Chapter 01
Chapter 01
"Hey—"
Shit.
Iyong makulit na abogado.
Mabilis akong bumaling at naglakad. Nagpanggap ako na walang naririnig. Alam ko kasi na kukulitin niya na naman ako tungkol sa schedule ni Judge e hindi naman talaga pwedeng sabihin lalo na at iyong gusto niyang itanong e medyo high profile case. E 'di sana kung ganon, pinost ko na lang sa Facebook kung kailan may free time.
Nakatayo ako sa may sakayan ng FX. Nasa repair shop kasi iyong sasakyan ko. Ayoko naman magbook ng grab dahil nanghihinayang ako. Hirap magtrabaho tapos ano? Doon din mapupunta pinagtrabahuhan ko?
Minsan, mapapaisip ka na lang talaga kung para saan ka bumabangon.
Habang naghihintay, nilabas ko iyong codal ko. Oblicon kasi iyong subject ko mamaya. Delikado pa naman 'yon sabi sa akin. Marami kasing subject na pre-requisite iyong Oblicon. Kapag bumagsak ako doon, automatic made-delay ako. Kaya kailangan ko talagang ayusin. Ayoko nang ma-extend pa sa law school. Nakaka-isang sem pa lang ako, pero ready na akong grumaduate. Tuwing nasa school ako, ready na agad ako umuwi.
Hindi ko nga rin alam kung bat ako napunta sa law school. Pero nandyan na, e. Tapusin ko na nga lang din. Sayang effort ko nung first sem. Gapang na gapang lahat para lang maipasa ko.
Busy ako na kabisaduhin iyong meaning ng obligation nang biglang may malakas na bumusina sa paligid ko. Agad akong napatingin sa pinanggalingan ng tunog.
"Kulit naman nito," bulong ko sa sarili ko nang bumaba iyong bintana nung sasakyan at makita ko kung sino iyong nandon.
"Hi, attorney!" bati ko bilang paggalang. Public defender pa rin naman siya kahit ang kulit niya. Mataas din kasi respeto ko sa mga lawyers ng PAO. Alam ko kung gaano karami iyong kaso na inaasikaso nila. Nakakapagod kaya 'yon. Ako nga na law student pa lang, naghihingalo na. Sila pa kaya na nagta-trabaho na? Para pa namang everyday recit lalo na sa litigation. Si Judge kasi minsan trip magpa-pop quiz sa mga abogado. Kita ko stress sa mukha nila. Alam mo 'yung minsan ten years ago na nung huli kang pumasok sa school tapos minsan tatanungin ka kung ano meaning ng stipulation pour autrui?
"San ka?" he asked. Ang baba ng boses niya. Ang seryoso niya talaga. Siguro importante lang talaga iyong kailangan niya kay Judge kasi parang wala naman sa personality niya ang mangulit.
"Brent po," I replied.
"Gusto mong sumabay?"
"Ah, hindi na po, Attorney," sabi ko.
He merely shrugged and started to roll the windows up.
Napatingin ako sa phone ko.
Ano ba 'yan.
"What?" he asked after he rolled the windows down again pagkatapos kong lumapit doon at kumatok.
"On the way po ba?" I asked kasi nakakahiya man, pero mas delikado naman kung ma-late ako sa Oblicon! 'Di ko talaga kayang ma-delay sa law school.
He gave me a brief nod as he unlocked the door.
"Seatbelt," he said nang makaupo ako.
"Ah, oo nga po pala. Sorry po," I replied as I wore the seatbelt.
Nakapatong lang sa mga binti ko iyong dalawang kamay ko. 'Di ako makagalaw nang maayos dito. Nakakahiya kasi. Kung magbu-book din naman ako ng sasakyan, 'di rin naman agad makakarating dito 'yon.
Simula talaga nung naglaw school ako, pakapal lang nang pakapal ang mukha ko. Ikaw ba naman masigawan twice a week o matanong kung ginagamit mo ba isip mo, 'di ba kakapal ang mukha mo?
"What year?" he asked. Nakapatong lang sa steering wheel iyong kamay niya. Naka-red pa kasi iyong ilaw. Napa-tingin ako sa rosaryo na naka-sabit sa may rearview mirror niya.
"First po."
He gently nodded his head. "Oblicon?"
I nodded. "San po kayo nag-aral nung law school?"
"SCA."
Naks.
Talino nga talaga. Ni hindi ko naisipan na mag-aral sa SCA kasi iba raw iyong aral ng mga tao don. Hindi naman sa tamad mga tiga-Brent, pero iba pa rin kasi iyong sa SCA. Naisip ko lang na since working student ako, ayoko nung sobrang ma-hassle din ako sa acads. Baka sa mental hospital na bagsak ko.
"Pano niyo po inaral 'yung Obli?"
"Codal," he replied.
"As in codal lang?"
He nodded. "Basically memorized the entire civil code when I was still studying."
Nanlaki iyong mga mata ko at napaawang iyong mga labi ko. Napatingin siya sa akin at napakunot iyong noo.
"What? Hindi na ba ganon ang ginagawa ng mga estudyante?" he asked like he genuinely believed na ganoon ang dapat na paraan ng pag-aaral.
Mabilis akong umiling. "Hindi ako."
Kumunot ang noo niya. "Paano ka nag-aaral?" he asked na parang nagtataka siya kung paano ako nakapasok sa law school na parang tatamad-tamad lang ako.
"Nagbabasa?"
"Yeah... but you don't memorize?" he asked, still sounding a bit concerned sa study habits ko.
"Hindi kasya sa utak ko."
"Pagkasyahin mo."
"Walang space."
"Pagkasyahin mo pa rin."
"Di naman siguro kailangan na memorize."
He shrugged like he wanted to tell me na maki-kick out ako sa mga desisyon ko sa buhay.
"Memorize mo nga talaga, Attorney?" I asked. He nodded habang naka-focus pa rin iyong mga mata niya sa daan. Akala ko seryoso na iyong itsura niya, pero mas mukha siyang seryoso kapag nagda-drive.
"Dami nun. May gamot ka ba na iniinom?" I asked again. Baka may supplement siya. Ang dami kasi talaga nun. Buong civil code? Halimaw naman 'to mag-aral.
Kaya sabi ko 'di talaga ako pang SCA, e.
Buti talaga isa 'yan sa mga tamang desisyon ko.
"Just read the provisions again and again and again."
"Paulit-ulit."
"Ganon talaga."
"Nakakasawa."
"Baka nasa maling profession ka," he replied.
"Bawal magreklamo? 'Di ka ba nagreklamo nung nag-aaral ka pa?"
Umiling siya. "Sayang sa oras."
"Grabe... Valedictorian ka ba nung grumaduate ka?" I asked at bakit ba ako nagulat pa nung tumango siya. Ang talino naman pala talaga nito!
Gusto ko sanang tanungin siya kung bakit siya napunta sa PAO. Kasi kung Valedictorian siya, malamang 'di pa siya graduate e marami na siyang offer mula sa malalaking firm dito sa Manila. Ang daming opportunity para sa kanya.
Naputol iyong pag-iisip ko nang mapansin ko na nasa may malapit na kami sa gate ng Brent. Inunlock ko na iyong seatbelt.
"Salamat, Attorney Marroquin," I said.
He gave me a curt nod. Lumabas na ako sa sasakyan niya at mabilis na naglakad papunta sa classroom. Sakto na nakita ko na naglalakad na papunta sa room namin iyong prof kaya naman binilisan ko iyong lakad.
"Hi," sabi ko sa katabi ko. Naka-alphabetical arrangement kasi kami.
"Hi," sagot niya na naka-ngiti.
Buti na lang at si Assia iyong katabi ko sa upuan. Meron kasi kaming ibang kaklase na maiingay. Iyong mga wala masyadong pakielam kung may bagsak. Marami din kasi sa Brent na nag-aaral na mga mayayaman na 'di ko rin alam kung bakit sila nandito. Baka kagaya ko lang din sila na naliligaw ng landas.
"May balita ka ba kung may digest pool?" tanong ko kay Assia.
"Saang subject?"
"Kahit saan," sabi ko.
"Wala, e," mahinhin na sagot niya. Ang hinhin naman ng isang 'to. Parang 'di dapat gawan ng masama. "Kailangan ba?"
"Hindi naman, pero para mas mapadali sana. Dami kasing cases assigned."
She gently nodded her head. "Gusto mo tanungin ko si Niko? Nahihirapan din 'yon sa dami ng cases, e."
Napatingin ako kay Niko nang sabihin niya 'yon. Nandon si Niko sa dulo katabi iyong mga kaibigan niya. May sinasabi siya at mag-isa lang siyang tumatawa habang bahagyang naka-kunot iyong noo nina Sancho at Vito.
"Di ka sasama?" I asked kasi ano 'yon? Kaming dalawa lang ni Niko sa digest pool? Medyo may pagka-tamad pa naman 'yon. Lagi kaya nasisigawan sa Crim 1 'yon. Baka sabay pa kaming bumagsak.
"Gusto ko kasi binabasa iyong full text," sabi niya sa akin. "Pero kung gusto mo, sama na rin ako."
Gusto ko sanang tumango at umoo, pero nakakahiya talaga dito kay Assia. Ang bait kasi masyado. Nakaka-konsensya.
"Hindi na," sabi ko.
"Sigurado ka?"
I nodded. "Full text na lang din ako," sabi ko na lang kahit sa totoo lang, 'di ko talaga kayang magbasa ng full text kahit gustuhin ko pa. Para sa working student na gaya ko, sa digest talaga kumakapit. Pero ayoko kasi nung galing sa internet kasi sobrang kulang. Parang 'di mo rin maintindihan kung ano nangyari sa kaso kasi masyadong general na iyong facts. Pati iyong issue, hindi masyadong nadidiscuss kung ano iyong doctrine.
* * *
Days passed at mas lalo lang akong nalunod sa dami ng binabasa. Sabi sa akin dati, adjustment phase daw iyong first year. Magiging okay din ako. Hanggang ngayon, naghihintay pa rin ako sa parte na magiging okay ako.
Sinubukan ko na magtanong sa klase kung may gusto ba magdigest pool, pero seenzone—bukod kay Assia na nagPM sa akin at tinatanong kung ayaw ko raw ba talaga kasama si Niko. Siguro kung wala na talaga akong choice, papayag na akong magdigest pool kaming dalawa ni Niko. Bakit kasi si Niko lang? Mas okay sana kung kasama rin si Sancho. Ang galing nun sa klase, e.
May 26 na kaso na kailangang basahin para sa class bukas. It was already 11PM at nakaka-tatlong full text pa lang ako. Naghanap ako sa Internet ng digests, pero ang papangit ng nakita ko.
Hindi ko alam kung anong pumasok sa utak ko at nung nakita ko iyong calling card ni Atty. Marroquin ay naisip kong magtext.
'Kakapalan ko na iyong mukha ko, Atty. May digest ka sa crim 2?'
'Who is this?'
Ah, shet.
'Mauro.'
'Wala akong kilalang Mauro.'
Taena.
Bakit ako na-offend? E hindi nga pala niya talaga alam iyong pangalan ko. Magkakilala lang kami sa mukha dahil lagi siyang nasa office ni Judge.
'Sa MTC 43,' reply ko. 'Iyong sinabay mo nung isang araw papunta sa Brent.'
Nakita ko na nag-read iyong message ko sa kanya.
'Okay lang kung wala. Nagbabaka sakali lang,' I messaged him again. Antok na antok na ako. Gigising na nga lang ako nang maaga para makapagbasa. Okay na siguro iyong digest. Daan na lang ako sa chapel at ipagdadasal ko na hindi ako matawag mamaya kahit na on deck ako.
Iniwan ko iyong phone ko sa study table at saka mabilis na natulog. Nang mag-alarm iyong phone ko ng 3AM, pinilit ko iyong sarili ko na bumangon. Mukha akong zombie na naglalakad pabalik sa study desk.
Napakunot ang noo ko nang may makita akong notification ng message.
'Here,' he messaged na may kasamang attachment. 'Sorry for the late response. Hinanap ko pa sa files ko.'
Napaawang iyong labi ko.
Wow—ang ganda ng digest niya!
**
This story is already at Chapter 04 patreon.com/beeyotch. Subscription starts at 100php per month for all stories. You can also join the patreon facebook group. You can email [email protected] for assistance :) Thank you!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top