Kabanata 4 - First Day
Kabanata 4
First Day
THE SUN IS rising as I woke up, kahit inaantok pa ay bumangon na ako at naghanda para sa pagpasok.
Mukhang masasagad na naman ang katawan ko nito, sabagay, hindi pa ba ako nasanay. Parang mas magaan nga ang magiging trabaho ko ngayon kaysa maging waitress.
Nagsaing na din ako at nagprito na lang ng hotdog at bacon, ang madalas kong ihanda sa umaga. Matapos ang lahat ay plantsadong-plantsado ang uniporme kong nagtungo sa eskuwelahan.
"Sa wakas pumasok na din ang alibughang estudyante!" pumapalakpak pang salubong sa akin ni Rose pagpasok ko ng classroom.
"Kamusta ka?" bungad ko dito at saka tumabi sa kanyang upuan. Sa unahan ang napili nitong puwesto sa araw na 'to. Dito kasi sa aming eskuwelahan ay may kalayaan kang mamili kung saan mo gustong maupo, walang may ari ng bawat upuan. First come, first serve.
"Eto, imbyernang-imbyerna sa accounting, pagod na pagod na ang utak ko sa pagbabalanse ng mga numero, jusko! Miyerkules pa lang ng linggo ay pagod na ako." eksaherado nitong kwento habang sapo sapo ang noo.
Kinurot ko naman siya sa tagiliran dahil masyado niyang nakukuha ang atensyon ng mga kaklase namin, isa sa mga pinakaayaw kong nakukuha. Depende nalang sa sitwasyon.
"Anong oras pasok mo? Buti pinayagan ka ng night shift? Kung hindi ay makiki-sit in ka na naman sa ibang klase." iritado ko itong tinignan. Hindi ba muna niya ako hahayaang magsalita? Lintik sa kadaldalan ang babaeng 'to.
"Ang dami mong tanong, hindi ko alam kung anong uunahin ko. Nasaan ang mga lecture?"
"Ay wow madam! Eto na sandali, paste mo nalang sa filler notebook mo! Pasalamat ka may kaibigan kang gaya ko." daldal pa nito at saka hinagilap ang hinihingi ko.
Tinignan ko ang oras at masyado pa namang maaga para sa alas-siyete naming klase kaya napagdesisyonan kong ayain nalang si Rose sa canteen.
"Set C sa akin, gutom ako." demand pa nito. Nagugulat ko naman siyang tinignan.
"Hayop sa order ah? Nag-almusal ka ba?"
"Wag ka na magreklamo, sabi mo lilibre mo ako." naiiling ko na lang itong tinanguan at saka umorder na.
Bottled water at cheese burger lang ang inorder ko, sasakit yata ang bulsa ko sa babaeng 'to. Sana pala ay ako nalang naglecture, kaso wala naman akong oras. Pagtapos ng klase ay diretso trabaho na ako tutal ay alas singko ang uwian at alas sais naman ang pasok ko doon.
Mabilis naman natapos ang araw, madalas ay active naman ako sa klase at paminsan-minsang sumasagot sa recitation. Kailangan kong mag-aral mabuti, hindi pwede sa akin ang basta basta lang makatapos.
Payapa at mabilis din ang byahe ko pauwi ng bahay, siguro ay Miyerkules ngayon kaya hindi gaanong hassle. Pagkauwi ay hindi ko malaman ang aking susuotin, nakalimutan ko pang kuhanin ang uniform na dapat ay ibinigay nila agad sa akin.
Tuloy ay napagpasiyahan kong magsuot na lamang ng fitted na maong na pantalon at isang pormal na blouse. Nakangiti si Mara ng salubungin ako sa tanggapan ng kompanya.
"Goodmorning Hannah! Goodluck sa first day!" magiliw na bati nito at saka iniabot sa akin ang nakaplastik kong uniporme. Nginitian ko lang siya pabalik. Naglakad naman ito kaya sinundan ko.
"Magbihis ka muna, sasamahan kita sa maintenance room para alam mo na ang mga lugar kung saan mo makikita ang mga gamit." mabait na utos nito na siya namang sinunod ko.
Hindi ko alam kung sadyang maliit lang ba ang polo shirt na ibinigay sa akin o ganito talaga ang mga sukat ng uniporme nila. Nang titigan ko ang aking sarili ay hapit na hapit ang aking damit dahilan para maipit ang aking dibdib at mas magmukha itong malaki.
Sakto naman ang slacks na ibinigay, siguro ay natural itong maluwag para komportable akong makagalaw. Mabuti na lamang ay maayos naman ang pakikisama nila sa pagtanggap sa mga gaya ko dito. Ang mahaba kong buhok ay itinali ko nalang ng mas mataas kaysa sa madalas kong paglugay dito.
Paglabas ko ng banyo ay naroon si Mara, bakas parin ang ngiti sa kanyang labi. Kung paano niya 'yon nagagawa ay hindi ko alam.
Itinuro niya sa akin ang locker room na halos katabi lamang ng banyo kaya doon ko inilagay ang aking mga gamit. Mabilis din naming narating ang maintenance room na nasa first floor lang din kaya sumakay na kami sa elevator patungko sa 10th floor.
Hindi na masama ang apat na oras na trabaho dito, wala mang idea sa halaga ng ibabayad sa akin ay tinuloy ko na lang. Sa araw ng sahod ay ipapaliwanag naman siguro ito sa akin.
"Dito lang ang floor na lilinisin mo, nandyan man o wala si Sir, maglilinis ka. Ayaw niya kasi ng madumi." paalala nito sa akin saka iminuwestra ang pintuan ng opisina.
Lahat naman ay ayaw ng madumi, bakit kailangan pa niya 'yong sabihin. Masyadong aksayado sa oras, gusto ko na magsimulang magtrabaho.
Pagpasok ko ay sumunod din naman siya.
"Sa ngayon ay wala siya, may pinuntahan siyang meeting. Kaya mas magandang umpisahan mo na ang maglinis, mula sa banyo hanggang sa bawat sulok ng opisina na 'to," turo niya pa, pulos tango naman ang isinasagot ko.
"Huwag ka mahiya sa akin Hannah, pare-pareho lang naman tayong empleyado dito. Napansin kong masyado kang tahimik." pamumuna niya sa akin. Nag-angat ako ng tingin para salubungin ang sa kanya.
"Wala naman akong sasabihin." napaawang ang labi niya sa sagot ko at saka hindi makapaniwalang natawa.
"Sige sige, maiwan na kita." naiiling nitong sabi at saka lumabas na ng opisina.
Inilibot ko ang aking paningin sa buong opisina, malaki rin pala talaga kaya halos sakupin ang buong 10th floor. Ano kaya ang uunahin ko dito? Ang table niya? Mga book shelves? O ang sofa? Pwede rin ang banyo.
Pinagmasdan ko nalang ang picture frame na nasa kanyang table, si Sir Vince ito, nakablack suite at pormal na pormal ang itsura. Mukha siyang isang mayaman at gwapong bachelor.
Gwapo nga, arogante at mayabang naman. Wala rin. Sayang naman. Isinantabi ko nalang ang naisip at saka nagsimula ng maglinis.
Kasalukuyan akong naglilinis sa banyo ng mga oras na yon nang may nagmamadaling pumasok hawak ang zipper ng kanyang pantalon.
Napatayo ako agad at halos mapatalon ng marealize kong si Sir Vince ito. Kunot ang kanyang noo habang nakatingin sa akin.
"Ano pang ginagawa mo? Alis! Naiihi ako." masungit na pagpapaalis nito sa akin. Saglit pa akong natulala bago nahimasmasan, nakailang kurap pa ako bago nilakad ang pinto palabas. Ngayon ko lang napansin na may kalakihan ang banyo ng opisina na 'to.
"Sorr—" naputol ang paghingi ko ng paumanhin. Bastos at walang modo!
"Bilis na! Parang naglalakad sa buwan!" singhal nito bago pa ako makalabas sa banyo.
Mabilis ang hininga ko at ramdam ko ang pagkalabog ng aking dibdib ng sumandal ako sa pader. Hindi manlang kasi kumakatok.
Ramdam ko rin ang pag-init ng aking pisngi. Damn that torso, very manly.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top