6


Maaga akong gumising. Inunahan ko na sina Nanay at Tatay. Ginawa ko na ang lahat ng mga ginagawa nila tuwing umaga, nagsaing, nag-init ng tubig, nag-igib sa poso ng tubig sa banyo.

Natapos ako at sakto rin na nagising si Tatay. Pupungas-pungas pa ang mata niya at medyo nagulat dahil mas nauna pa akong nagising sa kaniya. Saglit kong iniwan ang iniinom na kape para timplahan siya.

“Ang aga mo naman magising, Lezelle. May pupuntahan ka ba?” tanong niya. Naghilamos siya ng mukha bago uminom ng tubig.

Tumango ako habang hinahalo ang tinimplang kape.

“Oo, ‘Tay. Maglalako ako ngayong umaga tapos mamaya  pupunta ako sa kabilang barangay,” sagot ko. Tipid akong ngumiti sa kaniya saka inabot ang tasa.

Tinanggap niya iyon at humigop.
“Anong gagawin mo sa kabilang barangay?” nagtataka niyang tanong.

Bumalik ako sa pagkakapupo sa kahoy naming upuan para humigop sa kape ko. Katapat ko si Tatay sa lamesa.

“Nagpapatutor po kasi iyong school mate ko. Dagdag kita na rin,” sagot ko.

Tumango siya pagkatapos ay wala ng sinabi. Bumuntong hininga ako saka ko inubos ang kape. Nang maubos ay saka ko inasikaso ang paninda ko para mamaya.

“Aba, ang aga ng mag-amang gumising ah?” puna ni Nanay nang makita kami ni Tatay na abala na sa mga gagamitin.

Tiningnan ko siya. Ang gulo ng buhok niya,  suot niya ang isang malaking t-shirt na kupas at may ilang punit. Tumayo akong muli para ipagtimpla siya ng kape.

“Ang swerte ko talaga sa panganay ko,” malambing niyang sabi bago ako hinalikan sa sintido.

Bahagya akong napangiwi nang muli niyang haliakan ang sintido ko. Naiilang ako pero hinayaan ko na lang siya. Ganito talaga si Nanay, malambing. Pero walang nagmana sa malambing niyang ugali. Sa aming tatlong magkakapatid, lahat ay nagmana kay Tatay na hindi nagpapakita ng emosyon sa katawan.

Si Lyka siguro, kalahating malambing, kalahating hindi. Napangiti ako sa naisip ko. Minsan na rin akong nilambing ni Lyka, siguro mga isang beses sa isang taon, o kaya kapag hihingi ng pera at kapag binigyan ng pera.

Dumeritso ako sa palengke para magtinda ng mga puto’t kutsinta. Naglibot-libot ako para mas madaling maubos ang tinitinda ko. Kapag tanghali ko pa mauubos ‘tong paninda baka sumakay ako ng jeep para hindi malate sa usapan namin. Pero kapag naubos ‘to ng maaga, lalakarin ko na lang.

“Ate, puto at kutsinta po! Masarap po ‘to!” minsan ay hinahabol ko pa ang ilang tao na naglalakad. Ang iba ay bumibili pero ang iba ay dire-diretso lang.

Ilang oras na akong naglalakad kaya nilapitan ko ang isang tindera ng mga isda.

“Anong oras na po kaya?” magalang kong tanong. Tiningnan niya ang android niyang cellphone.

“Alas-once ng umaga, ineng,”

Tipid akong ngumiti at tumango sa kaniya.

“Salamat po,”

Napatingin ako sa bilaong dala. Mayroon pang natitirang paninda. Napabuntong hininga ako bago ko hinarangan ang sinag ng araw na tumatama sa mukha at ulo ko.

Ang init na rin. Masakit na sa balat.

Hindi na ako umuwi. Dumeritso ako sa daan papunta sa bahay nina San Agustin. Alam ko kung saan siya nakatira dahil minsan na akong napadaan sa kanila noong naglalako ako ng mga gulay.

Nilakad ko na lang. Nanghihinayang ako sa pamasahe. Kaya ko naman lakarin kaya bakit pa gagastos?

Pawisan ako nang matanaw ko siya sa isang tindahan. Nakasuot ng puting t-shirt at green na jersey short. May tangan-tangan siyang softdrinks na nakaplastic.

Hindi niya ‘ko napansin hanggang sa makalapit na ako sa kaniya. Mahina kong hinampas ang balikat niya. Mabibigat ang bawat paghinga ko dala ng pagod. Pawisan rin ang buo kong mukha.

Nang humarap siya sa’kin ay muntik niya nang maibuga ang iniinom sa mukha ko. Maagap kong tinakpan ang bibig niya kaya umubo siya nang umubo.

Inalis niya ang kamay ko saka hinampas-hampas ang dibdib niya.

“Sorry, nagulat lang ako sa mukha mo,” aniya sa gitna ng mga ubo. Tumaas ang isa kong kilay dahil sa sinabi niya.

Pawisan lang ako pero alam kong hindi pa ako gano’n kapangit. Sana kayanin ko ang pagtitimpi sa kaniya. Wala pa nga, nakakaasar na.

Bumaba ang tingin niya sa dala-dala kong bilao.

“Ano ‘yan?” taka niyang untag.

Napa-tsked ako. Bulag ba siya?

“Puto saka kutsinta,” maiksi kong sagot.

“Bakit ka may dala-dala niyan?” kunot-noo niya pang tanong.

Kumunot na rin ang noo ko.

“Props ko lang, bakit?”  pilosopo kong sagot.

Pero imbis na mainis ay ngumisi siya ng nakakaloko sa’kin. Tinuro-turo niya pa ang mukha ko habang tumataas-baba ang kilay.

“Ikaw ah? Philosopher ka na pala ngayon,” pang-aasar niya.

“Salamat. P’wede na bang magsimula? Para makauwi ako ng maaga,” reklamo ko.

Ngumuso siya. “Paano ka makakauwi ng maaga, eh alas dose na ng hapon oh?” pinakita niya ang relos sa pulso. Sa sobrang lapit sa mata ko ay napahakbang ako paatras.

Kung hindi lang ako kikita ng 250 sa kaniya, lalayasan ko ‘to eh. Kaasar na.

“P’wede ba? Magseryoso ka nga!” naiinis na talaga ako.

“Yown, naiinis ka na ba? First time kong makita kang naiinis, Mare!” mukha pang tuwang-tuwa na nakikita niya akong naiinis.

Nagpakawala ako ng isang malalim na buntong hininga. Kinalma ko ang sarili bago nagsalita.

“Davido, magsimula na tayo para marami kang matutunan,” peke akong ngumiti sa kaniya.

Balewala siyang uminom ng hawak-hawak niyang softdrink.

“Gusto mo bang kumain muna? May malapit na karinderya rito eh. Hindi p’wede sa bahay, walang pagkain do’n,” nakangiti niyang saad.

Dahil sa sinabi niya ay naramdaman ko ang pagkalam ng sikmura ko. Ngayon ko lang naramdaman ang gutom. Kung hindi pa binaggit na San Agustin na ‘to.

“Mura lang ba ro’n?” tanong ko. Hindi malaki ang kinita ko ngayon. Baka mahal sa kakainan namin, para maaga akong makatanggi.

“Ikakaltas ko sa sahod mo,”

“Ito na lang ang kakainin ko,” saad ko, tinutukoy ang mga puto’t kutsinta na dala.

Tumawa siya sa sinabi ko. Lintik na ‘to. Nakaakaasar na siya, sagad sa buto.

“Ano ka ba, Mare! Huwag kang killjoy! Ayaw mo bang makasama ako kumain?” tanong niya. Kinindatan pa ako.

Umingos ako.

“Bakit naman kita gustong makasama kumain? Mawawalan ako ng gana kapag mukha mo ang nakikita ko,” ismir kong sambit.

Humalakhak siya ng sobrang lakas. Sinapo niya ang tiyan dahil sa kakatawa niya. Umirap ako.

“Hindi ka lang pala philosopher, joker din!”

***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top