8
Lumipas ang ilang buwan na patuloy akong pumupunta sa bahay nina San Agustin para itutor siya. Nagiging aso’t pusa na kami dahil palaging magkasalungat ang lahat ng gusto namin.
Naalala ko dahil pinilit ko siyang tapusin muna ang pinapasagutang activity pero mas pinili niyang maglaro ng video games. Kaya nabato ko siya ng notebook sa mukha.
Noong nakaarang sabado naman, nilagyan niya ng suka ang tinimplang juice. Naibuga ko nang mainom ko ‘yong juice na may suka dahilan para mabasa ang mga libro at papel sa lamesa.
Ilang suntok at sapak ang natamo niya sa’kin dahil sa inis ko. Hindi lang pala inis, galit. Nakakagalit kahit pagmumukha pa lang.
Napatingin ako kay Nanay na masayang nakangiti habang hinihintay na matawag ang pangalan ko. Naging top 1 ako ng buong grade 8.
“Lezelle Noble Qalawacan, First Honor, Perfect Attendace, Best in English Awardee, Best in Mathematics Awardee, and Best in Sciense Awardee,” anunsiyo ng Principal. Nagpalakpakan ang mga tao habang hawak-hawak ni Nanay ang kamay ko paakyat sa taas ng stage.
Nakangiting tinanggap ni Nanay ang mga medalya bago niya isinuot sa’kin. Kinuhanan kami ng litrato bago kami bumaba.
Nagsalubong ang kilay ko nang makitang nakaabang si San Agustin sa baba. Nawala ang salubong ng kilay ko nang makita ang bitbit niyang supot ng mga pagkain.
Kung ano-anong binibili niya, napaka-gastador talaga.
Hindi na naman nila kailangan pumunta rito ngayon sa school dahil iyong may mga honor at award lang ang inobligang pumunta, saka lahat ng ga-graduate ng senior high at ng Grade 10 completion.
Ngingisi-ngisi siyang nag-abang hanggang tumapat kami sa kaniya. Nagmano siya kaagad kay Nanay.
“Kaawaan ka ng Diyos,” sambit ni Nanay.
Kilala na siya nina Lyka, Nanay at Tatay dahil ilang beses niya na akong hinahatid hanggang sa bahay namin. Tumambay pa nga siya noong isang araw dahil niyaya siya ng ilang kalalakihan sa pook namin na maglaro ng basketball sa ginawa nilang court.
Pero, nakakagigil, nakakabanas, nakakairita pa rin ang mukha niya. Lalo na kapag nakangisi.
Napa-ingos ako nang tumingin siya sa’kin. Nakakalokong ngiti at kindat ang pinakita niya sa’kin kaya umirap ako sa kaniya.
“Bumili ako ng pansit, pangpahaba ng paa,” nang-aasar niyang aniya habang ibinibigay sa’kin ang dalawang supot.
Palihim ko siyang sininghalan dahil kapag nakita ni Nanay na tinatarayan ko si San Agustin ay ako ang makakatanggap ng kurot sa singit. Pinagtawanan pa ‘ko ni San Agustin nung masaksihan niya ‘yon.
“Kapag nagka-honor ka next year, bibigyan kita ng makapal na libro,” nakangiti ako ng peke sa kaniya.
Tinaasan niya ‘ko ng kilay. Ni hindi ko napansin na wala na pala sa tabi ko si Nanay. Abala na siyang makipag-usap kina Aling Rose na um-attend ng graduation ni ate Rosalyn.
“Libro para maging matalino ako?” tumataas-baba ang kilay niya habang nakangisi.
“P’wede mo naman na ipukpok sa ulo mo. Depende ‘yan sa trip mo sa buhay,” kibit balikat kong sagot.
Mabilis siyang sumimangot bago mahinang sinuntok ang braso ko. Hindi naman masakit. Pero kung ako ang susuntok sa kaniya, bigay ang buo kong lakas.
Sa loob ng ilang buwan kong pagtutor sa kaniya, naging malapit na rin ako sa dalawa niyang matalik na kaibigan. Si Roy at Mak. Katulad ni San Agustin, hilig din nilang buwesitin ang buo kong oras sa school kapag break time.
Araw-araw na ‘kong nakakabili ng pagkain kapag breaktime dahil malaki-laki na rin ang naiipon ko mula sa pagtitinda kay Aling Lolita tuwing hapon, pagtutor kay San Agustin tuwing Sabado at paglalako ng puto’t kutsinta tuwing Linggo sa tapat ng simbahan at palengke.
Medyo malakas din ang labada ni Nanay habang si Tatay naman, maayos din ang kinikita.
Natanaw ko sina Roy at Mak na magka-akbay na naglalakad palapit sa direksyon namin. Napabuntong hininga ako nang makita ko ang mga ngisi sa mukha nila.
Hindi ko masasabing magkakaibigan na kami pero kahit paano’y alam kong napalapit na ako sa kanila. Iyon nga lang, mas nagingibabaw talaga ang pagkainis ko tuwing magsasama-sama silang tatlo.
Mabilis na hinawakan ni Roy ang mga medalya na nakasabit sa leeg ko. Hindi pa siya nakuntento, dahil inalis niya ‘yon sa’kin para siya ang magsuot.
Hindi rin nagpahuli si Mak dahil kinagat-kagat niya ang ilang medalya. Tipid akong napailing dahil sa lalakas ng boses nila.
“Ginto ba ‘to?” untag ni Mak habang patuloy na kinakagat-kagat ang isang medalya.
“Pangarap mo bang maging gold collector in the future, Mak? Gusto mo ibaon na kita agad ngayon sa lupa para madami kang makolekta?” isang tipid at peke na ngiti ang binigay ko sa kaniya. Tatawa-tawa niyang binitawan ang medalya.
Tiningnan ko ng masama si Roy. Walang sali-salita niyang binalik sa pagkakasabit ang medalya sa leeg ko. Ang dalawang ‘to, nadadaan ko sa tingin at banta pero itong si San Agustin, huwag niyo na lang alamin.
Dalawang buwan ang bakasyon namin. Sinabi ni San Agustin na hindi muna siya magpapatutor dahil pupunta daw sila sa Isabela para dalawin ang mga kamag-anak doon.
Nalulungkot ako hindi dahil aalis siya, kun’di dahil wala akong kikitain. Sayang ‘yong 250 pesos tuwing sabado. Pero, ‘di bale, maglalako na lang ako ng puto’t kutsinta araw-araw.
Nagsarado na rin kasi ang mini-store ni Aling Lolita kaya dalawang pinagkikitaan ko ang nawala ngayong bakasyon.
Naglibot-libot ako sa palengke habang sinusubukang alukin ang mga nakakasalubong na tao. Pasaodo alas-tres na ng hapon naubos ang paninda ko. Saglit akong nagmeryenda ng fishball at kikiam bago umuwi.
Binilhan ko si Lyka ng paborito niyang kwek-kwek. Habang isang maliit na chuckie naman ang para kay baby Lianne.
Silang dalawa ang naabutan ko sa bahay dahil kapwa nasa trabaho sina Nanay at Tatay. Pagkatapos kong maibigay ang pasalubong ay dumeritso na ako sa kwarto para magbihis.
Nang makapagbihis ay muli akong lumabas. Balak ko sanang maglinis sandali bago matulog pero mukhang tapos na lahat ni Lyka. Tapos na ang mga hugasin, malinis na rin ang sahig at nakatupi na ang mga damit na nilabhan.
Napangiti ako bago bumalik sa kwarto. Isang malalim na buntong hininga ang ginawa ko bago bahagyang nag-inat ng kamay.
Habang nakahiga, biglang pumasok sa isip ko ang mga pang-aasar ni San Agustin. Ang bawat mahina niyang suntok sa balikat ko. Ang nakakaloko niyang mukha. Masaya akong hindi ko siya makikita ng dalawang buwan.
Ibig sabihin dalawang buwan din akong magtitinda lang ng puto’t kutsinta at hindi makikita ang pagmumukha niya. Masaya akong tumagilid pahiga.
Hanggang sa hilahin na akong antok at pagod sa pagtulog.
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top