Chapter 08

Chapter 08

Buti na lang at magkaiba kami ng schedule ni Mauve kaya kahit sa iisang bahay lang kami nakatira ay hindi kami nagkikita madalas—unless maabutan niya ako sa kusina kapag madaling araw na parang racoon na naghahanap ng pagkain sa ref.

Hindi maalis sa isip ko iyong sinabi niya kahit gustung-gusto kong kalimutam. Lecheng Mauve kasi 'yan! Napaka-malisyosa. Kung anu-ano pinapasok sa isip ko. Mukha namang generous lang talaga si Atty. Marroquin. Mukha rin wala siyang masyadong kaibigan. Baka gusto niya lang ng kaibigan kaya mabait siya sa akin (minsan).

Tsk.

Nananahimik ako, e!

Ayoko ngang maging malisyoso kasi ang pangit tignan. Nangyari na rin sa 'kin 'to dati. Mabait lang naman kasi ako usually. Mas ma-effort maging masama ugali. Tapos iyong seatmate ko biglang nagconfess sa akin. Gulat na gulat siya nung sinabi ko na 'di ko siya gusto. Sinabihan pa ako na paasa. Porke mabait lang at namimigay ng intermediate pad, paasa na agad?

Ang labo nung babaeng 'yon. Simula non, nagdamot na ako sa mga papel ko.

Sigurado ako na ganon lang din si Atty. Marroquin. Mabait lang siya saka maraming pera. Saka kailangan nun nung schedule ni Judge. Pareho lang siguro kaming user.

"Assia," pagtawag ko sa kanya. Tahimik lang siya sa tabi ko na nagbabasa ng codal. Obli day na naman. Hindi ko talaga maintindihan iyong subject na 'to. Minsan, hinahabol na ako kahit sa panaginip ko. Litung-lito ako sa mga resolutory condition, suspensive condition, at kung anu-ano pa. Natatakot tuloy ako para sa future ko. Kung dito pa lang sa Obli na first year subject ay nabobobo na ako, paano pa sa higher subjects?

"Bakit?" tanong niya nang bumalik siya sa akin.

"Alam ba ni Vito na friends lang tayo?"

Kumunot ang noo niya. Kahit kasi nasa harapan kami e ramdam na ramdam ko iyong titig ni Vito sa likuran ko. Para bang iyon iyong sinasabi nila na kung nakakamatay lang ang tingin, kanina pa ako patay.

"Kailangan ko bang sabihin sa kanya?" naka-kunot ang noo na tanong ni Assia.

Tumango ako. "Para hindi niya na ako tignan nang masama." Akmang titingin si Assia kay Vito. "Wag mong tignan," mabilis na sabi ko sa kanya. Pangit naman kausap nito si Assia. Mahahalata na si Vito pinaguusapan namin. Mamaya bigla na lang nila akong abangan sa labas ng campus. May connection pa naman sa frat 'yung tatlo na 'yon.

"May ginawa ka ba sa kanya para magalit siya?" she asked.

Napaawang ang labi ko. Seryoso ba si Assia o jino-joke time niya lang ako? Kasi sigurado ako na alam ng lahat sa classroom namin na may gusto si Vito sa kanya. Halatang-halata—iyon bang tipo na parang wala man lang effort mula sa parte ni Vito na itago iyon.

"Seryoso ka?" I asked. Confusion was evident on her face. Mukhang tahimik lang na tao si Vito pero kapag si Assia ang kasama niya, ang dami niyang sinasabi. Minsan din nakikita ko sila na sabay umuuwi so mukhang hinahati niya sa bahay si Assia. Ang manhid naman—

Fuck.

Agad akong natigilan kasi parang pamilyar 'tong iniisip ko ngayon sa nasa isip ko kanina.

Mabilis akong umiling.

No, magka-iba 'yon.

Tangina talaga nitong si Mauve! Napaka-sulsol!

"Hala, bakit?" nag-aalala na tanong ni Assia.

"Wala, wala," sabi ko habang umiiling. Tahimik na nag-aaral iyong tao tapos iniistorbo ko.

Kasalanan ko rin dahil kung saan-saan lumilipad iyong isip ko kaya nung natawag ako sa Obli, hindi ako naka-sagot. In my defense, litung-lito talaga ako sa subject na 'to. Medyo okay naman ako sa Crim, sa Consti, sa Persons, pero dito sa Obli na 'to e parang hieroglyphics iyong mga provisions na 'di ko talaga maintindihan.

Pag-uwi ko sa amin, doon muna ako dumiretso sa convenience store para maghanap ng makakain. Tinatamad na akong magluto sa bahay.

Parang may sa maligno si Atty. Marroquin at naramdaman niya ata na nakatayo ako sa harap nung lalagyan ng mga siopao dahil nagmessage siya sa 'kin.

'May naiwan pa palang reviewer,' message niya. 'Kung kailangan mo pa.'

Ewan ko kung na-traumatize na ba ako nung nahuli niya akong nagstalk sa LinkedIn profile niya kaya naman nag-airplane mode muna ako bago ko buksan iyong message thread namin. Tinignan ko iyon mula pinaka-simula.

Parang... normal lang naman.

Masungit siya na pilosopo.

Tangina kasi nito talaga si Mauve, e! Dahil lang sa kape! Kung iyong katabi ko ay nadaan sa papel, ano ako? Nadaan sa kape?

Tsk.

Bumili na lang ako ng isang siopao, isang cup noodles, saka sprite zero. Buti na lang may kapatid akong magdodoctor. Pakiramdam ko kidney failure ang aabutin ko sa future.

Dumiretso ako sa kwarto ko pagdating ko sa bahay. Nag-half bath muna ako saka nanood ng sitcom habang kumakain. Hindi ako makatulog kaya nagbasa muna ako ng cases pampa-antok.

Nang magising ako kinabukasan, naghanda na agad ako para pumasok sa trabaho. Sana talaga maayos na iyong sasakyan ko kasi pagod na pagod na akong magcommute! Kung hindi kidney failure, pagod sa public commute ang magiging cause of death ko.

The next few days ay naka-focus lang ako sa Obli. Hirap na hirap talaga ako sa hayop na subject na 'yan. May isang subject talaga na magpaparamdam sa 'yo na bobo ka.

"Attorney," nabiglang sabi ko nang makasalubong ko sa hallway si Atty. Marroquin. Lunch break ngayon kaya naglalakad-lakad ako habang nagbabasa ng codal.

Nakatingin siya sa akin na bahagyang naka-kunot ang noo. Problema nito? Buti nga nawala na rin sa isip ko iyong sinabi ni Mauve. Nung nalimutan ko kasi siya replyan nung nagtext siya, talagang nawala na sa isip ko. Naalala ko after three days. Ang labo naman kung bigla akong magrereply out of nowhere.

"Wala si Judge. Naka-lunch break," sabi ko kasi malamang hinahanap niya si Judge para kulitin sa tungkol sa kung anuman.

He gave me a small nod tapos biglang tumalikod at naglakad paalis. Kumunot ang noo ko. Problema non? Sungit naman!

'Slr dami binabasa sa school,' bigla kong reply sa kanya habang nasa hallway pa rin ako.

Nakita ko na nag-read iyong message ko. Hindi ko alam kung bakit tinitigan ko iyon at naghintay na magkaroon ng text bubble, pero lumipas na ang limang minuto at wala pa ring text bubble na nagpaparamdam.

Luh...

Galit si Atty sa akin?

May nagawa ba ako?

Kakahiya naman! Nasa akin pa iyong mga reviewer niya. 'Di naman ganoon kakapal ang mukha ko. Makokonsensya akong gamitin 'yon kapag pakiramdam ko e galit siya sa 'kin.

Ayoko sanang mag-overthink pero hanggang sa matapos ang lunch break ay iyon pa rin ang iniisip ko. Ayoko naman na hanggang sa school ay iyon pa rin. Baka hindi na talaga ako maka-recover sa Obli! Taas pa naman ng units non.

Agad akong pumunta sa Grab app saka umorder ng kape para sa kanya. Mukhang siya iyong tipo na black coffee lang ang iniinom kaya iyon ang binili ko. Umorder din ako ng carrot cake kasama iyon. Ewan ko lang kung gusto niya 'yon. Kung hindi e 'di ipamigay niya na lang. It's the thought that counts.

Imbes na asikasuhin iyong pinapagawa na research sa akin ni Judge e nakaabang ako sa Grab app at tinitignan iyong pagdating niya sa Office ni Atty. Marroquin. Masabihan na naman ako na stalker non e public knowledge naman kung saan iyong address ng PAO.

"Finally," sabi ko nung nakarating na iyong Grab driver sa may opisina niya. Nakita ko rin na na-receive na ni Atty. Marroquin iyong pagkain.

'Ano 'to?' message niya.

Naglagay kasi ako ng 'Thanks sa reviewer' doon sa may notes portion. 'Di ko na nilagay iyong pangalan ko—unless may iba pa siyang binigyan ng reviewer. Syempre kailangan kong ilagay doon na sa akin galing iyong pagkain. Mamaya akalain niya na may lason 'yon tapos itapon. Ang mahal kaya ng Starbucks para sa kagaya kong normal na empleyado.

'Starbucks.'

'Obviously.'

May nabasa akong research noon na meron din daw 'time of the month' iyong mga lalaki. Mukhang totoo naman kasi may mga araw din na bwisit ako for no reason. Mukhang ngayon ang time of the month ni Atty. Marroquin. Normally masungit naman siya, pero nasa ibang lebel ata ngayon.

'Thanks para don sa reviewer mo,' reply ko sa kanya. Gusto ko sanang itanong kung galit ba siya sa akin kaso parang tanga lang.

'Nagpasalamat ka na dati. Ilang beses ka ba dapat magpasalamat?'

'Sungit mo naman. Natalo ka ba sa kaso?'

Hindi siya nag-read at hindi rin siya nagreply. Tignan mo 'tong taong 'to. Kinakausap nang maayos, e.

Bahala nga siya d'yan.

Nagfocus na lang ulit ako sa trabaho ko tapos pumasok sa school. Hindi naman sa mayabang pero nakakasagot na talaga ako sa Crim. Bilib na bilib sa akin mga kaklase ko kasi kita ko sa mga mata nila iyong inggit at admiration. Si Niko naman ay kulang na lang ata itaktak ako para ilabas ko iyong reviewer.

"Please, Mauro! I'm literally drowning!" sabi niya nung corner-in niya ako pagkatapos ng klase namin.

"Hindi nga—"

"Have you asked?"

Napa-buntung-hininga ako. "Fine," sabi ko sa kanya. "Pero I can't promise. Kapag 'di pumayag, 'di ko mabibigay sa 'yo," dugtong ko kasi syempre, intellectual property pa rin naman 'yon ni Atty. Marroquin. 'Di ko naman pwedeng ipamigay lang basta.

Habang nakahiga ako sa kama, iniisip ko kung magdodouble text ba ako sa kanya. Kasi hindi pa nga niya ako nirereplyan, e. Tapos galit ata siya for some reason tapos itatanong ko iyong kay Niko?

Parang ang kapal na nga ng mukha ko masyado.

Naramdaman ko iyong pagvibrate ng phone ko. Agad akong napaupo sa kama.

'Nanalo.'

Balik na naman siya sa timezone ng pagtetext niya.

'Congrats! Anong kaso?'

'Drugs.'

'Naks. Pero curious ako kung feeling mo ba inosente mga clients mo? O ikaw yung tipo na trabaho lang, walang personalan?'

Nakita ko na may text bubble na agad. Wala na ata siyang sumpong. Ano kaya problema nito kaninang umaga? Ang sungit, e.

'The latter but with exception.'

'Ano iyong exception?'

'Homicide, murder, and rape cases. I advise them to plead guilty and to settle if the evidence of guilt is strong.'

'Di mo ilalaban?'

'No. Work is work pero may konsensya ako.'

Si Atty. Marroquin iyong akala mo kilala mo na, pero parang ang dami niyang layers. Usually, nakakapikon iyong layers pero meron namang nakakabilib na layers.

'So kapag pakiramdam mo guilty, iaadvise mo na magplead?'

'Yes.'

'Paano mo nalalaman na guilty?'

'You just know.'

'Paano nga?'

'Hirap ipaliwanag,' sabi niya. 'Most criminals are not that smart. Halata kapag nagsisinungaling sila.'

'What if inosente talaga pero kabado lang?'

'I'll know.'

'Paano?'

'I've been doing this for a while now. You just know when your client is guilty.'

'What if super galing magsinungaling?'

'Malalaman ko pa rin.'

'Paano nga?'

'Kasi magaling ako.'

Napairap ako. Yabang talaga nito! Pero at least mukhang nasa mood na siya ulit.

'Yabang.'

'Just confident of my skills.'

'Uso humility.'

'Doesn't really suit me.'

Grabe... Ito siguro ang totoong siya.

'Nga pala. May nanghihingi ng reviewer mo sa crim 2. Kinukulit kasi ako. Mamamatay na raw siya.'

'Yeah it's fine.'

'Oks! Finorward ko na. Thanks daw sabi ni Niko.'

'Niko?'

'Yeah blockmate ko na kinukulit ako.'

'Bakit ikaw? Wala ba siyang libro?'

'Ewan ko nga rin e. Pumapasok yon na walang bag,' reply ko sa kanya. Ngayon ko nga lang din na-realize na most of the time walang bag si Niko. Kaya siguro siya ganon sa recit? Kasi halos lahat kami maraming bitbit habang siya cellphone lang.

'Okay,' sagot niya. Baka antok na. Anong oras na rin naman.

'Thanks, Atty! Sobrang nakakasagot kasi ako sa crim kaya inalam niya ang sikreto ko. At least obli na lang problema ko,' dugtong ko pa. Kasi pakiramdam ko magaling siya sa Obli. Baka makaramdam siya ay turuan na rin ako kasi hindi uubra reviewer sa akin. Ang bobo ko roon. Kailangan one on one tutorial ata ako.

'Paturo ka dun sa Niko. Baka magaling siya sa obli,' reply niya. Ang sungit naman ng epal na 'to!

**

This story is already at Chapter 11 patreon.com/beeyotch. Subscription starts at 100php per month for all stories. You can also join the patreon facebook group. You can email [email protected] for assistance :) Thank you! 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top