko pang babasahin," sagot niya sa akin. "Tulog ka na. Dito muna ako."

Gusto kong tanungin kung anong kaso ba iyong hawak niya na uwi-uwi niya pa rin dito. Efficient kasi si Achilles sa trabaho. Magdadala man siya ng trabaho dito sa condo, hanggang 8PM lang at tapos na siya. Sabi niya kasi ay hindi siya makakapagtrabaho nang maayos kapag puyat siya kaya tinatapos niya lahat sa umaga.

Tuwing may magbabago sa routine ni Achilles, kinakabahan ako dahil pakiramdam ko laging konektado kay Papa.

Ibinaba ko muna iyong gamit ko tapos ay dumiretso ako sa CR para maligo nang mabilis lang. Nang matapos ako ay lumabas na rin ako. Napa-tingin sa akin si Achilles.

"Di ka pa matutulog?" tanong niya sa akin.

"Ano'ng sandwich gusto mo?"

"Bakit?"

"Bilis na," sabi ko. "Gusto mo ng kape? Decaf? O mamaya ka pa ba d'yan?"

"Marunong ka bang gumawa ng sandwich?"

Sinamaan ko siya ng tingin. "Sandwich lang naman."

"Baka tinapay na may spread lang ibigay mo sa 'kin."

"Ano ba'ng sandwich nasa isip mo? Ang arte mo naman." Tumawa siya tapos ay tumayo. "Wag na. Ako na. Trabaho ka lang d'yan."

Tumayo pa rin siya at saka nagstretch. Napa-tingin tuloy ako sa tiyan niya. Bakit ang gwapo kahit wala naman siyang abs as in defined na abs? Pero hindi rin fluffy iyong tiyan niya.

"Ano'ng kinain niyo?" he asked habang siya na iyong naglalabas ng mga gagamitin niya sa sandwich niya. Times like this, naaalala ko na magkaibang tao nga talaga kami. Okay na ako sa dalawang tinapay at cheez whiz. Itong si gago, may nilabas na sourdough bread, kamatis, prosciutto, mozzarella, at saka kung anumang dahon iyon.

Nandon ako sa kabilang side nung kitchen island at saka pinapanood siya. Every time I'd look at him, I'd still be in awe... Grabe. Grabe talaga.

"Anong mga kaso hawak mo ngayon?"

Gusto ko lang malaman. Kaya tinanong ko na. Kasi ayokong bigla na lang akong magulat dahil lang ayaw kong itanong.

Instead of answering, he just gave me a shrug.

A shrug.

"Akala ko ba honest?" muling tanong ko sa kanya.

"I am."

"Hindi selective honesty," sabi ko. "Ano'ng bago sa cases na hawak mo?"

Kasi hindi lang coincidence na nagpapunta si Papa ng ka-trabaho niya sa bahay. Kapag ganon, may pabor na gagawin para sa kanya. Kasi dati, nung nangyari iyong sa may drug den, iyon iyong panahon na lumipat kami sa mas magandang bahay sa exclusive subdivision.

Gusto kong malaman.

Kailangan kong malaman.

"You know I can't talk about my cases," sabi niya.

"Tungkol na lang saan?" tanong ko sa kanya habang naalala ko iyong mga sinabi niya noon na ayaw niyang hinahawakan na kaso. "May kaso ka na ba sa murder ngayon? Rape? Drugs? Ano'ng bago sa mga hawak mong kaso, Achilles?"

Napa-tigil siya sa paghiwa sa sandwich.

"Ano ba'ng gusto mong gawin ko? Sabihin ko sa kanila na hindi ko tatanggapin iyong kaso?"

Napaawang iyong labi ko sa tono ng boses niya. Ngayon ko lang siya narinig na ganito. Natanggal na iyong ngiti sa labi niya, iyong maskara. Imbes na kabahan ay iba ang naramdaman ko. For the longest time, he always pretended na okay lang ang lahat. I was glad that for once, he could be honest with me about how he really felt.

"It's murder with rape and I think that the prosecution will include drug charges—the fucking trifecta."

Naka-tingin lang ako sa kanya.

I wanted him to unload whatever thoughts and feelings he had. Kasi hindi lang naman ako ang apektado dito. Ako, sanay na ako kay Papa. Siya, hindi. Ako, kaya kong tiisin. Kapag sa kanya? Mababaliw ako kapag may ginawa si Papa sa kanya dahil sa akin.

"I work for the government, Mauro. I have people I need to follow. That's just how the world works."

"Alam ko—"

"So, please, please stop asking me about my work... Kasi pareho naman tayong walang magagawa." He looked at me and gave me a small smile. "Please?"

Slowly, I nodded. "Okay."

"Thank you."

"Just please be safe."

"I will," he said. "Can we now talk about something else?"

So, we did. We talked about trivial things. I did the dishes. Bumalik siya sa ginagawa niya. Pumasok ako sa kwarto. Hindi ako maka-tulog. Binasa ko lang iyong sa disbarment proceeding. Nagbasa rin ako ng related cases kahit walang eksaktong kaso na kagaya nung sa amin.

Naka-tingin lang ako sa orasan at hinihintay na pumasok na rin siya sa kwarto.

"Di ka pa tulog?" sabi niya nang mahiga siya sa tabi ko.

"Umuwi na lang kaya ako?"

"Makikipagbreak ka rin ba?"

"What? No."

"So, what's the plan? Uuwi ka tapos tayo pa rin? O magpapanggap tayo na wala na tayo?"

"Sarcasm ba 'yan?"

"Yes," he replied and then pulled me close that my face was resting against his chest. I could feel the steady rising and falling of his chest. "Don't worry about me," sabi niya na para bang ako iyong binigyan ng drug related na kaso at saka disbarment case. "I sincerely think that the disbarment case won't proceed. Times have changed."

"Saka iyong sa kaso, marami lang talagang cases ngayon. Hindi naman dahil sa Papa mo 'yon. Maraming nagresign sa PAO dahil sa tambak na trabaho namin. Baka may kakilala ka na gustong mag-apply," pabirong sabi niya.

"Gago."

He laughed. I felt his laughter reverberating on his chest. "Seriously. May mga bakante. Daming nagresign."

"Malaki naman sweldo niyo, 'di ba?"

"Yes, pero malaki din ang trabaho."

"You can't have it both ways."

"You can, actually. In-house counsel in some corporation."

"Ayaw mo i-try 'yon?" tanong ko sa kanya. 'Di ba mas safe 'yon? 'Di ka naman siguro ipapapatay dahil lang bumaba iyong value ng stocks or something. Ewan ko ba. Bakit parang ang life and death situation kapag abogado ka? Bakit ba ito ang trabaho ko?

"No," he replied. "Maybe when I'm like 50 years old. Boring kasi 'yon."

"Ah, so malapit na rin pala."

Sumilip ako. Nakita ko na inirapan ako ni Achilles. Tumawa ako tapos ay inabot ko iyong labi niya at saka hinalikan siya.

"Basta mag-iingat ka palagi, ha? Alam ko everyone deserves a day in court pero I deserve to have a boyfriend who's alive din naman."

Natawa lang siya sa akin pero seryoso ako. Nananahimik ako tapos bigla siyang papasok sa buhay ko. 'Di niya ako pwede iwan nang basta-basta lang. Magtiis siya sa akin.

**

This story is already at Chapter 39 patreon.com/beeyotch. Subscription starts at 100php per month for all stories. You can also join the patreon facebook group. You can email [email protected] for assistance :) Thank you! 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top