Chapter 14

Chapter 14

Pagka-gising ko, imbes na tignan iyong cellphone ko kagaya ng usual morning routine ko, pumasok muna ako sa CR para maligo. Para man lang mahimasmasan ako sa kung ano ang tunay na importante—ang midterms exam ko.

Habang nasa shower ako ay paulit-ulit kong kino-compute sa utak ko lahat ng nagastos ko sa law school. Ang mahal kaya ng tuition sa Brent! Sobrang sasama ang loob ko kapag may binagsak ako na kahit isang subject doon dahil ginto ang bayaran per unit. Ang mahal din ng mga libro.

Basta, ang mahal mag-aral sa law school, period!

Hindi ko afford ang distraction ngayon.

"Sila Mama?" tanong ko kay Mauve nang bumaba ako kasi nagugutom na ako. 'Di naman kasi ako nakapagdinner kagabi. Pinaka-dinner ko na 'yung beer na pinainom niya sa akin. 'Di man lang ako binilhan ng chichirya.

"Pinagdadasal tayo."

"Baka ikaw lang," sabi ko sa kanya tapos tinawanan ako.

"Okay lang 'yan, kapatid," sabi niya sa nang-aasaar na boses.

Binuksan ko iyong ref at saka naghanap ng pagkain na ready to eat na dahil wala ako sa mood makipag-asaran kay Mauve ngayon. Based sa timeline ko, dapat tapos na ako sa Obli ngayon kasi may ibang subject pa rin naman ako na aaralin.

"Di ako in denial, okay. Ayoko lang mag-isip ngayon. At capacity na ang utak ko," sabi ko bago pa kung saan-saan makarating ang usapan. Ang aga-aga pa, ito agad bubungad sa akin? Tss. Kung may pera lang siguro ako, matagal na akong lumayas sa bahay na 'to—tapos isasama ko na rin si Mauve dahil may konsensya naman ako kahit papaano. Don siya sa CR matulog.

"Okay," she replied. "Midterms mo na, noh?"

Tumango ako. "Sasabog na utak ko sa dami ng inaaral," sabi ko sa kanya. "Bakit ba ako nasa law school ulit?"

"Inggitero ka kasi. Nasa med school ako kaya gusto mo nasa law school ka."

"Syempre. 'Di pwede na ikaw lang papansin sa pamilya na 'to."

Inirapan ako ni Mauve pero 'di naman ako natiis kaya pinagluto niya pa rin ako. Tamad kasi akong magluto—halata naman dahil hanggang cup noodles lang ang kaya ng pasensya ko.

Sabay kaming kumain dahil based on routine, mamaya pa makakauwi sila Mama. Pinagluto ako ni Mauve ng fried rice, sunny side up eggs, saka spam. Akala mo Michelin chef siya dahil pinilit niya akong magpasalamat sa kanya sa pagluluto niya para sa akin.

"Si Atty. Marroquin nga mas masarap pa niluluto, 'di naman ako pinipilit magthank you."

Unti-unting ngumisi si Mauve. "Ikaw nagpasok d'yan kay Achilles sa usapan, hindi ako."

"Maka-Achilles 'to. 'Di naman kayo close."

"So, ano nga ang niluto niya para sa 'yo? Hotdog? Eggs?"

"Alam mo... Tangina mo talaga," sabi ko habang kinukuha ko iyong plato ko tapos naglakad na ako paalis dahil sa kwarto na lang siguro ako kakain ng umagahan.

'Good morning. Magrereview ba ngayon?'

Hindi ko alam kung bakit napa-hugot ako ng malalim na hininga nang mabasa ko iyong text ni Atty. Marroquin.

'Good morning, Attorney. Masakit ulo ko ngayon. Dito na lang ako sa bahay magrereview.'

Hindi naman masakit ulo ko... pero alam ko talaga na hindi ako makakapagfocus sa review kapag doon kami sa condo niya. Hindi na rin talaga kasi ako nakapagfocus kahapon pagkatapos niyang hawakan iyong kamay ko. Sinukat niya lang naman iyong height namin pero—ay, ewan! Basta mahal ang tuition sa Brent.

'May sakit ka? May kasama ka ba ngayon?'

Maya-maya na nga ako magrereply kasi baka isipin niya na para sa taong may sakit, lagi kong hawak cellphone ko.

Inayos ko muna iyong mga gamit ko sa may study table para hindi magulo. Sinend naman na sa akin ni Atty. Marroquin iyong study materials para sa Obli kaya iyon ang aaralin ko ngayong umaga. Mamayang hapon, start na ako sa Crim kasi marami-rami din iyong elements na kailangan kong i-memorize. Mabuti na lang at matagal na akong nagstart doon dahil sa binigay niyang reviewer na may table. Kailangan ko na lang ulitin, pero medyo confident na ako doon.

"Ano?" tanong ko nung may kumatok. Tinatamad kasi akong tumayo mula sa study chair.

"May bulate ka ba sa tyan?" tanong niya sa akin habang inaabot iyong paper bag.

"Gutom pa ko, e," sabi ko na lang tapos kinuha ko 'yon. Alam ko naman kung sino nagpadala nito kasi siya lang naman nagpapadala ng pagkain sa 'kin. Ayoko na sabihin pa kay Mauve 'yon dahil 'di na naman ako titigilan.

Pagpasok ko sa loob, agad kong tinignan iyong laman nung paper bag. May lugaw doon, nilagang itlog, bottled calamansi juice, saka mga gamot.

Hindi na 'to normal na ginagawa ng kaibigan kasi kung magkakasakit ang kaibigan ko, thoughts and prayers lang ang maooffer ko.

Agad akong nagpunta sa Google para lang sure.

'If you tell someone you're sick and he sends you food, what does that mean?'

Para akong tanga na naghintay ng sagot doon. Imbes na gawin ko iyong mas importanteng bagay para sa edukasyon ko, ito ang inuuna ko. Tama ba 'yon?

'Can be that he's just a nice person.'

'He is not really a nice person,' sagot ko sa comments.

'Then the only remaining answer is that he likes you.'

Bahagyang nanlaki ang mga mata ko nang mabasa ko iyong comment.

Fuck.

'Like as a friend?' comment ko.

Grabe naman! Dinownvote ako?!

* * *

Sinubukan ko talaga na magreview. Kailangan na matapos na ako sa Obli review ko ngayong umaga dahil marami pang nag-aabang sa akin na aaralin.

"Ano'ng gagawin ko?" sabi ko kay Mauve nang buksan niya iyong pinto. Mukhang nag-aaral din siya ngayon dahil naka-tali iyong bangs niya at mukha siyang poodle.

"Ha?" gulung-gulo na tanong niya.

"Yung pagkain—si Atty. Marroquin nagpadala don," sabi ko. Nagsimula siyang ngumisi. "Wag ngayon, please lang," agad na sabi ko dahil wala ako sa mood na tuksuhin niya. Huling-huli na ako sa schedule ng mga kailangan kong aralin.

"Okay, fine," sabi niya sa akin. "Ano'ng gagawin ko? Bakit nandito ka at ginugulo ako?"

"Hindi ako makapag-aral."

"Dahil sa pagkain?"

"Hindi," sabi ko. "Kasi sabi sa Internet—"

Umirap siya. "Sabi ng 'wag kang magtatanong sa Internet—kitang mga tao 'don e very extreme magdesisyon," sabi niya agad sa akin. Sumandal siya sa may frame ng pinto niya at saka pinagkrus ang mga kamay. "So... hindi ka makapag-aral dahil pinadalhan ka ng food ni Achilles kaya ngayon, bothered ka na kung may gusto ba talaga siya sa 'yo?"

Tumango ako.

Bakit pa ako magsisinungaling?

"And hindi ka makapag-aral dahil distracted ka?"

Tumango ako.

"If you ask him and he said na may gusto nga siya sa 'yo, mababawasan ba iyong pagka-distracted mo?" she asked.

Umiling ako.

"There you go—don't ask him yet," sabi niya sa akin.

Kumunot ang noo ko. "Yan na sagot mo?"

Tumango siya. "Alam mo naman kasi gusto mong mangyari—you just want to hear it from someone else para may sisisihin ka kapag may masamang nangyari," sabi niya sa akin at sinamaan ko siya ng tingin. Hirap talaga kapag masyado ka ng kilala. Alam niya na ang kasamaan ng ugali ko.

Mauve put both her hands on my shoulders.

"Acads muna bago landi," she said as she tried to shoo me away from her room.

"Paano kapag nagtext sa akin?"

"Sabihin mo busy ka sa review."

"Di ba 'yon magagalit?"

"Kapag nagalit, problema niya na 'yon," sabi sa akin ni Mauve. "Don ka sa lalaki na maiintindihan kapag busy ka sa personal goals mo."

"Tss... parang ang dami mong experience kung makapagsalita ka."

Tumawa siya. "Marami talaga. Maaga kaya akong lumandi. Ikaw lang naman late bloomer."

Nagbuntung-hininga ako. "So... hindi ko muna siya papansinin?"

"Di ko sinabi na 'wag mong pansinin as in i-ignore mo—sabi ko, sabihin mo na busy ka sa review which is true naman."

"Pero siya kasama kong nagrereview."

Umirap siya. "Naka-graduate ka naman ng college na wala 'yang si Achilles—kakayanin mo ring magreview ng wala siya, trust me," Mauve said. Grabe naman tiwala nito sa 'kin. 'Di ba niya alam na bobo ako sa mga klase ko?

Bumalik na ako sa kwarto ko. Nakita ko na naman iyong paper bag na may padala niya.

'Hi. Salamat sa pagkain,' message ko sa kanya dahil 'di ko naman kaya na 'wag magpasalamat. Saka sabi na rin ni Mauve na 'di naman kailangan na 'di ko siya kausapin. Kailangan ko lang talaga magfocus sa exam ko.

'You're welcome. Kamusta pakiramdam?'

'Sakit pa rin ulo pero kailangan magreview.'

'Pahinga ka muna.'

'Weird. Akala ko sasabihin mo na unahin ko review kasi di ako matalino.'

'No. Health comes first always,' sagot niya. 'Eat your food and meds. Get some rest. Magreview ka pagkatapos.'

'Next week na exam ko.'

'You have plenty of time to study.'

'Weird mo.'

'Health is wealth. Di mo ba alam yon?'

'Di ako pwedeng bumagsak. Wala ako pambayad ng tuition.'

'Paraan mo ba to para manghingi ng pera?'

Tignan mo... Kapag ganyan siya, pakiramdam ko na tuloy e nilalandi niya ako!

'Di ah. Ge tulog na ako.'

Tinago ko na iyong cellphone ko sa pinaka-ilalim ng drawer ko. Ayoko na siyang kausapin dahil pakiramdam ko e magkaka-sakit na ako nang tuluyan.

* * *

Ginamit ko na iyong leave ko sa trabaho para makapag-aral ako nang mabuti. Umabsent na rin ako sa school dahil ayon sa chismis sa akin ni Niko, wala na raw pasok sa mga subjects para makapagreview ang mga estudyante. Ang alam ko sa mga friends niya sa frat nakuha iyon. Buti na lang sinabi niya sa akin.

Buong mula Lunes hanggang Huwebes ay hindi ko tinignan iyong cellphone ko. Sa awa ng Diyos ay natapos kong aralin na sa wakas iyong Obli tapos inuna ko na iyong Consti. Nung Crim 2 na iyong aaralin ko ay bumaba muna ako para maghanap ng makakain. Nasa kwarto lang kasi ako mostly. Nagkasakit kasi talaga ako nung Tuesday kaya iyong nanay ko e dinadalhan ako ng pagkain lagi sa kwarto. Okay na rin dahil nakapagconcentrate ako sa pagiging mabuting estudyante.

Pagbukas ko ng ref, kumunot iyong noo ko dahil ang daming pagkain na takeout.

'Sa yo yung food sa ref?' tanong ko kay Mauve dahil 'di naman mahilig magtakeout sila Papa.

'Nope.'

'Kanino?'

'Sayo.'

'Sakin?'

'Yup. Padala ni Achilles mo. Di ko na sinabi sayo kasi maaabala ka sa review mo. Dw tinanggal ko yung receipt para di makita nila mama kung sino nagpadala.'

Nanlaki iyong mga mata ko nang makita ko kung gaano karami iyong pagkain sa ref. Punung-puno iyong ref ng pagkain.

'Sinabi ko rin pala kila Mama na sakin yang food para di sila magtaka. Anyways nilagyan ko ng date yung padala so consume first yon.'

What... the... fuck?

Agad akong umakyat papunta sa kwarto ko. Kinuha ko iyong cellphone ko. Deadbatt na 'yon dahil ilang araw ko na hindi ginamit. Chinarge ko agad iyon at naka-tingin lang ako habang naghihintay na pumasok iyong mga message.

'Hi. Okay na pakiramdam mo?'

'Di ko alam kung may kasama ka sa bahay. Nagpadala ako ng pagkain saka gamot.'

'May electrolyte drinks din pala.'

Then there were texts on Tuesday.

'Are you feeling better?'

'Sorry kung nagpadala ulit ako ng pagkain. Based on what I know, puro junk food lang alam mong kainin. Lapit na ng exam mo. Pagaling ka.'

Then on Wednesday.

'Hope you're feeling better now, Mauro.'

'May pagkain pala ulit akong padala. I know you prefer GCash pero di ka makakapuntang 711 ngayon dahil may sakit ka. Next time na lang.'

And then my phone vibrated again.

'At least tell me you're okay.'

Fuck.

'Di ko alam kung talagang may sakit na ba ako o nawawala na ako sa tamang huwisyo pero ginamit ko iyong sasakyan ni Papa at saka pumunta ako sa opisina ni Atty. Marroquin.

Pagdating ko roon, agad ko siyang hinanap pero sinabi na nasa labas pa siya dahil may inattendan na hearing—nasa hearing pero nagtetext sa akin?!

"Okay lang. Hintayin ko na lang," sabi ko roon sa secretary.

Nandoon lang ako at tahimik na nakaupo. Tapos tumayo ako. Tapos naupo ulit. Hindi ako mapakali. Sana dinala ko iyong codal ko pero alam ko na 'di rin naman ako makakapagconcentrate dahil iisa lang ang bagay na nasa utak ko.

"Mauro?"

Napatingin ako sa pinanggalingan ng boses. Nasa labas ako at naglalakad doon dahil hindi ako mapakali. Kakalabas niya lang sa sasakyan niya. Naka-suot pa siya nung puting short-sleeved polo, black slacks, saka may dala-dala siyang box na maraming papel. Galing pa ata siya sa cross-examination.

"Shit. Sorry. Nasa trabaho ka nga pala," sabi ko dahil ngayon ko lang na-realize na nandito ako sa work place niya. Public officer nga pala siya. Sumbatan na naman ako nito na sinasayang ko tax ng Pilipino.

"No, it's fine," sagot niya. "Okay ka na ba?"

Tumango ako. "May itatanong lang ako tapos aalis na rin ako para 'di makaabala sa trabaho mo."

Kumunot iyong noo niya na para bang naguguluhan siya sa akin. "Okay..."

Tumingin ako sa kanya. Humugot nang malalim na hininga. Nagpanic sa utak ko kung ano ba 'tong ginagawa ko.

"Atty. Achilles V. Marroquin..." sabi ko habang pinipilit ang sarili ko na gawin 'to dahil pakiramdam ko mas babagsak ako kung hindi. "May gusto ka ba sa 'kin?"

**

This story is already at Chapter 17 patreon.com/beeyotch. Subscription starts at 100php per month for all stories. You can also join the patreon facebook group. You can email [email protected] for assistance :) Thank you! 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top