Chapter 02

Chapter 02

"Ang galing," sabi sa akin ni Assia pagka-dismiss namin sa Crim 2. Mula sa kinatatayuan namin, rinig na rinig ko iyong reklamo ni Niko sa mga kaibigan niya. Ewan ko kung ano ang meron sa Crim na hirap na hirap si Niko. Okay naman siya sa ibang subjects. Kasi last sem, halos ibagsak siya ni Prosec, e.

"Sakto lang," sagot ko.

"Nakahanap ka ng kasama magdigest?"

"Digest? There's a digest pool?" tanong ni Niko na parang kabute na sumulpot sa gilid ni Assia. Siya ata suki ng digest pool sa block namin. Nung first sem, nag-aayos ng digest pool iyong mga beadle per subject. May rule kasi na bawal iyong galing sa Internet. Kaso ang dami talagang pasaway na directly copy-paste lang. Wala na tuloy block digest. Kanya-kanyang grupo na lang. E ang hirap din na working student. Wala akong masyadong ka-close sa section namin. Sana maka-close ko si Assia kasi ang bait niya.

Tumingin sa akin si Assia.

Agad akong umiling. "Wala," sagot ko. Binigay na nga lang sa akin ng libre iyong digest, tapos ipapamigay ko pa? Kapal naman ng mukha ko.

"Oh..." parang natalo sa lotto na sagot ni Niko. "But do you have digests? Is it for sale? Can I buy?"

Marami akong mayaman na ka-block, pero dito ako kay Niko pinaka-curious. Nakita ko kasi na bulletproof iyong sasakyan niya. Ganoon ba karami iyong banta sa buhay niya na tipong kailangan niya ng ganoon na sasakyan? Tapos lagi ko pa siya naririnig na 'how much' ang sinasabi. 'Di ko alam kung ano context minsan, pero alam mo 'yon? Parang sa kanya, may halaga ang lahat—at kaya niyang bilhin.

"No, sorry," I replied. "I don't have digest. I read the full text."

"Ah, okay," sagot niya tapos tumingin kay Assia. "I really don't know how to read all the cases in Crim 2. There are a lot of elements to memorize already," parang bata na reklamo niya. Madalas kapag nakikita ko sila ni Assia na magkasama, para siyang bata na nagsusumbong sa nanay niya.

Nagpaalam ako kay Assia na mauuna na ako. Nakita ko na masama iyong tingin sa akin ni Vito. Napakunot iyong noo ko. Gusto ko sanang itanong kay Assia kung may problema ba sa akin si Vito, pero uwing-uwi na talaga ako.

Isa sa mga dahilan kung bakit gusto ko ang night class ay dahil pagdating ko sa bahay, tulog na ang mga tao. Ayoko na rin kasing makipag-usap sa kanila. 'Di ko rin kasi masyadong kasundo si Papa. Medyo mataas kasi iyong posisyon niya sa NBI. Gets ko naman na dahil sa trabaho niya, kailangang makibagay siya at makisama. Pero kasi sa trabaho ko pati sa school, alam mo 'yon? Ang hirap na iyong alam mo na tama, kabaliktaran iyong ginagawa ng tatay mo. Na alam mo naman na alam niya na mali, pero makikita mo pa rin minsan iyong mukha niya sa TV na para siyang clown na binabaliktad kung ano iyong tama.

Minsan, nakaka-gago.

Kaya ayoko rin siya kausap, e. Mas okay na 'to. Kaysa naman masagot ko pa siya at matanong kung paano niya kinakayang maging puppet nung mga nasa gobyerno. Kasi sabi ni Mama dati, si Papa iyong tipo na sobrang vocal sa mga political issues. 'Di ko maimagine.

Nakaka-gago talaga ang politika.

Dahil nagutom ako, nagluto muna ako ng pagkain. 'Di pa naman ako masyadong inaantok. Basahin ko muna ng mabilis iyong coverage para sa quiz bukas para second reading na ako. Mas okay kasi sa akin kapag paulit-ulit binabasa.

Habang hinihintay kong maluto iyong kanin, kinuha ko iyong cellphone ko para i-check iyong coverage.

'No problem,' reply ni Atty. Marroquin sa thank you text ko kaninang umaga. Ngayon lang siya nagreply after ng ilang oras. Baka sobrang busy din. Iba kasi talaga workload ng PAO. Kaya 'di ko balak magtrabaho don, e. 'Di ko pa alam kung saan ko gustong magtrabaho, pero sigurado ako na hindi sa lugar na tipong doon iikot ang buhay ko. 'Di na nga ako maka-hinga sa pagiging working student. Ayoko nung ganitong buhay kahit pagkatapos kong grumaduate.

'Thanks, Atty. Nakasagot ako dahil don sa digest mo.'

Gising pa pala siya. Nakita ko iyong typing bubble.

'Sino prof mo?'

'Dean Trinidad.'

'Ah. Magaling yon.'

'Siya din ba prof mo?'

'Yes.'

'May tips ka ba pano pumasa?'

Bago pa siya magreply, nagdagdag ako.

'Bukod sa imemorize ko lahat.'

Hindi ko alam, pero na-imagine ko na umirap siya. Ganyan kasi itsura niya nung magkasama kami. Ang seryoso niyang tao, pero 'di naman siya tipong mysterious. Nagsasalita naman siya. Very straightforward nga lang. Siguro dahil public defender siya? Dahil marami siyang client kaya dapat kapag nagsalita siya, straight to the point dahil marami pa siyang kailangang kausapin?

Nakaka-curious naman kung paano ang trabaho niya. Baka worth it naman kahit nakakapagod.

'Memorization. Puro elements Crim 2. Wala kang choice.'

'Mamimili lang ako ng imememorize. Sobrang dami non.'

'Pano pag napili mga 'di mo minemorize?'

'Ang negative mong tao, Atty.'

'Pano nga kapag natanong 'yung 'di mo pinili?'

'Sobrang daming crimes nun saka elements. Tapos kailangan ko rin imemorize iyong mga circumstances affecting liabilities. Tapos kailangan din memorized ko iyong definition nung attempted/frustrated/consummated. Ang dami. Study smart na lang.'

Hilig talagang mang-seenzone nito.

Nagprito na lang ako ng itlog kasi tinatamad na akong mag-isip ng pagkain. Kumain lang ako habang nanonood ng Modern Family. Pagkatapos, naghugas na ako ng mga ginamit ko at dumiretso na pabalik sa kwarto ko.

Sino ba'ng niloko ko nung sinabi ko na magbabasa muna ako? Ako iyong tipo ng tao na inaantok kapag kumain.

After kong magshower, kinuha ko iyong phone ko para i-check iyong alarm. Naka-alarm naman 'yon tuwing 4AM, pero para sigurado, chine-check ko lagi bago ako matulog.

'Crim2 Table.pdf,' message ni Atty. Marroquin. 'Print mo tapos basahin mo palagi para ma-memorize mo.'

I clicked on the file.

Oh, shit.

Ang ganda naman ng mga reviewers nito! No wonder valedictorian ng batch niya. Kumpleto iyong table nung crimes mula sa Crim Law Book II. May elements, penalty, saka important notes sa bawat crime.

Fuck.

Ito ata sasalba sa grades ko. Kabado pa naman ako dahil medyo tagilid recit ko. Ayoko na kasi nung pangit midterm grades ko. Ganon kasi ako last sem. Tipong 48 lang midterm grades ko kaya halos malagasan ako ng buhok nung finals period dahil sa sobrang stressed sa taas ng hahabulin kong grades. Naghimala ata ako dahil naka-pasa pa rin ako kahit 90 iyong required na final exam grades ko. Kasi ba naman hanggang sa panaginip ata e nagrereview ako.

'Salamat, Atty! Hulog ka ng langit!'

Hindi siya nagreply. After 20 hours pa siguro ulit.

* * *

"Hindi naman ako si Judge, 'di ba?" tanong ko kay Tin.

"Uh... hindi?" she replied, naguluhan sa tanong ko. "Hindi ka ba sure na hindi ikaw si Judge?"

Bahagya akong natawa. Taena. Parang tanga nga iyong tanong ko.

"Hindi," sagot ko. "I mean, binigyan kasi ako ni Atty. Marroquin ng reviewer. Okay lang kaya na magpadala ako ng kape sa opisina niya? 'Di naman siguro sign of impropriety 'yon, noh? Galing naman sa akin. Pero kasi ayoko lang magka-issue kay Judge."

Hirap din kasi ng first level court. Nandito lahat ng hearing. Pakiramdam ko medyo mas madali sa mga second level. Halos puro appeal na kasi don. Basa-basa na lang ng records o kaya mga bagong evidence na ipapasa.

Ang alam ko pa naman e gusto ni Judge maging Justice sa Supreme Court one day. Kaya mahigpit talaga siya. Ayaw niyang nadadamay sa mga issue ng bias. Wala rin naman talaga siyang bias. Medyo matagal na akong nagta-trabaho dito. Bawal talaga sumipsip kay Judge. Kaya ayoko rin ibigay kay Atty. Marroquin iyong schedule. Malay ko ba kung may pagka-stalker siya.

"Di naman siguro," sagot ni Tin. "Close mo na si Atty?"

"Di naman."

"May girlfriend?"

"Malay ko," sagot ko. "Stalk mo na lang online."

"Tinry ko na! Walang facebook!"

"Instagram?"

"Wala rin."

"LinkedIn?"

"Meron," sagot niya. "Wala namang relationship status don."

I shrugged. "Tanungin mo na lang pag nagpunta ulit dito."

"Pupunta raw ba siya?"

"Malay ko," sagot ko na lang kay Tin. Malay ko ba sa schedule nun? Kinakausap ko lang naman 'yon kapag kailangan ko ng reviewer. Luh. Baka isipin non may pagka-user ako kahit medyo totoo naman. E sa kailangan ko ng tulong, e. Saka 'di ko naman siya pinilit.

Habang naka-break ako sa pagrereview para sa Obli, tinignan ko iyong LinkedIn niya.

Achilles V. Marroquin

St. Claire's Academy – Economics (Valedictorian)

St. Claire's Academy College of Law – Juris Doctor (Valedictorian)

Gulmatico & Zobel – Senior Associate

Public Attorney's Office – Public Attorney IV

Ang talino talaga... Pwede ba 'tong gawing mentor? Kasi meron din siyang extra-curricular activities. Usually kasi iyong mga valedictorian na kilala ko, tutok talaga sa acads kaya wala silang halos extra-curricular. Pero itong si Atty. Marroquin, naging head pa ng BAROPS—'di lang basta subject head kung hindi head ng buong BAR Operations. Kaya siguro maraming files 'to!

Ano kaya paboritong pagkain nito? Mapadalhan nga at baka mabiyayaan pa ako ng mas maraming review materials.

"Talino, noh? Gwapo na, ang talino pa," biglang sabi ni Tin na nasa gilid ko na pala at nakikibasa sa screen ko.

"Sabi ng 'wag kang nanggugulat," sabi ko kasi ilang beses niya na 'tong ginawa sa akin.

"Hinay lang kasi sa pagkakape," sabi niya. "Ay, naka-anonymous ba 'yang LinkedIn mo?"

Kumunot ang noo ko. "Ha?"

"Makikita ni Atty na inistalk mo 'yung profile niya," sabi niya na natatawa.

Napatingin ako sa kanya at nanlaki ang mga mata. "Ano?"

"Magnonotify sa kanya na 'Mauro Eugenio dela Rama viewed your account.'"

Mas lalong nanlaki iyong mga mata ko. "Hindi nga?"

Tumango siya. "Next time kasi, magtatanong ka sa professional stalker aka me," sabi niya at saka inayos niya iyong settings ng LinkedIn ko at in-on iyong anonymous viewing.

Fuck.

Nakakahiya!

**

This story is already at Chapter 05 patreon.com/beeyotch. Subscription starts at 100php per month for all stories. You can also join the patreon facebook group. You can email [email protected] for assistance :) Thank you! 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top