Alpas
Madalas kong maramdaman na may kulang sa buhay ko ngunit hindi ko matukoy kung ano.
Nakahilata ako sa kama. Nagtataka kung bakit ko na naman naisip ang mga katagang iyon. Malaki ang aking kuwarto. May piano sa bandang timog habang may nakasabit na gitara sa bandang kanluran. Ang tanging liwanag ko ay ang bukang-liwayway mula sa bintana sa silangang bahagi ng aking silid. Sa isang kasunod na pader ay may nakasabit na lumang litrato. Sapat lamang ang liwanag mula sa labas upang maaninag kong bahagya kung sino ang mga loob ng lirato. Larawan ito ng magkapatid. Tanging ang batang lalaki lamang ang naaninag ko mula sa aking puwesto. Maayos ang tayo ng bata sa larawan habang nakaupo sa kanyang kanan ay ang ate nito.
Napababa ako sa higaan. Tinungo ko ang pader at siningkitan ang aking mga mata. Sa murang edad ay hindi ko gaano namumukhaan ang babae sa larawan. Madilim kasi ang kuwarto at tanging anino lamang niya ang aking natutunghayan sa bahaging iyon. Ngunit sa tuwing inaaral ko siya, tila nakakaramdam ako ng pamilyar na lungkot. Kalungkutan na may halong panghihinayang. Mga emosyong hindi dapat pamilyar sa isang batang tulad ko.
Nakatitig pa rin ako sa larawan nang mapansin ko ang tumutunog na relo. Napabaling ang aking tingin sa malaking orasan. Tanging ang pagkumpas ng mga kamay nito sa bawat segundo ang maririnig sa buong kuwarto. Tunog ng maliit na makina habang minamaniobra ang manipis na kahoy na niluma na ng panahon. Tunog na humahalo sa huni ng mga ibon tuwing umaga. Kung umuulan naman ay tila sumasabay sa awitin ng mga palaka. Ngunit tuwing tag-araw, gaya ngayon, nakikipagpaligsahan sa ingay ng mga sikada sa labas ng aming tahanan.
"Dalia—"
Nakarinig ako ng malambing na bulong. Higit pa sa huni ng mga ibon, palaka at sikada sa madaling-araw. Muli kong iginala ang aking mata upang hanapin ang pinanggagalingan ng tinig. Napadpad ang aking tingin sa labas ng binatana.
Muli kong narinig ang paggalaw ng orasan. Hindi ko pa alam kung paano magbasa ng oras noon. Inaral ko ang relo na tila minana pa namin sa aming mga ninunno. Sa mga oras na ito, ang tanging alam ko lamang ay nasa anim na numero ang maliit na kamay ng relo habang nasa dalawapu naman ang malaki. Ito lagi ang oras tuwing pumuputok ang araw sa silangan. Hindi nagmimintis, hindi sobra at hindi rin kulang.
Sumilip ako sa bintana. Iginala ko ang aking mga mata upang siguraduhing wala ang matandang lagi akong sinasaway. Ang lolo kong laging nakikipaghabulan sa akin tuwing nililisan ko ang malungkot naming tahanan. Inalala kong muli ang puwesto ng mga kamay ng relo. Ito ang itinakda kong sandali nang pagtakas. Pagtakas sa nakakaburyong silid na ito. Mula sa nga pader na walang ginawa kundi ang titigan ako maghapon.
Kalkulado ang aking mga hakbang. Pinihit ko nang marahan ang salamin ng aking binatana. Inangat ko ang aking paa bago pinagkasya ang aking baiwang. Sapat lamang ang maliit kong katawan sa kakiputan nito. Nang mailusot ang kabuuan ko ay napaupo ako sa tuntungan ng bintana. Idinuyan ko ang aking paa patungo sa malambot na lupang naghuhintay sa akin sa ibaba.
Maliksi akong tumalon. Gaya ng mga bida sa mga pelikulang aking pinapanood tuwing hapon. Nakataas pa ang dalawa kong kamay habang binabalanse ang pagkakabagsak ko. Hindi ko namalayan ang nakausling bato sa lupa na naging dahilan ng aking pagkatapilok.
"Aray!" Hindi ko napigilang mapabulyaw.
Tinakpan ko agad ang aking bibig at ininda ang kirot sa kaliwa kong paa. Marahan kong nilingon ang aking bukong-bukong. Mabilis itong namula dahil sa ginawa ko. Pinilit kong tumayo ngunit iika-ika na ako.
"Dalia—"
"Sino ba kasi ang tumatawag?" bulong ko.
Napatingin ako sa aking harapan. Muli kong narinig ang isang pamilyar na boses. Nagmumula sa malayo ngunit hindi ko matungkoy kung saan. Tinantsa ko ang aming bakuran. Malawak na bakod at kulay puti. Yari sa puno ng Acacia at lagpas sa aking ulo. Halos dalawapung metro ang layo ng aming bahay patungo sa pinakamalapit na bakod. Muling bumalik ang alab ng pagnanasang makatakas sa aking mga mata.
"Sino ba kasi si Dalia?" tanong ko sa boses.
Nagsimula akong maglakad. Iika-ika habang iniinda ang sakit na dulot ng aking kalikutan. Malalim ang aking mga hininga habang hindi inaalis ang aking tingin sa harang na nasa aking harapan. Ngunit totoo nga. Habang mas lalo akong nananabik na makalapit sa patutunguhan ay tila may lalong lumalayo ang nais kong puntahan.
"Dalia—"
"Nasaan ka ba kasi?" pagtataka ko nang muling marinig ang tinig mula sa malayo.
Kinagat ko ang aking mga labi. Pinagsalubong ko ang aking mga kilay. Inangat ko ang aking paa at kumaripas ako nang takbo. Ininda ko ang sakit hanggang sa masigurado kong masandalan ko na ang bakod. Sa wakas, narating ko rin ito.
May nakita akong timba sa gilid. Bahagya ko itong kinatok upang masigurado ang tibay nito. Hindi ko namalayan na yari pala ito sa lata na nagdulot ng kakaibang tunog sa paligid.
"Patay," halakhak ko.
Ngunit hindi ako nagpatalo. Agad ko itong itinaob bago marahang tinuntungan. Itinaas ko ang paa kong mayroong galos sa bakod. Naiwan namang nakatingkayad ang isa ko pang paa. Gamit ang buo kong lakas ay initsa ko ang maliit kong katawan sa itaas ng bakod.
Natigilan ako nang makaupo ako sa tuktok. Sa kabilang bahagi ay isang napakagandang tanawin na hindi ko talaga nakikita mula sa aking silid. Tila nakatitig ako sa likha ng sining. Isang tanawing ipinintan ni Bathala. Nagkalat ang mga gintong palay. May mga nagliliparang pulang tutubi at bughaw na alitonton. May napakalaking bundok na perpekto ang pagkakahugis habang hinahawi ang makakapal na mga ulap.
"Dalia—"
Ipinikit ko ang aking mga mata. Kasabay nang paghinga ko nang malalim ay ang paghalik ng hanging amihan sa munti kong pisngi. Malamig ngunit tila may halong pangungulila.
"Saan ka na naman pupunta, Alpas?" bulyaw sa akin ni lolo.
Agad akong natauhan. Napalingon ako pabalik sa bahay. Nakatitig sa akin si lolo habang nakahalukipkip. Natatawa pa ito habang pinagmamasdan ang maliit kong katawan sa tuktok nang nilikha niyang bakod. Mabilis akong bumaba pabalik sa loob at binigyan ko siya ng malaking ngiti.
Mabait na tao ang lolo ko. Inaalagaan niya akong mabuti tuwing iniiwanan ako rito sa Camiguin ng aking mga magulang. Tila hindi na nagbago ang kanyang itsura. Mula nang magkaisip ako ay maputi na ang kanyang buhok. Ang kanyang balat ay kulubot na ngunit may lakas pa siyang mag-araro.
"Doon po! May naririnig po kasi akong boses na tumatawag," bungisngis kong sagot.
Marahan akong bumaba sa bakod. Inayos ko ang aking sarili at muli siyang hinarap. Puno pa ng putik ang aking mukha habang may galos na ang aking tuhod sa pagtatangka kong tumakas. Hindi rin nakaligtas sa kanyang mata ang namamaga kong paa.
"Hay, apo. Pasaway ka talaga," halkhak ng aking lolo.
Agad niyang tinungo ang kinatatayuan ko. Malambing na hinaplos ang aking ulo at pinisil ang aking pisngi. Lumuhod siyang bahagya upang magtagpo ang aming mga mata. Nakatitig siya sa akin na parang isang taong nangungulila bago ako nginisian.
"Tara sa loob, gamutin natin ang galos mo," ani niya.
Sa edad na lima ay madali lamang niya akong nabuhat. Mahigpit ang yakap niya sa akin habang dinadala papasok ng bahay. Ngunit ang mga inosente kong mata ay nakapako sa bundok na malapit at abot-tanaw ko na.
"Dalia—"
Hindi ko na pinansin ang boses. Sa aking munting tainga ay umiikot ang boses ng isang lalaki na may tinatawag na pangalan ng isang dalaga.
Sa Maynila man ako nag-aaral ay palaging akong inuuwi rito sa Camiguin ng mga magulang ko tuwing bakasyon. Maganda ang munti naming baryo. Nagkalat ang puno ng niyog habang nangingibabaw ang amoy ng ilangilang sa paligid. Ang mga halaman sa labas ay basa ng tubig dahil sa lamig ng nagdaang gabi. Sa madaling araw ay tila tumatakas ang makapal na hamog mula sa sinag ng bukang-liwayway. Kasunod noon ay ang pagdaan ng nakabisekletang nagtitinda ng pandesal.
Madalas akong nakaabang sa likod ng aming bakuran. Pinipilit tanawin ang labas gamit ang maliliit kong mga paa. Ngunit habang dumadaan ang panahon, mas lalong tinataasan ni lolo ang aming bakod.
Noong ako naman ay walong taong gulang ay nagkaroon na ako ng mga kaibigan. Mga batang nakilala ko kakadungaw ko sa labas. Minsan ay may dumaang mga kababata ko sa aming bahay. May hawak silang bola at lata ng gatas habang nag-aalaskahan patungo sa aming tarangkahan.
"Lolo Sabas, nandyan po ba si Alpas?" tanong ng isa sa kanila. Gusgusin ang damit habang dumudungaw sa entrada ng aming tahanan.
"Oo, bakit?" tanong ni lolo habang abala sa pag-asikaso ng kalabaw. "Maglalaro ba ulit kayo rito sa loob?"
"Hindi po," tugon ng kaibigan ko. Sa kanyang likuran ay may kumpol ng mga bata. Tinatangkang abutin ang mataas na bakod na itinayo ni lolo. "Sa plasa po kasi kami maglalaro ng batuhang bola at tumbang preso."
Agad na tinungo ng mga tingin ni lolo ang aking kuwarto. Gaya ng kanyang inaasahan ay nakaupo lamang ako habang tinatanaw sila sa bintana. Nanlulumo ang aking mga mata dahil alam ko nang hindi niya ako pagbibigyang lumabas kasama ng mga kaibigan ko. Nakayuko ang aking ulo habang nakadikit ang mga palad sa salamin ng bintana. Pinagmasdan niya akong mabuti habang nakabusangot sa kuwarto.
"Taika, saglit lang," saad ni lolo. Sinundan ko ng tingin ito. Itinali niyang maigi ang kalabaw sa labas ng bahay. Inalis niya ang kanyang bota at nagpalit ng sapatos. "Alpas!"
"Po?" Bigla akong nabuhayan. Mabilis akong napatayo at humarurot pababa ng hagdan. Naabutan ko siya sa may pintuan habang nagsisintas ng sapatos. "Bakit po, lolo?"
"Tara, samahan kita sa plasa. Maglalaro raw kayo ng mga kaibigan mo."
Mabilis na nagliwanag ang mukha ko. Noon ay akala kong ikinukulong niya lang ako lagi sa bakod dahil nais niya. Akala ko ay sa loob na naman ng bahay mauubos ang buong bakasyon ko. Nilingon ko ang aking mga kalaro. Lahat sila ay kumakaway habang nakangiti sa direksyon ko. Sa unang pagkakataon ay makakapasyal ako sa baryo nang hindi tumatakas ng bahay.
Ganito ang eksena namin lagi ni lolo. Sinisugurado niyang kasama ko siya tuwing umaalis ng bahay. Dumaan ang mga taon ngunit kahit magbinata na ako, lagi pa rin niya akong sinasamahan. Maging ang bakod sa palibot ng aming bahay ay ganoon pa rin ang taas. Walang pinagbago. Lumaki man ako ngunit tila lalong dinadagdagan ni lolo ang taas nito bawat taon.
Lumipas ang isang dekada. Bakasyon sa kolehiyo nang napagpasyahan kong mag-isang umuwi sa probinsya. Isang linggo akong nakahilata sa kuwarto at inaasikaso ang ilang mga papeles sa paaralan nang matigilan ako sa pamilyar na boses.
"Dalia—"
Nabitawan ko ang mga inaayos ko. Napatingin ako sa lumang orasan. Nilingon ko ang aking pinto. Napahiga ako sa kama habang inaalala ang tinig na tanging sa probinsya ko lamang naririnig.
"Sino ka ba?" buntong-hininga ko. Itinaas ko ang aking kamay patungo sa aking pisngi. Nanlaki ang aking mga mata nang mapansin kong basa ang mga ito. Kinapa ko pareho ang aking mga mata na kanina pa pala lumuluha.
Noon ko napagpasyahang hanapin ang puno't dulo ng lahat ng ito. Muli kong nilingon ang bintana. Nakatingin ako sa lugar na aking patutunguhan.
***
Sabado ng madaling-araw nang ako ay nagsimulang umahon sa Mount Hibok-hibok. Walang kahit anong ilaw maliban sa bilog na buwan na bumabalot sa matipuno kong katawan. Ilaw na mistulang malaking spot light na pinagmamasdan ako mula sa tuktok ng buong bayan ng Camiguin. Ang bag kong matsaga kong inimpake ay mahigpit na nakayakap sa baiwang kong matikas. Sinigurado ko ring makapal ang jacket na aking suot at balot na balot ang kuntis kong alaga sa lotion at moisturizer. Ang makakapal kong kilay ay magkasalubong habang nakatuon sa bawat damong tinatapakan ko. Nakatago sa manipis kong sumbrero ang kulot kong buhok na minana pa sa aking ina ang kapulahan nito.
Ako ay napatingala. Pinagmasdan kong mabuti ang buong paligid. Tanging mga huni ng sikada at mga nag-aawitang palaka ang pinagtsatsagaan kong pakinggan matipid lamang ang baterya ng dala kong telepono.
"Huwag kang papanik mag-isa." Naalala ko pa ang mga habilin ng lolo kong si Sabas pagdating ko noong isang linggo. Talagang sinigurado pa niyang kandado ang tarangkahan ng harapan ng aming bahay huwag lamang matuloy ang binabalak ko.
Akala niya siguro ay ako pa rin ang makulit na Alpas na hindi kayang tumawid sa bakod naming inaanay na. Minsan ay nakakalimutan niya sigurong ako ay labing-walong taong gulang na. Lagpas na sa balikat ko ang pinagmamalaki niyang harang na nakapalibot sa mansion.
"Bagay na bagay nga sa iyo ang pangalan mo!" madalas na bulyaw sa akin ni lolo. Natatawa ako habang ginugunita ang pagsusungit niya. Ang ngipin niyang bungi at panay ang sermon sa akin kahapon habang nag-iimpake. "Alpas, ang hilig mong tumakas!"
Panay lamang ang tawa ko habang inaalala ang mukha niyang nag-aalala. Inabala ko ang aking isip sa paggunita sa matandang nagpalaki sa akin mula nang ako ay nasa unang baitang pa lamang. Lumilipad ang aking diwa sa pagmuni-muni.
Hindi ko namalayang dalawang oras na pala akong umaakyat sa bundok. Ang buwan ay tila magandang binibining napagod na sa paggabay sa akin at handa nang magtago sa malayong kanluran. Ang silangan naman ay parang isang paslit na gusto akong habulin. Tila isa itong makulit na batang nagbibihis mula sa blusang itim patungo sa damit na kulay lila.
"Finally! A person."
Natigilan ako sa matatalinhaga kong pag-iisip nang may marinig akong boses sa aking likod. Paglingon ko ay tumambad sa akin ang binatang madungis, nakasuot ng fatigue na pantalon at amoy lupa. Nakahawak pa siya sa aking balikat bago nagpatuloy sa pagsasalita.
"Please tell me you have some water," bulalas nito. Marahan siyang ngumiti.
Ang makulit na silangan ay unti-unti nang nagiging kahel sapat upang mapansin ko ang itsura ng banyagang kaharap ko. Ang buhok niyang kulay kahoy na maayos ang pagkakatabas. Ang mata niyang sumasalamin sa luntian ng buong paligid. Nginitian niya ako na siyang nagpabilis sa tibok ng aking puso. Napalunok ako ng laway habang unti-unting tinitignan ang ang malalaki niyang braso at matipuno niyang dibdib.
"Ha?" tanging sagot ko. Bumalik ako sa wisyo nang sumensyas siyang siya ay nauuhaw na.
"Tubig?" Nakakunot na ang kanyang noo habang sinisikap na magsalita ng Tagalog.
Mabilis kong kinuha ang isa ko pang bote sa gilid ng aking bag. Marahan kong inabot sa kanya na siya namang niyang tinungga agad.
"Hey! Don't drink it all!" bulyaw ko.
Unti-unti akong nanghinayang habang pinagmamasdan siyang lumulunok. Ang leeg niyang kumikislot pa sa bawat tubig na umaagos sa kanyang lalamunan. Halos tunggain na niya lahat ng tubig na dala ko.
"Don't worry, dude. You'll have enough for later." Agad siyang pumunta sa aking gilid at siya na mismo ang nagbalik ng bote sa laylayan ng aking bag. "My name is Steve, what's yours?"
Hindi ko siya sinagot. Tinaasan ko lamang siya ng kilay. Tumalikod akong bigla at nagpatuloy sa pagpanik
"So, what are you doing here?" pangungulit niya. Mabilis siyang naglakad palapit upang ako ay masabayan. Panay ang kanyang titig at ngiti na tila nag-aabang ng salita sa bibig ko.
"May hinahanap ako," naiirita kong tugon.
Hindi na ako masyadong nagkuwento dahil paniguradong tatawanan niya lang kung sasabihin kong nakarinig ako ng kakaibang boses kaya ako umahon sa bundok.
"You're weird," pang-aasar niya. Mabilis ko siyang iniwan at humarurot palayo.
Ang daan ay tila napuno ng alikabok dahil sa bigat ng aking mga hakbang. Ang mukha ko ay mabilis na sumimangot dahil sa kanyang huling sinabi. Ang tawaging kakaiba ay ang pinakakinaiinisan ko. Isang estrangherong bigla na lamang sumulpot kung saan at kung makaasta ay tila pamilyar sa akin.
Pamilyar?
Natigilan ako sa pagdadabog nang mapansing pamilyar ang mukha ng binatang taga kanluran. Muli ko siyang nilingon at nakangiti lamang siya. Marahan siyang naglakad patungo sa kinatatayuan ko.
"I'm sorry. I was just so thirsty. I've been here for ages," saad ni Steve. Kinakamot pa niya ang kanyang ulo at hindi ako matignan nang maayos dahil sa hiya.
"Are you a famous person?" tanong ko. Pinagmasdan ko siyang mabuti lalo na ang malalim na dimple sa kanan niyang pisngi. Marahan niyang inangat ang kanyang ulo at ako ay nginitian. Nanatiling selyado ang kanyang bibig habang maigi ko siyang tinititigan. "You really look familiar."
"Are you going to the top?" pag-iwas niya sa tanong ko. Humakbang siya kaunti at nasa tatlong metro na ang layo niya sa akin patungo sa pupuntahan ko. "I could take you there. I know this place by heart."
***
Nagpatuloy kami sa pag-akyat sa bundok. May mga sandaling nasa unahan ko siya at panay ang kuwento tungkol sa buhay niya bilang sundalo mula sa Amerika. Binabagalan niya minsan upang makasabay ako.
"Are you here now as an American tourist?" usisa ko.
"Kind of. I've been based here for as long as I can remember."
Nasaunahan ko pa rin siya habang umaakyat. Hindi maalis ang aking mga mata sa matipuno niyang balikat. Ang pamilyar niyang tindig at ang mga kilos niyang hindi ko maalala kung saan ko unang nakita.
"How long 'till we reach the summit?" tanong ko. Ang mga paa ko ay nagsimula nang mangawit. Samantalang tila walang kapaguran si Steve na umaawit pa habang naglalakad.
"Were almost there," natatawa niyang sagot.
"You've been saying that for two hours!" bulalas ko. Bumibigat na naman ang mga yapak ko dahil sa galit.
Tanging mga mahinang tawa lamang ang kanyang isinukli hanggang marating namin ang bahagi ng bundok kung saan kailangan naming umakyat sa matatarik na bato. Pareho kaming napatingala sa rutang tila naharangan ng malaking pader na gawa sa matigas na lupa at may mga nakausling bato.
"Have you tried wall climbing?" tanong ni Steve. Nakapamewang pa siya habang tinitingala ang harang na halos sampung talampakat ang taas.
"Kind of," pagyayabang ko. Nakakunot lamang ang aking noo habang nag-iisip ng paraan kung paano ang gagawing kong diskarte sa pag-akyat.
"Give me your bag," yaya niya. Nakangiti siyang muli sa akin habang hinihila ang mga dala ko. "The summit is just right on top."
"I'm good," pagtanggi ko. Lalo kong hinigpitan ang aking dala. "You go first."
Maliksing pumanik si Steve sa mga bato. Tila lumulutang siya sa hangin kahit mukhang mabigat ang mga botang kanyang suot. Ilang sandali pa ay nasa tuktok na siya at nakayuko sa akin.
"Come on!" Dumapa siya upang maiabot sa akin ang kanyang kamay. "Come on, Dalia!"
Dalia?
Kusang gumalaw ang katawan ko. Ang kaliwa kong paa ay tumapak sa unang bato patungo sa kasunod. Ang kanan kong kamay ay inabot ang kanya. Muling nagdaupan ang aming mga palad. Ang mauugat niyang braso. Ang magaspang niyang kamay. Nakangiti lamang siya sa akin habang hinihila niya ako pataas.
Ang mata ko ay kusang lumuha habang unti-unti akong nalulunod sa mga ala-alang rumaragasa sa aking isip.
Ala-ala ng binatang minsang kong minahal. Ala-ala ng dati kong buhay.
***
Pareho na kaming nakaupo sa tuktok ng bundok. Hindi maalis ang titig ko sa kanya habang patuloy siya sa pagngiti sa langit.
"Finally, you got reincarnated. This time as a man," saad ni Steve. Nakadantay siya sa kanyang mga kamay samantalang yakap ko naman ang aking mga tuhod. "So, do you remember me now?"
Marahan akong tumango. Umaapaw sa tuwa ang aking puso dahil tila napupuno ko na ang puwang na matagal ko nang nararamdaman.
Ngayon ko na lamang naunawaan kung ang mga kuwento ni lolo dati na mula nang matuto akong tumakbo, panay ang takas ko sa bahay upang magtungo sa bundok na ito. Siyang dahilan kung bakit niya tinaasana ng aming bakod. May mga salita raw ako noon na laging binabanggit na hindi normal para sa isang bata.
Noon nila natuklasan na pangalawang buhay ko na nga ito.
Patuloy lamang ako sa pagluha habang inaalala ko ang kuwento ni lolo. Kuwento ito tungkol sa sundalong Amerikano na minsang naging kasintahan ng kanyang Ate Dalia. Ang babaeng nasa larawan sa kuwarto. Pumanaw ang kasintahan nito noong panahon ng Hapon habang nakikipagdigma sa bundok na siyang aming tinutungtungan ngayon.
"I'm sorry, I never got to say my goodbyes in 1941," ani ni Steve. Malungkot na siyang nakatitig sa akin. Ang kanyang kaliwang kamay ay marahang inabot ang kamay kong nanginginig na sa lungkot. "So, did you have a happy life?"
Marahan akong tumango. Ginunita ko ang buhay ng dalagang alipin noong panahon ng Hapon. Isang dalagang matagal na nakakulong bago iniligtas ng binatang Amerikano. Isang dalagang nagngangalang Dalia na may kasintahan Steve.
"So, will you tell me your name now?" usisa niya.
"Alpas," malambing kong bigkas. Pinilit ko siyang nginitian. "It's a Filipino word. It means, to become free."
"That's a beautiful name," saad niya. Huminga siya nang malalim. Pinuno niya ang kanyang baga ng malamig na hangin.
"Why did you have to wait for me?" usisa ko sa kanya. Marahang nang umaangat ang makapal na hamog dahil nagsisimula nang lumitaw ang bukang-liwayway. "We could have returned in this world at the same time."
Itinaas niya ang kanyang kamay patungo sa pisngi kong nababalot ng lumbay. Pinagdikit niya ang aming mga noo. Unti-unting nang nababalot ang kanyang katawan ng liwanag.
"Dalia, I tried," pagtatapat niya. May halong lungkot sa kanyang tono habang binabanggit ang dati kong pangalan. "But not seeing you again was the thing that has been holding me back."
Pinadaan niya ang kanyang kamay sa likod ng aking tainga. Gaya ito ng madalas niyang gawin sa akin noon. Marahan niyang inangat ang aking mukha. Sa muling pagkakataon ay dumampi ang kanyang mga labi sa akin. Mga labing kasing lambot ng mga talulot ng bulaklak.
"Steve," pagnanangis ko. Tinitigan ko siyang mabuti habang unti-unti siyang naglalaho.
"On our next life, let's meet here again," yaya niya.
Pinukaw ng kanyang ngiti ang lumbay na matagal nang nakabinbin sa aking puso.
"I love you, Dalia," saad niya bago tuluyang naglaho.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top