Chapter 13

Chapter 13

I cleared my throat at saka umayos sa pagkakaupo. Gusto kong isipin na nagkaroon na ng information overload kaya kung anu-ano na ang naririnig ko... pero sigurado ako na sinabi niya na 'can you please focus on me?' Saka namula iyong mga tenga niya.

May... gusto ba siya sa akin?

Kasi—

Literal na next week na iyong midterms ko! Bakit ba ngayon pa nanggugulo 'tong hayop na 'to? Gusto siguro niya na siya lang ang valedictorian kaya. Sinasabutahe ang edukasyon ko.

"Grabe, tumingin lang naman sandali sa text," sabi ko na lang.

Mamaya ko na nga hahanapin sa Google ang sagot sa mga tanong ko. Eyes on the goal, Mauro! Mas importante ang edukasyon—and most importantly, mahal ang tuition kaya 'wag na 'wag kang papayag na uulit ka sa mga subjects mo.

"Ang hirap magturo dito," sabi niya.

"Paraan mo ba 'to para manghingi ng Gcash sa akin?" balik na sabi ko sa kanya.

"May laman ba Gcash mo?"

"Meron. Kakabayad lang sa akin ni Niko, 'di ba?"

"Kasi bine-benta mo reviewers ko."

"Grabe, sa Crim lang naman!"

Umiling siya na parang disappointed siya pero halata naman na nambu-bwisit lang. "Tapos isang siomai lang ililibre mo sa akin? At tap water lang ang pwede kong inumin?"

"At least naisip kita," sabi ko sa kanya. "Hindi mo ba na-realize na pwede ko naman ibenta nang patago iyong mga reviewer mo? Mabuti nga mabait ako at naalala kitang bahagian ng blessings."

Nakaupo pa rin kami sa sahig. Nakatapong sa may coffee table iyong laptop niya kung nasaan iyong PPT presentation na ginawa niya saka iyong scratch papers na ginamit niya kapag may gusto siyang gawing visual explanation nung mga concept. Hindi ko gets kasi medyo magulo na iyong set-up pero ang... aesthetic pa rin tignan. Iyon talaga iyong tamang term.

Ang linis kasi talaga sa condo na 'to—parang ako lang iyong madumi dito.

"That's my intellectual property—you can be sued for illegal distribution," he said with his head slightly cocked on the side. Grabe... abogadong-abogado iyong dating niya ngayon. Ganito ba itsura niya kapag nasa court siya? Nakikita ko naman siya na naka-lawyer attire pero usually e hinahanap niya lang lagi si Judge. 'Di ko pa siya nakikita in action talaga.

"Idedemanda mo ako?" sagot ko sa kanya.

Tangina.

Ano'ng ginagawa ko?

Nagrereview dapat ako ngayon?

"I can," he replied.

"But will you?"

Naka-tingin lang siya sa akin. Iyong logical na parte ng utak ko, sinasabi na tumigil na ako at magfocus sa pagrereview dahil mas importante iyon. Malapit na ang midterms. Doon dapat lahat ng atensyon ko... pero iyong papansin na parte ng utak ko ay sinasabi na guluhin ko pa si Atty. Marroquin kagaya ng paggulo niya sa akin.

Kaya naka-tingin lang ako sa kanya.

Isa.

Dalawa.

Tatlo.

Nagbibilang ako sa utak ko ng bawat segundo na lumilipas na naka-tingin lang kami sa isa't-isa. Grabe naman 'to! Ayaw bumitaw! Malapit ko nang makabisado iyong patterns doon sa mata niya. Saka ngayon lang ako naka-kita ng mata na itim na itim talaga—usually kasi may pagka-brown.

"Maybe," he said after a few seconds that felt like eternity. "I'm looking to branch out."

Napa-kunot ang noo ko. "Branch out? Ayaw mo na sa trabaho mo?"

Tumayo si Atty. Marroquin. Napa-tingala ako sa kanya. Tangos pala ng ilong nito mula sa ganitong view.

"Ayos lang," sagot niya tapos pinagpag iyong shorts niya. Tumingin siya sa akin. Para akong bata kasi naka-tayo siya tapos naka-upo ako—idagdag mo pa na matangkad siya. I mean, pakiramdam ko naman magkasingtangkad kami.

"Ano'ng height mo?" I asked.

"6'1 and half," he replied.

"Weh?" I asked tapos tumayo ako. Sinubukan kong sukatin iyong height namin gamit iyong mga kamay ko. "Magka-height lang tayo pero 6'2 ako."

"Ikaw siguro 'yung tao na nagrround-up ng height."

Napaawang iyong labi ko. "Hindi ako ganon!" sabi ko tapos sinubukan na ipakita sa kanya na magka-height kami. "See? Same height tayo."

"Di naman stable kamay mo as tool for measurement," he replied.

Naka-tayo kami at naka-harap sa isa't-isa.

Nanlaki iyong mga mata ko nang abutin niya iyong kamay ko at hawakan iyon habang sinusukat iyong height namin. Diretso din siyang naka-tingin sa mga mata ko habang ginagawa iyon.

"See? Baka 6'1 ka lang talaga," he said while his eyes never left mine.

Pota...

Gaano ba ako ka-bobo sa Obli? Kailangan ba talaga na nandito ako?!

Humakbang ako paatras saka tumango. "6'2 ako. 'Wag kang maingay," sabi ko sa kanya saka tinalikuran ko siya at nagsimulang maglakad papunta sa kusina niya. "Pahinging tubig," sabi ko habang naglalakad.

Nanuyo lalamunan ko sa taong 'yon!

* * *

Hindi pa ako na-kuntento sa pag-inom ng tubig at naghilamos din ako para mahimasmasan naman ako. Nagpatuloy kami sa pagrereview nang makita ko na may message na sa akin si Mauve na nasa labas na siya.

"Uwi na ako," sabi ko kay Atty. Marroquin.

Pakiramdam ko ay nababaliw na talaga ako dahil parang nalungkot siya nang sabihin ko na uuwi ako. May exam talaga ako next week! Wala ng space sa utak ko para sa mga ganito!

"Ah... Grab ka?" tanong niya.

Umiling ako habang inaayos ko iyong gamit ko. "Nandyan kapatid ko sa baba," sabi ko sa kanya kasi ewan ko ba. Baka maisip nito na si Niko susundo sa akin—not that pinagseselosan niya sa Niko. "Nandito lang around sa area kaya sasabay na ako," dugtong ko pa na parang defensive ako na nagpa-sundo ako kay Mauve.

Ay, ewan!

Nang maayos ko na iyong mga gamit ko ay tumayo na ako. Kinuha ko na rin iyong bag ko saka sinukbit sa balikat ko. Tumayo rin siya. Mabuti na lang at may isang metro sa pagitan namin. Mukhang magka-height lang naman kami. Fake news talaga 'to. Height na nga lang maganda sa buhay ko, babawiin pa niya.

"Salamat sa time, Attorney," sabi ko sa kanya.

Bahagya siyang tumango. "Ingat kayo ng kapatid mo."

Mabilis akong naglakad palabas ng condo niya. Diretso lang ako hanggang sa makalabas ako at makarating sa sasakyan ni Mauve. Pagpasok ko pa lang doon ay naka-arko na agad ang kilay niya.

"Tahimik muna," sabi ko dahil alam ko na bu-bwisitin na naman ako nito. 'Di kasi talaga ako nagpapa-sundo dito dahil may sarili naman akong sasakyan na pakshet 'di na nakaalis sa casa. Pangalawa, busy din naman 'to kaya ayoko ng nang-aabala talaga. Pero kasi uwing-uwi na ako pagkatapos nung pagsusukatan namin ng height! 'Di na rin ako naka-concentrate masyado sa tinuturo niya non. Mabuti na lang at may notes. Iyon na lang ang aaralin ko.

"Pwede na magsalita?" sabi niya habang stranded kami sa traffic ng EDSA.

"Okay," sagot ko tapos tinodo ko iyong volume ng sasakyan.

"Condo 'yon nung hindi mo friend?" tanong niya nang patayin niya iyong radyo.

"Oo," sagot ko dahil 'di naman ako titigilan nito.

"Ano'ng ginagawa mo don?"

"Nag-aaral."

"Yan na ba bagong codeword?"

Tinignan ko siya. "Di ako kagaya mo na nag-uuwi ng babae na best friend daw kuno."

Tumawa siya. At least natatawanan niya na 'yon. "E 'di iuwi mo rin. Sabihin mo kila Mama na tutor mo."

Sinamaan ko siya ng tingin. "Ewan ko sa 'yo."

Lumakas iyong tawa niya. "Tsk. Walang denial akong naririnig... Mukhang delikado ka na, kapatid."

"Hindi nga. May midterms ako." Napatingin ako kay Mauve. Naluluha na siya sa katatawa. "Wala ka talagang ambag sa buhay ko."

"Nanahimik ako sa bahay tapos sinundo kita from QC to Mandaluyong pero wala pa akong ambag?" sabi niya sa akin. "Bat 'di ka na lang nagpahatid don sa hindi mo friend?"

Sinamaan ko siya ng tingin. "Atty. Marroquin pangalan niya," sabi ko kasi sumasakit ulo ko tuwing tinatawag niya ng 'hindi mo friend' si Atty. Marroquin.

"Ano ba name non?"

"Achilles."

"Naks. Pogi pakinggan. Mabango ba?"

"Aso ba ako? Bat ko aamuyin?"

"Kaysa naman itanong ko kung masarap ba? Kasi natikman mo na ba?"

Nanlaki iyong mga mata ko sa sinabi ni Mauve. Hayop na 'to! Dapat siguro talaga gumastos na lang ako sa Grab o kaya nagpakahirap na lang ako sa jeep dahil mas malala lang nakukuha kong stress dito sa kapatid ko. Imbes na makatulong sa pagbakante ng utak ko to prepare for the midterms, mukhang mas dumadagdag lang siya sa mga iisipin ko.

"Chill lang, Mau!" sabi niya. "Alam mo naman na love kita kahit straight, horizontal, vertical, o curve line ka pa."

Napa-sandal na lang ako saka napa-pikit. "Tangina mo talaga. Bakit ba tayo naging magkapatid?"

Mabuti na lang at tinigilan ako ni Mauve kaya nakatulog ako. Nagising ako na akala ko e nasa bahay namin dahil naka-tigil iyong sasakyan. Paggising ko, nakita ko na nasa gas station kami at naka-park. Wala si Mauve sa sasakyan. Mabuti na lang at nakita ko siya na naglalakad pabalik kasi muntik na akong kabahan na baka na-kidnap siya (na pakiramdam ko naman e medyo malabo mangyari kasi mataas din posisyon ng tatay namin sa NBI.) I mean, more enemies, for sure, pero alam din nila na 'di sila titigilan ng tatay ko kapag may nangyari sa aming dalawa.

"Gago ka iniwan mo ako sa sasakyan!" sabi ko nang makabalik siya. Lumabas na rin ako sa sasakyan.

"Bumili lang ako," sabi niya sabay pakita sa akin ng paper bag.

"Alam mo ba na maraming namamatay kapag iniwan sa sasakyan?"

"Alam ko sa baby lang 'yon saka aso. Alin ka sa dalawa?" sagot niya sa akin.

Hindi dapat sila magtagpo ng tadhana ni Atty. Marroquin. Mamamatay siguro ako sa sama ng loob kapag pinagtulungan ako ng dalawang 'to.

Binuksan niya iyong paper bag saka may kinuha roon. Hinagis niya sa akin iyong can ng San Mig Light. Akala ko e iinom din siya pero naglabas lang siya ng Coke Zero na inumin.

"Dito talaga tayo tatambay?" I asked kasi literal na nasa gas station kami. Nagkibit-balikat lang si Mauve. Malapit naman na 'to sa bahay namin. Ayaw pa siguro umuwi ni Mauve. Baka nag-away na naman sila ni Papa.

Binuksan namin iyong likod ng sasakyan niya na Fortuner tapos doon kaming dalawa naupo. Tahimik lang siya. Buti naman. Akala ko e magkakaroon na ako ng peace of mind, pero nakaka-mali lang pala ako.

"Alam mo naman na ano man mangyari, back up mo ako, 'di ba?" bigla niyang sabi. Gusto ko sana siyang barahin kaya lang ang seryoso ng mukha niya.

Tumango ako. "Alam ko," sagot ko sa kanya. "Sorry ulit sa dati."

Binigyan niya ako ng maliit na ngiti. Bata pa kasi ako nung nangyari 'yong sa kanya. Wala akong nagawa non kundi ang panoorin siya nung kinulong siya nila Mama sa kwarto. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kaya iniipon ko na lang iyong baon ko tapos bumibili ako nung paborito niyang chocolate tapos sinusuksok ko sa ilalim ng pinto niya kasi kapag nilagay ko sa bag niya makikita nila Mama tapos kukunin. Bawal kasi siya sa kahit na ano dati—aral at bahay lang talaga.

"Worth it ba?" I asked. "Sorry. Offensive ba 'yung tanong?"

"Di naman," sagot niya. "But if worth it? Oo naman," dugtong niya. "Worth it naman lagi magmahal—although mas masaya sana kung tanggap ng pamilya mo."

"Tanggap naman kita," sabi ko sa kanya. "Ako na lang pamilya mo. Supporting characters na lang sila Mama."

Natawa siya sa akin. "So... ano nga ganap sa inyo ni Achilles?"

"Maka-Achilles ka naman. Close kayo?"

"Wow... seloso? Dapat ikaw lang tatawag sa kanya ng Achilles?"

"Atty. Marroquin tawag ko sa kanya."

"Bat parang labag sa loob mo? Mas gusto mo ba na baby ang itawag mo?"

Bakit ko nga ulit siya naging kapatid?

"But in all seriousness..." sabi niya after ilang minutes na inasar niya ako. Tumigil din kasi siya dahil baka naramdaman niya na malapit ko na siyang iwanan dito. "Whatever may or may not happen, I'm in your corner—'di ko hahayaan na gawin nila Mama sa 'yo 'yung ginawa nila sa akin."

I wrinkled my nose. "Gusto mo ng award na best sister?" sagot ko kasi na-awkward-an ako bigla.

"Tangina mo talaga. Hirap mo kausap," sabi niya habang binabatukan ako.

Umuwi din kami ni Mauve nang maubos namin iyong iniinom namin. Buti na lang at wala na sila Papa. Ewan ko... minsan iniisip ko na siguro pag nakita nila na nakauwi na kami, papasok na sila sa kwarto nila. Minsan kasi e naaabutan ko na nasa labas pa sila—kita kasi sa bintana. Pero pagpasok ko, tahimik na sa bahay.

Ayaw din naman siguro nila na nagtatalo kami sa bahay... pero kasi sila, e.

Naligo muna ako tapos nahiga sa kama. Nanood ako ng Netflix. Pero ewan kasi patingin-tingin ako sa phone ko.

'Nakauwi na ko,' sabi ko sa kanya nang abutin ko iyong phone ko at nagtext na ako.

'Okay.'

'Thanks for today.'

'No problem.'

Bat bigla naman 'tong naging man of few words?

Imbes na matulog na dahil nag-info overload na ako ngayong araw, bakit ko inooverthink iyong simpleng text niya? Sabi niya lang naman na no problem. Okay naman iyong reply niya.

Tsk.

Wrong timing! May midterms ako!

'Oks. Bukas ulit?'

Para akong tanga na naka-titig sa screen ng phone ko. Kapag umoo siya, ibig sabihin okay kami. Kapag hindi... e 'di hindi. Ano'ng gagawin ko?

'Okay.'

Cool. Mukhang nasa utak ko lang ang lahat. Try ko nga rin magbilang ng tupa—'wag sana silang tumakbo. Tsk. Nahahawa na ako sa ka-kornihan ni Atty. Marroquin.

'Oks. Good night, Atty. Marroquin.'

Akala ko ay irereadzone niya na naman ako pero nanlaki ang mga mata ko nang biglang magnotify na hineart react niya iyong message ko. Tapos biglang nabago at naging thumbs up.

'Sorry napindot,' sabi niya agad agad. Kapag talaga ako bumagsak sa midterms, alam na kung sino may kasalanan! 

**

This story is already at Chapter 16 patreon.com/beeyotch. Subscription starts at 100php per month for all stories. You can also join the patreon facebook group. You can email [email protected] for assistance :) Thank you! 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top