Chapter 05
Chapter 05
Dahil hindi ko naman alam kung may balak pang replyan ako ni Atty. Marroquin, nagsimula na akong gumawa ng digest. May outstanding offer sa akin si Niko sa digest. Kapag hindi nagreply si Atty. Marroquin sa akin within the day, papasok na ako sa kasunduan kasama si Niko. Sabi naman ni Assia e maayos naman daw kausap si Niko. Magtitiwala na lang ako doon. Wala naman siguro sa aming dalawa ang may gusto bumagsak.
Normal lang naman iyong araw ko.
Maaga akong pumasok para hindi ako maipit sa traffic pati para 'di ko na rin maabutan sila Papa sa breakfast. Sana rin maayos na iyong sasakyan ko. Kaka-umay magcommute. Pagdating ko sa office, nagbasa agad ako ng codal. Tapos trabaho na pagdating ng 8AM. Nagbabasa ako ng codal kapag may free time. Nung lunch break naman, nagsulat ako ng 3 digest habang kumakain. Ayoko kasi talaga matambakan. Tapos ay pumunta na rin ako sa Brent after class. Tumambay muna ako sa library at doon nag-aral habang naghihintay na magsimula iyong klase. Tapos umuwi na ako sa bahay.
Kumunot ang noo ko nang magvibrate iyong cellphone ko sa bulsa ko nung nasa tapat na ako ng gate ng bahay namin. Hulaan ko kung sino 'to. Isa lang naman ang may sa maligno na sa gabi lang nagpaparamdam.
'Oaks place sa mandaluyong.'
Sineenzone ko rin siya. Kapal ng mukha ko, akala mo hindi ako nangangailangan ng digest niya e. Tsk. Kahit five minutes lang. Hirap talaga kapag medyo desperado. Pride? Ano 'yon? Mas kailangan ko iyong digest niya.
Dumiretso ako sa bahay. Tinignan ko iyong ref. Wala akong trip kainin. Iniwan ko muna iyong bag ko tapos lumabas ako. May malapit naman na convenience store sa labas nung village. Parang masarap kumain ng siopao at siomai ngayong gabi.
Pagdating ko sa convenience store, nakatingin lang ako at tahimik na nag-iisip kung bola-bola ba o asado iyong bibilhin ko. Pwede naman bilhin ko pareho pero kilala ko ang sarili ko... Kapag binili ko silang dalawa, 'di na sila aabutin ng kinabukasan.
'Tell me if you're getting it now. Matutulog na ako kapag hindi.'
Napakunot ang noo ko. Arte naman nito.
'Tonight,' mabilis na reply ko dahil baka magbago isip nito. 'Wait lang atty. May pinagiisipan lang ako.'
'What.'
'Kung bola-bola o asado iyong bibilhin kong siopao.'
'Why not just buy both?'
'Kasi kakainin ko rin siya both.'
'So?'
'Isa lang nga gusto kong bilhin.'
'Kailangan mo ba ng pera?'
'Afford ko naman bumili ng siopao!'
Kapal talaga ng mukha nito, e. Palibasa malaki sahod niya. I mean, deserve din naman sa dami ng kaso na hinahawakan niya. Curious tuloy ako kung ilan ang active cases nito ngayon.
'Then buy both.'
'It's not the price, okay? Ayoko kumain ng dalawang siopao ngayon.'
'Ang laki ng problema mo.'
'E gusto ko tikman pareho e.'
'Kailangan mo ba ng gcash?'
Hayop na 'to.
Ang kupal talaga.
'Sige nga. Send ka.'
Tutal nase-stress din naman akong kausap 'to, at least magka-moral compensation man lang ako. Saka para libre na rin 'tong bibilhin kong siopao.
Biglang nagnotify iyong Gcash.
'You have received PHP 39.00 of GCash from AC*****S M. 09161234567 w/ MSG: for siopao. Your new balance is 1039. Ref No. 301121203829.'
Napakunot iyong noo ko. Napatingin ako sa presyo nung siopao.
'Suki ka ba ng siopao?'
'Why?'
'Bat alam mo saktong presyo?'
'Tingin mo sakin? Di pa nakakapasok sa 711?'
'Bakit alam mo na nasa 711 ako? Stalker ka?'
'Intelligent guess. Either that or mini-stop.'
'May lawson din. All day.'
'Mas marami iyong 711. Better guess. Nabili mo na ba yung siopao mo.'
'Yes.'
'Di ka marunong magthank you?'
'Salamat sa 39 pesos.'
'You're welcome. Galing yan sa tax ng pilipino.'
'Tapos binigay mo sa akin pambili ng siopao.'
'Ayaw mo nun? Filipino tax funded yung siopao mo?'
Nagka-girlfriend na kaya 'tong taong 'to? Siguro mala-santo iyong babae sa haba ng pasensya. Kasi nakaka-pikon din kausap 'tong si Atty. Marroquin minsan, e. Pasalamat siya isa lang akong hamak na law student na nangangailangan ng digest niya.
'Ayaw mo ba akong bigyan din ng Filipino tax funded na gulp?'
'Pagiisipan ko.'
'Kuripot. Laki ng sweldo mo.'
'Stalker. Pati sweldo ko alam mo?'
'Public official ka. Public knowledge yon.'
'If I ask a normal Filipino, hindi naman nila alam kung magkano sweldo ko.'
'Hindi naman ako 'normal Filipino,' sagot ko sa kanya kasi malamang law student ako. I mean, 'di naman sa mayabang pero I know more than the average Filipino. Sa kapal ba naman ng mga librong binabasa ko araw-araw.
'Right. Kasi abnormal ka.'
Hayop na 'to.
Pinigilan ko iyong sarili ko na tawagin din siyang abnormal dahil public attorney pa rin siya saka mas matanda siya sa akin saka professionally, senior ko siya. Kaka-banas lang talaga kausap minsan si Atty. Marroquin. Parang ang epal niya kausap kapag gabi. Kapag umaga naman, medyo okay pa siya. Siguro kasi kakagising niya pa lang. Kapag gabi siguro, badtrip na 'to sa mga nangyari sa araw niya kaya sa akin nabubunton iyong bwisit niya.
Bakit sa akin?!
Bumibili lang ako ng siopao.
Hindi ko muna siya nireplyan. Bahala siya d'yan. Umupo muna ako saka inenjoy ko iyong siopao at gulp. Ako lang naman tao rito saka iyong cashier. Pagkatapos nun, naglakad-lakad muna ako sa may village. Safe naman don. Kabado kasi tatay ko dahil sa trabaho niya kaya dito kami nakatira. Naalala ko dati nung high school ako, talagang ginapang nila ni Mama na sa safe na lugar kami tumira.
'Kukunin mo pa ba yung digest?'
Shet.
Nalimutan ko.
'Late na, Atty. Bukas na lang. Baka tinatamad ka na bumaba.'
'Okay lang.'
'Sure ka?'
'Oo nga.'
'Okay. Di kita pinilit ha. Baka isumbat mo to sakin.'
'Di ako nanunumbat.'
'Kapag ako nagtop sa batch namin wag mong sabihin na dahil sa digest mo.'
'Malabo. Di ka nagmememorize.'
'Grabe walang bilib sa akin!'
'Tignan muna natin sa midterms mo kung mataas grades mo.'
'Pano kapag mataas? Bibigyan mo na naman ako ng public fund pambili ng siopao?'
'Samahan mo na ng gulp.'
'Napaka kuripot naman nito.'
'Ano ba gusto mo?'
'Complete set ng reviewers mo.'
Ewan ko kung bakit kinakabahan ako sa reply niya. Mukhang friends naman na kami ni Atty... Medyo. Ewan ko ba! Sigurado naman ako na hindi niya ganito kausapin si Judge. Si Tin din naman 'di niya kinakausap maliban kapag may kailangan siyang itanong. Safe to assume naman ata na... friendly kami.
Saka tapos naman na siyang mag-aral! Ibigay niya na sa may tunay na pangangailangan!
'Fine.'
Nanlaki iyong mga mata ko.
Ilang beses kong pinikit at binuksan iyong mga mata ko para masigurado na tama iyong nabasa ko at hindi dahil halos madaling araw na at nasa labas pa rin ako.
'Seryoso????'
'Oo nga.'
'Lahat ha. Kasama bar materials.'
'Iba na bar reviewer mo dapat. Maraming inuupdate na batas.'
'Salamat pa rin, Atty!'
'Kunin mo na lang dito sa condo.'
'Okay. Pwede ba weekend? Dami ginagawa ng weekdays e.'
'Okay.'
'Okay. Message mo na lang ako kapag biglang may lakad o date ka ng weekend. Ako naman may kailangan so ako na mag-aadjust.'
'Sino naman ide-date ko.'
'Sabagay. Sino naman magttyaga sa ugali mo?'
"Ay, tangina!" sigaw ko sa gulat dahil tumama iyong mukha ko sa poste. Sino ba may sabi na magtext habang naglalakad?
Sana 'di magpasa. Mapagbintangan pa ako na nakikipagbasag ulo kapag nagka-blackeye ako. Sa dami ng ginagawa ko sa trabaho at binabasa sa school, san ako hahanap ng oras makipagbugbugan? Kapag lunch ko? O kapag pauwi na ako galing school?
'Madami,' sagot niya.
'Wow e di ikaw na maraming babae.'
'Lol'
'Ge na good night na madaling araw na.'
'Magmemorize ka.'
'Di nga kaya. Kulit nito. Good night na.'
'Good night, Mauro.'
Weird nito.
Bakit kasama pangalan ko?
* * *
"Are you sure?"
"Yes."
"Is that the final answer?" makulit na tanong sa akin ni Niko nung tinanong niya ulit ako kung ayoko ba daw talaga na magdigest pool kaming dalawa.
"Yes," ulit ko sa kanya. "Magfull text ka na lang din."
"But it's too long!"
I shrugged. E mahaba talaga. Ano'ng magagawa? Kung wala nga si Atty. Marroquin, babasahin ko rin naman din ng full text e... O baka mapa-oo na rin ako ni Niko. Ang galing pa naman mangumbinsi non—minsan may kasama pang pera iyong alok. Ano kaya pakiramdam nung every minor inconvenience sa buhay mo, ang sasabihin mo ay 'how much?'
'Good afternoon, Atty! Free ka ngayon?'
Bandang alas tres na ng hapon ako nagmessage kay Atty. Marroquin. Inisip ko kasi na pagod din naman siya sa mga ginagawa niya sa trabaho. Baka gusto niya lang magsleep in ngayong weekend o kung anuman ang ginagawa niya sa umaga. Ayoko naman siya istorbohin sa umaga.
Hindi ako nag-expect na sasagot agad siya. Gets ko naman na busy talaga siyang tao kahit minsan nalilimutan ko dahil nakaka-irita siya.
'Hi. Yes.'
'Okay. Punta na ako.'
Medyo nakakapanibago iyong reply niya pero baka ito siya kapag weekend—mas relaxed at hindi pilosopo.
Naligo muna ako bago pumunta kina Atty. Marroquin. Nagsuot lang ako ng brown cargo shorts, puting t-shirt, saka sliders tutal kukuha lang naman ako ng reviewer. Sana 'di siya topakin mamaya para tulungan niya akong magbuhat. Ang bigat kaya magbuhat ng mga papel.
Pagdating ko sa condo niya, ang una kong naisip e malaki nga talaga ang sweldo niya. Ganda kahit lobby pa lang. Nagtext ako sa kanya na nandito na ako tapos naupo muna ako sa sofa.
Ayoko naman maging makulit kaya tahimik lang ako na naghintay... tapos after 20 minutes, medyo nainip na ako kaya nagpatawag na ako sa receptionist. Medyo awkward na nakatayo lang ako roon habang sinusubukan niya na tawagan iyong unit ni Atty. Marroquin.
"Okay, Sir," sabi niya.
Ayos, ah. Buhay naman pala siya pero 'di makasagot sa text ko.
"Proceed to the elevator, Sir," sabi niya sa akin.
"Uh... what unit?" tanong ko dahil akala ko ay bababa si Atty. Marroquin dito sa lobby at iaabot sa akin iyong reviewer. Gaano ba karami iyon at 'di niya kayang ibaba? O baka seryoso siya na tamad siyang bumaba sa lobby?
"42K, Sir," sabi niya sa akin. Mukhang kinonfirm naman ni Atty. Marroquin na kilala niya ako at hindi ako mag-aakyat bahay dito.
Nagpasalamat ako at saka dumiretso ako sa may elevator. Amoy hotel talaga 'tong condo niya. Magkano kaya rent per month dito? Pero mukhang dito mapupunta buong sweldo ko tapos water diet na lang ako buong buwan.
Paglabas ko sa 42nd floor, agad kong nakita iyong unit niya. Kumatok agad ako. Sana naman pagbuksan niya ako kasi kung hindi, ang lakas naman ng trip—
"Holy shit," sabi ko nang buksan ni Atty. Marroquin iyong pinto. "Sorry. I mean, okay ka lang, Atty?" tanong ko sa kanya kasi ang putla ng itsura niya. Parang anumang oras ay bigla siyang magcocollapse.
Bahagya siyang tumango. Kahit iyon ay mukhang binuhos niya iyong huling lakas niya.
"Sorry 'di ako makababa."
Tipid akong tumango.
Kanina ko pa siya pinapatay sa isip ko dahil pinaghintay niya ako sa lobby—totoo naman palang halos mamatay na siya dito sa condo niya. Minsan, nakaka-gulat how fast prayer works.
"Kailangan mo bang pumunta sa emergency room?" I asked him.
Umiling siya habang nakaupo sa couch niya. Nakasandal iyong ulo niya sa may headrest. "Nandyan sa mga box sa gilid iyong reviewer," sabi niya... sa tingin ko. 'Di ko rin siya masyadong maintindihan dahil ang hina ng boses niya.
Tumingin ako sa mga box. Ang daming reviewer. Pwedeng-pwede na akong magreview. Kaso... hindi naman ako gago. Parang ang sama ko namang tao kung iiwanan ko siya dito pagkatapos kong makuha iyong gusto ko mula sa kanya.
"Uminom ka na ba ng gamot?" tanong ko.
Tipid siyang tumango.
"Kumain ka na ba?" tanong ko ulit.
Tipid siyang umiling. Tumingin ako sa kanya. Pwede naman ako bumaba para humanap ng bibilhan ng pagkain o kaya umorder pero parang medyo nakakatakot siya iwan dito. Ang putla niya talaga tapos may butil-butil na pawis sa noo niya. Ano ba ginawa nito para magka-sakit nang ganito kalala?
"Papakailamanan ko kusina mo, ha? Magluluto lang ako ng soup," sabi ko sa kanya. "Tumango ka kung narinig at naintindihan mo," dugtong ko kasi baka mamaya sabihin nito nangielam ako.
"Yes," sabi niya sa paos na boses niya. Kawawang attorney. May sakit.
Pumunta ako sa kusina niya. Binuksan ko iyong ref niya at in fairness sa kanya, akala ko tubig lang ang makikita ko pero mukhang may meal plan pa siya. Marami ding prutas saka yoghurt. Sabagay... nasa personality niya rin naman 'to. Mukhang siya iyong tipo na dapat planado lahat ng pagkain niya. Bakit ba ako nagulat? E kahit pagrereply niya sa messages ay parang may window lang sa gabi na from 10PM to 12MN.
Gusto ko sana na iyong soup lang na Knorr pero wala siya non kaya naman gumawa na lang ako ng lugaw. May bigas naman siya saka suki ata ng chicken breast 'to. Daming manok sa freezer niya.
Nang matapos akong magluto, nilagyan ko ng placemat bago ko ibinaba iyong plato sa may lamesa niya. Mukha kasing siya iyong klase ng tao na gumagamit ng placemat.
"Kailan ka huling uminom ng gamot?" tanong ko sa kanya.
"When I messaged you," mahinang sagot niya.
"Okay. Maya-maya ka pa dapat uminom ng gamot ulit," sabi ko. "Kain ka na." Hindi siya gumalaw. "Kumain ka na. Baka gusto mong subuan pa kita."
Kumunot ang noo ko nang makita kong tumango siya. Kinu-kombulsyon na ata 'to.
"Please. I'm sick. I'll owe you one again," sabi niya.
"Nakuha ko na 'yung reviewer mo. Wala na akong gusto mula sa 'yo."
"Maybe in the future," he replied.
Tumingin ako sa kanya. Mukhang hinang-hina siya. Sige na nga. Saka baka pwede ko rin siya maging mentor pero pag-iisipan ko muna. Kasi baka imbes na wisdom e stress pa ang makuha ko sa kanya.
"Fine," sabi ko saka kinuha iyong bowl. "Wag mong isusuka 'to."
"I will try my best," sabi niya.
"Upo kang maayos."
Nang maupo siya nang maayos ay nagulat ako dahil halos magka-dikit na iyong mga mukha namin. Agad akong napaatras dahil sa gulat. Hayop na 'yan! Pasalamat siya may sakit siya.
"Nga-nga na," sabi ko. "Baka gusto mong umarte pa ako na may eroplano."
"That'll be fun to watch," sagot niya.
"Asa ka pa."
Pina-kain ko lang si Atty. Marroquin at pinilit ko siya na ubusin iyong lugaw. Sayang effort ko, e. Saka pinainom ko rin siya ng tubig. Iyong tipo na winaterboard ko ata siya.
Pagkatapos non, natulog ulit siya. Hinugasan ko iyong pinaggamitan ko. Tahimik lang ako kasi mukhang mahimbing iyong tulog niya.
Gusto ko na sanang umalis kaso... 'di kaya ng konsensya ko na iwan siya dito nang ganito. Tumingin-tingin ako sa paligid—tingin lang naman. Wala akong hinawakan. Walang picture frame man lang. Wala kahit isang picture na naka-display. Puro law books lang saka mga case files niya na 'di ko pinakailamanan.
"You're still here."
Napatingin ako nang marinig ko iyong boses niya. Nandoon ako sa may dining table niya at doon ako nag-aral.
Tumango ako. "Okay ka na ba? Kapag okay ka na, alis na rin ako."
Umiling siya. "Masakit pa rin ulo ko," sabi niya sabay higa ulit sa couch tapos hindi na ako pinansin. Weird naman nito magkasakit.
**
This story is already at Chapter 08 patreon.com/beeyotch. Subscription starts at 100php per month for all stories. You can also join the patreon facebook group. You can email [email protected] for assistance :) Thank you!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top