Chapter 32

Chapter 32

Hindi ko alam kung bakit ganito ako...

Sinabi naman sa akin ni Achilles na ayos lang na doon ako sa kanya muna habang may problema ako sa bahay...

Alam ko naman na seryoso siya nung sinabi niya sa akin na hindi problema ang tingin niya sa akin.

Pero ewan ko ba.

Ayoko talagang humingi ng tulong sa kanya hanggang pakiramdam ko ay kaya ko pa namang hanapan ng solusyon. Bakit ba ako ganito? Bakit ba hirap na hirap akong tumanggap ng tulong sa ibang tao?

"Sigurado ka?" tanong niya sa akin nung bandang 2AM na.

Tumango ako sa kanya. "Okay lang ako," sagot ko sa kanya. "At most, silent war lang sa bahay," dugtong ko para gumaan naman iyong loob niya kasi alam ko na kahit wala naman siyang kasalanan e sinisisi niya iyong sarili niya. Pero ayoko talaga ng silent war. Mas trip ko ata na magsigawan kami sa bahay. Kapag tahimik kasi parang mas nakaka-bingi.

"Dito na 'yung sasakyan," sabi ko sa kanya at ngumiti ulit bago ako lumabas sa unit niya.

Wala akong binook na sasakyan. Wala pa rin kasi talaga akong balak umuwi. Totoo naman iyong sinabi ko sa kanya... 'Di naman siguro ako pagbubuhatan nila Papa ng kamay. Nung bata ako, alam ko may ganong nangyari kay Mauve... Pero hindi na ulit naulit.

O baka hindi ko lang alam?

Ewan.

Para bang ang dami kong repressed memory nung bata ako kasi ayoko talagang alalahanin.

Mabuti na lang at nasa business district naka-tira si Achilles kaya naman kahit madaling araw na ay safe pa rin maglakad-lakad. Naghanap na lang ako ng fastfood para doon muna ako tatambay. Doon muna ako mag-iisip kung ano ba ang susunod kong gagawin.

Umorder ako ng burger, fries, at saka iced coffee float. Doon ako naupo sa pinaka-sulok. Ang daming nangyari sa araw ko pero hindi pa rin ako inaantok. Ito ba iyong tinatawag nila na adrenaline rush? Pero adrenaline saan? Sa chance na mapalayas ako sa bahay? Deep down, ultimate goal ko ba 'yon?

Taena, nababaliw na ata talaga ako.

Nakita ko na nagtext si Mauve at tinatanong kung nasan ako. Minessage ko lang sa kanya na nasa Mcdo ako. Naka-tunganga lang ako roon at naka-tingin sa kawalan.

Magmove out kaya ako? Pero hindi kasi financially possible... Ang mahal-mahal ng tuition sa Brent. Unless lumipat ako ng ibang school... Pero parang ayoko rin non.

Maghanap ako ng scholarship? Kasi kaya ko naman magbayad ng maliit na apartment basta wala akong binabayaran na tuition. Pero kaya kaya ng utak ko? Ano kaya iyong required na grades? Pero nasa law school na ako. Sana alam nila na malaking himala na kapag walang failed grades. 'Di naman siguro sila mag-e-expect ng line of 9 na grades?

Paano ba maging scholar?

Kinuha ko iyong cellphone ko para maggoogle ng available na scholarship sa Brent nang mapa-tingin ako sa harapan ko.

"Nilagyan mo ba ako ng tracking device?" tanong ko nang muling makita ko na naman si Achilles sa harapan ko. Mukhang naglakad lang siya palabas sa condo niya dahil naka-suot lang siya ng pambahay. Gray na jogger, white na t-shirt, at black na sliders.

"Mauve," sagot niya sa akin.

Kaya pala tinanong nun kung nasaan ako.

"Ah," sabi ko na lang. "Uuwi rin ako mamaya. Nagutom lang ako."

Ewan ko ba kung bakit 'di ko kayang sabihin sa kanya iyong options ko. Nahihiya talaga ako kay Achilles. Alam mo 'yon? He's got his whole life together habang ako e ang daming problemang ambag sa kanya. Nakaka-hiya.

Imbes na tumango at umagree na lang sa sinabi ko ay tumingin siya nang diretso sa akin. Ganito siguro itsura niya kapag nasa trabaho siya. Pero parang mas bagay talaga sa kanya maging prosecutor kaysa public attorney... Bagay din sa kanya maging professor. Bagay din siyang maging chef.

Kaya 'di ko masabi problema ko, e...

Ang hirap pala na iyong boyfriend mo e parang ang accomplished tapos ikaw... naliligaw ng landas ata.

"Be honest with me," sabi ni Achilles.

Sa sobrang kaba ko dahil sa tono ng pagsasalita niya ay umabot na lang ako ng tatlong piraso nung fries at saka sinawsaw iyon sa may ice cream sa kape ko na natutunaw na.

"What's the plan?"

Sasabihin ko sana sa kanya na walang ganon... Na uuwi naman talaga ako... Pero na-guilty ako bigla. Alas-tres ng madaling araw. Dapat ay natutulog na siya ngayon. Ginising ba siya ni Mauve dahil hindi ako umuwi? O siya ba ang nagtext kay Mauve na nagtatanong kung umuwi na ba ako?

Either way, nag-aalala lang naman siya sa akin...

Kaya naman kahit nahihirapan ako na mag-open sa kanya nung iniisip ko, huminga na lang ako nang malalim.

"Hindi ko pa rin alam," sabi ko. I just compromised with focusing on the fries kaysa tumingin ako sa kanya. Alam ko na importante sa relasyon na nag-uusap kayo. Pero 'di kasi ako sanay. Dahil ba 'to sa childhood ko na 'di kami nag-uusap nila Mama sa mga importanteng bagay? Basta walang nagsisigawan sa bahay, okay na 'yon.

Tss.

'Di oras ngayon para i-psychoanalyze ko ang sarili ko.

"Gusto mo bang umuwi sa inyo?" tanong niya sa akin.

"Gusto?" Umiling ako. "May choice ba ako kundi umuwi?" Umiling ulit ako.

"What do you mean you have no choice?" sabi niya sa akin. "I told you. I am here."

Napa-tingin na ako sa kanya. Seryoso iyong boses niya kaya naman akala ko ang bubungad sa akin ay seryosong mukha niya. Pero kabaliktaran ang nakita ko. He looked worried.

I was taken aback.

Hindi ako sanay.

"You can stay with me."

Hindi pa rin ako nakapagsalita. Hindi ko alam kung bakit sumisikip iyong dibdib ko dahil sa mga sinasabi niya sa akin. Naiinis ako na ganito iyong reaksyon ko sa kanya kahit magandang balita naman iyong sinasabi niya.

"Dahil ba nagguilty ka?" tanong ko sa kanya.

Naka-tingin lang siya sa akin ng ilang segundo na para bang tinitimbang niya kung ano ang sasabihin niya.

"No," sabi niya. "I don't actually feel guilty. Why should I feel guilty for?"

"Tama," sagot ko tapos ay natawa siya. Medyo nabigla ako nang kumuha siya ng fries at saka kinain iyon. Masyado na ata akong sanay na healthy lang ang kinakain niya kaya nawe-weirduhan ako kapag kumakain siya ng unhealthy.

"But seriously, Mauro, I'd rather that you stay with me kaysa pakalat-kalat ka na naman."

Napaawang iyong labi ko. "Ginawa mo naman akong parang basura."

Natawa ulit siya sa akin. "I mean, earlier, pakalat-kalat ka sa oval. Ngayon, nasa Mcdo ka. Baka sa susunod e papuntahin na ako ni Mauve sa Manila Bay dahil doon ka naman pa-gala-gala."

Sinamaan ko siya ng tingin dahil tama siya. Pero ang judger niya sa part na 'yon.

"Bakit ka kasi sunud nang sunod sa 'kin?"

"Of course," he replied. "I'm worried about you."

"Okay lang naman ako."

"I know. But still. You'd be insane to even think na hindi ako mag-aalala sa 'yo," sabi niya sa akin. Binaling ko na naman iyong tingin ko sa fries na paubos na pala. Lecheng 'to. Wala na nga akong pera, inuubos pa iyong pagkain ko.

"Thanks pero—"

"Bakit ba ayaw mo na sa condo ko na lang?"

"Weird."

"Why?"

"Basta."

"Come on. Give me a reason."

"Kasi... weird."

"Weird in what way?"

I shrugged. "I just don't want to impose."

"You can never."

Kumunot ang noo ko at napa-tingin na naman sa kanya "Never what?"

"Impose on me," sabi niya. "Because I'll give you anything willingly."

Bahagyang napaawang iyong labi ko.

"In case you haven't noticed yet," diretsong sabi niya habang naka-titig sa mga mata ko. Gusto kong ibaling ang tingin ko kahit na saan pero para bang magnet iyong mga mata niya na pinipilit na sa kanya lang ako tumingin. "I am in love with you."

Alam mo iyong sa sobrang bilis ng tibok ng puso mo, naririnig mo na 'yon sa tenga mo? Ganon iyong nararamdaman ko ngayon. Rinig na rinig ko iyong bawat pagtibok ng puso ko dahil sa sinabi niya.

Kasi alam ko naman sa sarili ko na mahal ko siya.

Pero hindi ko sinasabi sa kanya kasi sapat na sa akin na mahal ko siya—'di ko naman kailangang marinig sa kanya kasi... ewan. Ramdam ko na mahal din naman niya ako dahil sa lahat ng ginagawa niya para sa akin.

Pero iyong marinig mula mismo sa kanya?

Na mahal niya ako?

Wow.

Ganito pala iyong pakiramdam.

Na nawala iyong sama ng loob ko kahit inubos niya iyong fries ko.

"So, no, you're never imposing," dugtong niya na para atang gusto niya akong bigyan ng atake sa puso dahil ayaw niyang tumigil sa mga pinagsasasabi niya. "Stay with me or you can also go back home. I just want you to be safe."

Hindi ako makapagsalita pero pinipilit ko iyong sarili ko dahil baka kung ano na naman ang lumabas sa bibig niya.

"Okay."

Iyon lang ang kinaya ng bibig ko.

"Uuwi ka?"

Tumango ako. "Tulog pa naman sila Mama," sabi ko sa kanya. "Di na lang ako lalabas sa kwarto muna ngayong araw. May tubig saka skyflakes naman ako sa kwarto."

"Okay," sabi niya sa akin. "But if you feel like the silence is too much, you can always stay with me. I promise. You're not imposing."

"Grabe... Wala pang one year, gusto mo mag-live in na agad tayo," tukso ko sa kanya para lang mabawasan iyong pagka-seryoso nung usapan namin.

Umirap siya. "Ewan ko sa 'yo."

Natawa ako. "Di ako magaling magluto."

"I won't be asking you to cook for me. All I ask is that if you ever try, don't burn the unit down."

"Grabe ka naman! 'Di naman ako aabot sa ganong punto."

"Sigurado ka?"

"Oo."

"Just in case—meron akong fire extinguisher sa unit. Marunong ka bang gumamit non?"

"Oo. 'Di ba pipindutin lang naman 'yon?"

"May safety pin 'yon na tatanggalin mo muna," sabi niya sa akin na para akong bata na tinuturuan.

"See? Hindi pa ako ready for mature roles. Willing ka ba talaga na tumira ako sa condo mo?"

"I trust that if you can't use the fire extinguisher, at the very least, bubuksan mo iyong bintana para lumabas iyong usok. Then kung hindi mo talaga mapatay iyong apoy, tumawag ka sa front desk. Dial 0 doon sa telepono."

Naka-tingin lang ako sa kanya na gulung-gulo.

"Kung nagka-sunog ba sa bahay niyo, what's your game plan?" tanong niya.

"Wala akong game plan... dahil hindi ko naman iniisip na masusunog iyong bahay namin."

"Really? Hindi ka nag-iisip kung ano ang gagawin mo in case of emergency?"

"Uh... not really," sagot ko.

"Pero alam mo ang gagawin mo in case na may zombie apocalypse?" sarcastic na tanong niya.

"E hindi naman kasi mangyayari 'yon."

"Exactly. Pero sa mga possibleng mangyari, wala kang clue sa gagawin mo."

"Pinapagalitan mo ba ako?"

"Oo."

Napaawang iyong labi ko. "Grabe... Sensitive ako ngayon. Handle me with care."

Bahagya pa ring kunot iyong noo niya. "I'm serious. 'Di uubra pagpapa-cute mo sa akin ngayon," diretsong sabi niya. "Kapag may sunog, I need you to quickly get out of the building."

"Bawal ko kunin iyong mga gamit ko?"

"Things can be replaced."

"Pero ako irreplaceable?" He shook his head in disappointment sa sagot ko tapos ay tinawanan ko lang siya. "Fine, whatever. Alam ko rin naman na kapag may lindol, pupunta ako sa ilalim ng lamesa at magtatago doon."

"Yes. And when the earthquake stops, immediately vacate the building because of the aftershocks."

Sumikat na iyong araw at pinapangaralan lang ako ni Achilles ng kung ano ang mga dapat kong gawin in case of emergency. Thankful din ako dahil kahit papaano e nawala sa isip ko iyong problema ko sa bahay. Hindi ko alam kung sinadya niya ba iyon. Pero thankful pa rin ako. Nakakapagod din kasing isipin iyon. At least nakapagpahinga iyong utak ko.

"Sorry," sabi ko sa kanya.

"What for?"

"May pasok ka ngayon pero wala kang tulog."

"I'll take a sick leave today," sabi niya.

"Masakit ulo mo?" nag-aalalang tanong ko.

Umiling siya. "Just want to be here for you today in case na kailangan mo ako."

Napaawang iyong labi ko.

Hindi ko alam kung ano bang kabutihan ang nagawa ko nung past life ko para bigyan ako nung ganitong klaseng tao.

"Salamat."

He gave me a quick smile. "Breakfast?" he said instead.

Tumango ako. "Dalawang pancake, hashbrown, at saka sausage."

Kumunot iyong noo niya. "Waiter ba ako? Pipila tayo don sa counter."

"Tss. 'Di ba pwede na ibili mo na lang ako?"

Umiling siya. Epal talaga. Pumila kami sa counter. Nung tinanong kung dine in ba o take out, napa-tingin si Achilles sa akin dahil hindi agad ako sumagot doon sa cashier.

"Take out," sabi ko doon sa may cashier tapos ay ibinalik ko iyong tingin ko kay Achilles. "Promise hindi ko susunugin iyong condo mo," dugtong ko tapos ay nakita ko iyong pagka-bigla sa mukha niya bago siya natawa.

Grabe... mahal ko pala talaga 'tong taong 'to kahit gaano siya ka-epal minsan. 

**

This story is already at Chapter 35 patreon.com/beeyotch. Subscription starts at 100php per month for all stories. You can also join the patreon facebook group. You can email [email protected] for assistance :) Thank you! 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top