Chapter 27
Chapter 27
Ngayon lang ako sobrang na-stress sa recit. Dati naman ay kapag may bokya ako na recit, ang lagi ko lang naiisip ay sayang naman iyong binayad ko sa tuition kung sakali... pero hanggang doon lang iyon. Oo, sayang, pero hindi ganito iyong pakiramdam na para ba akong pinagbagsakan ng langit at lupa.
Fuck.
Simula ngayon, babasahin ko na lahat ng kaso. Hindi na pwede iyong ginagawa ko dati na 'bahala na si Lord.' Kasi ngayon, iba na. Hindi lang sayang iyong bayad ko sa tuition. Alam ko na gagawin 'tong dahilan nila Papa para sisihin si Achilles kahit wala naman siyang kasalanan sa pangit na recitation ko.
"Sipag, ah," kumento ni Tin sa akin dahil tuwing wala akong ginagawa sa office, hawak ko iyong codal o kaya nagbabasa ako ng case.
"Sorry. Busy ako. Naghahabol ng grades," sabi ko sa kanya nang makita ko sa peripheral vision ko na kakausapin niya na naman ako.
Sana hindi siya na-offend. May pagka-chismosa si Tin, pero ayos lang naman sa akin. Kung hindi din dahil sa kanya ay baka hindi ako tumagal dito sa trabaho kasi sobrang boring minsan. Pero wala akong oras ngayon para makipag-usap. Kailangan kong mag-aral.
Hindi na ako kinausap pa ni Tin. Sana talaga hindi siya na-offend kasi nang 4:30 pa lang ay nag-aayos na ako ng gamit. Saktong 5:00 ay umalis na agad ako para maka-punta agad ako sa school. Gamit ko na ulit iyong sasakyan. Para nga akong tanga nung una ko 'tong ginamit. Tinignan ko bawat sulok kasi baka may tracking device.
Paranoid na nga ata ako talaga.
Pagdating ko sa school, dumiretso ako roon sa may cafeteria. Wala ng masyadong tao roon dahil uwian na iyong mga college students. Tahimik lang akong nagbabasa ng codal dahil Obli naman iyong subject namin ngayon.
"Hey," sabi ni Niko nang maupo siya sa harap ko. "You want?" tanong niya sa akin nang makita ko na may hawak siyang slice ng strawberry shortcake.
Umiling ako. "Pero salamat."
"Okay," sabi niya.
Akala ko ay iiwan na ako ni Niko pero humingi lang siya ng disposable spoon tapos ay nagsimulang kumain nung cake. Napa-tingin ako sa kanya.
"Got this for Assia, but I don't wanna piss off Vito today so... I guess it's mine," sabi niya sa akin. Tumango lang ulit ako. "Oh, I'm sorry," dugtong niya tapos ay sinara iyong lalagyan dahil baka inisip niya na iniisip ko na istorbo siya. I mean... medyo. Pero hindi ko naman pwedeng palayasin lahat ng lalapit sa akin. Baka maging social paraiah naman ako bigla.
"No, okay lang," sabi ko sa kanya. "Alam mo ba kung pwedeng magvolunteer sa Consti?" tanong ko sa kanya. Kasi alam ko maraming connection 'tong si Niko. Baka lang alam niya. Kasi talagang nababagabag ako doon sa Consti 2 recitation ko. Kung iyon lang ang recit ko buong finals period, nakikita ko na agad na babagsak ako roon. 1/3 ng grade ko 'yon.
"Not sure... but I can ask around," sabi niya sa akin.
"Okay. Salamat."
Tumango lang siya ulit. "I have a lot of bad recits, too. I guess let's just do our best on our finals," sabi niya sa akin.
Okay din pala 'tong si Niko...
Lalo na nang sabihin niya sa akin na wala raw iyong prof namin ngayon pero may quiz daw. Naka-receive kasi siya ng text mula sa kung sino man. Sobrang thankful ko dahil sinabi niya 'yon. Kasi kung hindi niya sinabi, magfofocus lang ako sa bandang simula nung coverage tapos babasahin ko na lang habang ongoing iyong class iyong ibang topics. Pero ngayon na sinabi niya na may recit, babasahin ko na lahat.
Tahimik lang kami ni Niko na nag-aaral hanggang sa pumunta na kami sa classroom. Wala siyang dalang papel kaya binigyan ko siya. Para sa taong mayaman, wala siyang school supplies.
Huminga ako nang malalim nang makita ko na proctor iyong pumasok sa room namin. Tama nga si Niko. Masaya pala talaga magkaroon ng kaibigan sa law school... Tama pala iyong sinasabi ni Achilles na mas magsusurvive ako sa law school kapag may mga kaibigan ako. Kaya pala lagi niya akong inuurge na sumama kapag may lakad iyong block ko.
Sana kapag sinabi ko na talaga kila Mama ay matanggap nila si Achilles... kasi hindi niya naman ako hinihila pababa... if any, magandang influence pa nga siya sa akin.
I genuinely think that he wants the best for me.
And my parents should be glad that I'm with someone like him.
* * *
Pakiramdam ko talaga ay naka-sagot lang ako sa quiz dahil kay Achilles. Karamihan kasi sa mga tanong doon ay nasabi niya na sa akin dati. At least hindi na ako kabado masyado... kasi baka mabaliw na ako kung parehong Consti 2 saka Obli e delikado iyong grades ko.
"Okay ka lang?" tanong ko kay Assia dahil nakita ko na problemado siya. Ang transparent kasi ng babaeng 'to. Halata sa mukha niya kung kinakabahan siya, kung masaya siya, o kung anuman ang nararamdaman niya.
"Hindi ako naka-sagot nang maayos..."
"Oo nga, e..." sagot ko na lang kasi parang gago naman kung sabihin ko na naka-sagot ako e sinabi na nga sa akin nung tao na nahirapan siya.
Nag-usap lang kami ni Assia hanggang sa nagsabi ako na uuwi na ako kasi balak kong magpahinga muna sandali tapos magrereview na ulit ako. Kilala ko iyong sarili ko. Kahit sabihin ko pa na gigising ako ng madaling araw para magreview, alam ko na hindi ako ganoong klaseng tao.
Nakita ko na parang problemado si Assia nung tinanong siya ni Vito kung sasabay ba siya pauwi. Ewan ko. Pakiramdam ko sasagasaan na ako ni Vito pero nag-offer ako kay Assia kung gusto niya na sabay na kami kasi uuwi na rin naman na talaga ako.
Saka kung tina-track man ako ni Papa, bahala siya d'yan mabaliw kung bakit napadpad na naman ako kung saan.
Habang nasa sasakyan kami, tahimik lang si Assia. Tapos maya-maya dahil na-stuck kami sa traffic, nag-usap na rin kami tungkol sa buhay namin. Sinabi niya na nag-aaral daw siya sa Manila kasi gusto niyang maging abogado. Marami daw kasi sa kanila na land-grabber. Iyon daw ang dahilan niya kung bakit nagsisikap siyang mag-aral.
Sana mahanap ko rin iyong purpose ko.
* * *
Pag-uwi ko sa bahay, dumiretso ako sa kwarto. Dumaan muna rin kasi ako sa drive thru bago umuwi. Ayoko talaga makita sila Papa dahil bad trip talaga sila.
Nagpalit lang ako ng damit tapos ay naupo agad ako sa study chair. Nagtext ako kay Achilles na naka-uwi na ako. Nilagay ko sa DND iyong phone ko kasi alam ko na kapag nagreply siya ay magrereply din ako. Tapos 'di na naman ako makakapagconcentrate sa pag-aaral. Basta mamaya na lang ako magche-check ng notif bago matulog. Mas importante na mag-aral ako.
Dalawa iyong subject ko bukas—Crim 2 saka Consti 2. Kailangan kong magfocus.
I badly wanted to read Consti 2 dahil ramdam ko pa rin ngayon iyong bokya ko kaso alam ko na dapat akong dumiskarte. Close to impossible na matawag ako sa Consti 2 ulit kasi naka-rounds kami. Ang plano ko ay magvolunteer na lang kapag natapos kami sa rounds. Mas okay na magfocus ako sa Crim 2.
Naka-pomodoro ako.
I read the annotated book and highlighted all the important parts. Medyo ma-trabaho pero at least bukas makaka-concentrate ako sa mga naka-highlight na parts. Ang bilis kasi sa Crim 2 dahil sobrang daming crimes ang kailangang ma-tackle. Wala pa kami sa Special Penal Laws.
Grabe... ano ba 'tong pinasok ko?
Naka-anim na puno na ako (worth 25 minutes each) nang makaramdam ako na information overload na ako. Nahiga na ako sa kama tapos tinignan ko iyong notif ko.
Nagtext si GLOBE—ito na ata ang favorite notif ko.
'How was your day?'
Kanina pa iyong reply niya. Sumagot pala siya agad nung nagtext ako. Nakakaramdam kaya siya nung urge na magdouble text kapag hindi ako nagrereply agad? Pareho kaya kami sa aspeto na 'yon?
'Kapagod,' sagot ko. 'Nagreview ako sa crim kaso may consti din ako bukas.'
Hindi ko na sinabi sa kanya iyong problema ko sa Consti. Hindi niya naman problema 'yon. Saka ayoko naman na puro problema sa acads ang sinasabi ko sa kanya.
'Magkasunod ba?'
'Yup.'
'On deck ka ba sa parehas?'
'Hindi. Natawag na ako sa Consti.'
'Okay. Galingan mo. Finals na.'
Ewan ko ba pero nasanay na ata ako kay Achilles na ganito siya. Kung sa ibang tao ko 'to narinig, mabu-bwisit ako. Pero sa kanya? Alam ko na gusto niya lang na maging maayos ako.
'Thank you!' sabi ko tapos binasa ko iyong reply ko. Parang ang galit nung dating. Hineart react ko rin iyong message niya para hindi ako mukhang galit.
'Nagquiz pala kami kanina sa Obli. Nakasagot ako.'
'Congrats,' sabi niya. 'Mas mahirap iyong Contracts. Kapag nalilito ka, message mo lang ako.'
'Bawal tawag?'
Parang nagwish lang akos a wishing well tapos ang bilis na-grant dahil nakita ko na na tumatawag si GLOBE.
"Kamusta work?" bungad ko nang sagutin ko iyong tawag niya.
"Okay naman," he replied. "Ang dami lang cross. Nakakapagod."
"Mahilig ka ba mag-object?"
"Kapag may kailangan lang i-object."
"Bawal ba mag-object for fun?"
"Pwede naman... kung gusto ko pagalitan ako ng judge."
Natawa ako. "Di mo pa na-try?"
"Hindi. Hindi naman ako baliw," sabi niya sa akin.
Naka-higa lang ako sa kama habang nag-uusap kami sa mga experience niya sa mga hearing. Iyon lang pinag-uusapan namin pero parang nawala iyong pagod ko sa buong araw. Para bang ito na iyong pahinga ko? Na kung ito rin pala iyong kapalit nung buong araw na stressed ako sa acads, okay din pala.
"Ikaw? Kamusta school?" he asked.
"Okay naman," sagot ko. "Kabado lang kasi nga finals na. Bigat ng finals recit, e."
"Just do your readings religiously," sabi niya. "Totoo iyong sinabi nila na bar review started on your first day in law school."
"Ay, paano ka pala nung bar review mo?" tanong ko sa kanya.
Ang saya sana kung sabay kaming nasa law school. Study date, ganon. Pero ang saya rin kasi na ahead siya sa akin. Ang saya kaya kapag tinuturuan niya ako.
"Wala naman. Nag-aaral lang."
"Kinabahan ka?"
"Syempre."
"After mo magtake, sure ka na papasa ka?"
"Sakto lang."
"So, sure ka nga?"
"Sakto lang."
"Tss... yabang," sabi ko. "Ano BAR rating mo?"
"Hindi mo pa ba nasama 'yan nung iniistalk mo ako?"
"Feel na feel mo talaga na iniistalk kita."
"Bakit? Hindi ba?"
"Hindi, ah."
"Swear on your BAR?"
I wrinkled my nose. Bakit ba nauso 'yan sa law school? Hirap tuloy magsinungaling kapag sinabihan ka ng ganyan! Para kasing sinusumpa ka na hindi ka papasa sa BAR kapag nagsinungaling ka, e.
"Fine..." sabi ko. "Curious lang naman kasi ako."
Natawa siya. "Finally, some honesty."
"So, ano nga rating mo? Ang alam ko lang e hindi ka kasama sa top."
"Sorry. Nakakahiya naman sa 'yo."
Natawa ako. "Sa totoo lang. Sa sobrang yabang mo, dapat topnotcher ka."
I heard him laughing. Fuck. Gusto ko tuloy magFaceTime para makita ko iyong mukha niya. Buti na lang okay na ulit kami. Ayoko nung iniisip ko na galit siya sa akin. Hindi ba pwede na ganito lang kami?
"87.89 iyong grade nung top 10," sabi niya. "87.87 iyong grade ko," he replied.
"Grabe... Sayang. Ang lapit na pala."
"It's fine," he replied. "I was sick the last Sunday. Buti nga pumasa pa ako."
Nanlaki iyong mga mata ko. "May sakit ka habang nagte-take ng BAR?"
"Lagnat lang."
Shit.
Naalala ko nung nakita ko siya sa condo na may sakit siya... What if ganon din nung nag-e-exam siya? Wala ba talagang nag-aalaga sa kanya?
"Achilles," pagtawag ko sa kanya.
"Hmm?"
"Don't worry—next time na may sakit ka, may mag-aalaga na sa 'yo."
And then I saw him requesting FaceTime.
"Ano?" sabi ko. Ramdam ko iyong pamumula ng mukha ko dahil naka-tingin siya sa akin. Pareho pala kami na nasa kama na at naka-higa. Kung sabagay, anong oras na rin.
"I miss you," biglang sabi niya. Namumula na iyong mukha ko kanina pero ngayon ay lalabas na siguro iyong usok sa tenga ko sa sobrang init ng mukha ko.
Tangina naman nito! Alam ko malandi siya, pero mas nakaka-bigla kapag ganito na dire-diretso siya magsabi ng I miss you.
Gusto kong sabihin na miss ko rin siya. Syempre miss ko na siya! Pero ewan ko ba bakit nahihiya ako sa ganon. Siguro baliktad talaga kami. Siya e malakas ang loob magsabi ng mga ganyan pero kapag physical touch e nahihiya siya. Ako naman iyong nahihiya sa mga salita na ganyan.
"Talaga," I said, scoffing.
Natawa siya. "When can I see you?"
"Weekend?" sabi ko. "Busy ako sa acads. Finals season."
Tumango siya. "Saturday or Sunday?"
"Di ko sure pero sabihan kita agad," sabi ko sa kanya.
"Alright," sabi niya sa akin. "Just text me when you get to work and when you get home," dugtong niya. "Just want to know that you're safe."
Tangina talaga nito.
Tumango na lang ako kasi tangina... ganito pala kiligin?!
"Good night, future pañero," sabi niya at tumango na lang ako bago ko pa masabi sa kanya na puntahan niya ako kasi sigurado ako na isang sabi ko lang ay talagang pupunta siya rito.
**
This story is already at Chapter 30 patreon.com/beeyotch. Subscription starts at 100php per month for all stories. You can also join the patreon facebook group. You can email [email protected] for assistance :) Thank you!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top