Chapter 22
Chapter 22
Tama talaga iyong naging desisyon ko na hintayin na matapos iyong midterms exam ko. Simula nung hinalikan ako ni Atty. Marroquin, iyon na lang ang laman ng utak ko. Wala na atang space para sa ibang bagay! Mabuti na lang at may ilang araw pa ako bago bumalik sa school kasi kung nasa school na ako ngayon? Sobrang delikado. Imbes na provisions ang nasa utak ko e rehash ng mga kaganapan sa condo niya ang naiisip ko.
Tsk.
Ang lala ko pala magka-gusto. Buti 'di ako maaga lumandi kagaya ni Mauve dahil kung hindi ay baka hindi ako naka-tapos ng high school.
Nasa kusina ako at naghihintay na kumulo iyong nilalaga ko na baboy. Sabi kasi ni Atty. Marroquin ay subukan ko naman daw kumain ng hindi cup noodles. Tinukso ko siya na worried siya sa akin. And in true AVM fashion, sinabihan niya ako na hindi lang daw talaga healthy iyong eating habits ko.
Masunurin pala ako.
Ang dami kong self-discoveries.
Kausap ko si Atty. Marroquin ngayon sa text. Nasa court siya ngayon at may hinihintay na document kaya kausap niya ako. Alam ko na anytime ay hindi na naman siya magtetext. Kapag ganon, iniisip ko na lang na busy siya. Magtetext naman kasi talaga 'yon kapag wala siyang ginagawa. Kaya kahit kating-kati iyong daliri ko na mag-double text ay nagtitiktok na lang ako.
"Mauro."
Halos mapa-talon ako sa kinauupuan ko nang marinig ko iyong boses ni Papa. Napa-tingin ako sa kanya at napa-kunot ang noo.
"Wala kayong pasok?" tanong ko sa kanya dahil kalagitnaan ng Tuesday ngayon. Wala bang krimen na kailangang ma-solve ngayon? Sobrang na-e-enjoy ko pa naman iyong peace and silence dito sa bahay dahil ako lang mag-isa.
"Naka-leave ako," sabi niya.
Tumango na lang ako kahit na na-weirduhan ako. Hindi kasi pala-leave si Papa. Tipong kahit may sakit kami nila Mauve ay papasok pa rin siya sa trabaho dahil ang reason niya ay hindi naman siya doctor at wala naman sa kanya ang gamot. I mean... may point naman siya.
"May kailangan ka po ba?" tanong ko sa kanya dahil nandon lang siya sa kusina imbes na pumunta sa kwarto o sa kung saan man basta 'wag dito sa kusina.
Napa-tingin si Papa sa phone ko. Agad akong nakaramdam ng panic dahil ka-text ko si Atty. Marroquin doon. Mabilis kong inabot iyong cellphone ko at saka tinaob iyon para hindi niya kita iyong screen. Then I looked at him and tried to act as normal as I could possibly be.
"May lakad ka ba ngayong weekend?"
"Bakit po?"
"May pupuntahan tayo."
"Kasama ako?" Tumango siya. "Okay... Saturday o Sunday?"
"Aalis tayo ng Friday night tapos ay uuwi ng Sunday afternoon. Dalhin mo na lang iyong libro mo para doon ka na mag-aral," diretsong sabi niya sa akin na naging dahilan ng paglalim ng kunot ng noo ko.
"San tayo pupunta, Pa?" I asked kasi plano ko talaga na makipagkita kay Atty. Marroquin ngayong weekend. Gustuhin ko mang magdemand ng atensyon niya ngayong weekdays, gusto kong maging understanding dahil may trabaho naman iyong tao. 'Di ko talaga akalain na taxpayers ang magiging kalaban ko sa atensyon.
"Subic."
"Okay... bakit?"
Sobrang out of the blue lang kasi. Bakit kami magpupunta sa Subic? Also, kasama naman siguro si Mauve?
"Work-related."
"Kasama kami ni Mauve?" I asked kasi usually si Mama lang naman ang kasama niya sa mga ganyan. Buti nga 'di na nila kami sinasama sa mga gathering kasama church friends nila. Naaawa na lang ako kay Mauve kasi harap-harapan talaga sila na tinitignan siya nang masama.
"May pasok siya," sabi ni Papa.
Napaawang iyong labi ko. "Ako lang kasama?"
Tumango siya tapos ay bigla akong iniwan sa kusina. Ni hindi man lang ako binigyan ng oras para makapagprotesta! Ayoko nga pumunta sa Subic ng weekend tapos ako lang. Buti sana kung nandyan si Mauve para at least may entertainer ako. Tsk! Panira ng plano si Papa.
* * *
Nawalan na ako ng gana na kainin iyong niluto ko kaya balik na naman ako sa cup noodles. Hindi pa rin sumasagot si Atty. Marroquin tapos bad trip pa rin ako sa biglaang lakad ko sa weekend kaya naman naghanap ako ng comfort food ko aka siopao.
"I thought I was losing my mind."
Agad akong napa-tingin sa taong naupo sa tabi ko. Napaawang ang labi ko nang makita ko si Atty. Marroquin na naka-upo sa tabi ko. Nasa 711 kasi ako malapit sa condo niya. Ewan ko ba. Kasi kung wala ako ng Friday to Sunday, gusto ko na siya makita ngayon.
Isang halik lang 'yon! Isang halik lang pero mabaliw-baliw ako. Paano na ako sa weekend na nasa kabilang parte ako ng Luzon?!
"Shit, sorry. Itetext sana kita," sabi ko. Masyado ata akong naaliw sa tiktok kaya nalimutan kong i-text siya. Kasi ayoko na siya papuntahin malapit sa amin. Ramdam na ramdam ko na talaga na alam na ni Papa... o kung hindi man alam, nagdududa na siya. Sana lang 'wag niyang abusuhin iyong posisyon niya at gamitin iyon para pa-imbestigahan ako.
Hindi naman siguro siya ganon.
Sana.
"It's fine," sabi niya. "Bakit dito ka napadpad para kumain ng siopao?" he asked, confused dahil naka-tingin siya sa half-eaten siopao ko. Masama siguro talaga iyong loob ko doon sa Subic trip kaya ni hindi ko ma-enjoy ang comfort food ko. "Iba ba lasa ng siopao per branch?"
Nagkibit-balikat ako.
Kumunot ang noo niya.
"You wanna talk?" he asked like he could just read my mind and know that something's bothering me.
Bahagya lang akong ngumiti at saka umiling. "May pagkain ka ba sa condo mo?" sabi ko na lang.
Ayoko talaga munang pag-usapan iyong kay Papa. Gusto ko munang mag-enjoy. Parang ang sandali pa lang kasi na masaya ako kaya masama ba kung gusto kong pahabain muna? Especially since alam ko kung ano ang mangyayari kapag alam na talaga nila.
Naglakad lang kami pabalik sa condo dahil nakapagpark na pala siya. Naglakad lang siya papunta sa 711 para i-check kung ako nga talaga iyong nakita niya kanina. Habang naglalakad kami, medyo may space sa pagitan namin. Tuwing magtatama iyong balikat namin ay medyo lumalayo ako.
"Ang init," sabi ko nang mapa-tingin siya sa akin na bahagyang naka-kunot ang noo na para bang napansin niya. Tumango lang siya sa sagot ko. Hindi ko alam kung naniwala ba siya sa sinabi ko o gaya ko, ayaw niya lang palakihin pa kapag pinag-usapan.
Sana pareho na lang kami.
Masama bang magpanggap muna?
Saka na iyong reality—mas masaya magpanggap na walang problema.
"You good?" tanong ni Atty. Marroquin kasi naka-sandal ako sa opposite side niya sa elevator. Ewan ko ba. Naka-tayo siya sa kabilang dulo tapos naka-tingin lang sa akin na parang sinusubukan niyang basahin iyong isip ko.
Tumango ako. "Gutom lang ako."
"Okay," he said. "Any dinner request?"
"Hmm... steak?"
"How do you like your steak?"
"Medium rare."
"Okay. Wine?"
"Red wine."
"You got it," sabi niya na bahagyang naka-ngiti sa akin. Na-guilty tuloy ako kasi pakiramdam ko ay nadamay ko iyong mood niya sa overthinking ko. Si Papa naman kasi! Bakit hindi na lang siya nagtrabaho at naisipan pang magleave? Tsk. I can't catch a break!
Pagpasok namin sa condo niya, naupo lang ako sa couch habang pumasok siya sa kwarto niya para magpalit ng damit. Mukhang nag-aaral siya kagabi kasi may naka-labas na mga libro saka mga papel. Busy siguro talaga siya kasi 'di niya naayos 'to bago pumasok sa work kanina.
Sinubukan ko lang na ayusin iyong sa libro niya tapos iyong mga papel nang matigilan ako kasi tinawag ni Atty. Marroquin iyong pangalan ko.
"Ako na mag-aayos niyan," bigla niyang sabi nang hahawakan ko na sana iyong papel na naka-patong sa may couch.
"Okay..." sagot ko na bahagyang naka-kunot iyong noo. Sabi ni Mauve na may pagka-main character syndrome ako na ako lang ang napapansin ko pero parang mali naman. Bakit napapansin ko lahat kay Atty. Marroquin? Bakit alam ko na may something sa papel na iyon na ayaw niyang mabasa ko?
Binitawan ko iyong papel. It's his story to tell, anyway. Kung ayaw niyang sabihin sa akin, fine by me. May mga bagay din naman na ayaw ko munang sabihin sa kanya.
Instead, naupo ako roon sa stool sa kitchen island.
"May maitutulong ba ako ngayon o moral support lang?" I asked.
Naka-tingin si Atty. Marroquin sa akin habang naka-tayo siya sa other side nung kitchen island. He was looking at me intently na kita ko iyong konting wrinkles sa noo niya. Dahil kaya sa age iyon o dahil sa stress sa trabaho niya? Either way, bagay naman sa kanya.
"That document was from my brother," sabi niya.
Naka-tingin lang ako sa kanya kasi hindi ko alam ang sasabihin. This felt like a serious topic. Mas mabuti na manahimik na lang ako.
"Sorry. I did tell you before na wala akong kapatid," dugtong niya. Hindi ako nagsalita. "O baka nalimutan mo na na sinabi ko 'yon?"
Inirapan ko siya. "Naaalala ko," sagot ko.
He slightly arched his brow. "Really."
"Yes," sabi ko na tumatango. "Sinabi mo na wala kang kapatid, wala kang pinsan kaya hindi mo kilala si Peppa Pig."
Natawa siya. "You remember the weirdest things. Kaya siguro wala ng space sa utak mo para sa legal provisions."
"Alam mo, okay lang naman na kiligin. Hindi mo naman ako kailangang laitin para itago na kinilig ka dahil naaalala ko iyong mga sinabi mo sa akin ngayon."
Bahagyang nanlaki iyong mga mata niya. See? Kilala ko na talaga siya ngayon. Ang love language siguro talaga niya ay mamilosopo. Kaya siguro mamamatay talaga siya kapag isang araw ay puro kabaitan lang ang sinabi at ginawa niya sa akin. Kahit naman siguro ako ay magwoworry kung mabait lang siya the whole day. Iisipin ko na may sakit siya.
Tumalikod na si Atty. Marroquin tapos ay kumuha ng steak sa ref niya. Tuwing kailan kaya naggrocery 'to? Saka magkano budget niya? Ang daming laman lagi ng ref niya, e.
"Ribeye?" he asked me tapos pinakita niya iyong steak cut.
"Okay," I replied.
Naka-upo lang ako roon habang pinapanood siya na magstart magluto. Ewan ko ba. Sabi sa akin sa reddit, 'wag ako masyadong mag-overthink ngayon. Enjoy the ride lang daw. Pero ako 'tong si tanga, hindi mapigilan maging futuristic. Bakit bigla kong naiisip iyong future namin?! Na ako iyong tiga-tikim ng lulutuin niya tapos siya palaging in-charge sa dinner and lunch.
Tsk.
Kahit sa imagination ko, wala akong ambag sa condo na 'to.
Para matigil na ako sa kaka-imagine, gusto ko sana siyang tanungin tungkol sa kapatid niya, pero ayoko rin. Basta makikinig lang ako kapag nagkwento siya. If hindi, well, at least alam ko na na may kapatid siya somewhere in this world.
"She's in the US," biglang sabi ni Atty. Marroquin. "I haven't talked to her in a while kaya minsan nalilimutan ko na may kapatid ako."
I remained silent.
Bigla kong naisip na hindi kami nag-uusap ni Mauve... ang hirap naman non.
"When our parents died, I was the one who wanted to sue. Maybe it was idealistic of me, but I wanted justice for my parents. Iyong kapatid ko, gusto niya na lang matapos iyong lahat... So, she agreed with the settlement," he said while cooking the steak. Ang hirap siguro para sa kanya na sabihin 'to kaya ayaw niyang makita ko iyong mukha niya. "I was so mad at her when she settled with the people who were responsible for our parents' death. I told her that we didn't really need the money, but all she wanted was to be able to get away from everything. So, she gave me my share of the money. She went to the US. Haven't heard from her since."
Ramdam na ramdam ko iyong bigat.
"She sent a document," biglang sabi niya. "She's asking about the house in the province. Kung kailan ako papayag na ibenta na."
Lumingon sa akin si Atty. Marroquin. Kumuha siya ng wine glass at saka inilagay sa harapan ko. Nilagyan niya ng wine iyon.
"After years of silence from her, ngayon lang siya nagparamdam. Para pa sa pera."
Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko kasi hindi ko naman alam kung ano talaga iyong nangyari. Saka ang hirap din sa akin kasi may kapatid ako. Hindi ko talaga ma-imagine na hindi kami nag-uusap ni Mauve. Iyong sa Subic pa nga lang na wala siya, nase-stress na ako. Iyon pa kayang taon na hindi kami mag-uusap talaga? Tapos parang through lawyers na iyong usap namin?
"Do you just want to inform me... or do you want my honest opinion? Or opinion you want to hear?"
First time ko marinig iyong ganito kay Mauve. Madalas kasi ako magreklamo pero most of the time, gusto ko lang na may makikinig sa akin. Kasi alam ko naman ang gagawin ko. Masaya lang masabi siya out in the open.
"Honest opinion always," sabi niya sa akin.
"Okay," sabi ko tapos huminga nang malalim. Hawak ko rin iyong wine glass for emotional support. Ayoko kasi na mali iyong masabi ko sa kanya. "Gaano na ba katagal iyong sa kaso ng magulang mo bago nakipagsettle iyong kapatid mo?"
"A year."
I gave a small nod. "I know and I understand that you want justice for your parents... but ewan ko... try to see it from your sister's side. May mga tao lang talaga na ayaw ng ganyang problema. Saka baka way of coping niya na rin iyon. Baka ayaw niya lang na araw-araw ay naiisip niya iyong nangyari sa parents mo. I mean, just because she chose to settle doesn't mean na wala na siyang pakielam. People cope differently."
Rinig na rinig ko iyong kabog ng dibdib ko habang nagsasalita. First time lang kasi mag-open ni Atty. Marroquin sa akin ng seryosong bagay... tapos sobrang seryoso pa.
I didn't want to say the wrong words.
I wanted to be here for him.
But also, I wanted to always be honest with him... kahit na hindi ko pa rin sinasabi sa kanya lahat ngayon.
"Okay," he said after a few seconds that honestly felt like a lifetime.
"Galit ka ba?"
Umiling siya. "No," he replied as he went back to slicing the steak after it rested. "I already know that. It's just nice to have someone to listen to me."
Naka-tingin lang ako sa kanya kasi kinakabahan pa rin ako dahil sa okay na sagot niya. Napa-tingin siya sa akin at napa-tigil sa ginagawa niya.
"Okay ka lang?" he asked habang hawak-hawak pa rin iyong kutsilyo.
Tumango ako. "Di ka talaga galit sa sagot ko?"
Kumunot ang noo niya. "Hindi. Bakit ako magagalit?"
I shrugged. "Kasi dapat kinampihan kita?"
Natawa siya. "We don't always have to agree on everything, you know that, right?" sabi niya habang bumalik siya sa paghihiwa nung steak. "When you feel that I'm in the wrong, please call me out. I'd do the same."
I scoffed. "Never kaya ako naging mali."
"Kahit sa exams and recit mo?"
"Alam mo, hindi talaga pwede matapos ang araw na mabait ka lang, noh?" sabi ko sa kanya tapos ay tinawanan niya lang ako at saka sinubuan ng steak. "Pasalamat ka masarap ka talaga magluto."
Natawa lang ulit siya. "What time do you have to be home?"
I shrugged. "Mga 11 or 12 siguro," sabi ko.
Bahala na si Papa. Sabihin ko na lang nasa coffee shop ako o kung saan man. Tutal bibitbitin niya naman ako sa Subic, might as well enjoy my remaining days in Manila.
"May gusto akong panoorin sa Netflix," he said while we were eating our dinner tapos kinuwento niya na sa akin iyong synopsis nung documentary.
We ate dinner and then I begged him to let me wash the dishes dahil may hiya naman pala ako kahit papaano. Habang naghuhugas ako ng plato ay naligo muna siya. After that, pinahiram niya ako ng damit para daw comfortable ako. Amoy na amoy ko siya dahil gamit ko iyong mga products niya. Ang mamahal nung mga gamit niya! Mapapansin niya kaya kapag kumuha ako ng isang Paco Rabanne aftershave niya?
Paglabas ko sa CR niya, nakita ko na nasa couch na siya. Napaawang iyong labi ko nang makita ko na may charcuterie board doon sa may coffee table niya plus bowl na may popcorn. May bagong bukas na wine din doon.
Napa-tingin siya sa akin nang marinig niya siguro ako.
"Come here," he said as he tapped the space beside him like he created that space especially for me. Naglakad ako roon saka naupo sa gilid niya.
Akala ko talaga manonood kami ng netflix... pero iba talaga ata ang priority ko sa buhay.
**
This story is already at Chapter 25 patreon.com/beeyotch. Subscription starts at 100php per month for all stories. You can also join the patreon facebook group. You can email [email protected] for assistance :) Thank you!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top