Chapter 11

Chapter 11

"Mauro—"

Halos mapa-talon ako sa kinauupuan ko nang marinig ko iyong boses ni Papa. Hinihintay ko na matapos sa pagkulo iyong tubig dahil magluluto ako ng pancit canton. Midnight snack ko. Kailangan kong mag-aral pa dahil sayang naman effort ni Atty. Marroquin kung hindi mataas grades ko ngayong finals. Mahilig pa naman manumbat iyong isang 'yon.

"Bakit po?" sagot ko nang maka-recover na ako sa gulat. Kasi naman! May sine-search ako sa Google. Kanina pa ako nagbabasa ng results sa Quora. Hindi ko alam kung bakit ginagawa ko pa iyon kahit parang alam ko naman kung ano ang sagot sa tanong ko.

O baka hindi?

Ewan ko ba!

Sa dinami-dami ng oras kung kailan ako mag-o-overthink, ngayong exam period pa! Pakiramdam ko talaga e sinasabotahe ako niyang si Atty. Marroquin.

"May pagkain sa ref. Puro ka noodles," sabi ni Papa sa akin.

"Di ko po nakita," sabi ko na lang kahit nakita ko naman. Mas gusto kong kumain ng noodles, e.

Tumango lang siya. "Malapit na exam mo," he stated.

Accountant talaga kasi si Papa na nagtrabaho sa NBI tapos eventually, nag-aral na rin siya ng law. Ang talino ni Papa. Sinisisi ko si Mauve dahil napunta ata sa kanya iyong talino na dapat ay share kami.

"Oo nga po."

"Nakakapag-aral ka naman?"

Tumango ako. "Okay naman po."

Tipid lang siyang tumango sa akin. Naramdaman niya ata na maoovercook na iyong canton ko kaya iniwan niya na ako. Pagkalagay na pagkalaya ko sa mangkok e umakyat na ako sa kwarto ko agad.

Ewan ko ba... 'di talaga kami close ni Papa. Saka ang weird na bigla siyang nagtanong tungkol sa school ko e 'di naman kami talaga nag-uusap. Kasi siguro alam niya na kampi ako kay Mauve at ayoko sa ginawa nila ni Mama.

Pagdating ko sa kwarto, nanood lang ako ng lecture doon sa sinend ni Atty. Marroquin habang kumakain ako. Ewan ko ba kung may sa maligno talaga iyong taong iyon dahil bigla siyang nagtext habang nasa kalagitnaan ako ng panonood.

'San nga tayo natapos?' bigla niyang tanong. Kitang-kita ko sa gilid ng screen iyong pangalan niya. 1AM na. Maligno siguro talaga 'to. Dis oras ng gabi e nanggugulo.

'Sabi ko weekend, di ba?'

'Friday ngayon.'

'Saturday at Sunday ang weekend.'

'Ah akala ko kasama Friday.'

'Now you know,' sagot ko sa kanya.

'Bakit gising ka pa?'

Tss. Istorbo talaga 'to. 'Di ako makapagconcentrate sa pinapanood ko kasi ang bilis niya magreply sa akin.

'Lecture.'

'Obli?'

'Yup.'

'May naguguluhan ka pa ba?'

'Wala naman. Bawal ba manood sa ibang lecture?'

'Mas magaling ba yan magpaliwanag sakin?'

'At least ito walang kasamang attitude.'

Imbes na makinig ako sa lecture e nakipag-usap ako sa kanya. Akala ko e mga five minutes lang ang lumipas pero nagulat ako na isang oras na pala kami magka-text. Tss. Panira talaga sa magandang kinabukasan ang taong 'to.

* * *

Mabuti na lang at walang masyadong ginawa sa trabaho ngayon kaya naman naka-puslit ako ng review. Nagbasa lang ako ng codal hanggang sa pumunta na ako sa school para pumasok. Pagdating ko roon ay bigla akong hinarang ni Niko.

"May kailangan ka ba?" naguguluhan na tanong ko kasi kinakausap lang naman ako nito kapag manghihingi siya ng reviewer. I mean, 'di naman ako pwede magalit sa kanya kasi basically e ganito rin naman ako kay Atty. Marroquin.

"You wanna review together?"

"Ako?"

He nodded. "Yeah?"

"Uh... bakit?"

He shrugged. "Well, I could provide you with reasons, but are they really important?" sabi niya sa akin. Iyong itsura ni Niko ay parang anytime e maglalabas na siya ng checkbook niya at iissue-han ako ng check.

"Bakit ako?"

"Again, unimportant reasons," sabi niya sa akin. "All I know is that the reviewer you provided worked for me."

Totoo naman... nakaka-sagot na siya sa Crim 2. Kahit nga sila Assia e nagulat. Ang lala niya kasi talaga nung Crim 1. Kahit ako e na-stress para sa kanya lalo na nung para siyang sibuyas na ginisa ni Prosec.

"Uh... okay pero itatanong ko muna. 'Di kasi ako may-ari nung reviewer."

Tumango lang siya na para bang masaya na siya sa sagot ko. Weird talaga nito minsan. Dumiretso na lang ako sa school. Mabuti talaga at tinuruan ako ni Atty. Marroquin kasi nung natawag ako sa recit, naka-sagot ako. Nang magawa iyong tingin ko kay Niko, nakita ko na parang nag-ningning ang mga mata niya... Sigurado ako na haharangin na naman ako nito mamayang uwian... na totoong nangyari nga.

Na-konsensya naman ako kay Niko kasi ramdam ko na gusto talaga niyang pumasa. Ang talino rin kasi ng mga kaibigan niya. Siguro nape-pressure siya na sumabay sa kanila.

On the other hand, nahihiya na ako kay Atty. Marroquin! Pakiramdam ko ay may hangganan naman ang kapal ng mukha ko.

"Okay, fine," sabi ko kay Niko.

"Wait, really?!" Tumango ako. "Oh, good, thank you! Was just trying my luck. Would've been totally fine had you said no."

I shrugged. "Okay lang ba weekend ng umaga pero 3 hours lang," sabi ko sa kanya. "Kasi magrereview din naman ako."

Tuturuan kasi ako ni Atty. Marroquin ng gabi tapos naisip ko na ituro ko na lang kay Niko ng umaga para fresh pa sa utak ko. Kahiya naman kung nagmamagaling ako na turuan siya tapos mali pala masabi ko sa kanya. E 'di nagka-totoo iyong sinabi ko na maghahatakan kami pababa.

"Yes, yes, just tell me where and when and I'll be there," sabi ni Niko na mukhang desidido talaga na maka-pasa.

Pag-uwi ko e dumaan muna ako sa 711 para bumili ng pagkain. Dumiretso na ako sa kwarto ko.

'Sa obligations with condition tayo natapos noh?'

'Hinack mo ba CCTV sa bahay namin? Bat alam mo kung anong oras ako nakauwi?'

'Di pwede nagkataon lang?'

'Hindi.'

'Delusion mo lang yan.'

Gusto ko pa sana siyang inisin pero may maliit na parte sa akin na baka may bigla siyang sabihin tapos pota mag-overthink na naman ako. 'Di pwede ngayon at literal na ramdam ko na iyong midterms exam. Ni hindi nga ako maka-singit sa library kasi 8AM pa lang e puno na iyong nga tao. Ang lala! 'Di ko naman kaya na 7AM e nandon na agad ako.

Recurring iyong meeting na ginawa ni Atty. Marroquin. Nag-start na siyang maglecture habang kumakain ako ng siopao. Sabi niya e nakaka-distract daw ako kaya sabi ko mag-o-offcam muna ako. Sabi niya naman e mukhang tanga daw kapag siya lang mag-isa naka-on cam. Tignan mo 'tong taong 'to, hirap pasayahin.

Around 11PM e naghikab na ako. Hindi rin kasi ako naka-tulog nang maayos kagabi kasi ang tagal namin magka-text. Tapos 'di rin ako naka-tulog sa trabaho kasi nagbasa lang ako ng codal—na mabuti na lang ginawa ko kasi natawag ako sa recit.

"Bukas na lang," sabi niya nang three times na akong naghihikab saka nagluluha na talaga iyong mga mata ko sa antok.

Tumango ako. "Sensya na. Antok na talaga ako."

"It's fine," he replied. "Bukas na lang?"

"Hapon na lang," sabi ko kasi magkikita pa kami ni Niko. Nag-take down notes talaga ako habang naglelecture si Atty. Marroquin kahit na may sinend siya sa akin na notes nung mga sinasabi niya. In fairness talaga sa tao na 'to... Magaling magturo. Wala kaya siya balak maging prof? Kasi sa kanya ko naintindihan at naappreciate ang Obli talaga.

"Okay," sagot niya. "Pwede kita na lang tayo sa coffee shop? Sakit na ng mata ko humarap sa laptop."

"Uh... okay," sabi ko. "Wala akong pera."

Kitang-kita ko iyong pag-irap ng mga mata niya. "Hihingi ka na naman ng Gcash?"

"Hindi ako nanghingi! Ikaw nagbigay!"

"Banggit ka kasi nang banggit na wala kang pambili ng siopao."

"May pambili ako ng siopao! Fake news ka!"

Nawala tuloy iyong antok ko. Hanggang kailan ba niya isusumbat sa akin iyong siopao?

"Saka 39 lang sinend mo! 'Di ka pa nahiya at ginawang 52 para iyong premium siopao nabili ko. Tss."

Natawa siya. "Beggars can be choosers pala."

"Epal ka talaga."

He shrugged. "Ako na mamimili ng coffee shop bukas tutal ako naman ata magbabayad."

Masama talaga makipag-usap sa isang 'to kapag gabi dahil nawawala iyong antok ko sa irita sa kanya.

Mabuti na lang at nakapag-alarm ako dahil 8AM kami magkikita ni Niko. Sabi ko sa kanya na kung pwede ba na sa malapit na lang sa bahay namin kasi wala akong sasakyan at ayoko ngang gumastos sa byahe. Sabi niya na dadaanan na lang niya ako.

"Sino 'yon?" tanong ni Mauve nang sumilip siya sa bintana at nakita niya iyong sasakyan ni Niko.

"Classmate ko."

"Babae—" sabi niya saka natigilan siya kasi binaba ni Niko iyong bintana. Napatingin sa akin si Mauve. "Gago, ang gwapo?!"

Kumunot noo ko. "Straight ka na?"

"Gago, 'di naman ako bulag," sabi niya sa akin. "Grabe... san ka nakakahanap ng mga ganyang lalaki?" dugtong niya. Kulang ako sa tulog kaya wala ako sa mood kausapin si Mauve kasi alam ko na bu-bwisitin niya lang ako.

Dumiretso ako papunta sa sasakyan ni Niko. Nakita ko na paparating na iyong sasakyan ni Papa kaya halos takbuhin ko iyong sasakyan ni Niko. Ewan ko ba. NBI si Papa tapos feeling ko may koneksyon sa mga krimen si Niko. Ayoko lang mag-explain sa kanilang dalawa. Madami na akong iniisip as it is.

"Got you coffee," sabi ni Niko. Napatingin ako sa cup holder. In fairness naman may pa-kape. Pero parang ganito talaga 'to, e. Kasi kahit si Assia nakikita ko inaabutan niya ng cake. Kapag medyo close na kami ni Niko e itatanong ko kung poly ba silang apat. Nakakapagtaka kasi talaga... Alam ko na lahat kami sa block ay iniisip 'yan.

Nagpasalamat ako kay Niko tapos pumunta kami sa isang coffee shop. Medyo namahalan ako sa kape kasi 300php isang baso, pero si Niko naman nagbabayad kaya okay lang 'yan.

"Yeah, okay I think I get it..." sabi ni Niko habang naka-tingin siya sa may chart na ginawa ko. Nasa Obli kami. Ginamit ko lang naman iyong chart saka mga drawin ni Atty. Marroquin. Mas madali kasing intindihin!

Naka-upo sa tabi ko si Niko para mas madali. Habang inaabsorb niya iyong information, kumakain lang ako nung order ko na clubhouse sandwich saka oat milk latte.

Habang busy ako sa pagkain e nagvibrate iyong phone ko.

'Lunch na lang?'

Nakatingin ako sa phone ko sa notif tapos pinatay ko iyon. Maya ko na sasagutin. Iniisip ko kasi na uuwi muna ako tapos matutulog muna kasi inaantok pa ako.

Saktong pagbaba ko ng phone ko sa lamesa, tumingin ako sa paligid tapos nakita ko si Atty. Marroquin na nasa may bandang pinto. Mukhang kakadating niya lang. Naka-tingin din siya sa akin. Kakaway pa lang sana ako dahil 'di naman ako bastos pero biglang tumalikod at lumabas ng pinto.

Tignan mo 'yong taong 'yon.... lakas ng trip talaga!

**

This story is already at Chapter 14 patreon.com/beeyotch. Subscription starts at 100php per month for all stories. You can also join the patreon facebook group. You can email [email protected] for assistance :) Thank you! 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top