7
Mabilis na pumalibot ang paningin ko sa loob ng bahay nila. Maganda ang bahay ni San Agustin. Makaluma na may halong moderno. Pero nakakapagtaka dahil parang kaming dalawa lang ang nandito ngayon.
“Bakit ka ba lingon nang lingon? Dati ka bang manok, ha?” napatingin ako sa iritang mukha ni San Agustin. Napaismir ako dahil ang bilis-bilis magbago ng mood niya.
“Ano bang problema mo? Tinitingnan ko lang naman ang loob ng bahay niyo,” sagot ko. Inalis ko ang tingin sa kaniya para buklatin ang pahina ng libro.
Naghahanap ako ng pwedeng ipasagot sa kaniya. Kakatapos ko lang ituro kong paano kuhanin ang value ng X and Y. Gusto kong malaman kung nakuha niya ba.
Badtrip yata ‘tong isang ‘to dahil hindi nasunod ang gusto niya. Paano ba naman kasi, gusto munang manuod ng pelikula bago mag-aral. Nagtimpi lang akong hindi siya batuhin sa mukha ng puto kanina e.
Ibibigay ko na sana sa kaniya ang nakita kong activity kaso biglang tumunog ang doorbell. Napansin ko ang biglang pagliwanag ng mukha niya. Sigurado na akong bilopar ang Davido na ‘to.
Tipid akong napailing nang makaalis siya. Tumayo ako para magtingin-tingin sa sala nila. Hanggang sa tumapat ako sa isang maliit na table kung saan nakalagay ang mga picture frame ng pamilya niya.
Mukha silang perpektong pamilya. Kitang-kita kung gaano sila kasaya sa mga ngiti nila sa litrato. Tipid akong napangiti hanggang sa dumako ang tingin ko sa solo picture ni Davido.
Mahina akong natawa dahil sa litrato niya. Litrato niya noong sanggol pa lang, ang picture ay naka-anggulo sa paanan niya. Wala siyang saplot. Napailing-iling ako bago tumingin sa iba pang litrato.
Napalingon ako nang marinig ang patakbo niyang yabag. Kumunot ang noo ko sa bitbit niyang dalawang box ng pizza. Ngiting-ngiti si San Agustin habang inaalis ang mga notebook, libro, at ballpen sa taas ng mesa. Nilapag niya roon ang box ng pizza.
Naglakad ako palapit sa kaniya.
“Kaya mong ubusin ‘yan?” hindi ko mapigilang tanong.
Narinig ko ang pag-ingos niya bago ako tiningala. Sa lapag kasi kami nakaupo dahil mas komportable para sa’kin. Ginaya niya lang ako.
“Tig-isa tayo rito,” mahina niyang singhal saka niya binuksan ang pizza.
Napamaang ako at napatingin sa kaniya. Abala siya sa paglalagay ng hot sauce sa isang slice ng pizza. Teka, tama ba ang narinig ko? Para sa’kin ‘yong isa?
“Sa’kin ‘yong isa? Hindi ko kayang ubusin ‘yan,” saad ko. Puno ang bibig niyang tumingin sa’kin.
“P’wede mong dalhin sa inyo, bigyan mo ‘yong anak mo,” aniya kasabay ng pagkibit ng balikat.
Tumaas ang gilid ng labi ko at bahagyang kumunot ang noo. Tuluyan akong umupo sa tabi niya.
“May anak ako?” nagtataka ko ring tanong.
Tumango siya habang ngumunguya.
“Oo, ‘yong pina-check mo last month?” Nakakadiri. Nagsasalita siya habang puno ang bibig.
“San Agustin, pinapaalala ko lang, fourteen years old pa lang ako. Walang nobyo, at wala sa plano ko ang maagang mabuntis,”
“Ano naman kung katorse ka lang? Siguradong nireregla ka na kaya p’wede ka ng mabuntis saka kahit wala kang boyfriend, p’wede kang mabuntis kung makikipag-ano ka. At saka ano? Wala sa plano mo ang maagang mabuntis? Eh kapag gabi? P’wede?” mahaba niyang litanya.
Kumain na rin ako ng pizza pero nang marinig ko ang sinabi niya ay hindi ko napigilang sapukin ang likod ng ulo niya. Ang nginunguya niyang pagkain ay bigla niyang nailuwa dahil sa ginawa ko.
Umuubo-ubo siyang tumingin ng masama sa’kin. Umamba siya na susuntukin ako kaya mabilis akong napapikit.
Kinabahan kaagad ako. Napamulat lang ako nang marinig ko ang mahina niyang halakhak.
“Kung ‘di ka lang magaling mag-tutor, sinipa na kita papuntang Mars eh, nakakagigil ka, Qalawacan,” sobrang peke ng ngiti niya.
Inirapan ko siya. Ilang beses siyang nang-asar, ilang beses din akong naasar. Hindi ko naubos ang pizza kaya iuuwi ko na lang para kina Nanay at Lyka. Minsan lang kami makatikim ng ganitong pagkain. Kapag sobrang nakakaluwag-luwag lang.
“Maglalakad na nga lang ako!” naiinis kong saad kay San Agustin na gusto pa akong hinatid gamit ang motor niya.
Hanggang sa matapos ang lecture ay hindi ko nakita ang magulang niya. Medyo dumidilim na rin pero okay lang, hindi naman ako takot sa dilim, sa tao pa, p’wede.
“Mas makakatipid ka kung magpapahatid ka, Mare kaysa naman mamasahe ka pa!” buwelta niya. Pinapaikot-ikot ang mga susi sa kaniyang daliri.
“Huwag ka nga makulit, nakakapikon ka na ah,” sagot ko.
“Aba ako pa? Ikaw ‘tong nakakagigil, eh,” sagot niya rin. Hindi talaga nagpapatalo sa salitaan. Nakaka-stress siya.
“Bumalik ka na sa loob. Kaya ko namang umuwi mag-isa. Pumunta ako ritong mag-isa, kaya uuwi ako ng ako lang,” gigil kong sambit.
“Napakaarte mo talaga. Bahala ka nga, may gumagalang mababangis na aso rito. Bilisan mo na lang tumakbo kapag nakakita ka,” tamad niyang sabi bago ako tinalikuran.
Napaingos ako. Nanakot pa. Tingin niya ba sa’kin uto-uto? Lukot ang mukha ko habang naglalakad sa gilid ng kalsada.
Malayo-layo na ang nalalakad ko mula sa bahay nina San Agustin. Bigla akong napatigil sa paglalakad nang matanaw ang ilang aso sa malayo. Bigla akong nakaramdam ng kaba sa dibdib.
Ibig sabihin, totoo ‘yong sinabi ni San Agustin kanina?
Hindi ako mabilis tumakbo lalo na’t may dala-dala akong bilao at box ng pizza. Hindi ko malaman kung ihahakbang ko ba paabante ang paa ko o paatras.
Sa huli, nanatili ang paa ko sa kinatatayuan. Naglalakad paikot-ikot ang mga aso. Hindi sila umaalis sa gitna ng daan. Ilang beses akong humiling na sana may dumaang sasakyan.
Tumaas ang pag-asa sa dibdib ko nang makarinig ng tunog ng isang sasakyan. Mabilis akong lumingon. Hindi ko maaninag ang mukha ng driver ng motor dahil ang liwanag ng ilaw mula sa sasakyan niya.
Tinakpan ko ang mata ko hanggang sa tumigil iyon sa tapat ko. Bahagya akong nagulat dahil si San Agustin pala.
“Sasakay ka o magpapalapa sa mga aso?” kahit natatakpan ng helmet ang mukha niya, alam kong may ngisi ang mukha niya ngayon.
Kinuha ko ang nakasabit na helmet sa motor niya. Mahina siyang natawa habang hinihintay akong makasuot ng helmet. Nilapag ko muna ang ang bilao at pizza sa likod ng motor bago inayos ang helmet sa ulo ko.
Bumuntong hininga muna ako bago sumakay sa motor. Humawak ako sa likod nang maalala ko kung gaano siya kabilis magpatakbo noong nakaraan.
“Sa balikat ka humawak,” narinig kong sabi niya.
Napatingin ako sa balikat niya. Padabog kong hinawakan ang balikat niya.
“Road to heaven na!” sigaw niya at biglang pinatakbo ang motor. Humigpit ang hawak ko sa balikat niya at napapikit nang mariin.
“AHHHH!”
“HAHAHAHA!”
“BAGALAN MO!”
“MABAGAL NA ‘TO!”
“SAN AGUSTIN!”
“QALAWACAN!”
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top